DIGNIDAD ISSUE 13

Page 1

Isyu 13 | Marso 2021 KATOTOHANAN AT KARAPATAN PARA SA MAKATAONG KINABUKASAN

BAKUNA PARA SA LAHAT (2)

BAKUNA AT BALIK-ESKWELA (4)

NEW NORMAL ‘LEGAL MISSIONS’ (6)

IPASA PAGKABASA

(Itutuloy sa Pahina 2)


2

ED ITORYAL

Bakuna para sa lahat ANG KALIGTASAN ng isa ay kaligtasan rin nating lahat. Higit isang taon na ang pakikidigma ng mundo laban sa pandemya. Bagamat dumating na ang bakuna, hindi pa rin ito sapat para mapuksa ang problema at ang malawakang pangamba lalo na para sa mga maralita. Kamusta na ba ang kalagayan ng taumbayan? Naging mahusay at epektibo ba ang ating laban kontra sa COVID-19? Natugunan ba ng pamahalaan ang tungkuling itaguyod at protektahan ang karapatan sa kalusugan ng bawat isa? Nitong mga nakaraang linggo, muling naghigpit ang lokal na pamahalaan dahil mas lalong tumataas ang bilang ng mga apektado ng COVID-19. Bukod pa rito, nakakabahala na lalo ring dumarami ang mga bagong variants na nadidiskubre. Naantala muli ang buhay nating lahat dahil sa mga panibagong restriction guidelines. Ngarag na naman at hinahapo ang ating mga frontliners lalo na sa pagtugon sa mga pasyente sa ospital. Habang ang ibang bansa ay nagbuhos ng suporta sa mga eksperto at propesyunal sa kalusugan, solusyong miltar

naman ang naging aksyon ng Administrasyon ni Duterte sa pandemya. Hindi nakabase sa science o research ang plano, kundi pananakot at paninisi sa taumbayan. Nabigo tayong magkaroon ng libreng mass testing at maagap na serbisyong pangkalusugan. Samantala, ang hinatid na ayuda ay pansamantala at sa umpisa lamang natin natamasa.

Ang bawat isa ay may karapatan sa ligtas, epektibo at libreng bakuna. Karapatan nating malaman ang tama at maaasahang impormasyon tungkol sa bakuna. Lalong nagipit ang mga mahihirap na pamilya at tumindi pa ang pangamba. Ang bilang rin biktima ng karahasan at pagpatay ay patuloy pa rin namang tumataas. Nawala ang kumpiyansa natin hindi lang sa ating kaligtasan, kundi maging sa ating seguridad.

Malinaw na hindi talaga naging mahusay, epektibo at makatarungan ang aksyon ng pamahalaan. Pinatingkad lalo ng pandemya ang mga dati nang umiiral na suliranin sa ating bansa lalo na pagdating sa kalagayan ng ating pampublikong programang pangkalusugan. Ang problema sa trabaho at benepisyo. Ang problema sa kahirapan at korapsyon. At higit sa lahat, ang kawalan ng malasakit at kakayahan ng gobyerno na paglingkuran ang bayan. Tila naging kampante sila. Naghintay na lamang sa bakuna at parang para sa kanila, “bahala na lang.” Ang bawat isa ay may karapatan sa ligtas, epektibo at libreng bakuna. Karapatan nating malaman ang tama at maaasahang impormasyon tungkol sa bakuna. Ito ang dapat na maihatid sa bawat mamamayan lalung-lalo na ang mga nasa laylayan. At kung hindi nila magampanan ito, may karapatan rin tayong maningil sa kanila. Ang pagsiguro na hindi lang basta mabakunahan ang lahat, pero mapanatili ang malusog at masiglang pamayanan. Hindi tayo maaaring makampante dahil lang ganito ang tugon ng gobyerno. Kung isinasawalang

bahala nila ang krisis na ito, mas lalo tayo dapat kumilos para kalampagin sila sa kanilang tungkulin sa taumbayan. Ang bakuna ay isa lamang solusyon para matigil ang COVID-19 at maligtas ang buhay natin. Pero hindi ito sapat na solusyon para mapuksa ang pandemya. Kailangan ang mahusay na plano at aksyon ng pamahalaan at sa kabilang bahagi naman, pakikipagtulungan ng taumbayan. Kaya kailangan pa ring maging maingat at mapagmatyag. Maging bahagi ng solusyon kontra sa sakuna. Kung protektado ang sarili, ligtas ang pamilya. Kung malusog ang pamilya, masigla ang komunidad. At kung aktibo ang komunidad, makakaya natin labanan ng ating bayan ang pandemya. Bitbit man ng bakuna ang pag-asang makakaahon tayo, mas tatalab pa rin kung ang lunas ay manggagaling sa maaasahang pamahalaan at aktibong pamayanan.

