DIGNIDAD ISSUE 16

Page 1

Isyu 16 | Hulyo 2021 KATOTOHANAN AT KARAPATAN PARA SA MAKATAONG KINABUKASAN

HANGGANG SA HULI, HUWAG MAKALIMOT (2)

DANGAL SA HIMLAYAN, MULA SA ‘PAGHILOM’ (4)

IPASA PAGKABASA

(Itutuloy sa Pahina 2)


2

ED ITORYAL

Hanggang sa huli, huwag makalimot Halos anim na taon nang nakaupo si Pangulong Rodrigo Duterte at kamakailan lang ay ibinigay niya ang kanyang huling State of the Nation Address (SONA), na ulat dapat sa kabuuan at totoong kalagayan ng bansa sa ilalim ng kanyang administrasyon. Ilan sa mga tinalakay niya sa talumpati ay ang pagmungkahi na itaas ang sahod ng mga militar, pagbida sa “Build, Build, Build” project, pagrekomenda kay Senate President Sotto bilang susunod na bise presidente ng bansa, pasasalmat sa China at pagbida rin nito sa karagdagang COVID-19 testing centers sa bansa. Ngunit, wala pa ring nabanggit na konkretong plano kung paano natin lalabanan ang pandemya at masugpo na ang paglaganap ng virus. Hindi rin sinagot ng pangulo ang isyu tungkol sa imbestigasyon ng International Criminal Court

(ICC) ukol sa kanyang marahas at madugong “War on Drugs.” Bagkus, ginawa niya pang katatawanan nang sabihin nitong marapat lamang patayin ang sinumang pinaghihinalaang komunista. “My orders to you: If you see them walking around, kindly shoot them dead, and I will be happy. Anyway, you’re only charged in the ICC together with me, so what is the problem with adding another one, another idiot Filipino who has caused great damage to our country?” ani nito. Kasabay ng kanyang pagkibit-balikat sa ICC, patuloy pa ngang kinikilala ni Duterte ang hindi umanong tagumpay ng kanyang war on drugs. Hindi alintana ang malubhang pinsala na dulot ng kanyang programa lalo na sa pamilya ng mga biktima. Sa ulat ng mga Human Rights Watch, tinatayang higit sa 27,000

katao – karamihan ay mga maralita - ang nasawi mula taong 2016 hanggang 2020. Ang mas masalimuot, kahit sa panahon ng pandemya, patuloy pa rin ang extrajudicial killings at iba pang karahasan. Gayunpaman, sa SONA ng pangulo, maliit na bahagi lamang ang usaping ito. Hindi lang dahil nakalimutan o natabunan na ang isyung ito, kundi dahil wala talaga siyang puso at malasakit para sa mga biktima. Maliwanag na patunay ito sa kanyang pagdusta sa buhay, karapatang pantao at dignidad ng bawat isa. Malalim man ang sugat at malaki man ang pinsala, mayroon pa ring sumisiwang na pag-asa para sa mga biktima. Sa pagtatapos ng Administrasyong ito, mas lumiliwanag ang daan tungo sa hustisya at paghilom.

Mahaba man ang nilakbay na pagtitiis at pagdadalamhati, makakarating rin sa iisang tunguhin. At ang unang hakbang: hindi pagkalimot. Halos anim na taon na mula nang unang SONA ng pangulo noong Hulyo 25, 2016. Ilang oras makalipas ang kanyang talumpati, nagsimula na ang malupit at walang pusong serye ng pagpatay. Sa pagtatapos ng termino ni Duterte, huwag natin kalimutan si Restituto Castro, ama ng 4 na anak. Huwag nating kalimutan si Kian delos Santos at ilan pang mga minor de edad na “collateral damage” lamang, ayon kay Duterte. Huwag nating hayaang maging mga numero lamang na paglilipasan ng panahon ang mga taong itong walang kalaban-labang pinaslang dahil sa laban kontra droga.

