dispocheck dyornal
Kumusta ka? Ayos lang, hindi pa naman pinanghihinaan. Kinakaya pa sa kabila ng mga hampas ng alon at lakas ng daluyong. Nakakatayo pa, kahit sugat-sugat na ang binti’t tuhod sa daming beses na nadapa, natapilok, nabuwal habang naglalakbay. Binabagtas ang daang inaakalang kadiliman ang hantungan, dahil wala nang makita. Ni isang kutitap ng alitaptap ay walang masilayan. Ayos lang? Hindi. Natatakot, sa totoo. Hindi rin alam kung bakit nasisikmura na sa araw-araw na pagtatanong ng ‘kumusta’ ay laging kasinungalingan ang inilalahad. Laging binubulag ang mga nag-aalala, pinapakita na kinakaya pa, lumalaban pa kahit ang katotohanan ay bunbunan na lamang ang wala sa hukay. Todo pa sa pagsuporta, pag-angat, pagsigurado na ayos lang sila, ngunit lingid sa kanila, o hindi kung nahalata na, patuloy na lumulubog, kinakain ng dilim na isang kumunoy na hindi makatakas. Kahit hindi gumalaw, manatili lang, lulubog at lulubog pa rin hanggang nasa ilalim na ng walang hanggang dilim. Natatakot?
32
Tinta 2020