1 minute read
KAMPANYA LABAN SA ASF PINAIGTING SA BAYAN NG CANTILAN, SURSUR
By John Cuadrasal
Advertisement
FILE PHOTO
Pinaigting ng pamunuan sa bayan ng Cantilan, Surigao del Sur ang kampanya nito laban sa African Swine Fever (ASF) matapos ang isinagawang information education communication (IEC) campaign kahapon, Enero 20. Matagumpay na naisagawa sa tanggapan ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng Cantilan ang naturang IEC sa mga myembro ng Municipal Agriculture and Fishery Council (MAFC), partikular na ang 28 pangulo ng mga farmer associations ng bayan, kung saan pinalawig ang kanilang kaalaman ukol sa ASF at sa hakbangin ng LGU Cantilan laban dito.
Dagdag dito, ayon kay Dr. Jayzel dela Peña, Municipal Veterinarian designate ng Cantilan, pinoproseso na ngayon ng LGU-Cantilan, sa pangunguna ni Mayor Maria Carla Pichay, ang pagbuo ng mga Barangay African Swine Fever Prevention Task Force bilang dagdag hakbangin sa pag-iwas sa banta ng ASF. Una nang inihayag ni Dr. Margarito La Torre, Acting Provincial Veterinary Officer ng Surigao del Sur, na unang nagkaroon ng kaso ng ASF sa lalawigan noong Nobyembre ng 2020 sa bayan ng Cortes ngunit agad na nakontrola ng kinauukulan sa pangunguna ng Department of Agriculture - Caraga. (DXJS RP Tandag/PIASurigao del Sur)