(Maikling Kwento) Uyayi Ni Nanay

Page 1

Uyayi ni Nanay By Andrew Estacio May 2013

Lumipat ang kamay ng orasan sa ala una imedya ng hapon. Habang pinaglalaruan ko ang aking trumpo ay inilalatag na naman ni nanay ang banig, kumot at unan sa sahig. Oras na naman ng walang hanggang pagsi-siesta, mapahinga naman ang nangangalay niyang braso at namamanhid na kamay sa maghapong pagtratrabong ginawa. Pinagmasdan ko ang pagod niyang mukha habang inihahanda ang aming higaan. Nagbago na siya nang lubusan. Ang dating litrato niyang may batak na mukha at may makinis na balat, ngayo’y napalitan na ng itsurang akala mo’y pinagpapasan ng krus, tumatanda, nangangayayat at unti-unting nanghihina.

Nakikitira lamang kami sa bahay ng yumao naming lolo. Makikita mo sa mga pader nito ang inaanay na mga yantok at nauupak na pintura, patunay na sobrang tanda na ng istruktura. Nagkasya kaming lima sa maliit na bahay. Ang nanay ang nanahi ng mga bag at ang tatay ang nagluluwas ng mga ito upang ibenta sa bayan. Lagi sa’king sinasabi ni tatay na swerte ‘pag kumikita ng 300 piso. Pwede nang pambili ng limang balut, kalahating kilo ng kanin, dalawang pakete ng kape, at isang tali ng talbos ng kamote para sa limang kakain ng pananghalian. Ganoon niya tinitignan ang mga maliliit na bagay, may malaki itong naidudulot. Bahala na si itay sa sukling matitira, baka sa pang-sigarilyo niya. Si kuya ang laging taga-walis , si ate ang laging taga-urong ng pinggan, at ako ang laging nasa labas, nakikipaglaro ng piko sa mga batang lansangan.

“Benjo! Matulog ka na,” hiyaw ni nanay habang ako’y nasa kabilang kwarto upang tumakas. “Benjo, kung ‘di ka matutulog hahambalusin kita!” lumaki ang kanyang boses na para bang


mangangain na ‘sya namang ikinatakot ko. Ayaw ko talagang matulog ng tanghali dahil naiinggit ako sa mang ate at kuya ko na naglalaro ng ganoong oras. Kung hindi raw ako matutulog, hindi raw ako tatangkad katulad nila. “Ayan na po!,” pumunta ako sa kanya nang padabog. Hinimas niya ang kumot upang mapatag at saka ako pinahiga. Binuksan niya ang kumakaluskos naming bentilador na kailangan pang ritwalan at pukpukin ng maraming beses bago umandar. Tumabi siya at tumagilid ako ng higa, nakatalikod sa kanya. Ipinikit ko ang aking mga mata at dinama ko ang katahimikan. Narinig ko ang mga huni ng mga ibon at ang pagsabay ng mga dahon ng puno sa hangin na nagpapakiliti ng aking pakiramdam. Narinig ko ang dahan-dahan kong paghinga at narinig ko rin ang bumubukas niyang labi na tila may isinasambit na dasal. “Manilaklay labi oras , matulog na…,” bigla siyang umawit, awit na dati pa sa akin kinakanta noong kami’y nasa Ilocos. “Na…na...na...na…” Nakakahalina , tila ang gaan gaan sa pakiramdam. Niyakap niya ako at hinalikan sa aking pisngi at binulong sa aking maliit na tenga ang mahina at magaang boses, “Matulog ka na.” Bigla kong naramdaman ang patak ng luha sa aking pisngi. Unti-unting sumarado ang aking mga mata, unti-unti akong dinala ng kanyang melodiya sa masarap na pakiramdam hanggang sa nawala ako sa sarili. Unti-unti akong nakatulog nang mahimbing.

Wala na siya noong nagising ako, noong may malay na ako sa reyalidad. Iniwan niya kami upang magtrabaho sa Amerika. Ilang taon akong nangulila sa kanya. Ilang taon akong hindi nayayakap ni nanay. Ilang taon ko siyang hindi nakikita nang personal. ‘Di ako nasaksihang magbinata ng aking ina. Kahirapan ng buhay ang ‘syang isinisisi kong hadlang sa aking kawalan. ‘Di lumaon ay lumipad din si itay patungong Amerika sa takot na baka mapulot kami sa


kangkungan. Naiwan kaming tatlo sa kamay ng aking tiyahin. Sa kanya kami humugot ng lakas, sa kanya kami humanap ng nanay at tatay. Sa kanya ko natagpuan ang pag-asa na balang araw magkikita-kita ulit kami.

Subalit pinaglaruan ako ng tadhana. Sinakluban ako ng maraming tukso. Wala sila, nawala na rin ako sa sarili. Lagi akong nakakaamoy ng usok ng sigarilyo, nakakadama ng lamig galing sa mga alak, napalilibutan ng kamunduhan, nakakarinig ng maruruming salita, nakakakita ng pagaawayan at kabalastugan. Para bang pinalibutan ng maraming kasalanan, naimpeksyon, at nandilim na ang aking mundo. Wala na ang dating ako.

Umuwi ako sa bahay, nanginginig, di-mapakali, at tila sumasagi sa aking ala-ala ang mga karumihang ginawa ko kanina. Binuksan ko ang pinto at nakita ko si tita, habang naglalakad ako nang dahan dahan papuntang kwarto ay napanpansin kong sinusundan niya ako ng tingin, masamang tingin. Nanlamig ako, bumilis ang tibok ng aking puso, huminga nang malalim at nanamlay. Umupo ako sa aking kama at nagnilay nilay. “Oo, lumagok ako ng alak …ng alak …ng a-l-a-k…,”paulit-ulit sa aking isipan, bumubulong ang nakamamatay na kasalanan. Dinala ako ng aking tropa sa isang bahay, pinalagok, pinainom, pinahihit. Hanggang sa gumulo ang aking paningin. Sa muling pagbukas ng aking mga mata dumapo ang malamig na temperatura sa aking nang-iinit na balat. Lumulutang na ako. Binuka ko ang aking pakpak at lumipad nang lumipad, lipad…lipad…lipad. Umaalingawngaw ang mga tawa at ungol mula sa kawalan. Nadama ko ang masarap at maka-langit na pakiramdam sa baba. Ngunit sa isang malakas na lagitik, bumulusok ako pababa at bumagsak sa dagat ng apoy. Nagising akong hubad, lantad ang karumihan sa mga mata ng malilinis.


Hindi ko matakasan ang pwersa ng mga demonyo. Nilamon ako ng bisyo at tukso. Hindi ko mawari kung ano na nangyari sa akin. Ewan ko, bahala na.

Kinabukasan, nalaman ng pamilya ang aking ginawa. Sinuspinde ako sa eskwelahan. Umikotikot ang sigaw sa buong bahay. Tila halos magiba ang inaanay na mga yantok sa lakas ng pagkakasigaw ni tita. Nakita ko siya na galit na galit. Hindi ko siya pinakinggan. Pinagmasdan ko ang bukas-sara ng kanyang bunganga, ang nakaduro niyang daliri sa akin, ang nakakunot niyang noo at ang naluluhang mata. Hanggang sa narinig ko na lang mula sa kanyang bibig--“Demonyo ka!”

Lumayas ako palayo sa kaguluhan. Pabalik-balik ang aking pag-iyak, ‘di ko mapigilan dahil sa sobrang kahihiyan. Hindi ako mapakali, hindi ako mapahinga, hindi ako makatulog. “Manilaklay labi, oras…matulog na…,” naalala ko ang awit ni nanay. Ang kanyang boses ay nakakahalina, tila ang gaan-gaan sa pakiramdam. Naalala ko si nanay. Ang pagpatak ng kanyang luha sa aking pisngi, ang masarap niyang pagyakap sa akin. Naramdaman ko siya sa aking piling. “Patawad”ang tanging salitang akin na lamang nasambit kasabay ng pagtulo ng luha.

Nagising akong may ngiti sa aking muka. Lumipat na ang kamay ng orasan sa ala una imedya ng hapon. Nilatag ko nang maayos ang kutson sa kama, inilapat ang kumot, at iniayos ang unan. Sinalubong ako ng maliwanag na ngiti ni tita. “Handa ka na ba?,” itinanong niya, “opo, handang handa na.” Dumeretso ako sa banyo, naghanda, nagpalit ng damit, at isinuot ang matagal na


inaasam na Toga. Humarap ako sa salamin at taas-noo kong sinabi, “para kay tatay at kay nanay.�


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.