Dugu-dugong Bahaghari Ay! Bakla si Ateng. Ba, kay pangit laang ng itsura ni Jetro Ke pula-pula ng labi Animo’y subo nang subo Ng mansanas, ari ni satanas. Hoy! Balita pa yata’y Tineteyp ang dibdib nang lumobo, Pilit pinapaalsa ang patag na suso Tinatali ang kung ano Para di bakat ang lobo Eh, ke lakas laang ng tawa ko! Sabi ko’y di ka babae ‘Wag kang binabae! Adan at Eba—‘yan lang ang kasarian ‘Wag mag-ilusyon sa Adan at Iban Dati, bata pa yan, anak ng tipaklong! Pinapaikot ang banig sa bawyang ‘Ba’y parang me lumolobong saya ‘Tas sa kwarto’y rarampa Kekembot sa sulok Aariba sa gitna Kekendeng papuntang dulo ‘Pag bumukas ang pinto nang di inaasahan, May dadagundong na parang kidlat Lalamat ang sahig sa mga apak Papaikot ang hangin sa malakas na sigaw, “Jetro! Tarantad…,” udlot ng Itay ‘Ba’y nalintikan! Wasak ang mga hibla ng banig Tadtad pa ng sugat at pasa Kawawang Jetro, Ayaw pang magpakatotoo. Pero di pa natuto Tigas-tigas ng ulo Sinabing magpakalalaki Dibdib, lalong pinapalaki Kendeng nang kendeng sa kalsada Sinasayaw pa ang mala-mais na buhok Sabay sa indayog ang kurbadong baywang
Taas-noo sa sarili, “Babae ako!” Ilang beses pinagsabihan Walang pakialam Ilang beses nang nalintikan Di matinag, parang kawayan Kaya’t nang nakita ko lang sa kalsada, Anak ng Tupa! Samu’t saring kutya, kutya,kutya Bakla, Bading, Lampa, Landi Marumi, Marungis, Salot, salot, salot! Ulit-ulit s’yang binabato. Naku, laking tawa ko laang. Patawarin ng Panginoon Sa langit, di s’ya paroroon Kaya’t di napigilang lumayas ni Jetro ‘Dun sa malayo kung s’an malaya Di para sa kanya lugar na’to Isusuka ang nangingibang kulay Dito’y tuwid at malinis lamang S’an na si Jetro? Tanong na lang ng ilan. ‘Dun sa parlor, kumayod ‘Dun sa kalye, palaboy ‘Dun sa motel, namokpok ‘Dun sa impyerno, pinarusahan Laking gulat ko, nakita ko sa kakalsadahan Sa mga kamay ng mga taong nagsisiparadahan Mga malalaking imahe ni Jetro Winawagaywayan ng mapupulang watawat Sinisigawan ng mga napopoot at nagagalit Habang binabasa ko ang mga karatula-“Hustisya” Pumupukol sa’king paningin— Mga imahe n’yang hubad, May mga tulo ng dugo “Itigil ang Gender-related Violence” Ang imahe ng kanyang bangkay,
Dos por dos sa bigat ang mga bakas ng hampas Mga pasa sa katawan, sugat at Warak nang bungo Subsob sa tai-taeng inidoro “End Gender Discrimination” Alam ko sa mga kamay ng pumatay-Nandiri, nasuklam, nagalit Puno ng pagkamuhi Di naunawaan kung ano si Jetro “Hustisya” Bumalik sa’kin ang mga imahe, Pagsilang hanggang pagkamatay, Danas na danas ni Jetro-Pagsampal, pambubugbog, pagsubsob sa kanya Ng mapagmalinis at mapang-aping mga kamay Habang umaalingawngaw ang mga sigaw, Itinataas ang tarpolin ni Jetro. Isang deretso ng mainit na dugo Ang umangat sa’king dibdib— S’an ang pagiging tao sa kapwa tao? Tulala. Natatanaw ang nakataas na karatula-Tumatapat sa kalangitan, Tumatama sa linya ng bahagharing Sa kupas na mundo’y patuloy na binabandera, patuloy na sinisigaw-Ang kulay ng kalayaan.
Go Gelo! #saynotogenderdiscrimination #IsupportbatchmateGelo lol