UJP-UP Tambuli Isyu Blg. 1 (Agosto 11, 2014)

Page 1

NILALAMAN

Unang Semestre, T. A. 2014-2015 | Isyu Blg. 1 | Lunes, Agosto 11, 2014

Higit pa sa Pagmamalaki OPINYON p.2 EDITORYAL: Walang Kawala OPINYON p.2 PHOTO ESSAY: SONA ng Bayan 2014 LATHALAIN p. 3 Pagdakip sa 2 UP students, pinabulaanan ng pulisya BALITA p. 4

[Dis]kwento ng Edukasyon Datos RESULTA NG STFAP AT STS Pinagkuhanan UP DILIMAN OFFICE OF SCHOLARSHIPS AND STUDENT SERVICES

Infograpiks ni KEILAH DIMPAS

ni KAREN ANN MACALALAD ANG DATING PINIPILAHAN, NGAYON AY pinadali na sa pamamagitan ng pag-click lamang sa kompyuter. Mas pinabilis na ang pagpapasa ng aplikasyong magpapasya sa magiging kapalaran mo sa loob ng unibersidad. Ngunit may pinagkaiba nga ba ito sa dati? Tila naulit lamang ang naging karanasan ni Jhon Bryant Lalata, ikalawang taon sa kursong civil engineering, noong una siyang mag-aplay ng Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP), ngayong siya’y nag-aplay sa nirepormang bersyon nito, ang Socialized Tuition System (ST System). “Umasa ako na mababago at mapupunan ng [ST System] ang mga kakulangan ng STFAP noon, pero hindi ‘yun ang nangyari. Mas lumala pa ata,” aniya.

Nito lamang Disyembre ng nakaraang taon ay inaprubahan ng Board of Regents (BOR), na pinangunahan ni Pangulong Alfredo Pascual, ang ST System, isang tuition discount scheme na papalit sa STFAP na pinilahan sa loob ng 25 na taon ng mga estudyanteng mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay. Ito ang naging sagot ng BOR sa samu’t saring reklamo ng mga estudyante dahil sa mahaba at matagal na aplikasyon sa STFAP. Sa ilalim ng STFAP,

kailangang sagutan ng mga estudyante ang 14-pahinang form, ipa-notaryo ito at lakpan ng mga dokumento tulad ng Income Tax Return ng magulang, mga bill ng kuryente’t tubig, Declaration of Real Property, at marami pang iba. Ito ay bilang patunay sa mga kasagutang inilagay ng mga estudyante sa nasabing form. Kadalasang inaabot ng dalawang buwan ang pagpoproseso ng mga naisumiteng aplikasyon, at minsa’y higit pa sa pag-aayos ng apela ng mga estudyante. Samantala, tumatagal lamang ng dalawang linggo ang pagsusuri sa mga aplikasyong natanggap sa ilalim ng ST System. Bukod sa mga nabanggit, ang mga estudyante sa ST System ay nakapangkat sa pamamagitan ng tuition discount rates at hindi na sa al-

phabetic brackets ng STFAP. Ang “bagong” sistema Ayon kay Joy Aberin, kawani ng Office of Scholarships and Student Services (OSSS), ang mga tanong sa ST System ay ibinase sa modelong dinisenyo ng Marketing and Opinion Research Society of the Philippines (MORES). Ilan rin sa mga tanong sa online form ay kinuha rin mula sa 14-pahinang STFAP. Dagdag pa niya, ang reporma sa tuition scheme ay bunga ng mahabang proseso ng mga pag-aaral na ginawa sa bawat UP campus. Matapos ang maraming konsultasyon, bumuo ng grupo na sumubok sundan ang modelo ng MORES. Pinasagutan ang mga bagong likhang mga katanungan sa mga

piling estudyante ng UP. Ganito nailuwal ang ST System. Aniya, ang ST System ay may layong gawing payak ang proseso ng pagaaplay ng tuition discount. Dahil wala ng kinakailangang dokumento upang mag-aplay sa bagong sistema, tiniyak ang pag-aayos ng questionnaire sa nasabing form. Matapos masagutan ng mga estudyante ang online ST System form, ang mga kasagutan ay mapupunta sa isang programang likha ng eUP, isang integrated electronic system na proyekto ni Pascual. Sa eUP din manggagaling ang bagong UP webmail account na gagamitin ng mga estudyante sa pagsagot sa form. sundan sa pahina 4


