1 minute read
Para sa Wala
Richel Ann Abarico
Ayoko’ng mag-isa Pagod na ‘kong kausap ang isip Kaalitan, tagpuan ng lungkot sa gabi. Ayoko nang lunurin sa bugso ng damdamin. Sinubukan kong makisama, at ang ingay ay magiging kakampi. Subalit, bakit gano’n? Hinahanap ko na ang huni ng katahimikan, ang lambing ng hangin. Ang kausapin itong sarili’t masanay na tumingin sa kawalan— walang nakikinig, ni masasandalan o magpupunas man lang ng luhang dumadalaw bungad ng matinding lumbay. Ako nga’y parehong nagagalit at nagmamahal sa sarili. Minsan napagtanto ko, paano kaya kung masanay na ‘ko sa ganitong piling? Paano kung pati ang tiwala
Advertisement
ay tuluyan nang magbago’t maglaho, at ang nagbabagang apoy ay magiging abo. Gayunman, takot akong mag-isa. Takot ako dahil baka. . . Baka masanay akong mag-isa.