EDITORIAL BOARD | Program Manager for Media and Communications: Mikhaela Dimpas Editor-in-Chief: Dada Grifon • Associate Editor: Jennylyn Acaba Layout Director: Kel Almazan • Cartoonists: Mariannel Crisostomo, Bladimer Usi Writers: Bea Del Rio, Kristine Rebote, Mitzi Sumilang, Trina Baclayo, KZ Briana Larawan: Kristine Rebote, Mitzi Sumilang, Bea del Rio

Ang Dignidad tabloid ay inilimbag ng IDEALS, Inc. mula 2018 upang ibahagi ang mahahalagang balita at kwento sa ating lipunan. Layunin nitong mulatin at palakasin ang komunidad sa pamamagitan ng katotohanan at kaalaman ukol sa karapatang pantao.


BA L ITA

3

“Kailangan ko Ilabas ang Kwento” – Naulilang Ina panig sa Legal Documentation bilang Susi sa Hustisya at Paghilom Kristine Rebote

TAPANG at pag-asa ang pinanghawakan para makabangon si Sara Silis, inang naulila sa dalawang anak na naging biktima ng extrajudicial killings dulot ng programa ng Administrasyon na gera kontra droga. “Simula nung namatay ang mga anak ko, wala akong naramdamang takot. Kasi naisip ko talaga kung saan ako lalapit para matulungan ako,” ani Sara. Malaking bahagi para kay Sara ang programang Paghilom na binuo ni Fr. Flavie Villanueva noong 2016 para magbigay ng sistematiko at holistikong programa para sa pamilyang biktima ng karahasan. Sa pamamagitan ng livelihood support, scholarship, psychosocial services, pati ang legal assistance, ginagabayan ang mga naulila, tungo sa kanilang paghilom. “Malaking tulong din ang PAGHILOM. Napag-aralan ko [sa tulong ng] IDEALS, na may mga karapatan ako. Dahil dito, lumalakas yung loob ko na makipaghalubilo at makipaglaban,” aniya. Ang IDEALS, Inc. ay isang organisasayon na nagbibigay ng libreng legal assistance tulad ng legal documentation sa mga katulad ni Sara. Mahalaga ang pag-dokumento lalo na para sa pagkamit ng hustisya sa biktima. “Nung sinabi sa akin ‘yang mga tungkol sa human rights, kahit na umulan o uminit, pumupunta talaga ako,” ani Sara. “Kailangan kong ilabas ang kuwento.” Taong 2017 nang pinaslang ang kanyang panganay na anak na si “Almon.” Kwento ni Sara, habang nasa lamay ang anak ng isang

Pero matapos ang paghahagilap sa anak at pag-iikot sa 12 police stations, sa isang sako bag sa kalapit na kalsada na nakita ang katawan ni Dicklie.

kaibigan, sumugod ang kapulisan at binaril ang kanyang anak. “’Yung anak ko daw, natumba sa sahig, umiiyak, sumisigaw ng ‘Ma, tulungan mo ako”. Itinakbo sa ospital si Almon. “Pagpunta ko doon, nagtanong ako sa pangalawa kong anak na lalake. Sabi niya, ‘Wala na, Ma. Patay na si Kuya’. Sa sumunod na anim na buwan, hindi pa man tuluyang nakakabangon sa pagkawala ni Almon, sumunod na pinatay si

Dicklie, ang pangalawang anak ni Sara. Kwento ni Sara, dinakip raw ng task force ang anak. “Tumakbo |ako na parang wala sa sahig yung mga paa ko—parang lumilipad na ako, maabutan ko lang ang anak ko.” Mula alas syete ng gabi hanggang alas dos ng umaga hinanap ni Sara ang anak. “Ang sabi kasi ng task force, kinausap lang daw [ang anak ko] sa barangay.”