Walang Kawala

Dibuho ni KEVYN TAPNIO

Higit pa sa Pagmamalaki ni JOHN RECZON CALAY

MIYEMBRO AKO NG FILIPINO Club (Samahang Juan Dela Cruz) noong hayskul. Sabik na sabik akong mag-Agosto no’n dahil sa mga gawaing inihanda namin para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Hindi ko malilimutan ang mga tagumpay na plano ng aming samahan: mga estudyante na nagsusulat ng mga tula at sanaysay, nagtatanghal ng sayaw saliw sa awiting Ako’y Pinoy ng bandang Florante, nagpapahid ng pawis dahil sa mga larong agawang sisiw at patintero, at nagsasalita ng lumang Tagalog o ng malalim na Filipino. Aminado akong korni ang ilan sa mga patimpalak na inihanda namin (lalo na yung isa na nagpapa-like sa larawan ng mga kahawig ni Juan Dela Cruz sa Facebook). Akala ko rin noon, ang pagsasagawa ng mga gawaing ito ay sapat na upang masabing ipinagmamalaki ko ang aking pagiging Pilipino; lalo na ang wikang ginagamit ko. Manunulat ako sa aming pahayagan na nasa wikang Ingles. Nang magtapos ako’t pumasok sa Unibersidad ng Pilipinas, gayunpaman, napagtanto ko na dapat kong pahalagahan at mas bigyang-pansin ang wikang pambansa. Lalong lumalim ang aking pananaw sa ating wika noong kunin ko ang klaseng Fil 40. Ang wika, ayon kay Zeus Salazar, ay “daluyan, tagapagpahayag, at impukan-kuhanan ng alinmang kultura o isang grupo ng mga tao.” Walang ganap na kamalayan kung walang wika. Wika ang tulay sa pagkakabuklod-buklod ng mamamayan lalo na kung ang kanilang Inang Wika ang nakasanayan nila. Mas maayos nilang maipapahayag ang kanilang mga saloobin dahil mas komportable sila kapag ito ang gamit nila. Malinaw na isinasaad sa ating Saligang Batas na “dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at itaguyod ang paggamit ng Filipino…bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.” Ngunit hindi ito

nangyayari sa mga paaralan sa Pilipinas. Sa UP, ilan lang marahil ang mga estudyanteng nakaaalam o may ideya sa Palisi ng Wika ng Unibersidad. Tunay na hindi seryoso ang pamahalaan sa pagpapalaganap ng wikang pambansa. Sa pagkakalagda ni Pang. Benigno Aquino III ng K to 12 Basic Education Curriculum, na layong dagdagan ng dalawa pang taon ang basic education, naapektuhan ang pag-aaral ng pambansang wika sa tersyaryo. Ayon sa inilabas

Malalim daw kasi ang wikang Filipino at hindi kayang bigkasin o intindihin ng mga dila at utak nilang napanday sa pagiging dalubhasa sa wikang hindi naman atin; at kailanma’y hindi magiging atin. na Commission on Higher Education (CHED) Memorandum No. 20, series of 2013, hindi na kailangan pang kumuha ang mga mag-aaral sa kolehiyo ng asignaturang ukol sa wikang Filipino dahil inaasahan na matatas na rito ang mga estudyanteng nakapagtapos ng Grade 11. Ang batas na ito ay malinaw na pagtatakwil at paglapastangan sa kasaysayan at diwa ng wikang Filipino. Ani Renato Constantino sa sanaysay niyang The Miseducation of the Filipino, naniniwala tayong mga Pilipino na ang edukasyong nakabatay sa wikang Ingles ay siyang “tunay na edukasyon.” Kaya maraming Pilipino, bata pa la-

