2 minute read

Pagtuklas sa

Next Article
HUMSS

HUMSS

Manipestasyon at Debosyon: Ang Kuwento ng mga Oponganon sa Birhen sa Regla

/ Kyrone Pelegrino

Advertisement

Ang kulturang Pilipino ay mayamang halimuyak ng paniniwala at tradisyon, at may malalim na ugat sa iba’t ibang aspeto ng buhay ng mga Pilipino. Isa sa mga pinakamahalagang bahagi nito ay ang pananampalataya at debosyon ng mga Pilipino sa mga santo at santa. Isang halimbawa nito ay ang matamis na pagmamahal at debosyon ng mga Oponganon sa Birhen sa Regla.

Ang simbahang Nuestra Señora De Regla - Parish National Shrine ay ang sentro ng paniniwala ng mga Oponganon. Ito ang simbahan ng mahal na Birhen sa Regla o “Virgin of the Rule” na siyang patrona ng Opon na itinanghal noong 1957, kung saan idineklara ang taon bilang “Marian Year”, at ang simbahan ay itinalaga rin bilang opisyal na lugar ng pilgrimage para sa arkdyosis ng Cebu. Sa taong iyon, ang simbahan ng Opon ang naging pinaka-binibisitang lugar sa buong Visayas. Ngayon, ang Birhen sa Regla ang naging simbolo at iginagalang ng mga Oponganon.

Sa pagitan ng pananaliksik, hanay ng mga estudyanteng mananaliksik mula sa Science and Technology Education CenterSenior High School (STEC-SHS) ang nagsagawa ng pag-aaral upang tuklasin ang debosyon at manipestasyon ng mga Oponganon sa mahal na Birhen sa Regla, at ito ay pinamagatang “Kritikal na Pagsisiyasat sa mga Kuwentong Sumasalamin sa Debosyon ng mga Oponganon sa Birhen sa Regla”. Ang pananaliksik ay isang kwalitatibong pag-aaral at gamit nito ang etnograpikong disenyo. Dito nila masusing kinapkap at kinilatis ang mga kuwento mula sa 16 na piling kalahok na may edad 60 pataas. Napiling ang mga kalahok sa pamamagitan ng purposive sampling technique, na nagbigay-daan sa mga mananaliksik na pumili ng mga kalahok na higit na may kakayahan at kaalaman sa debosyon sa Birhen sa Regla.

Sa pag-aaral, isinulong at isinabuhay ng mga mananaliksik ang mga teoryang Mimetic nina Abrams, Plato, at Girard, teoryang Archetypal ni Carl Jung, at Historisismo ni Karl Wilhelm Friedrich Schlegel. Sa pamamagitan ng mga teoryang ito, matagumpay na ipinakita ng pag-aaral ang debosyong tinataglay at ang manipestasyon ng pananampalataya ng mga Oponganon sa Birhen sa Regla. Ang mga kuwentong isinalaysay ay nagbibigay patunay na ang mga kuwentong ibinahagi ng mga Oponganon ay isang paglalarawan at paghahayag ng kanilang debosyon at pananampalataya.

Sa kahuli-hulihan ng pananaliksik, nabigyang-buhay ang isang antolohiya na pinangalanang “Kuwentong VDR”, ito ay binubuo ng 24 na mga kuwentong may kinalaman sa mahal na Birhen sa Regla. Ang mga kuwentong ito ay hindi lamang mga salaysay, kung hindi ito rin ay mga kuwentong naipasa mula sa mga kauna-unahang mga deboto na siyang naging pamana sa alaala ng mga Oponganon sa Birhen sa Regla. Ang antolohiya ay nagsisilbing imbakan ng mga kuwentong nagpapakita sa debosyon at manipestasyon ng pananampalataya ng mga Oponganon sa kanilang patrona, ang Birhen sa Regla.

Ipinakita ng pananaliksik kung gaano kahalaga ang pag-aaral ng mga kuwento ng ating mga ninuno at kung paano ito naglalarawan ng kanilang karanasan, pananampalataya, at pagmamahal sa Diyos at mga santo. Sa pagpapatuloy ng ganitong mga pag-aaral, nagbubukas ito ng mas marami pang mga pinto patungo sa kaalaman at pag-unawa sa kultura at kasaysayan.

This article is from: