5 minute read

Tunay na Kasagutan, HIndi Katatagan

Tunay na Kasagutan, Hindi Katatagan!

Advertisement

Nakapanlulumong katatagan lamang ang nagiging sagot ng bayan sa mga kontemporaryong isyu ukol sa sistema ng edukasyon ngayong panahon ng pandemya na kaya namang paghandaan at sagutan ng mamamayan at pamahalaan.

Naging malakas na panawagan na ng iba-ibang mga sektor ng lipunan ang problema sa edukasyon at sistema nito ngayong panahon ng pandemya. Pinangunahan ng iba’t ibang mga kilusan ang panawagan sa ligtas na balik eskwela nitong panahon ng pandemya tulad ng Rise for Education, High School Editors League of the Philippines, College Editors League of the Philippines, at Science Editors League of the Philippines. Nakalulungkot na sa ikalawang taon ng panuruan sa Pilipinas sa gitna ng pandemya ay nakikitang hindi pa talaga nabibigyang halaga ng pamahalaan ang edukasyon para sa ligtas at kalidad na pagkatuto ng kabataan. Pawang pagsunod lamang ang tanging magagawa ng kabataan para sa kanilang kaunlaran buhat ng balikong solusyon ng pamahalaan.

Simula pa lamang ng pandemya ay nakikitaan na ng mga butas sa pamamalakad ang administrasyong Duterte lalo na sa usaping edukasyon. Maaalala na ang Pilipinas ay nagsimula ng kanilang pagbabalik sa edukasyon noong buwan ng Oktubre, 2020 – ‘di hamak na sobrang nahuhuli sa kalendaryo ng edukasyon ng ibang bansa. Sa kabila ng nahuling iskedyul para isulong ang pag-aaral ng kabataan, pinili rin ng pamahalaan na unahin ang iba-ibang mga proyektong pang-imprastraktura at pangekonomiya. Buhat nito, lumala pa lalo ang problema sa edukasyon ng bansa.

Isa sa mga ibinunga ng mga aksiyong ito ay ang kakulangan ng tamang kaalaman ng mga guro sa paggamit ng online platforms para sa kanilang pagtuturo. Sa naganap na pangkalahatang pagpupulong ng Quezon City Science High School-Supreme Student Government (QCSHS-SSG) kasama ang mga opisyales ng bawat baitang at bawat klase, nailatag ng ibang mga estudyante ang kakulangan ng kaalaman ng ibang mga guro sa teknolohiya na siyang nakapagpapahirap sa kanila upang tuluyang matuto. Buhat ng biglaang paglipat ng midyum ng pagkatuto sa online setup, nahihirapan ang ibang magagaling na mga guro na makapagturo. Nakararanas din ng kakulangan sa gamit panturo ang ibang mga guro lalo na sa pang-data o di kaya’y internet.

Isa pa ay ang tambak na gawain at marahas na iskedyul ng mga estudyante. Noong ika-9 ng Setyembre 2021 ay nagkaroon ng oryentasyon ang QCSHS para sa kanilang darating na pasukan. Kaugnay nito, isinaad ng dating Principal ng QCSHS, Dr. Remedios P. Danao, na magkakaroon ng bawas na gawain ang mga mag-aaral upang makatulong sa mga guro at mag-aaral. Sa kabila nito ay nagkaroon pa rin ng panawagan ang mga estudyante buhat ng araw-araw na synchronous classes na may kakaunting pahinga sa pagitan ng mga klase. “Masyadong kakaunti ang oras upang gawin ang asynchronous na mga gawain,” ang naging tugon ng mga estudyante sa panawagang ito.

Maaaring maagap na nasagutan ng administrasyon at SSG ng QCSHS ang problemang ito, ngunit kung iisipin ay hindi lamang ito ang tanging paaralan na may ganitong isyu. Noong nakaraan lamang ay kumalat ang isyu ng 10 estudyanteng nagpakamatay sa paaralan ng Saint Louis University (SLU). Nagpatiwakal ang 10 estudyanteng ito buhat ng marahas na iskedyul sa kanilang klase at malalang pang-akademikong mga gawain. Nakapanggagalit sapagkat mataas ang ekspektasyon ng pamahalaan sa kabataan sa usaping edukasyon ngunit wala man lamang suportang natatanggap mula sa nasyonal na pamahalaan. Sa katunayan, ayon sa pag-aaral ng American Psychological Association (APA), 81 porsyento ng mga mag-aaral ang nakararanas ng hindi maayos na estadong pangsikolohikal ngayong panahon ng pandemya. Walang tulong mula sa pamahalaan ang narinig upang tugunan ang isyung sikolohikal ng kabataan. Nakikita na sa kasalukuyan, malaki ang butas sa sistemang edukasyon ng bansa. Mula sa mga estudyante, sa kaguruan, pasilidad, hanggang sa kagamitan ay nahihirapan ang mga Pilipino na patuloy na maging matatag sa wasak na sistema ng pamahalaan. Hindi na sapat ang katatagan upang patuloy na umayos ang sistemang edukasyon ng bansa. Magandang aksiyon kung patuloy na isusulong ng pamahalaan ang ligtas balik eskwela. Maaari ring paigtingin pa ang kaaalaman ng mga guro sa mga kagamitang may kinalaman sa teknolohiya. Isang matalinong hakbang din kung itataas ang estado ng pagkatuto ng kabataan kung may sapat na oras upang gawin ang mga takdang gawain. Nararapat ding paigtingin ang maayos at ligtas na balik eskwela ng mga mag-aaral. Bilang rekomendasyon, maaaring maging mapanghikayat ang pamahalaan sa kalidad na edukasyon kung patuloy na pagtutuunan ito ng pansin at bibigyan ng nararapat na alokasyon ng pondo ang sektor na ito.

Kung kaya, sa patuloy na sistemang pangedukasyon ng bansa, madaming Pilipinong estudyante ang nananawagan ng tunay na kasagutan.

Sa huli, kung patuloy na ipipilit ng pamahalaan ang katatagan na maging solusyon sa akademikong problema ng bansa ay walang patutunguhan ang mga kabataan. Sapagkat ang tunay na kasagutan ay maayos na pamamalakad na nanghihikayat ng dekalidad na edukasyon at hindi katatagan ng buong nasyon.

This article is from: