2 minute read
Jeepney Press: Kapatiran
Ni Loleng Ramos
Pipipipipit
Advertisement
Kumusta, Kapatid! Maganda ba gising mo kaninang umaga? Meron ka bang morning habit? Iyong pag gising mo yon na agad ang ginagawa mo, andyan ang meditation, yoga, morning prayer o iba pang nakagawian mo na gawin sa pag-umpisa mo muli sa panibagong araw sa ating buhay.
Ako merong bago, nadiskubre ko lang ng isang beses ng naisip ko pirasuhin ng maliliit ang natira kong tinapay at iwanan sa isang paso ng halaman sa gilid ng bintana. Ayun wala pang tanghali, naglaho na, kinain ng mga ibon. Pero noong tinutuka nila, may kasabay na chirping sound, siguro na-excite sila na may free meal silang nakita. Ano kaya at bilhan ko sila ng talagang pagkain nila, pupunta kaya sila palagi para maggawa ng ingay na iyon na masarap pakinggan? Simula na nga noon, paggising ko sa umaga, nilalagyan ko na sila ng bird seed. Sabi masama daw iyon gawin kase parang nawawalan sila ng sariling sikap na humanap ng kanilang
pagkain pero ang kain ng ibon sa maghapon ay katumbas ng mga ¼ ng bigat ng katawan nila kaya ang konti kong binibigay ay para lang easy snack. Kung nag-umpisa sila sa dalawang suzume, meron na ngayong sampu sila na 5:00am pa lang ay nag-uumpisa ng maghunihan, alarm clock ang dating!
Kapag inoobserbahan ko sila, naaaliw ako, ang ingay, nagtutukaan, minsan nag-aaway, minsan merong sinusubuan siguro nanay nila iyon. Sa umaga kapag naglalagay na ako ng bird feed, tumatanaw ako sa malayo kase ito daw ang isa sa best exercise sa mga mata. Naisip ko kung hindi ko naumpisahan gawin ito, hindi ko maaalala mag-exercise ng mata. Authentic nature sound ang alarm clock ko, free amusement pa ang panonood ko sa kanila. Syempre kapag kumakain sila, magpoo-poopoo din at sa paso na sumasalo nito ay umuusbong na ang mga dahon mula sa mga buto na inilabas naman nila. Nakakatuwa di ba, iyong konting binigay ko sa mga bulilit na ibon na ito ang dami nilang binalik sa akin.
Sa napakababaw din na pagpapakain ko sa kanila, ang dami kong napag-muni-muni. Ang mga ibon na ito, katulad pa ng iba pang hayup ay mas mababa sa mga tao, pero nabubuhay ang mga hayup sa mundo kahit sila-sila lang. Samantalang ang mga tao, ang pangangailangan sa hayup ay lubos-lubusan. Hindi ko maintindihan kung bakit nagagawa ng tao magmalupit sa isang hayup. Kapag tiningnan natin silang mabuti, makikita natin kung paano sila kapareho natin, marunong magmahal, magalit, malungkot, matakot at sa iba pang hindi mabilang na paraan. Ang kaibahan lang, hindi sila kailanman magmamalupit sa tao.
Bukas ng umaga maririnig ko sila muli, isang morning routine na sobra-sobra ang balik sa akin.