18,292 clients, natulungan ni Tisya Hustisya sa unang taon! Soleil Vinoya Aabot sa humigit kumulang 18,292 na kliyente ang nabigyan ng libreng legal advice ni Tisya Hustisya sa nakalipas na isang taon. Inilunsad ang programang ito ng Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services (IDEALS), Inc. noong Hunyo 2020 para matugunan ang kawalan ng access sa legal services at mailapit ang mga serbisyong legal sa mga nangangailangan. Maaari nang kumunsulta sa mga abogado ng organisasyon sa pamamagitan ng pag-chat sa Tisya Hustisya Facebook Page o pag-text sa mga hotlines. Si Tisya Hustisya ay isang human rights chatbot na maaaring sumagot sa

Gumawa ng mga Facebook groups ang programang Tisya Hustisya para ligtas at malayang matugunan ang mga pangangailangang legal ng mga nangangailangan.

mga katanungang legal tungkol sa iyong karapatan at saligang batas. Bukod sa pagbibigay ng libreng legal advice, nakatuon ang Facebook page ni Tisya Hustisya sa paghahatid ng edukasyon at impormasyon upang patibayan ang kaalaman ukol sa karapatang-pantao ng mga mamamayan.

Nitong Hunyo 2021, inilunsad rin ang mga Facebook groups para sa mga manggagawa at kababaihan. Naglalayon itong magbigay ng ligtas na espasyo upang magtanong at magkaroon ng diskurso tungkol sa kanilang mga karapatan. Sa loob ng dalawang buwan na ito, mahigit 500 na rin

ang mga miyembro ng bawat grupo. Nagkaroon na rin ng Facebook Live sa loob ng parehong grupo, kung saan tinalakay ang mga kaakibat na mga batas at karapatan ng naturing na paksa, at nabigyan ng pagkakataon ang mga nanonood na humingi ng payo mula sa mga abogadong naroroon. Bagamat nagsisimula pa lang ang mga inisyatibong ito, makikita na ang patunay na malaki ang pangangailangan ng mga tao sa maaasahan at accessible na legal services. Kaya naman layunin ng programa na mas lalong paigtingin pa ang paghahatid ng serbisyo ni Tisya Hustisya.


Pagkakaisa tungo sa Barangay na Ligtas!

1

2

3

Pauline Abello Sa panahon ng pandemya, napakahalaga ng tama at maaasahang impormasyon para masiguro ang kaligtasan. Ito ang naging pangunahing layunin ng proyektong SHIELD o Supporting Human Rights Protection in times of Epidemic through effective Delivery of Legal Services Project na binuo ng IDEALS, Inc. Nakipagtulungan ang proyekto sa tatlong barangay sa Quezon City, ang Barangay Pinyahan, Krus na Ligas at Botocan upang ilunsad ang “Barangay Ligtas.” Sa ilalim nito, naghatid ang programa ng mga importanteng kaalaman tungkol sa COVID-19, bakuna, ayuda, karapatan sa kalusugan at iba pang serbisyong pangkalusugan. Sa pamamagitan ng mga surveys, napag-alaman ng grupo ang kalagayan at pagtingin ng mga residente tungkol sa isyung pangkalusugan. Naging daan rin ang programa para suportahan ang mga barangay health workers sa pamamagitan ng pagbibigay ng Right to Health and Risk Communication Trainings. Para naman sugpuin ang misinformation o fake news, pinaigting ang information dissemination sa pamamagitan ng Ligtas newsletters, paglunsad ng Barangay Ligtas Facebook Page at pagbibigay ng Rumor Bulletins kung saan itinatama ang mga kumakalat na tsismis. Naging katuwang ng bawat barangay ang proyektong SHIELD upang alamin ang kasalukuyang kalagayan at pagtingin ng komunidad sa isyu ng health, COVID-19 at pandemya.

4

6

7

5

[1-3] Sa kabuuan, namahagi ang proyekto ng 300 hygiene kits at 245,000 “Ligtas” tabloid na naglalaman ng mahahalagang impormasyon tungkol sa COVID-19, karapatan sa kalusugan at bakuna. Nagbigay rin ng 70,000 na kopya ng tabloid para naman sa mga komyuter ng UBE Express.

[4-5] Nagsagawa ng mga konsultasyon at panayam ang grupo sa mga health workers at representatives mga Barangay upang malaman ang pananaw at kalagayan ng mga residente ng barangay sa mga isyung pangkalusugan.

[6-7] Kabilang rin ang grupong Nagkakaisang Tinig at Hakbang ng Kababaihan sa Caloocan (NKTHK) at mga jeepney drivers sa nabigyan ng right to health orientation ng SHIELD.