PAGHILING NG HUSTISYA Sa kabila ng masalimuot na pangyayari, buo ang loob ni Sara na makakamit niya ang hustisya para sa mga anak. Ito na rin ang panawagan niya para sa mga kapwa inang inulila ng ‘giyera kontra droga’, na aniya, nagsilbi na ring kanyang pangalawang pamilya na araw-araw niyang nilalaanan ng panahon. Mahigit apat na taon pagkalipas ng trahedya, si Sara na rin ang tumatayong lider sa kanyang batch sa programang PAGHILOM at nagbibigay inspirasyon para sa mga tulad niyang naulila. “Tinanong ko nga sila kung bakit sa akin na sila pumpunta. Ang sabi nila, ‘kasi nakita namin na ang tapang mo na’. Syempre, natutunan ko na may karapatan ako,” ani Sara. Dahil sa samahang nabuo, nagtutulungan at nagdadamayan ang myembro ng programang Paghilom para sa iisang paglaban para sa hustisya. “Kaya ginagaya na nga ako ng mga kasama ko—parang wala raw akong kapahingahan. Sinasabi nga sa ‘kin, ‘busy ka na naman!’ Ang sabi ko naman, kailangan,” dagdag ni Sara.


4

L ATHAL AI N

Bakuna at Balik-eskwela, Hindi pa Makatotohanan para Mitzi Sumilang

Bagamat dumating na ang bakuna, puno pa rin ng pangamba ang mga pamilyang nasa laylayan. Lalo’t para sa kanila, hindi pa ito abot-kaya.

“HINIHINTAY KO TALAGA KUNG kailan tayo babalik sa normal.” Bago pa man ang pandemya, mahirap na ang buhay para sa pamilya ng 38-anyos na si Gelyn Rosillo. Pagtitinda ng baboy ang pangunahin niyang hanapbuhay na nilalako niya sa Sitio San Roque sa Quezon City, kung saan sila kasalukuyan ring nakatira. Pero sa loob ng higit isang taon simula ng COVID-19 pandemic, napilitan na siyang harapin ang bagong normal para sa kanya-ang maging guro muna sa mga anak. “Dati sa pagtitinda lang ako tumututok, ngayon sa module ng anak ko. Ang obligasyon ng teacher nasa amin na. Ang hirap maging nanay na, teacher pa. Sobrang hirap,” aniya. Dalawa ang anak ni Gelyn, isang Grade 7 at isang Grade 1. Bukod sa limitadong espasyo sa kanilang maliit na bahay, nahihirapan ring pagsabayin ang distance learning ng mga bata. “Nahihirapan po ako sa online class, hindi po ako makahabol sa mga gawain. Mahirap po, 30 minutes lang po kada isang subject tapos mahina po ‘yung signal,” kwento ni Lhanz, panganay na anak ni Gelyn. Habang umaalalay kay Lhanz, tinututukan naman ni Gelyn ang bunso sa mga modules nito, bagay na mas umuubos daw sa oras niya sa maghapon.

Bagamat nagbigay ng gadget at internet allowance ang lokal na pamahalaan, hindi pa rin daw ito umubra dahil walang network signal sa kanilang lugar. Kaya naman, dagdag gastusin pa ang load para sa pamilya. Gustuhin man ni Gelyn na humanap ng ibang mapagkakakitaan, limitado rin siya. Kaya naman, umaasa lang muna sila sa kita ng asawa na isang karpintero. “Kaming mga maralita talaga parang hiwalay kami sa plano ng gobyerno kasi yung mga plano ng gobyerno yung para lang sa mayayaman. Kasi yang online class para lang yan sa mayayaman kasi kaming mahihirap, hindi namin kaya ‘yan kasi nga wala kaming wifi, walang mga gadget,” dagdag ng ina. Nitong Marso 2, nagpahayag ang Department of Education (DepEd) na iuurong sa Hulyo ang katapusan ng academic year. Ito ay para tugunan daw ang mga “learning gaps” ng mga estudyante at upang mabigyan ng mas matagal na paghahanda ang mga guro sa susunod na pasukan. Tinitingnan rin ng kagawaran ang posibilidad ng pagbabalik ng face-to-face na klase. Ayon sa ulat nila, nasa 1,904 na pampublikong paaralan sa buong bansa ang nakikitang posibleng maging bahagi ng ‘pilot study of limited physical classes.’