mang, ay inihahanda ang sarili sa pag-aaral ng wikang Ingles dahil ito raw ang wikang magtatakda ng magandang propesyon. Madalas ding mga katanungan sa mga panayam upang makakuha ng trabaho ay nasa Ingles at kailangang sagutin sa naturang wika. Dahil sa kaisipang ito, na ipinairal ng kolonyal na sistema ng edukasyon ng Pilipinas, bumababa ang tingin ng ilang Pilipino sa Filipino. Hindi man lantarang ipinahahayag ng kautusang nabanggit, hindi maikakait na layon talaga ng mga patakarang ito na lumikha ng mga gradweyt na magiging kabahagi sa murang lakas paggawa tulad ng pagiging call center agent, halimbawa. Ipinagkakait din nito ang pagkakataong mapaglingkuran ng mga Pilipinong may angking husay at talino ang sariling bayan. Parehong nakatatawa at nakalulungkot isipin na ang ilan sa mga Pilipino ay hindi bihasa o hindi ganap ang pagtanggap sa kaniyang pambansang wika. Malalim daw kasi ang wikang Filipino at hindi kayang bigkasin o intindihin ng mga dila at utak nilang napanday sa pagiging dalubhasa sa wikang hindi naman atin; at kailanma’y hindi magiging atin. Sa pagsapit ng Agosto ay tiyak na muling magsusulputan ang maraming ads na manghihikayat sa mga Pilipino na tangkilikin ang OPM, o kaya’y bumili ng produktong sariling atin, o magbasa ng mga saling-wikang nobela. Marami rin marahil ang magsasaliksik ng mga salitang Filipino na hindi karaniwang ginagamit sa kasalukuyan. Gayunpaman, bukod sa pagbalandra sa madla ng mga damit na may tatak na “Proud to be Filipino” o “I Love PH,” ang tunay na pagsasabuhay ng pagkamamamayan ay nakikita sa pagsusulong ng interes ng nakararaming Pilipino. Ito ay ang mapagpasyang paglaban sa anumang mapaniil na hakbanging lumalapastangan sa identidad nating mga Pilipino. Higit pa sa pagmamalaki ang tunay na pagmamahal sa bayan.

Mula pagkabata’y ikinintal sa ating murang isipan ang kahalagahan ng edukasyon. Hindi iilan ang nagnanasang iahon ang sarili at ang pamilya mula sa siklo ng kahirapan, bitbit ang makapal na sertipikong naipon sa mahabang panahong pagsusunog ng kilay. Sa unibersidad na lunduyan ng matalino at mapangahas ang pag-iisip, gayunpaman, tatambad ang hungkag na katotohanang ang diploma ay may katapat na presyo. Hindi malinaw ang pag-asang sasalubong sa mga bagong iskolar ng bayan – kung iskolar pa nga bang maituturing ang estudyanteng nagbabayad ng mahigit kumulang Php 33,000 bawat semestre. Mula 1000 kada unit sa Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP), itinaas ang default rate ng matrikula tungong 1500 sa Socialized Tuition Scheme (ST System). Tila produktong inilalako ang edukasyon sa porma ng discount rates, kung saan kailangang sagutan sa online form ang mga katanungang tila tumatapak sa dignidad ng mga estudyante, na tulad din ng STFAP. Noong nakaraang taon nga’y isa sa tatlong pumasa sa UPCAT ang hindi tumuloy mag-enrol sa UP dahil na rin sa mataas na matrikula. Sa isang state university tulad ng UP, hindi maka-masang edukasyon bagkus ay patung-patong na bayarin ang naghihintay sa mga ordinaryong mamamayang nais mag-aral. Gayong ang edukasyon, sa katotohanan, ay isang karapatang hindi na kailangang ilimos o ipaghingi pa ng diskwento. Kung palarin namang makapasok ay panibagong kalbaryo ang papasanin ng mga isko at iska. Nakaambang tumaas ang singil sa mga dormitoryong may kasamang libreng pagkain, mula Php 2 000- 3 000 kada buwan tungong 5000. Sa kabilang banda, tuloy-tuloy ang pakikipagkasundo ng UP sa mga pribadong kumpanya upang matustusan ang badyet na hindi kayang ibigay ng gobyernong may pondo para sa armas ng militar subalit kulang para sa edukasyon. Nariyan ang pagpaparenta ng mga lupain ng UP sa Ayala, o ang pagtatayo ng mga establishment tulad ng UP Town Center na taliwas sa pang-akademikong tunguhin ng unibersidad. Sa pagpasok ng taon ay sunod-sunod na inaprubahan ang pagbabago ng academic calendar sa UP system. Di umano ito’y upang makisabay sa mga bansa ng ASEAN sa 2015. Malaking kabalintunaan, sa mga sirang upuan, mainit na klasrum, at pinturang kumukupas sa mga gusali na siyang dadatnan ng mga bagong iskolar ng bayan. Kung may tugon man ang pamunuan sa mga idinadaing ng mga estudyante, ito ay ang pagpapatupad ng mga polisiyang magkukulong sa ating karapatang magpahiwatig ng mga saloobin. Sa inaprubahan kama-kailan lamang na Code of Student Conduct, pinagbabawalan ang mga bagong estudyante na sumali sa mga organisasyon sa UP. Ito’y tahasang lumalabag sa ating kalayaang mag-organisa, na tila ba maaaring ipinid ang kakayahang ipahayag ang sarili sa edad at anupamang numero. Inihaing sagot sa atin- noong tayo’y nagsisimula pa lamang na mag-aral -na ang edukasyon ang tatapos sa anumang kahirapang ating dinaranas. Pag-aaral nang mabuti ang susi sa tagumpay sa anumang larangang nais nating tahakin. Sa pagpasok sa UP, gayunpaman, bubungad ang katotohanan sa estado ng edukasyong mayroon sa bansa; walang tunay na pag-unlad hangga’t ang pag-aaral ay nananatiling pribelihiyo. Anumang pagpupursigi ay pinawawalang-silbi ng isang sistemang pinaiiral lamang ng iilan.