Dangal sa Himlayan, mula sa ‘PAG Dada Grifon Muling binisita ng mga kamag-anak ng yumao ang puntod nina Renato Austria, Jr., Josel Payapa, Reynaldo Fuellas, Rodzon Enriquez, Marcelo Garganta at Joseph Garganta. Sila ay mga nasawi dahil sa madugo at marahas na kampanya kontra droga ng Administrasyong Duterte. Sumakabilang buhay man, patuloy pa rin silang pinagkakaitan ng dignidad at karapatan dahil sa hangganan ng pansamantala nilang libingan. Limang taon na ang nakalipas at hudyat ito na tapos na ang kontrata ng mga inuupahang nitso sa “apartment for rent” na kalakaran sa mga pampublikong sementeryo sa Caloocan, Novaliches, Navotas at Manila. Limang libo sa loob ng limang taon ang nirerentahang libingan. Kung matapos ang kontrata, kailangang magbayad pa ulit ng palugit para mailipat ang mga labi sa mas maliit na nitso. Kung sakaling walang mag-asikaso ng kontrata, sapilitang aalisin ang mga labi, isasako at ibabaon o itatapon saanman. Ang masalimuot na kondisyong ito ay isa lamang sa marami pang suliraning kinakaharap ng mga naulilang pamilya na karamiha’y kapus-palad. Dahil sa programang PAGHILOM na pinangangasiwaan ni Fr. Flavie Villanueva, naibsan ang bigat na dala ng mga pamilya lalo na sa mga walang kakayahang magbayad ng paupahang nitso. Sinagot ng programa ang exhumation at cremation para matulungan rin silang mabigyang dignidad ang kamatayan ng kanilang mga mahal sa buhay. Bukod dito, natulungan rin ang mga pamilya sa pamamagitan ng psychotherapy, educational assistance, financial assistance at legal documentation. Sa muling pagbubukas ng nitso, hindi man mahagkan,nasilayan muli ng pamilya ang kanilang mahal sa buhay. Hindi man maibabalik ang buhay, maipapangako kahit ang dignidad sa pagpanaw.

Muling binuksan ang mga nitso nina Renato Austria, Jr., Josel Payapa, Reynaldo Fuellas, Rodzon Enriquez, Marcelo Garganta at Joseph Garganta noong Hulyo 8, 2021. Pakikiramay at panalangin ang pagbabasbas na ginagawa ni Fr. Flavie Villanueva sa mga kapamilya. Samantala, bago isagawa ang mismong exhumation,nag-aalay rin sila ng dasal at tawag ng hustisya para sa mga biktima.


GHILOM’

Mga larawan nina: Dada Grifon Mariannel Crisostomo

Sa ilalim ng programang PAGHILOM na pinangungunahan ni Fr. Flavie Villanueva, makakatanggap ang pamilya mga EJK victims ng tulong para sa exhumation at cremation ng mga yumaong mahal sa buhay. Dadalhin sa krematoryo ang mga nakuhang labi upang pansamantalang maitago ng pamilya ang abo ng kanilang yumao bago ilagak sa kanilang permanenteng himlayan. Ayon kay Fr. Flavie, libu-libong mga labi ang kinakailangang hukayin at dalhin sa krematoryo sa mga darating na taon bilang pagpapatuloy ng programang ito para sa mga EJK victims na matatapos na ang kontrata sa libingan.


6

O PINYON

PDL na nadawit sa police raid, Jag San Mateo malaya na Matapos ang tatlong pagkakakulong, nakalaya na ang isang person deprived of liberty (PDL) na nadamay sa raid ng pulisya. Ipinawalang-sala ng korte si Michael “Mike” Miano sa tatlong kaso noong Abril 2021 dahil sa kakulangan ng ebidensya. Kasalukuyang namang nililitis ang kaso niyang paggamit ng ilegal na droga, pero pinalaya na siya matapos makapagpiyansa. KINULONG NANG WALANG DAHILAN Gabi ng Hulyo 9, 2018 nang arestuhin si Miano sa kanilang bahay. Kwento niya, nagsusugalan noon ang mga pinsan niya nang i-raid sila ng mga pulis, at habang sinisiyasat ang paligid ng bahay, nakitaan ang isa sa kanila ng ilegal na droga. Ayon kay Miano, natutulog daw siya sa kanyang silid nang maganap ang raid, pero isinama rin siya sa presinto at agad na kinasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Nadagdagan pa ang kanyang kaso nang magpositibo siya sa drug test. OVERCROWDING SA KULUNGAN Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), halos 71 porsiyento ng mga PDL