L ATH A L A IN

5

a sa Mahihirap na Pamilya PANGAMBA SA BAKUNA Ayon pa sa kagawaran, kritikal ang limitadong supply ng COVID-19 vaccines para sa pagsaalang-alang ng pagpapatupad ng ‘physical classes’ Para naman kay Gelyn, mas mainam na ihinto nalang muna ang mga klase (academic freeze) habang nasa ilalim pa rin tayo ng pangkalusugang krisis. Dagdag niya pa, bagamat dumating na ang mga bakuna, hindi siya umaasang makakatanggap nito. “Hinihintay ko talaga kung kailan tayo babalik sa normal. Hindi ko alam kung paano rin babalik kasi sa sinasabi nilang vaccine ngayon, wala na rin kaming tiwala eh,” aniya. Isa ang Pilipinas sa pinakahuling bansa sa South East Asia na magbibigay-bakuna. Unang nabigyang prayoridad na mabakunahan ang mga health workers. Noong nakaraang ika-28 ng Pebrero ay dumating na sa bansa ang 600, 000 doses ng Sinovac Biotech vaccine mula sa Tsina. Mahigit 480, 000 doses naman ng AstraZeneca vaccines ang dumating sa Pilipinas mula sa COVAX Facility noong ika-4 ng Marso.

Gayunpaman, walang kumpyansa si Gelyn na makakatanggap sila ng bakuna. “Sabi nila dati may mga mass testing na libre. Eh wala naman eh, hindi naman ‘yun nangyari. So ngayon, sabi nila na dadating first week ng February ‘yung vaccine, eh magma-March na wala pa din. Parang gano’n lang din--pangako nang pangako hanggang sa mapako,” dagdag pa niya. Tinitingnan din niya na tila negosyo na ang paglutas sa COVID-19. Sa kabila nito, mas ginugugol nalang ni Gelyn at pinalalakas ang sarili sa pagtataguyod sa kanyang pamilya. Malaking tulong rin sa kanila ang proyekto ng kanilang komunidad na tanimang bayan o urban farming. Samantala, tumutulong din sa kanila ang programang Eskwela Maralita na binuo upang suportahan pansamantala ang pangangailangan ng mga kabataan sa edukasyon lalo na ang mga hindi nakapag-enroll dahil walang gadget at internet. Naniniwala si Gelyn na bagamat hindi sila nabibigyang prayoridad ng pamahalaan, ang suporta at pagtutulungang nila sa komunidad ang kanyang nagiging pag-asa.

Photo Essay by Mitzi Sumilang

Dalawang beses sa isang buwan pumupunta sa paaralan si Gelyn para ipasa ang mga modules ng kanyang bunsong anak. “Naglalakad lang ako kasi mahal ang pamasahe. Pambili mo rin ‘yun ng ulam. Alam mo naman ngayong pandemya, wala masyadong kita,” aniya. ”Inspirasyon ko talaga yung mga anak ko eh. Yan talaga yung nagpapatatag sa akin. Minsan may time na parang stress ka na [at] gusto mo na magpahinga, masama din ang loob mo sa gobyerno kase puro lang pangako, wala namang mga tulong na pinapaabot, puro lang daldal – pero iniisip ko na lang yung mga anak ko.” Habang nagmomodular sina Gelyn, napipilitan namang pumwesto sa labas ng kanilang bahay ang kaniyang panganay na anak upang makasagap nang maayos na signal para sa online class.


6

balitA

• OPI N YON

‘New normal’ Legal Missions, Inilunsad

Bea del Rio

MULING naghatid ng libreng legal na konsultasyon sa komunidad ang mga abogado ng Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services (IDEALS), Inc., matapos maantala ng isang taon ang pisikal na legal missions dahil sa pandemya. Magkakasunod nagsagawa ng libreng konsultasyong legal sa iba-ibang komunidad: Barangay Tañong, Barangay Malanday, at Barangay Tumana noong Enero 26, Pebrero 20, at Pebrero 27. Layunin ng organisasyon na tugunan ang pangangailangan ng mga siyudad na pinakanaapektuhan ng bagyong Ulysses noong Nobyembre 2020. Para sa kaligtasan ng komunidad at organisasyon sa gitna ng pandemya, striktong ipinatupad ang contact tracing, social distancing at iba pang safety protocols gaya ng paglagay ng acrylic dividers at alkohol sa bawat mesa. Sa unang pagkakataon ay gumamit din ng online platform