Unang Semestre, T.A. 2014-2015 Isyu Blg. 1 | Lunes, Agosto 11, 2014

MGA PUNONG PATNUGOT April BENJAMIN, Judy AGUA, Gerwin TACADENA MGA TAGAPAG-ULAT Karen MACALALAD, April BENJAMIN, Danielle ISAAC MGA TAGAKUHA NG LARAWAN Keilah DIMPAS, Anton ONATO, Dave YUMOL MGA TAGAGUHIT Christianne PETILUNA, Kevyn TAPNIO PATNUGOT NG GRAPIKS Keilah DIMPAS TAGAPAG-ANYO NG PAHAYAGAN Reczon CALAY


SONA ng

BAYAN 2014

Muling pumula ang kahabaan ng Commonwealth Ave. matapos magmartsa ang iba’t ibang sektor ng lipunan upang igiit sa ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Aquino ang mga karapatang siyang dapat pagtuunan ng pansin ng pangulo.

Sinabayan man ng papalit-palit na klima, sinalubong man ng barbed wires, pader na konkreto at water cannons ay patuloy na iginiit at isinigaw ng taumbayan ang tunay na kalagayan ng estado. Mga kuha nina KEILAH DIMPAS, DAVE YUMOL, AT ANTON ONATO


[Dis]kwento... mula p. 1

Ang sabi ni Isko Nang lumabas ang resulta ng unang batch ng aplikasyon noong Hunyo 30, inulan ng iba’t ibang reaksyon ng mga estudyante ang mga social networking sites tulad ng Facebook at Twitter. Isa si Bryant sa mga nagpahayag ng pagkadismaya sa resulta ng pagtatalaga ng discounts. Mula Bracket C sa STFAP, lumabas na siya ay nakakuha ng 33% tuition discount sa ST System, katumbas ng Bracket B sa lumang sistema. Kung ikukumpara ang resultang ito sa resulta ng kanyang aplikasyon sa STFAP noong nakaraang taon, malayo ito at malaki ang itinaas ng matrikulang kailangan niyang bayaran. “Alam kong ‘di ko deserve na magbayad ng ganoon kalaki. ‘Yung 600 per unit nga (noong STFAP), nangutang, nagloan, at nagappeal na kami para lang makapagbayad at bumaba ang bracket, mas lalo na (ng mahirap) ‘yung 1K per unit,” giit niya. Taliwas ito sa isa sa mga layunin ng ST System. Kasabay ng pagpapatupad nito, itinaas ang income ceiling ng bawat bracket upang madagdagan ang mga estudyanteng makakatanggap ng mas malaking diskwento sa matrikula. Sa nakatalang datos sa OSSS noong Hulyo 17, halos isa sa apat na estudyante mula sa UP Diliman at Pampanga ang walang matatanggap na tuition discount, mas madami ito kaysa sa isa sa anim noong 2012 ayon sa tala ng Philippine Collegian. Nananatili ring mababa, sa katunayan, nabawasan pa ang bil-

