3 minute read
Edukasyong Pinagkait sa Maralita
EDUKASYONG PINAGKAIT SA MARALITA
Advertisement
Maraming naitalang datos noong nagdaang taon na nagpapahayag kung ilang porsyento ng mga estudyante ang tumigil sa pag-aaral dahil sa kakulangan ng pangangailangan na mas lalong pinalala ng pandemya. Nang dahil sa lockdown, sari-saring pagbabago ang ating naranasan kasama na rin ang pamumuhay at ang edukasyon.
Nagliyab ang paggamit ng teknolohiya dahil sa pandemya ngunit hindi ibig sabihin na lahat ay may kakayahan o tyansang makagamit nito. Sa kadahilanang gusto ng mga kabataang ipagpatuloy ang pag-aaral kahit may mga hadlang, ang Department of Education (DepEd) ay gumawa ng paraan sa pamamagitan ng iba’t ibang sistema. Ilan na roon ang Blended Learning, Modular, at Online Class (OLC). Sa pamamagitan ng OLC, kailangan ng gadget at maayos na internet para makapag-aral at ang Modular naman ay sa pamamagitan ng printed modules samantalang ang Blended ay pinagsamang OLC at Modular.
Sa mga liblib na pook sa Pilipinas, ang koneksyon sa internet ay mahina at ang iba pa nga ay walang-wala talaga. Ito ay isang hadlang sa OLC sapagkat para maging malinaw at tuloy-tuloy ang lektura ng mga guro, nangangailangan ito ng malakas at matatag na koneksyon. Hindi nila kawalan ang teknolohiya dahil maaari silang mabuhay gamit ang limitadong pinagkukunan ngunit para sa mga mag-aaral na nakatira roon ay mahirap na makasama sa sistemang OLC. Isa sa pinsala ng pandemya ay ang pagkawala ng trabaho ng nakakarami kung kaya’t nahuhugot ang pambayad sa tuition fee sa paaralan na naging rason sa iba na piliin na lamang na tumigil muna para makatulong sa kanilang bahay. Mas inisip nila ang kanilang araw-araw na gastusin at isinantabi muna ang pagsusumikap para sa kanilang magandang kinabukasan.
Hindi lang gadget at tuition fee ang pinaggagastusan kundi ang pag-load na rin para sa online class. Ito ay dumadagdag sa budget ng pamilya at kung may kakulangan, nagdudulot ito sa estudyante sa pagkaiwan ng mga leksiyon at pagliban sa klase. Gustuhin man ng ibang estudyante na makapag-aral ngunit may mga hadlang talagang makakasalubong para makamit ang magandang edukasyong inaasam at pangarap ng lahat. Ang iba ay hindi na importante ang engrandeng paaralan sapagkat ang kanilang puntirya lamang ay upang matuto sa tulong ng mga magagaling na guro. Ngunit kahit tignan natin sa iba’t ibang anggulo, ang edukasyon ay importante dahil isa sa karapatan ng bawat anak ang makapag-aral pero tila ang iba ay pinagkait ng kapalaran.
Masakit mang isipin na mahirap ang pagdadaanan ng iba kaysa sa mga may pribilehiyo upang maging tanyag na tagumpay sa sarili nilang gusto, sila’y may mahahantungan din dahil sa taglay nilang sipag na ipinamalas nang buong-buo.