5 minute read

Huli na Nang Nalaman Ko

Next Article
Mandirigma

Mandirigma

“Alam kong marami kaming nasa ganitong sitwasyon.”

Huli n nN= nlmn= ko

Advertisement

–Wala akong makitang rason. Wala naman akong masamang ginawa. Para lang akong batang napag-trip-an – kinulong at pinahirapan. Nagtiis na lamang ako, hindi na nagreklamo. Inisip ko na lang na hindi ako nagiisa. Alam kong marami kaming nasa ganitong sitwasyon. *

Nag-uuli ako sa malaburol na parte ng St. Thomas’ Haven. Tahimik. Lahat ay nasa kanya-kanyang pwesto upang dalawin ang mga mahal nila na sumakabilang-buhay na. Napansin kong may nakaupo sa palagi kong tinatambayan dito. Lumapit ako, medyo nag-aalala. Gusto ko siyang kausapin dahil tila mayroon siyang malaking problema. Nag-ipon ako ng lakas ng loob para siya ay kausapin. Baka kasi sabihin niya ay feeling close ako. Gusto ko lang naman siyang tulungan. –Kumusta?

–Ako? Ako ba?

Ngumiti ako sa kanya para malaman niyang siya na nga ang kinakausap ko. –Kumusta ka? muli kong inulit ang tanong ko sa kanya. –Ako? Ayos lang naman ako. Medyo nag-iisip-isip lang. Ikaw ba? –Ayos lang din ako. Ako nga pala si Darlene. Ikaw? Ano ba ‘yang iniisip mo? –Karanasan? Nakaraan? ‘Yon lang naman ang pumupuno sa isip ko. Ako nga pala si Alfred. –Penny for your thoughts?

Nakangiti kong inabot ang baryang hawak ko sa kanya. Gusto ko siyang tulungan, bigyan ng payo o mapangiti ko man lang siya.

–Sigurado ka bang gusto mong malaman ang kwento ko? Tinanong niya ako na may pag-aalinlangan. –Oo naman. Gusto ko rin naman makatulong kahit papaano.

Umupo siya nang maayos paharap sa akin. Ito na ang senyales na sasabihin na niya sa akin ang kanyang kwento. –Naranasan mo na bang maikulong sa lugar na ayaw mo? Nakulong ka na hindi mo alam ang rason kung bakit? Itinago ka nila sa karamihan. Ang lahat ay nagtataka na kung nasaan ka, kung ligtas ka ba?

Hindi na lang muna ako umimik. Hinayaan ko siyang magkwento. –Dalawang taon na ang nakalilipas simula noong nangyari ang pagdakip sa akin. May apat na lalaking unipormado ng pampulis. May inspection lang daw. Sumunod naman ako dahil nasanay ako sa unibersidad namin na nag-i-inspection. Nagtaka ako dahil isinakay na nila ako sa van at pinosasan ang aking mga kamay. Sinakluban nila ang aking ulo para hindi ko makita kung saan nila ako dadalhin.

Saglit siyang tumigil. Tila inaalala ang masaklap na karanasan na nangyari sa kanya.

–Naramdaman kong kinuha nila ang mga gamit ko sa bulsa at inilayo sa akin. Tinanong ko sila kung saan nila ako dadalhin pero hindi nila ako pinapakinggan. Isa na lamang ang nasa isip ko, ang pamilya ko. Alam kong mag-aalala sila dahil hindi ako umuwi nang araw na iyon. Sumama ako sa kanila na hindi ko alam kung saan ako dadalhin. Naramdaman kong tumigil na ang van na sinasakyan namin. Habang ako’y kanilang ibinababa, tumama ang ulo ko sa pintuan ng sasakyan dahil sa paghigit nila sa akin. Naramdaman ko pa ang pagdaloy ng dugo sa aking ulo. Hindi man lang nila ako pinansin o tanungin man lang kung ayos lang ba ako. Itinulak nila ako sa isang upuan at muling itinali. May nagtanong sa kanila, na isa pa sigurong pulis, kung ano raw ang kaso ko. Ang sabi nila, illegal possession of fire arms. Dahil nakita nila ang mga art materials ko, sinabi nilang ako raw ang nagpinta ng isang mural tungkol sa isang politiko. Pero ni minsan wala akong

baril na dinala o nahawakan man lang. Inosente ako. Wala akong ginawa. Sa tingin mo, ano ang rason kung bakit nila ako dinakip?

Hinawakan ko ang mga kamay niya na tila nanlalamig na. Nakita kong siya’y lumuluha na. Gusto kong iparamdam sa kanya na wala siyang ginawang kasalanan, biktima lamang siya. –Tinanggal nila ang saklob sa ulo ko. Nang luminaw na ang paningin ko, nalaman ko na nasa isang selda na pala ako. Ilang araw nila akong pinapahirapan. Pinapaamin sa mga kasalanan na hindi ko naman talaga ginawa. May panahon nga na hindi nila ako pinapakain. Inilulubog sa tubig na tila yelo sa lamig. Minsan, ibinabalik sa selda na wala nang malay. Ginigising din nila ako sa mga hampas ng patpat na naging dahilan upang mahirapan ako sa paglalakad. Pinapainom ng mga mapapait na imunin. Kinakantiyawan sa tuwing nasisira na ang aking mga damit. Hindi na ako makaimik dahil sa trauma.

Tumingin siya sa akin, pinunasan ang kanyang mga luha at biglang ngumiti. –Isang araw, dumalaw ang aking pamilya. Lumakas ang loob ko dahil makikita nila kung ano ang mga masasamang ginawa nila sa akin. Pwede nila akong mailabas dito. Sobra-sobra na ang hirap na dinanas ko. Pero iba ang nakita kong ekspresyon sa mga magulang ko. Malungkot pa rin ang kanilang mukha. Dahil ba nakita nilang nasaktan ako o dahil ito na ang kinatatakutan ko? Ito na ba ang huling pagkakataon na makikita ko sila? Hinayaan silang makausap ako nang matagaltagal. Matapos ang oras ng palugit na ibinigay sa kanila, agad nila akong dinala sa isang kwarto. Nakatulog ako, matagal, kumportable. Pagkagising ko, tila gumaan ang aking pakiramdam.

Nagtaka ako sa sinabi niya kaya hindi ko napigilang magtanong. –Nakalaya ka ba? –Oo, nakalaya na ako sa hirap na

dinanas ko. Nagpapasalamat ako dahil nalaman na ng mga magulang ko ang mga pagpapahirap sa akin. Nagreklamo sila pero may mga hindi pa rin naniniwala.

–Sana malaman din nila ang totoo. May pag-asa pa. –Nakikita mo ba sila? itinuro niya sa akin ang isang pamilya na nagkukumpulan. –Sila ba?

–Oo. Sila ang pamilya ko. –Parang masaya ata sila ngayon. –Tara, pakinggan natin. Baka may maganda silang balita.

Lumapit kami nang kaunti. Nagtaka ako kung bakit hindi na lang niya itanong sa kanila nang direkta. Hinawakan niya ako sa kamay. Nakaramdam ako ng kaba nang dumampi sa akin ang malamig n’yang kamay. –Alfred, wika ng kanyang ina. –Dalawang taon na ang nakalilipas nang nangyari ang bangungot sa ‘yo. May maganda kaming balita. Nakamit na ang hustisiya para sa ‘yo.

Nagulat ako sa sinabi ng kanyang ina na nakatingin sa puntod na may pangalang Alfred Yap. Tumingin ako sa kanya at ngumiti rin s’ya sa akin. –Wala akong makitang rason. Wala naman akong masamang ginawa. Para lang akong batang napag-tripan – kinulong at pinahirapan. Nagtiis na lamang ako, hindi na nagreklamo. Inisip ko na lang na hindi ako nag-iisa. Alam kong marami kaming nasa ganitong sitwasyon. Ngayon, masaya na akong malaman na nakamit na ang hustisya para sa akin. Salamat sa pakikinig sa kwento ko. Sana marami ring makaalam na biktima lang ako. May iba ka pa sanang matulungan, hindi lang ako, Darlene.

Lumuha ang aking mga mata nang muli akong tumingin sa kanya. Hindi ko alam kung ano nang kasunod kong sasabihin. Nakita ko siyang nakangiting papalayo sa akin, kumaway sa huling pagkakataon at nawala. Binulong ko na lang sa sarili ko ang hindi ko nasabi sa kanya. –Pasensya na, Alfred. Huli na nang nalaman ko.

This article is from: