1 minute read

Bulalakaw

Richel Ann Abarico

Sa bawat pitik ng iyong kinang ay may buhay na gustong manatili. Milyun-milyong distansya ang pumapagitna sa bawat kuwentong hindi kailan man pagsasawaan. Naging saksi ang iyong kutitap sa bawat pagbuhos ng luha at sa bawat kurba ng labi. Batid mo kung saan at paano ako mapapasaya. Sa bawat pagtingala’y pinupuri ko ang iyong ganda— bulalakaw sa tahimik na gabi, hinahanap ang munting sarili. Aliw ng bawat busilak ay naging dahilan ng pagbunyi. Sayang ‘di maikukubli, sayang ‘di mabibili. Sa bawat pagtiklop ng gabi, ikaw ang naging tagpuan, tagapakinig; naging dahilan ng paglaya. Kabiyak ka nitong pusong matagal nang tahanan ng pagkabalisa. Subalit sa bawat ngiti ng iyong ningning at bawat busilak ng iyong ganda sa dilim ay may pusong muli’t muli ay pumipitik— nais manatili.

Advertisement

Sa isang bulalakaw, kahilinga’y batid na matutupad; bukod kang saya’t aliwan ng isip at pagdamdam.

This article is from: