2 minute read
Nag-iisang Tiyak
22 | LITERARY Nag-iisang Tiyak
ni Cindy Ollero
Advertisement
Nasa loob tayo ng mundo na kung saan ay mapanganib, pabago-bago, nakakapagod, at walang katiyakan. Hindi maitatanggi na karamihan sa mga indibidwal ay nabubuhay sa panahong magulo at nababalot ng kadiliman. Nakakakaba. Nakakatakot. Nakakawala ng pag-asa. Pero sa kabila ng mga ito, saan tayo dapat kumapit?
Sa bawat pag-ikot ng mundo, kasabay rin nito ang mga posibilidad na pagbabago na nararanasan natin sa ngayon. Nakakalungkot isipin na tila napalitan na ng dilim ang dating liwanag na mayroon dito sa ating daigdig. Kabi-kabilang maririnig, mapapanood, at malalaman ang mga balitang hindi kanais-nais at talaga namang nakakapagpatindig-balahibo sa bawat makakaalam nito. Tulad na lamang ng mga krimen na walang awang pagpaslang sa iba’t-ibang lugar na tila ba hayop nila itong kitilan ng buhay. Nakakalungkot lang na, Pilipino sa kapwa Pilipino pa ang mga ito. Idagdag pa rito ang mga nangyayaring pagkawala ng ilan nating mga kabataan na kung saan ay napapanahong isyu sa ngayon. Hindi maiiwasan mangamba na sa bawat paglabas ng tahanan ay may nag-aambang panganib na maaring mangyari. Ilan lamang ito sa mga krimen na nangyayari sa mundong ating ginagalawan.
Kung titignan ang kondisyon sa kasalukuyan, patuloy ang pagkawasak ng integridad, katapatan, at kabutihan ng mga mamamayan at pinuno mapa-pulitika man o negosyo. Patuloy ring lumulobo ang mga digmaan sa pagitan ng mga bansa at tao. Ayon nga kay Pangulong Hickley, “Nabubuhay tayo sa isang panahon na gumagawa ang mababagsik na tao ng nakakatakot at nakakasuklam na mga bagay. Nabubuhay tayo sa panahon ng digmaan. Nabubuhay tayo sa panahon ng kayabangan. Nabubuhay tayo sa panahon ng kasamaan, pornograpiya, imoralidad. Lahat ng kasalanan ng Sodoma at Gomorra ay laganap sa ating lipunan. Ang ating mga kabataan ay hindi naharap kailanman sa mas malaking hamon. Hindi pa kami nakakita ng gayong kalinaw na kahalayan kahit kailan maliban sa ngayon.” Sa pahayag niya na ito, inilarawan niya ang posibilidad na mundo na haharapin ng mga kabataan sa kasalukuyan.
VOLUME 1 ISSUE NO. 1 LITERARY | 23
Aminin man natin o hindi, hindi na tayo nakakasigurado sa bawat panibagong araw na dumadaan. Sa mga nangyayari ngayon, wala ng katiyakan ang lahat. Ngunit, may makatuwirang dahilan upang magtiwala sa Maylalang. Sa kabila ng pamumuhay sa mga panahong walang-katiyakan, hindi natin kailangang malito sa kung ano at kung sino ang ating paniniwalaan. Sa mundong ito, iisa lang ang tiyak sa milyon-milyong problema, trahedya, o krimen. Makakawala ang bawat isa sa mga tanikala ng takot at pangamba, kung taglay ang pananampalataya sa nag-iisang Diyos na Buhay.