sa iba’t ibang kulungan sa bansa ay may kasong kaugnay sa droga. Malaking suliranin din daw ang siksikan, dahil apat na beses ang dami ng mga PDL sa mga kulungan kaysa sa aktwal nilang kapasidad. Kinikilala naman ni BJMP spokesperson Xavier Solda na malaking tulong ang libreng serbisyong legal ng iba’t ibang grupo para maibsan ang kapunuan ng mga kulungan. Aniya, ito ang nagpapabilis sa paglilitis ng mga kaso, lalo na sa mga indigent na PDL. PANIBAGONG BUHAY Magkakasama na ulit ngayon si Mike, ang kanyang common-law wife, at ang kanilang dalawang anak. Sa kabila ng tatlong taon niyang pagkakawalay, mas gusto na lang daw niya itong tingnan bilang karanasang nagpabago sa kanya. “Sabi ko [sa pamilya ko], ‘Hindi ko man kayo natulungan sa paraang pinansiyal o sa pagiging tatay, pero ‘yung tatay ninyo ngayon, iba na. Nakulong ako, pero hindi ako nakulong sa wala.’ Pinaramdam ko sa kanila na nagbago ako, na hindi na ako babalik sa dati kong ginagawa.”

Kung nais mong kumunsulta, hanapin lamang ang aming official facebook page na Tisya Hustisya (facebook.com/TisyaHustisya) at mag-PM o Send Message. Bukas ang live chat kasama ang mga abogado mula 8AM hanggang 4PM araw-araw. Ang serbisyo namin ay naka-first come, first serve basis ngunit sinisigurado namin na sasagutin namin ang lahat ng mga katanungan. Nananatiling bukas ang aming mga hotline: 0953 382 6935 (Globe at TM) at 0951 077 4412 (Smart, TNT, at Sun) para sa mga walang access sa internet.

? !

Magandang araw Tisya! Ano ang maaari kong gawin kung may nakita na lang akong mga nakapaskil na poster o tarpaulin na may litrato’t pangalan ko at nire-red-tag ako? Hindi ko alam kung sino ang gumawa nito. Ang gawaing ito ay maaaring ituring na libel, o ang paninirang -puri na may malisya, laban sa tukoy o pinangalanang tao sa pamamagitan ng pagsulat at isinapubliko ito. May parusang pagkakakulong ito na 6 buwan at 1 araw hanggang 2 taon at 4 buwan, at 2 taon 4 na buwan at 1 araw hanggang 4 na taon at 2 buwan (prisión correccional in its minimum and medium periods). Maaari ring pagmultahin sa halagang P200 to P6,000, o parehong multa at pagkakakulong. Bukod pa ang nabanggit sa kasong sibil na maaaring isampa. Makipag-ugnayan sa inyong lokal na pamahalaan upang tanggalin ang mga poster/tarpaulin. Maaari ring pumunta sa PNP o sa NBI upang magpa-imbestiga at mahanap ang salarin, bago ka makapaghain ng reklamo laban sa kanya. Kung mula sa pamahalaan ang nangyaring red-tagging, ay maaari mong kontakin ang Tisya Hustisya (Sa Facebook Messenger o sa aming hotline) para dumulog.

EDITORIAL BOARD | Program Manager for Media and Communications: Mikhaela Dimpas Editor-in-Chief: Dada Grifon • Associate Editor: Pauline Abello Layout Director: Kel Almazan • Cartoonist: Mariannel Crisostomo Infographics: Soleil Vinoya, Jeyra Morallo Writers: Soleil Vinoya, Pauline Abello, Bea Del Rio, Christine de Leon, Jag San Mateo

Ang Dignidad tabloid ay inilimbag ng IDEALS, Inc. mula 2018 upang ibahagi ang mahahalagang balita at kwento sa ating lipunan. Layunin nitong mulatin at palakasin ang komunidad sa pamamagitan ng katotohanan at kaalaman ukol sa karapatang pantao.


O P IN YO N

7

Tibay at tapang, mula sa naulila Christine de Leon Humigit kumulang 27,000 ang kinitilan ng buhay sa mapaniil na laban kontra droga sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa bawat indibidwal na ito ay may pamilya na habambuhay bibitbitin ang bigat na dulot ng karahasan. Bawat tao sa “drug list” na tagumpay na pinatahimik at tinanggalan ng karapatang mabuhay may pamilya na walang humpay ang pagtangis. Kaya’t sa bawat pagkakataon na makarinig, makabasa, o makanood ng balita na ukol sa extrajudicial killings – galit at pagkasuklam ang namamayaning damdamin sa akin hanggang sa maging bahagi ang aming team sa proyektong BRAVE o Empowerment and Building Resilience Among Victims of Extrajudicial Killings and HRV Survivors na nakapagluwal sa research na, “Unsilencing the Voices of EJK Surviving Families”.

