3 minute read
TAHANANNG PAGlABAN Sipat sa Iba’t ibang Porma ng Pag-atake sa Maralitang Pilipino
Tahanan ng Paglaban: Sipat sa Iba't ibang Porma ng Pag-atake sa Maralitang Pilipino
JERSEY CACALDA
Advertisement
Sinasabing sa tahanan matatagpuan ang tunay na kapayapaan. Ngunit, tanging ligalig at pangamba na mawalan ng tirahan ang higit na nararamdaman ng mga maralitang Pilipino dahil sa mga nagpapatuloy na ebiksyon at ilegal na demolisyon kahit pa sa gitna ng tuminding krisis dulot ng pandemya.
BIRDSHOT
Habang nagpapatuloy ang mga ebiksyon at ilegal na demolisyon, walang tigil din ang iba't ibang bihis ng pag-atake sa mga grupong nakikipaglaban para sa karapatan sa tirahan.
Mayo 28, natagpuan ang malamig na bangkay ng Secretary General ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) na si Carlito Badion sa isang kalsada sa Ormoc City. Ayon sa KADAMAY, noon pa man ay nakatatanggap na ng banta sa buhay at seguridad si Badion dahil sa aktibo nitong pakikisangkot sa pagtutol laban sa mga demolisyon at pangunguna sa kampanya ng pag-okupa ng mga pampublikong pabahay sa Metro Manila at mga karatig-lugar.
Samantala, sapilitan at ilegal namang inaresto ang apat na miyembro ng KADAMAY-Pandi matapos lumahok sa SONA ng Bayan sa pamamagitan ng isang selfie protest sa loob ng kanikanilang mga bahay. Gayundin, dinakip sila Rose Fortaleza, Bea Arellano at Paz Tupaz na pawang mga lider ng mga maralita base naman sa mga gawa-gawang kaso.
Matatandaang hinuli rin ang 21 mamamayan ng Sitio San Roque matapos magprotesta bunsod ng kawalan ng natatanggap na ayuda mula sa pamahalaan. Samantala, pwersahan namang ni-raid ng PNP ang opisina ng Pinoy Weekly at nilimas ang mga dyaryo at magazine nito habang kinumpiska naman ang pulyetong ipinamimigay ng KADAMAY.
Patunay na sa isang kumpas lamang ng estado, nagagawa nitong pakilusin ang mga galamay nito upang isagawa ang mga mapaniil na hakbangin nito, masupil lamang ang mga maralitang mapangahas na lumalaban para sa kanilang karapatan at panirahan.
NO PERMANENT ADDRESS
Sa kabila ng mandatong ibinaba ng Department of Interior and Local Government (DILG) ukol sa pansamantalang pagpapahinto ng anumang aktibidad na may kinalaman sa ebiksyon, patuloy pa rin ang ragasa ng mga ilegal na demolisyon sa iba't ibang panig bansa.
Marso 12, ilegal na giniba ang mga kabahayan ng 120 na pamilya sa isang komunidad sa New Era Compound Brgy. 137 Zone 15 Protacio Pasay City. Giit ng mga residente, hindi dumaan sa tamang proseso at wala silang natanggap na anumang abiso patungkol sa nasabing demolisyon. Hanggang ngayon, nananatiling walang tugon ang baranggay at lokal na pamahalaan ng Pasay ukol sa insidenteng ito.
Gayundin, 300 pamilya naman ang nawalan ng tirahan matapos ang demolisyon upang magbigay daan diumano sa pagpapalawak ng Philippine Railway System sa Cabuyao, Laguna.
Samantala, patuloy naman ang pananakot sa humigitkumulang 300 na residente ng Sitio Silangan, Talaba 7, Bacoor Cavite ng mga Proteger Security Agency. Nagbabala pa ang mga ito na huhulihin at kakasuhan ang sinumang magprotesta tungkol sa ilegal na demolisyon sa kanilang lugar na balak di umanong patayuan ng isang business hub.
COMING sOON
Setyembre nang maglabas ng mandato ng demolisyon ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa dalawang tenement na pagmamay-ari ng National Housing Authority (NHA). Tinatayang nasa 800 pamilya ang inaasahang maaapektuhan ng demolisyong ito sa ngalan ng pagpapatayo sa tinatawag nilang Tondominium.
Gayundin, higit isang libong residente ang pinangangambahang mawawalan ng tirahan sa Intramuros matapos ideklara ng korte ang isang Chinese company bilang lehitimong may-ari ng lupang kinatitirikan ng mga kabahayan sa nasabing lugar.
Sa ngayon, may walong mandato ng demolisyon ang nakabinbin sa iba't ibang panig ng bansa kabilang ang sa Tondo, Intramuros, San Roque, UP Campus, Navotas, Bacoor, at Bulacan.
Ang ganitong hakbangin ng mga lokal na pamahalaan ay manipestasyon na desperado nang kamkamin ng mga nasa kapangyarihan ang mga lupang ito upang mairatsada ang kanilang mga personal na agenda na lalo pang sinasamantala ngayong may pandemya. Sa pamamagitan ng karahasan, inaakala ng mga naghaharing-uri na matatahimik ang mga residente sa mga isyu ng ilegal na kalakaran sa kanilang lugar.
Ngunit, mas pinapatindi lamang nito ang kagustuhan ng mga maralitang Pilipino na makipaglaban para sa lupang kinatitirikan ng kani-kanilang mga tahanan.
Mananatiling matapang na titindig ang mga militanteng maralita sa buong bansa upang patuloy na manguna sa pakikibaka ng sektor para sa trabaho, sahod, panirahan, kabuhayan, karapatan at serbisyong panlipunan.