1 minute read
Salungguhit
John Ray Bantasan
Dahan-dahan kung puminta ng anino ang umaga sa siwang ng bintanang kinumutan ng lamig. Walang palya ang mga ulap sa pagpapa-alalang nagdadabog ang dibdib— walang pagnanais na umidlip.
Advertisement
Gising ang malay sa pira-pirasong sulyap ng ngiti na nakatarak sa diwa— hiwa-hiwalay, walang-patid. Kilo-kilometro ang abot ng isipang manhid na sa usisa ng hangin, sa pagdagsa ng mga tanong.
Nagpupumiglas ang mga salita mula sa bibig na boses mo lamang ang alam na tamang sagot.
Isilid mo ang iyong hininga sa aking mga palad at pagmasdan nating sabay kung paano tunawin ng dagat ang huling anyo ng araw. Nakalatay na sa mga litid ang badya ng gabi. Kambal mo ang buwan.
Takluban man ng blusang itim ang liwanag sa mga puwang, hindi mabubura ang dibuho ng iyong lawak— ng pambihirang tanghal ng mga labi. Pasyalan man ng hating-gabi ang ating mga daliri, maglalapat at maglalapat na muli.
Sapagkat ikaw ang alab sa kwadradong silid— ang ilaw, ang bulaklaking tinig. Ikaw ang salungguhit ng liwanag sa ilalim ng mapang-alipustang dilim.