(Article) Obrang Kinupas

Page 1

Obrang Kinupas Ni Andrew Estacio Unang inilathala sa unang issue ng UPLB Perspective ‘14-‘15 Nakakabighani ang larawan ng birhen. Habambuhay na itong nakasabit sa pader, tila puso ng dingding. Kay sarap lang pagmasdan ang pagtingkad ng mga kulay nito habang tinatanglawan ng ilaw sa ibabaw. Bakas pa ang mga mabusising kumpas ng pintura. Kita pa ang kaunting bakat ng buhok ng pinsel; datapwa’t maingat itong nahimasan. Buhay din ang tekstura; angat ang pigura ng birhen sa anino nito. Kinain ng dilim ang malayong parte ng katawan. Maaliwalas naman ang mukha. Nangungusap ang maamong mga mata. Mga matang dahan-dahan akong hinahatak, dinadala papalapit sa pintado nitong mundo. Sa gaan ng damdamin, kusa na akong napapapikit. Kinikiliti ang tenga ko ng malambing na boses ni Elsa. Ginising ako ng malakas na buga ng orkestra. Walang anu-ano’y sumilaw sa naalimpungatan kong paningin ang higanteng screen ng sinehan. May malilikot pang kiti-kiti sa gilid; halatang matanda na ang gamit na film. Amoy na amoy ang simoy ng dekada otsenta. Muling pinunasan ang bibig; umayos ako ng pagkakaupo. Sentro ang palabas sa isang dalaginding na mag-isa sa burol; mukhang dinedeliryo ng matinding pananampalataya. Ang birhen!, naisip ko. Aparisyon na naman. Nakita ko lang ang larawan ng babaeng ‘to sa saglit kong pagkaidlip. Lumuhod siya’t tumingala sa langit. Bakat ang litid ng mga leeg sa kanyang pagkakatingala. Sinabayan pa ang senaryo ng lumang musikang natipuhan ni Ishmael Bernal. Pamatay stress ang mga mata n’yang humatak sa’kin kanina. Kung tititigan ito’y milyong pangungusap ang nais sabihin sa manonood. Labis na maraming nakitang karanasan sa buhay. Pinasilip nito sa’kin ang naipintang tagumpay sa larangan ng sining. Bago pa man lumipad sa burol ang birheng dalaga, namuhay na siya sa piling ng mga pasahero sa tren. Nora! Pabiling tubig mo, sabi ng nauuhaw. Sa Bicol namuhay at naglako ang minsang maralitang dalaginding. Walang kayaman-yaman kun’di ang angking talento sa pag-awit at pag-arte. Ambisyon n’yang maging sikat, na balang araw ay babayaran s’ya di sa isang bote ng tubig kun’di sa isang tonelada ng talento. Nang napadpad ng Maynila, wala nang patumpik-tumpik pa. Binuga agad ang ginintuang boses at naging mabilis ang pagbulusok ng tagumpay. Isinali s’ya sa mga musicals at mga sikat na programang pang-bagets. Dahil malakas makahatak ang kanyang mga mata, damay na pati ang mga direktor at prodyuser ng pelikula. Kalaunan, pinasok n’ya ang mundo ng pag-aartista. Mga ilang araw lang, lalong dumagundong sa mga pulo ng Pilipinas ang nag-iisang pangalan: Nora Aunor. At sa kanyang pagluhod sa buhanginan ng Paoay habang suot ang puting bestida ni Elsa, napaluhod na rin ang mga tao sa kanyang kaningningan. Nanigas na ang leeg ng lahat sa kakatingala sa kanya. Nahumaling ang madla sa mata n’yang sinaniban ng iba’t ibang karakter. Rumereplek sa iris at korneya ang mahusay n’yang pagganap sa karakter ni Bona na matagal nang fan girl kay Gardo. Talos din sa korte ng kanyang mata ang minaster na pag-iyak ni Cora De la Cruz matapos barilin ng mga kanong militar ang kapatid n’yang inakalang baboy damo. Minsan na ring di nadampihan ang mga balat n’yang nangulila sa yakap ng mga anak; naranasan niyang mabitay sa saliw ng espiritu ni Flor Contemplacion. Nabuhay din s’ya nang Tatlong Taong Walang Diyos sa pangalang Rosario na ginahasa pa ng isang hapon. At sa pinakamatinding karakter n’ya na nagbigay Himala sa kaledad ng pelikulang Pilipino ay ang