at teknolohiya ang ilang abogado para mabawasan ang pisikal na kontak sa mga dumalo. “Malaking tulong po sa amin ito [sa panahon ng pandemya] dahil ‘di kami nakakalabas, lalo na ang mga senior citizens. At least dito, ‘di na kami pupunta kung saan-saan,” ani Jane, isa sa mga nabigyan ng online na legal advice. “Chance na namin [makahingi ng legal advice] ‘tsaka ‘di ganu’n ka-hassle kasi unti lang ang tao, na-eentertain ka talaga nang husto.” Gaya ng dating Legal Missions, lahat ng legal concerns ng mga residente tulad ng usaping lupa, trabaho, paghihiwalay sa asawa o pagbibigay sustento, pag-aayos sa birth certificates at iba pang legal documents, ay handang sagutin ng mga volunteer lawyers at abogado ng IDEALS. Isinagawa ang Legal Missions sa tulong ng City Government of Marikina, mga opisyal at staff ng mga nabanggit na barangay at ng Office of Senator Leila De Lima (OSLDL).

Bukod sa pagpapatupad ng mga health safety protocols, gumamit rin ng online consultation ang IDEALS, Inc. para makapaghatid ng libreng legal advice sa mga residente ng Marikina. Bea del Rio

Babae: Dakila sa Gitna ng Pandemya! “MAHIRAP maging isang ina at lola, lalo sa gitna ng isang nakamamatay na pandemya,” ani Ana, hindi totoong pangalan, na isang inang nawalan ng dalawang anak dahil sa ‘War on Drugs’ ng pamahalaan. Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na ang madalas na biktima ng madugong kampanyang ito ay mga padre de pamilya. Partikular itong nagaganap sa mga lungsod at barangay na maraming mahihirap. Sino kadalasan ang gumaganap sa pagbabantay, pag-aaruga, at pagpapalaki sa mga naiwang mahal sa buhay ng mga napaslang? Ang kababaihan

Inaako ng kababaihan ang gampanin ng yumaong kamag-anak kahit alam niyang mahirap at hindi siya handa. Ang ganitong sitwasyon ay mas pinapalala pa ng kasalukuyang pandemyang COVID-19. Sa gitna ng krisis, napipilitang maghanap ang mga babae ng kahit anong posibleng pasukan o pagkakitaan para lang makaraos ang buong pamilya. Hindi ito madali dahil humaharap sila sa mga panganib na dala ng COVID-19 upang matustusan lamang ang mga pangangailangan araw-araw. Maliban dito may mga apo, anak, pamangkin o nakababatang kapatid

pa sila na kailangang alagaan, turuan, at gabayan. Ma-oobserbahan sa pattern na ito na wala nang halos oras para sa sarili ang mga kababaihang nasa ganitong kalagayan. Ngunit, sa kabila ng lahat ay sinusubukan pa rin nilang magampanan ang kanilang mga responsibilidad para sa kanilang pamilya. Upang makaya ang bigat ng sitwasyon, ilan sa kanilang mga ginagawa ay ang pagdadasal, pagiging aktibo sa mga gawaing pampamayanan o simbahan, at pagtatrabaho. Ang kanilang mga pinagdadaanan ay hindi madali, at sa palagay ko’y walang makakatumbas

KZ Kyla Briana sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay. Nararapat at patas lamang na bigyang pagkilala ang mga ginagawa, sakripisyo, at husay ng mga kababaihang ito, lalo sa gitna ng pandemya. Higit sa lahat, sana ay mabigyang-pansin at konkretong tulong ang mga kababaihang ito upang mapaunlad ang kanilang mga sarili at pamilya. Walang duda na sila ay may angking kakayahan, kagalingan, at kalakasan sa gitna ng delubyo. Dagdag pa ni Ana, “Mahirap pero kinakaya, nakakaya, at kakayanin.” Mabuhay ka, Babae!


O P IN YO N

7

Kung nais mong kumunsulta, hanapin lamang ang aming official Facebook page na Tisya Hustisya (facebook.com/TisyaHustisya) at mag-PM o kaya Send Message. Bukas ang live chat kasama ang mga abogado mula 8AM hanggang 4PM araw-araw. Ang serbisyo namin ay naka-first come, first serve basis ngunit sinisigurado namin na sasagutin namin ang lahat ng mga katanungan. Nananatiling bukas ang aming mga hotline: 0953 382 6935 (Globe at TM) at 0951 077 4412 (Smart, TNT, at Sun) para sa mga walang access sa internet.

?

TANONG

Matagal na po kaming hindi nagsasama o nagkikita ng asawa ko, lagpas 10 na taon na. Gusto ko na rin po sanang ikasal sa kinakasama ko ngayon. Maaari po ba akong ma-grant ng nullity of marriage?

!

SAGOT

Ang pag-file po ng annulment ay nakabase lang po sa iilang mga dahilan. Ito po ay: lack of parental consent (if either party is at least 18 but below 21 years old); psychological incapacity; fraud; consent for marriage obtained by force, intimidation, or undue influence; impotence / physical incapability of consummating the marriage; or serious sexually transmitted disease. Hindi po kasi basta-basta nag-iissue ang judge ng annulment, at dahil kasama din po ang Office of the Solicitor General sa ganitong petition, talagang susuriin po kung ano ‘yung dahilan ng pagkasira ng pagsasama sa mag-asawa. Maaari niyo naman po subukan na mag-file pa rin ng Petition for Declaration of Nullity of Marriage pero gaya nga po ng nasa batas, kailangan po isa sa mga naibigay ang rason.

May kuwento, larawan o guhit ka bang nais ibahagi? Maging kontribyutor sa Dignidad!

Nagustuhan mo ba ang isyu na ito ng Dignidad? Sabihan niyo kami kung ano ang gusto niyong pang makita sa susunod!

Mag-PM sa IDEALS Facebook Page O mag-text sa 0966 760 9397


COVID-19 vaccine Mga dapat mong malaman Dahil sa bakuna, mas may kakayahan na tayong masugpo ang pandemya! Pero anu-ano nga ba ang mga dapat mong malaman tungkol sa bakuna?

1

Para saan ANG PAGPAPABAKUNA?

4

Tinutulungan ng bakuna ang katawang bumuo ng proteksyon kung sakaling ma-expose ito sa virus. Kung ikaw ay babakunahan maaaring hindi ka na tablan ng virus o mga sintomas nito. Maiiwasan ang pagkalala ng impeksyon at posibleng pagkamatay. Kaya naman mahalagang mabakunahan ang komunidad upang magkaroon ng malawakan o "herd" immunity.

2

Ligtas ba ito? Tungkulin ng pamahalaang siguraduhing ang bakuna ay nakatanggap ng Emergency Use Authorization o katiyakang dumaan sa masusing pagsusuri ng mga hiwalay na grupo ng mga eksperto. Dapat din siguraduhing ito ay nagmula sa lehitimong manufacturers at pinanatili sa tamang temperatura. Ligtas ang bakuna na aprubado ng mga eksperto. Normal lamang na makaranas ng mga side effects tulad ng pananakit ng brasong tinurukan, lagnat, pagkapagod at sakit ng ulo na maaaring tumagal nang ilang araw.

3

MAAARI ba akong TUMANGGI? Kasalukuyang walang batas na ginagawang mandatory ang COVID-19 vaccination sa bansa. Ayon sa DOH Memorandum no. 2017-0061, patients have "the right to be informed and give consent before any non-emergency procedure or research/ experiment or to refuse such." May karapatan kang humindi at hindi ka maaaring piliting magpabakuna.

5

May bayad ba ito? Karapatan mo ang mabakunahan. Ibibigay ito nang libre ngunit dahil sa limitadong supply nito sa buong mundo sa kasalukuyan, may mga grupo ng taong uunahing bigyan ng bakuna katulad ng mga frontline health workers, senior citizens, indigent population, at uniformed personnel. Ang mga grupong ito ay itinuturing high-risk at mga dapat bigyang prayoridad upang patuloy na magampanan ang mga tungkulin sa komunidad. responsibilIdad Patuloy na isagawa ang COVID-19 protocols katulad ng social distancing, pagsuot ng mask at paghugas ng kamay. Makisangkot sa mga balita at impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang ahensya. Maging kritial sa mga impormasyon natatanggap tungkol sa COVID-19 at bakuna. Mga sanggunian: Department of Health. (2021). FAQS: Vaccines. Retrieved March 1, 2021 from: https://doh.gov.ph/faqs/vaccines World Health Organization. (2020). Coronavirus disease (COVID-19): Vaccines. Retrieved March 1, 2021 from: https://www.who.int/news-room/q-a-detail/corona virus-disease-(covid-19)-vaccines Centers for Disease Control and Prevention. (2021). Frequently Asked Questions about COVID-19 Vaccination. Retrieved March 1, 2021 from: https://www.cdc.gov/corona virus/2019-ncov/vaccines/faq.html


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.