Kung dati ay ginugumon ng pangamba sa tila ba walang katapusang pagyurak sa ating karapatan – sa mga ibinahagi ng mga EJK survivor, pinaalala nito na ang bawat kwento ay hindi lamang ukol sa pagpaslang, pang-aapi, o karahasan. Kakabit din nito ang kanilang paglalakbay tungo sa paghilom, muling pagbangon, at pagtindig laban sa mga pang-aabuso. Mula sa kanilang pighati, galit, at higit sa lahat, mula sa hindi matutumbasang pagmamahal sa yumaong biktima, naroon ang pagpapatuloy ng kanilang buhay at pagsibol ng pag-asang makakamit nila ang katarungan. Ibinahagi rin ng mga survivor ang kahalagahan ng suporta na kanilang natatanggap mula sa mga mahal sa buhay, kinabibilangang komunidad, at iba’t ibang grupo upang sila ay makapag-cope, at recover. Nag-

silbi itong sandigan upang ipagpatuloy ng mga pamilya ang kanilang buhay at naging motibasyon upang kalauna’y tumindig at lumaban. Ang pag-abot ng katarungan para sa mga pinaslang ng War on Drugs ay mahaba at masalimuot na paglalakbay. Maaaring may mapagal o panawan ng pag-asa sa tagal ng proseso o sa walang katiyakan na hatid ng hinaharap. Ngunit sa kabila ng mga pangamba at sa panahong nakararamdam ng pagkahapo, gaya ng paalala ni Atty. Gettie Sandoval, mahalaga ang pagpapahinga, paghugot ng lakas mula sa mga minamahal at kasama sa adbokasiya, at ang pagdiriwang ng bawat tagumpay na ating natatamo. Mahalaga ang pagdiriwang ng bawat tagumpay dahil ito

ang magpapatuloy sa alab ng ating mga damdamin. Ang pagkakaroon ng mga research na tumatalakay sa WoD – isang tagumpay. May pamilya na nais magsalita sa publiko ukol sa naranasang EJK – isang tagumpay. May pamilya na nagdesisyong magsampa ng kaso sa mga nang-abuso sa kanila – tagumpay. May tumindig upang maging human rights advocate – isa ring tagumpay. Ang lahat at bawat tagumpay na ito ay hindi dapat pinalalampas dahil ito ay hakbang pasulong sa pagkamit sa ating pinakaaasam-asam – ang tagumpay na pagsasaluhan ng sambayang Pilipino sa pagkakataong makamit natin ang katarungan sa lahat ng naging biktima at survivor ng War on Drugs. Atin ang bukas, atin ang tagumpay!

Online Legal Mission, Hatid ng ZOOMBUNGAN ng Bayan Pauline Abello Kahit pa naantala ng pandemya ang paghahatid ng legal missions sa komunidad, patuloy ang pagbibigay ng libreng legal advice mula sa mga abogado ng IDEALS, Inc. Humigit kumulang sa 458 kliyente ang kumunsulta sa mga abogado sa pamamagitan ng ginawang “online legal mission” gamit ang zoom. “Maganda yun programa dahil nakakapagbigay tayo ng payo sa mga nangangailangan kahit pandemya. Dahil online siya, nakakausap din natin kahit ang

mga taga-Visayas at Mindanao, na hindi karaniwang napupuntahan ng mga legal mission ng IDEALS,” ani Atty. Irene Pua. Ang proyektong “Zoombungan ng Bayan” ay inilunsad ng IDEALS, Inc. at Sumbungan ng Bayan ng GMA Network Inc. noong Abril 30 upang patuloy na makapaghatid serbisyo sa mga nangangailangan. Dahil sa breakout rooms ng Zoom, maaari nang magsagawa ng sabay-sabay ngunit pribadong konsultasyon ang mga kliyente. Sa nakalipas na walong session, napag-alaman na karaniwang

nakasentro ang mga isyu ng kliyente ukol sa kanilang mga karapatang pantao lalo na sa mga usapin ng trabaho, pabahay at suporta sa pamilya. Mayroon ring mga tanong tungkol sa pang-aabuso at red-tagging. Dati nang nagpupunta ang grupo sa mga komunidad upang magsagawa ng legal missions. Noong nakaraang taon, kahit sa gitna ng pandemya, naisagawa rin ito sa dalawang barangay sa Marikina na lubhang naapektuhan ng bagyo.

