2 minute read

Jeepney [but not] Love Story

Next Article
Emblem

Emblem

“Ang pangkaraniwang pangyayaring ito ay pang-aabuso rin sa karapatan.”

Author’s note: This is a nonfiction story.

Advertisement

Mainit. Maalinsangan. Tanghaling tapat pero ako’y nasa daan. ‘Di ko ba alam kung bakit ang tagal kong tambay sa bahay. Tipong alas-sais na sinet ang alarm pero mahigit alasonse umalis sa tahanan. Take note! 11:30 A.M. ang aking time. ‘Ayan tuloy, ako’y naglalakad sa kainitan ng umaga. Sayang ang ligo, sarili’y naging pawisan. Parang ang limang tabong tubig ay katumbas ng limang pahid ng pawis.

Sampung minuto. Ako’y naghihintay pa rin ng jeep. Sigurado akong late na. Buti na lang walang quiz. Walastik! Ako’y banas na banas na, lagkit na lagkit pa. Kinse minutos… Sa wakas may dumaan ding jeep! Pwesto sa may bintana para mapreskuhan kahit daplis lamang. Hay! Ako’y relax na. Makaidlip nga muna.

Nang magising, kami’y nasa May-it. Tumigil sa eskwelahan para isakay ang mga batang paslit. Sikip na pero ang mga bata’y isiniksik. Nakatayo na sila’t sa bakal nakakapit.

Antok pa ako pero isang bata ang pumukaw sa aking pansin. Nasa harap ko siya, ang mga batang maliit. Grade 1 o Grade 2 pa lamang siguro siya sa aking paningin. Batang lalaki siyang mukhang pagod na’t takam sa pagkain.

Tumingin siya sa taas upang sipatin ang kapitan. Tumikdi siya

at ang kapita’y pilit inabot ng kamay. Sa kasamaang palad, ang kapitan ay ‘di mahawakan. Wala nang magagawa. Kumapit na lang siya sa damit ng nasa harapan.

Umandar ang jeep dahil handa na ang lahat. Mabagal ang takbo sapagkat puno na ang laman. Ang batang maliit, nakahawak pa rin sa damit. Sa bawat pagliko’y kanyang pagbuhal sa jeep. Dahil walang balanse, siya’y patagi-tagilid. Lumipas ang oras, nakarating siya sa paroroonan. Kawawang bata. Hanggang sa dulo ng biyahe ay nabuhal.

Nag-isip-isip ako. Bakit hindi bigyan ng karampatang serbisyo ang mga batang ito? Sa bawat sakay naman nila’y nagbabayad sila ng tatlong piso. Ang bahay naman nila’y ‘di kalayuan. Hindi malulugi ang mga drayber sa ganitong sitwasyon. May pang-gas at panglaman-tiyan pa rin sila sa pagtatapos ng maghapong pamamasada.

Pagbaba ko ng jeep, nagisip-isip pa rin ako. Bigla kong napagtanto, bakit ‘di ako ang kumibo? Kung kinadlong ko sana ang bata, siya ay nakaupo. ‘Di sana siya hirapan sa pagbalanse sa jeep na sinakyan. Ngunit huli na ang lahat. Wala na akong magagawa.

Nawa’y mapansin ng bawat isa, hindi lang ng awtoridad, na ang pangkaraniwang pangyayaring ito ay pang-aabuso rin sa karapatan ng mga bata bilang pasahero. Ipinagpipilitan ng mga drayber o konduktor na pasakayin ang mga paslit kahit wala ng bakanteng mauupuan.

Sa ibang mga pasahero naman, huwag na sanang ipagdamot ang simpleng pagkadlong sa mga batang ito. Musmos pa sila at kailangan ng alalay sa buhay.

Teka lang! Bago ko pa makalimutan, ako’y nagmamadali nga pala kaya’t hanggang dito na lamang. Tatakbuhin ko na’t muling pagpapawisan. Kahit huli na, ang unang asignatura’y abutan.

This article is from: