(Article) Kwentong Puke

Page 1

Kwentong Puke Ni Andrew Estacio Unang inilathala sa ikalawang issue ng UPLB Perspective ’14-‘15 Sabay sa pag-ilaw ng entablado ang pagbukadkad ng mga mababangong rosas ng mga babaeng nagkakasiyahan. Sa umpisa’y tila mga paru-parong natutuwa sa sarili nilang mga bulaklak. Nasasarapan pang lapitan, amuyin, at dapuan. Alagang-alaga ang mga bulaklak, ayaw ipahamak dahil madaling mapigtas sa mga naglalakihang kamay ng mga di paru-paro. Araw-araw ay lagi nilang kinakamusta ang mga mumunting bulaklak. Sariwa pa ba? Lanta na ba? Matatag at malakas pa kaya? Sa isang basag ng salita’y nilantad ang katotohonan. Pumula ang ilaw ng entablado at umingay ang mga babae. Sabi nila, walang mahinang bulaklak ang ikukumpara sa puke ng mga kababaihan. Dumagundong ang bulwagan nang ibuka nila ang kwento ng dinanas ng kanilang mga puke, pekpek, kiki, kalachuchi, bataan, vajeyjey, pussy, kepyas, lahat ng istorya ng kanilang pagkababae. Lipunan mismo ang nagbahid ng dungis sa mga katawagan sa ari ng tao. Hinahalilihan ito ng mga pangalang base sa katangian ng kanilang kasarian. Malalaman kung sino ang higit na matigas at matatag sa pagitan ng “sandata” at ng “bulaklak”. Ang ari sa konteksto ay representasyon ng uri at ng pagkatao. Binabasag sa mga monolog ni Eve Ensler ang mga yupemismo na nagpapahina sa ari o pagkatao ng mga kababaihan. Walang panghaliling pangalan at malisya ng lipunan ang pagsambit ng “puke” sa entablado. Talos ang layuning buksan ang isipan ng nakararami na maging reyalitisko at kritikal sa mga bahid ng lipunan. Kita ang layuning ipaunawa at ipadama pa ang estado ng isang babae. Sinimulan sa usaping bulbol ang unang kwento. Nang nasa sa gitna na ang nagsasalita’y di masarado ang kanyang bunganga sa kakadaldal tungkol sa malago niyang buhok sa ibaba. Taas noo pang ipinagmamalaki ang bulbol na parang sila lang ng mga kababaihan ang mayroon. Gustung-gustong n’yang ibungad ang pagka-primitibo ng bayolohikal na katawan ng babae, na natural silang tinutubuan ng bulbol, na iba-iba ang laki ng kanilang mga suso, bewang, pekpek, at balakang. Ngunit dahil sa kagustuhan ng iisang lalaki, kinwento ng babae na nagawa niyang mag-ahit, magpapayat, at magpalaki ng kung anu-anong parte ng katawan. Tila sunud-sunuran siya sa