Dahil hindi pa rin natatapos ang krisis na ating kinakaharap, layunin ng grupo na patibayin ang inisyatibang ito upang mas marami pa ang matulungan ng programa. “A prevailing issue in our society today is the high cost of quality legal services that may result in proper access to justice and achievement of justice. Being given a platform to provide free legal services, amid the covid-19 pandemic, is a service to all fellow Filipinos that should be continued and replicated. Mabuhay ang SNB!”


Sagipin ang Cagayan River! Para sa mga komunidad na pumapaligid dito, ang Cagayan River ay simbolo ng buhay. Itinuturing na pinakamahabang ilog sa Pilipinas, ang Cagayan River ay dumadaloy sa apat na probinsya: Nueva Vizcaya, Quirino, Isabela, at Cagayan. Dito kumukuha ng hanapbuhay ang mga residente sa probinsya at malaking bahagi ito ng kanilang kultura. Ginagawa itong paraan ng transportasyon, at matatagpuan dito ang maraming yamang-ilog gaya ng isdang Ludong, ang pinakamahal na isda sa Pilipinas, at mga uri ng kabibe tulad ng bennek at unnuk. Ayon kay nanay Salvacion mula sa Gattaran, Cagayan, napatapos niya sa pag-aaral ang tatlo niyang anak sa pamamagitan ng paghuli at benta ng bennek. Pero sa kasamaang palad, mukhang hindi na niya kayang mapanatili ang ganitong klase ng hanapbuhay. Aniya, “Meron pa ngayon (bennek) pero maliit na lang, mukhang monggo.” Pansin din ng ibang miyembro ng komunidad mula sa iba’t ibang barangay sa Cagayan ang malaking pagbabago sa ilog, na wari nila ay epekto ng River Dredging o paghukay sa ilog. Bagamat ayon sa lokal na pamahalaan, ang dredging ay isinasagawa para maiwasan ang baha, batid ng iba na baliktad pa ang nangyari. Ayon sa ilang mangigisda mula sa Lal-lo, halos 30 ektarya ang na-wash

out na lupa sa kani ang isla sa nakaraang baha. Dahil dito ay nasira ang kani ang mga taniman. Hinala ng ilang mula sa komunidad, hindi dredging ang isinasagawa sa kanilang ilog kundi black sand mining o ang pag-mina ng itim na buhangin, na isinasagawa ng taga-ibang bansa. Ang black sand ay mahalaga dahil ginagamit ito sa paggawa ng semento at bakal. Pero ayon sa mga eksperto, ang black sand mining ay maaaring magresulta sa pagbaha dahil sa pagguho ng lupa lalo na tuwing bagyo. Iniistorbo rin ng proseso ng pag-mina ang marine at coastal ecosystems gaya ng mga mga isda at iba pang yaman-tubig. Ani mga miyembro ng karatig na komunidad, naaalala nila dalawa o tatlong taon na ang nakaraan nang makita nila ang isang barko na naghuhukay ng itim na buhangin at dinadala ito kung saan man, habang ang tirang putik ay itinatambak muli sa ilog. Natatakot sila na mauulit na naman ito at tuluyang masira ang Cagayan River. Sa tulong ng ilang organisasyon gaya ng Cagayan Advocates for Integrity Creation (CAIC) at IDEALS, umaasa ang ibang residente na itataguyod ng pamahalaan ang kanilang karapatan at tulungan silang protektahan ang minamahal nilang ilog.

Bea del Rio

Ayon kay Randy, mangingisda mula sa San Antonio, Cagayan, apektado ang pang-hanap buhay niya para sa kaniyang apat na anak dahil umunti na ang mga isda at lumiit na ang mga bennek sa Cagayan River.

Ani mga residente palibot ng Cagayan River, kung pwede lang sana ay ‘wag na ituloy ang dredging sa ilog. Ayaw din nila na alisin ang sandbar dahil tinataniman nila ito at ginagawang pastulan ng kalabaw. Nagsisilbi din daw itong harang kapag malakas ang agos ng tubig tuwing may bagyo.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.