3 minute read

BAldE NG PASAKIT: Rebyu sa IGIB ni Joey Paras

Nakagawian na ng mga Pilipino ang magbabad sa telebisyon upang libangin ang mga sarili sa panonood ng mga teleserye kahit pa tila sikolo at paulit-ulit na ang banghay ng mga ito. subalit, bago ka pa man magising sa katotohanang "double dead" o botcha na ang naturang mga teleserye, mas masakit pa sa sampal ng kontrabida ang reyalidad na istandardisado ang pamantayan sa paggawa ng teleserye o pelikula sa dominanteng midya dahil ang kumita ng malaki ang pangunahing tunguhin ng mga ito. Kaya naman, sakit na ng mga palabas na ito ang pagroromantisa sa kahirapan. Gasgas na ang mga tagpong pangaalipusta ng babaeng nakasuot ng alahas samantalang nagtitiis lamang sa hapis at pasakit ang mahirap na karakter sa palabas. Tunay ngang dayukdok ang papel ng mahihirap sa mga teleseryeng iyong napapanood.

Kabaliktaran ng tipikal na teleserye, walang kahit anong idyoma ang makakukubli sa tunay na karanasan, naratibo at kalagayan ng mahihirap sa pelikulang likha ni Joey Paras na "IGIB", isang maikling pelikula na bumabaluktot sa bulok na banghay ng mga soap opera o pelikula. Hinango niya ang tema nito sa kwento ng kahirapan at hinimay ang suliranin ng bida sa perspektibo ng isang matandang babaeng maralita.

Advertisement

Kung gaano kahusay naipahatid ng pelikula ang maraming mensahe gamit ang mga tagpo, lugar, at bagay na nagrerepresenta sa maraming suliranin, ganoon din kahusay na ginampanan ng mga aktor ang kani-kaniyang karakter sa pelikula bitbit ang bayolente at marahas na katotohanan ng pagiging mahirap. Mahusay na isiniwalat ang lantarang paggamit ng dahas kung saan ang mga nasa kapangyarihan, harapharapan ang ginawagawang mga panloloko at panggigipit sa mas nakabababa sa kanila.

Mapapansing kakaiba ang tirada ng drama na ginamit ni Paras sa pelikulang ito. Isinelyo niya ang bawat eksena sa kadalasang buhay ng isang taong salat upang maipakita ang suliraning panlipunan. Magmula sa pangigipit ng may-ari ng bahay sa mga nangungupahan, pagiigib ng tubig na may kakarampot na bayad at sa walang awang pagkamkam ng kinauukulan sa perang hindi kanila, naipakita ni Paras ang kalagayan ng mga Pilipino na nasa sa laylayan.

Marami sa mga tagpo sa pelikula ang naihalintulad ko sa kasalukuyang isyu ng bansa. Ang kawalan ng awa ni Dagul sa kaniyang ina na si Josa na nag iigib at binabayaran ng limang piso upang maitawid ng isa pang araw ang kaniyang buhay ay sumasalamin kung paano tratuhin ng gobyerno ang mga healthworkers. Ang lantarang panloloko at paggamit ng boyfriend ni Dagul sa kaniya ay tila katulad ng pagnanakaw ng mga nakaupong opisyal sa Philhealth.

Samantala, ang pambubugbog ng ina sa batang may kapansanan na walang kalabanlaban ay repleksyon ng pang-aabuso ng kapangyarihan ng mga pulis sa gitna ng pandemya, at marami pang iba.

Sa tila walang hanggang kontradiksyon na kinakaharap ng mga karakter ng pelikula na detalyadong naipakita sa pagiigib ni Josa para sa iba’t ibang bahay at pamilya, galit at poot ng mga karakter ang nangingibabaw na emosyon sa pelikula. Sa kinasasadlakang sitwasyon, tila walang kasiguraduhan ang bawat bukas ng mga karakter.

May iniiwang tanong ang pelikula at ang malupit na reyalidad na ipinapakita nito. Tulad ng tubig sa gripo na may kontrol ka sa daloy nito, nasa saiyo kung mag papaagos ka sa tuluyang panggigipit ng mga sakim na tao sa gobyerno o papatayin mo ang gripo sapagkat napansin mong sobra na at umaapaw na ang kalapastanganang pangigipit sa mga maralita.

This article is from: