Katolisismo: Nagpapabuklod at Nagpapahiwalay Ni Andrew Estacio Fiestang-fiesta ang mga tao sa Pilipinas nang dumating si Lolo Kiko. Puro hiyawan, iyakan, at piktyuran sa Santo Papa na sakay-sakay pa sa motorcade. Katatapos lang din ng pista ng Nazareno’y tutok na naman ang midya sa pagbabalita ng lagay ng kabanalbanalang lider. Kasabay pa n’yan ang makulay na pista ng Santo Niǹo sa Cebu. Kung titignan, ang bo-bongga ng mga kaganapang pang-Katoliko; ‘di magkamayaw ang sambayanan sa kakaselebreyt at pakikiisa rito, mapa-ibang relihiyon pa ‘yan. Alam naman na na dominado tayo ng Katolisismo at matagal na’tong nakatanim sa pag-iisip ng lipunan. Marami sa’ting hugot ang paniniwalang Katoliko at kita ito sa mga tradisyon na hinulma ng napakaraming impluwensya. Maglagay ka lang ng Nazareno d’yan ay samu’t saring pag-aasal ang nakikita sa mga tao. Kapag hinalikan mo pa ‘to’y baka mabigyan ng bonus na dagdag buhay at yaman. Maihuhugot ang pinagmulan ng kultura nito sa kasaysayan—ang mahiwagang pagturing ng mga katutubo sa mga rebulto’t simbolo ay namanipesto sa nakikitang pagpapayaman ng mga Pilipino sa mga idolo, mapa-Nazareno, Santo Papa, Santo Niǹo, at iba pa. Sa kabilang dako, isa sa mga batayan ng mga turo ng Katolisismo ang moralidad. Binabase ang kagandahang asal sa aral ng simbahan at sa banal na kasulatan. Halimbawa’y bawal maging matakaw dahil imoral ito ayon sa sampung utos. Sa positibong aspeto, oo, maganda ang naidudulot nito sa intrapersonal na paghubog dahil pundamental na naituturo ng simbahan ang pagiging makatao ng isang tao. Nagagawa rin ng ating simbahang Katoliko ang kolektibismo. Kaya nitong pagsamasamahin ang mga mamamayan na magkaisa sa pagtutulong-tulong sa mga nasalanta ng Yolanda. Kaya nitong magtayo ng mga samahan, bukluran, institutsyon na magpapalaganap ng salita ni Kristo. Kayang-kaya nitong ikumpol ang masa sa EDSA para maghasik ng rebolusyon. At kaya nitong itanim sa isipan ng nakararami ang kung ano man ang pinaninidigan nito sa pulitika at isyu ng lipunan. Minsa’y nasambit sa isang Catholic radio station, “Kasalanan kasi ni Jennifer Laude…isa s’yang mapagkunwari. Kaya yang pong kabaklaan, walang nagagawang magandang dulot sa’tin.” Isang pari rin ang sumita sa binyag ng anak ng isang dalaga, “May’ron kang anak, pero walang asawa? Kahiya-hiya ‘yan. Dapat tinakpan mo sarili mo dahil nasa simbahan ka, nakakahiya ka.” At kung minsa’y makakarinig ka sa sermon, “Ang mga makasalanan ay masusunog sa impyerno!” Sa mga halimbawang balita, naisasalarawan ang tila pagmamataas ng mga kawani ng simbahan. Sa kanilang mga salita’y mahihinuha ang panghuhusgang kinakabitan na ng pagkamuhi at pagkasuklam. Rumereplek ang gan’tong pag-iisip sa kung paano ang naging interpretasyon sa bibliya, na di maiiwasang magkaroon ng bahid at maging hegemonyang paniniwala. Halimbawa’y nilolohika ng kaparian sa usapin ng LGBT ang kwento ng Sodom at Gomora, at ang pagkakaroon ng Eba at Adan, hindi “Adan at Ivan”. Kaya ang analisa nila’y hindi gusto ng diyos sa kabaklaan. Hanggang sa lumaganap ang interpretasyong ito at nagbunga ng kultura ng pagkamuhi sa mga LGBT. Isinasalin din ang pagtuturo ng Katolisismo sa paaralan. Gayong kaakibat nga nito ang moralidad, masasabing ang mga turo nito’y swak na swak sa kurikulum ng GMRC o Edukasyong Pagpapahalaga. Gayon na lang ang pagbibigay importansya ng mga guro’t magulang sa Katolisismo dahil nangangailangan ang kanilang mga bata na maturuan ng kagandahang asal na ang batayan ay pagdarasal ng rosaryo, pag-awit sa simbahan, pagbabasa ng bibliya at iba pang magpapa-akyat sa mga bata sa langit. Minsa’y sa dami ng populasyon ng mga Katoliko sa paaralan, dinodomina ng kanilang kultura ang oryentasyon ng edukasyon kahit na may ibang relihiyon ang iba. Gawa ng pagmomonopolyo, nagagawa ring ilayo sa mga mag-aaral ang iba’t ibang perspektibo na taliwas sa Katolisismo katulad ng sex education, malalimang pagkilala’t pagsasapraktika ng ibang relihiyon, ateismo, at iba pang halimbawa. Nilalambungan ang pananaw ng mga mag-aaral sa gan’tong mga katotohanan kaya’t nawawala ang pagiging kritikal ng mga estudyante sa loob ng gan’tong oryentasyon.
Sa kabila rin ng sekularismo sa’ting bansa, di pa rin maiiwasan ang panghihimasok ng Katolisismo sa gobyerno. Halimbawa’y sa eleksyon pa lang, naghihiyawan ang mga deboto ng El Shaddai upang suportahan ang tila maka-diyos na mga pulitikong nangangampanya sa family meeting nila. Sila rin ay papaboran ng religious lider na s’yang magiimpluwensya sa mga tao. Malakas ding manindigan ang masang Katoliko laban sa mga polisiyang di umaayon sa kanilang paniniwala katulad ng Reproductive Health Law. Lagi’t laging ikinokonsidera ang argumento ng simbahan kahit na ayon sa konstitusyon ay hiwalay dapat ‘to sa pamahalaan. Karapatan daw ng mga Katoliko na magsapraktika ng kanilang paniniwala at mabigyan ng boses sa gan’tong mga usapin. Kung sa usaping karapatan sa natatamasang demokrasya, ngayo’y tila madalang umingay ang boses ng simbahang Katoliko upang pagsama-samahing muli ang masa at mag-protesta laban sa sistemang nagpapahirap sa bansa. Masyado na yatang ikinukulong ang mga tao sa kaisipang mapapalad ang mga mahihirap dahil may langit silang pupuntahan sa kabilang buhay. Kung ganito’y aasa na lang ang mga tao’t magmamakaawa sa diyos at wala nang gawa. Baluktot ang gan’tong interpretasyon dahil mismong si Kristo’y isang rebolusyonaryo na tumataliwas sa inhustisya ng mga Romano. Gayunpaman, di maitatanggi ang nagagawang epekto ng Katolisismo—iyon ay magpabuklod at magpahiwalay. At sa paglibot ni Papa Francisco sa Pilipinas, sa pagkaway n’ya sa mga tao sa buong mundo, at sa kanyang pamamahala sa Roma nakasalalay ang imahe nito. Sa katunaya’y unti-unti na n’yang inihuhulma ang simbahan sa mga mensaheng liberal at radikal. Sana’y pakilusin pa ang simbahan na makiisa sa laban ng mga mamamayan sa mga opresibong sistema sa bansa. D’yan tunay na makakamtan ang langit.