demanda ng mas nakatataas sa kanya. Maihihila ang motibasyong ito sa komodipikasyon ng kasarian. Kaaya-aya lalo sa mga kalalakihan ang mga katawan ng babaeng may hubog base sa eystetikong pinakikita ng midya at ng lipunan—partikular ang mga pukeng ahit. Hindi rin hiwalay ang mga kababaihan sa pagbulusok ng kalibugan. Tampok sa karanasan ng ikalawang nag-monolog kung paano niya pinigilan ang sarili sa di kaaya-ayang pagbaha. Animalistik ang kanyang paglalarawan; nilalabasan din silang kababaihan. Ngunit sa mata ng lipunan, masagwa kapag sinabi ng mga babaeng sila’y nalilibugan. Ilan na silang mga konserbatibong nagpipigil magpasabog ng kanilang bulkan habang nakikita ang machong katawan ni Richard Gomez na namamangka sa gitna ng dagat. Sanay lang kasi na lalaki lang ang tinitigasan, nagmamasturbeyt, at nilalabasan kahit saan mang lugar: mapabanyo, kwarto, pader, bodega, at maski sapatos. Sa ibang kultura, partikular sa ilang tribo ng Africa, ipinagkakait pa ang libog sa mga kababaihan. Tinatahi ang kanilang mga pekpek o di kaya’y sapilitang itinatanggal ang kanilang mga tinggil nang di nila maranasan ang tila kasarapan lang para sa mga kalalakihan. Angat din sa ikatlong monolog ang suliranin ng isang babae na maihanda ang kanyang ari para sa kasarapan ng siyota niyang lalaki. Problema na naman ang pamantayan ng lipunan: kailangang maging maputi at kaaya-aya ang itsura ng kiki ni ateng. Kaya naman, todo ehersisyo at pagpapaganda. Sarili para sa lalaki, isang puke para sa lalaki. Para bang kapag naglagay ng puke sa gitna ng daan ay lahat ng kalalakiha’y magkakandarapa para tirahin ito hanggang sa napilas na’t patuloy na magkandayurak-yurak. Nag-iba ang ihip ng hangin sa panibagong eksena ng isang sex worker na mahilig makipag-sex sa kapwa babae. Dito naging malaya, fierce, at bold ang mga babae sa kung anong sarap ang nais nilang matamasa na wala sa pagkakakulong sa katawan ng mga kalalakihan. Damangdama sa mga ungol ni ateng sex worker ang tunay na hiyaw ng babaeng di na nahahapdian at di na nasasaktan. Walang uring dumodomina dahil parehas na babae ang magkapatong. Lesbiyanismo ang naglalarawan sa mga tagpong ito. Maaring dinidikta ng kanilang oryentasyon na kapwa babae ang kanilang napupusuan. Ngunit kung titignan sa konteksto ng kwento, halatang itinatanggal na ang kalalakihan, at kababaihan ang rumereyna upang punan ang kanilang animalistik na pangangailangan. Manipestasyon ito ng peminismong radikal, itinitira na lamang ang mga babae sa lipunan at naninindigan silang kaya nilang magparami at maging


mas mataas kaysa sa mga lalaki. Masyado na kasi silang minaliit, inalipin, at ginahasa ng mga ito. Sa pagsilang ng isang babae sa mundo, nariyan na ang hamon upang umakto alinsunod sa lipunang may naghaharing uri. Sa huling monolog, tila binalik-tanaw kung paano istriktong hinuhulma ang mga kababaihan, na kailangan nilang maging konserbatibo at limitado sa pagasal. Papagalitan pa siya kapag nakitaang nagmamatigas at nagbuburara na parang lalaki. “Ne, hindi yan gawain ng isang babae! Mahiya ka.” Itinatanim ng lipunan sa kanya ang pagiging di-makabasag pinggan. Kaya paglaki’y nasa imahe nila ang pagiging mahina’t mahinhin. Kapag sinabing tumakbo ka na parang isang babae, pasok agad sa kaisipan na dapat tumakbong may pagtikwas ng kamay, mabagal, may kaunting enerhiya sabay sa maarteng pagkembot. Sa mga karakter na ito nakikita ang pagpapahina sa kakayahan ng mga kababaihan; lumalakas ngayon ang kabilang kasarian. Sa “kahinaang” inihulma sa mga kababaihan, tila bulnerabol sila sa pang-aabuso sa kanilang estado at karapatan. Kayang-kaya na silang habulin, saktan, at reypin ng mga malalakas na lalaki. Kultura ng patriyarkiya ang may malaking dominasyon sa mga kababaihan. Hangga’t may lipunang nagtatanim ng kultura ng di pagkakapantay-pantay at pagmamaliit sa isang uri, di matitibag ang opresyon. Panawagan ng mga pukeng matatapang na sumisigaw at naninindigan ay ang pag-abante ng kanilang kasarian. Abanteng magtutungo sa ekwalidad at hustisya. [P]


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.