minsang pagkakita n’ya sa mahal na birhen; diumano’y milagroso n’yang ginamot ang mga may kapansanan. Tila milagrosa ang bawat kilos ng kanyang katawan habang binibidyuhan ng kamera. Nakakabighani ang larawan n’yang birhen. Walang karungisan sa pag-arte. Tunay na nag-iisa. Mabigat ang pangalan. Sinalamin na n’ya ang kulturang Pilipino. Binigyan niya ng buhay ang mga kundiman at awiting may balat ng kasaysayan. Mayaman ang pagbikas n’ya ng sariling wika; batid ang distinktib na puntong Pilipino. Matagumpay na ipininta ni Nora sa kanyang pagganap ang kaibuturan ng ating lahi. Minulat tayo sa militarisasyon ng mga kano na nagwasak ng buhay at mga pangarap ng isang pamilya. Naramdaman din natin sa kanya ang hirap na sinuong ng isang OFW na naharap sa parusang kamatayan. Binigyang tanaw pa rito ang kolektibong aksyon ng mga Pilipino nang makamit ang katarungan sa kapwa mamamayan. Di rin malilimutan ang pinakita n’ya sa’ting pagbulag ng relihiyon at paniniwala sa mga taong uhaw sa himala. Saksi tayo sa matinding pananampalataya ng mga Pilipino sa diyos at kababalaghan na hinaluan ng kultura ng Kristiyanismo. Tila binalik din tayo sa madilim na panahon ng mga Hapon kung kailan niyurak ang ating soberanya at higit pang binaboy ang ating mga kababaihan. Kay rami pang kwento ang binuhay ni Nora Aunor. Ginintuan ang mga obrang ginawa n’ya na nagbigay larawan at importansya sa eksistensya ng mga Pilipino. Nararapat s’yang maparangalan. Nararapat na luhuran at tingalain, di lang bilang diyosa ng sining kun’di bayani sa ating kultura at lahi. Laking dismaya ko lang nang narinig ang nakakapangsabog-adrenaline na mensahe ng punong ehekutibo ng Pilipinas: “At sa aking pananaw iyong National Artist iyong binibigyan natin ng honor na ito, puri na ganito, dahil gusto natin sabihin malaki ang inambag sa lahing Pilipino at dapat tularan. Ngayon ang naging problema ko lang doon, alam naman natin lahat na iginagalang ko ulit si Binibining Nora Aunor, na-convict po siya sa drugs… illegal drugs do nobody any good … Paano siya as a role model?” Matapos ay kumalat na ang headline ng midya: National Artist list: Nora no more. Pinatumba ng desisyon ng isang tao ang sana’y parangal na inihihiyaw ng masa para kay Nora. Morality award na pala ang prestihiyosong karangalan para sa mga pambansang artista. Labis bang nakaapekto ang paggamit n’ya ng droga sa mundo ng makabayang sining? Binaboy ba nito ang mga produkto n’yang pelikula? Tinakpan ba ng droga n’ya ang kamalayan ng tao na matuto sa kanyang mga sining? Lalong tiningnan ang paghuhusga sa personal at pribadong buhay. Tinuturing ng punong ehekutibo na ang “National” sa National Artist ay para sa mga may katangiang tinutularan ng lahat. Ngunit ibinaling niya ito sa pansariling reputasyon ng tao. Tutularan ang kandidato dahil sa s’ya’y malinis at walang dungis ng pagkakasala. Subalit sa reputasyon lamang ba ng sarili dapat ihalili ang nasyunal? Dapat itong ibatay sa mas malalim at malawak pang perspektibo. Sa pagka-nasyunal hinahalungkat ang konsepto ng patriyotismo at kontribusyon ng obrang nilikha para sa nasyunal na interes. Huwag paikutin ang pamantayan sa sariling rekord lamang, kun’di sa epekto na labas sa kanyang sarili—ambag para sa ating lipunan. Ito dapat ang may mas malaking konsiderasyon. Sa isang pikit ay lumutang ako papalayo sa pagkadismaya. Nadama kong muli ang suryalismo. Sa pagsayaw ng mga kulay sa loob ng peynting, sa mga buo-buo pang pigura ng babaeng birhen, dahan-dahan nang sinasakluban ng itim at puti ang buong kwadrado. Kusang gumagalaw ang bawat guhit ng pintura, nahihimay at nahihiwalay. Subalit nalulusaw ang pigura


at nawawalan ng kahulugan. Huling nabura ang mga mata ng birhen. Ilang saglit ay nahinto ang pag-ikot ng mga guhit. Mukhang napagod at nahinto ang kamay na nagpipinta rito. Nabitawan na ang pinsel at nawalan ng saysay ang obra. Di na kakaiba ang damdaming ito sa mga artista. Si Irma Lacorte, isang pintor at propesor sa DHum, ay minsan na ring nagpinta ng birhen ng kanyang buhay. Ngunit naging lamat din itong parang droga kay Nora. Liban dito’y nagmula sa kanyang mga kamay ang sari-saring imahe ng ating kultura noon at ngayon. Kinilala na s’ya ng Asian Cultural Council at ng National Commission on Culture and Arts. Ngunit sa isyu ng kanyang pakikipagrelasyon sa isang dalaga, tila binasag pa nito ang karangalan n’yang Most Outstanding Artist na sana’y napasakamay n’ya. Binalewala rin ang naiambag sa sining dahil sa isyu ng moralidad. Maipipinta sa mukha ng lipunan ang mga matang palatingin sa kamalian ng isang indibidwal. Lumagpas lang ang pagpinta sa hangganan ng kwadrado, sira na ang pagtingin ng nakararami rito. Di na pinansin ang nilikhang sining na sa katunaya’y higit na mas malaki kaysa sa kapiranggot na linyang lumagpas. Ngunit pagkamuhi lamang ang nagpapalaki nito. Pinapalamon ng mga namumuhing mata sa kapangitan ang kagandahan. Sa ganitong kalagayan, higit lalong kukupas ang katarungan [P].



Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.