Tula para sa mga manggagawa Sinulat ni Andrew Estacio Liwanag ng bukang liwayway ay Sumisinag at sumisikad sa Mga matang pikit— Lunod pa sa alimyon ng panaginip, Lutang sa panandaliang selestyal Ngunit nang namulat, nasilayan ang pangaw sa paligid Magbanat na ng buto’t batakin ang laman! Pagbubukang liwayway, sumisikad sa pasmadong katawan Ngayo’y naparito sa purgatoryo Patibayin ang sikmura’t kailangang magtrabaho! Mga matang dilat— Ngayo’y nakatitig sa daang gagapangan, Muling masasaksihan ang paghapo ng katawan; Ang pagawaan, araw gabi’y Pinaliliguan ng sariling pawis, Natitilamsikan ng dugong malabnaw Lipak at libag, nagsulputan sa kamay Sanay sa hirap, ‘di patitinag na mapagsilbihan Itong haring nagpapatak ng grasya Datapwa’t mga manggagawang Gumagapang sa daang may salubsob Dugo nila’y grasyang Pumapatak sa nakasahod nating kamay; Tinubigan ang lupang tigang, Pinunan ang sikmurang kumakalam, Nililok ang mundong kinatitirhan, Tayo di’y pinagsisilbihan ‘Di pa man nakakaraos sa paggapang, Sila’y nilalapnos na ng araw Araw ng dilim at hilakbot Na minsan nang hiningan ng liwanag Ngunit ‘di na muling nakita; Sinahod pa ang kamay, Binudburan lang ng alikabok; Binting may linsad, daliring may paltos, Pinahiran lang ng hangin; Katawang hinihigop ng libingan, Hinulugan lang ng kusing
Manggagawa’y ‘di makaalpas sa pangaw Tuluyan pang hinahatak ng impyerno; Hari nila’y nabubultak Sa salaping nilalaklak, May tinira pang patak Subalit ipinagkait pa Sa lalamunang tuyo’t nauuhaw Kaluluwa’y humihiwalay sa katawan Hari’y ‘di pa nabundat, Nilalamon pa ang kanilang laman Bukas darating ang bukang liwayway Watawat na’y ihahayuhay Hahanapin ang bendahe para sa dugong dumadanak, Pagpapantayin ang timbangan ng Hirap at bunga Imulat na ang mga mata, Tumayo mula sa pagkakagapang Ipaglalaban ang liwanag Sa lambong ng dilim, ika’y lumaya!