ang ng mga estudyanteng makakakuha ng full tuition discount at maging ng 80 percent discount (sumangguni sa pahina 1). TSa kaso ni Bryant, maging ang resulta ng aplikasyon niya sa STFAP noon ay hindi rin nararapat sa katayuan ng kanyang pamilya. “Oo, mababa na ang Bracket C, pero.. ‘di namin kaya,” aniya. Panganay si Bryant sa tatlong magkakapatid. Nagtatrabaho sa isang pagawaan ng sapatos ang kanyang ama samantalang ang kanyang ina naman ay walang ibang pinagkakakitaan. Kinailangan nilang mangutang sa mga kaibigan at mag-aplay ng loan sa UP at sa Social Security System, upang mabayaran ang kanyang matrikula sa unang semestre sa unibersidad. Naging malaking tulong, aniya, nang siya ay maitalaga na Bracket E2 matapos lumabas ang resulta ng apela sa STFAP. Bukod sa stipend, naibalik din sa kanya ang ibinayad niyang matrikula noong unang semestre. Dahil dito ay naipagpatuloy niya ang pag-aaral sa unibersidad noong nakaraang taon. Ngayon, sa ilalim nga ng bagong ST System, muling umapela si Bryant. Mula 33 percent discount ay nabigyan siya ng full tuition discount, ngunit hindi tulad sa STFAP kung saan nakakuha siya ng stipend, wala siyang anumang matatanggap sa ST System. Isa lamang si Bryant sa libu-libong estudyanteng umasang matutulungan ng bagong programa. At liban sa kanya, marami pang mga mata ang patuloy na nakatutok sa screen ng kompyuter, paulit-ulit na pinipindot ang refresh button, sa pagaabang ng resulta na magbibigay daan upang maipagpatuloy ang edukasyon sa unibersidad.

Ang Union of Journalists of the Philippines - UP Diliman (UJP-UP) ay kaisa sa pagtataguyod ng Filipino bilang Wikang Pambansa. Inaalay ng Unyon ang isyung ito para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto.

Pagdakip sa 2 UP students, pinabulaanan ng pulisya PINABULAANAN NG PULISYA ANG paratang na sapilitang pagdakip sa dalawang UP Diliman Extension Program in Pampanga (UPDEPP) graduates sa Nueva Ecija noong Sabado. Isa umanong “lehitimong” pag-aresto ang nangyari. Kinilala ang dalawang estudyante bilang sina Gerald “Jiri” Salonga, 24, at Guiller “Guilli” Cadano, 22, na kapwa may kursong BA Psychology sa UPDEPP at mga organisador ng Kabataan Partylist at Anakbayan sa Gitnang Luzon. Kinumpirma ng College Editors Guild of the Philippines - Central Luzon na nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group at kasalukuyang nakakulong sa Nueva Ecija Provincial Public Safety Command sina Salonga at Cadano. Ayon sa Philippine National Police, inaresto ang dalawa sa bisa ng isang warrant of arrest dahil sa iligal na pag-

mamay-ari ng armas. Ayon sa mga ulat, nakumpiska nila ang isang caliber .9mm Smith & Wesson pistol, isang cal .99mm Rugger pistol, dalawang granada, dalawang radyo, mga cellular phones, at “nakaparaming subersibong dokumento” mula sa dalawa. Agad naman itong itinanggi ng mga biktima. Anila, tanging mga dokumento lamang at isang cellphone ang nakuha sa kanila. Taliwas din sa unang imbestigasyon ng human rights group na Karapatan ang mga sabi ng pulis. Ayon dito, maraming miyembro ng komunidad ang nakasaksi ng sapilitang isama ang dalawa ng mga armadong kalal-

akihang sakay ng isang pulang van at dalawang puting pick-up truck. Iginiit din nina Salonga at Cadano na walang ipinakitang warrant of arrest kaya maituturing na “marahas at iligal” ang pag-aresto sa kanila. Napag-alaman din ng Karapatan na piniringan ang dalawa bago tuluyang isakay sa van. Pinilit diumano silang umaming miyembro sila ng rebeldeng New People’s Army. Wala namang pisikal na pang-aabuso ang naganap. Noong June 2006, dalawang estudyante ng UP Diliman na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan an ng diumanong dinukot sa Hagonoy, Bulacan ng mga hinihinalang miyembro ng 7th Infantry Batallion ng AFP, na noo’y pinamumunuan ni General Jovito Palparan. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin sila natatagpuan. APRIL ANNE BENJAMIN

KOMIKS: NAA-AGIT SA UNANG ARAW ng ESKWELA*


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.