Dignidad Issue 7

Page 1

ISSUE 7 OCTOBER 2019 EDITORYAL

SANDIGAN SA PAGBANGON “Hindi ko alam kung paano ako magsisimula.� Tulad ng marami, nabanggit mo na marahil ang retorikang ito na tila isang paghahangad sa agarang lunas sa kasalukuyang pighati. Pero higit pa ito sa isang kataga, lalo na para sa mga biktima ng krisis at mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. Mula nang magsimula ang kampanya kontra droga ng administrasyon, libu-libong pamilya ang nawalan ng pagasang makabangon muli matapos ang pagkitil sa buhay at pangarap ng kanilang kapamilya. Sa tatlong taong pamumuno ng

Presidente, naging madugo at marahas ang kampanyang ito. Subalit hindi pa rin naman nalutas ang problema ng ating bayan. Sa halip, mas dumami ang naapektuhan at nag-iwan ito ng malalim na sugat sa maraming mahihirap nating kababayan. Gayunpaman, hindi imposible ang pag-ahon dahil mayroong pag-asang kabiyak ang pagpapatuloy sa buhay. Paano nga ba sisimulan ang paghilom at pagbangon? Sa pagluluksa at pakikiramay. Imbis na magkaroon ng panahon upang magluksa, karamihan sa mga pamilyang naulila ay napilitan na doblehin ang pagkayod para mapunan ang kanilang kawalan. Ilan ay abala sa pag-iintindi ng pambayad sa utang, takot at trauma sa pangyayari, at pag-aasikaso sa pagsusustento sa kanilang pamilya. Ang iba ay abala sa pagsulong ng hustisya. Kaya naman, mas kailangan ring paigtingin ang pagmumulat sa komunidad na may kaharap tayong krisis sa karapatang pantao at kailangan nating umaksyon para maging sandigan ng isa’t-isa. Sa pamamagitan nito, maaaring magkaisa ang bayan sa pagluluksa at pakikiramay.

May panahon ng pagpunas sa mga luha at paglarga ng sarili sa pagbangon. Maaaring humugot ng lakas mula sa suporta sa komunidad at simbahan. Hindi ka nag-iisa. Bilang tugon sa mga nangyayari sa lipunan, mas tumitindig ngayon ang simbahan bilang kanlungan at sanktawaryo ng mga nangangailangan. Bukas ang kanilang pintuan para kupkupin, gabayan at bigyang pag-asa ang mga sugatan at naulila. Mas nagiging aktibo rin ang mga kasapi sa komunidad sa pagtaguyod ng karapatang pantao. Mula sa simpleng kapitbahay na handang makinig at dumamay, tungo sa pagiging tagapagtanggol ng karapatang pantao o human rights defenders. Marami sa kanila ay boluntaryo at walang takot na naglilingkod para sa kapwa. Bukod dito, mas pinaiigting rin ng mga organisasyon ang pagbibigay ng mga libreng tulong at suporta tulad ng psychosocial support, livelihood at legal assistance, scholarships at marami pang iba. Sa pagkakaisa. Magkakaiba man ng pinagmulan, katayuan sa buhay at karanasan, ang bawat isa ay magkakaugnay at dinudugtong ang ating kwento ng iisang layunin sa buhay. Lahat tayo ay minimithi ang kabutihan, kaunlaran, pag-ibig at

pag-asa. Gusto nating lahat matamasa ang ginhawa. Sa panahon ng krisis sa karapatang pantao, kailangang palakasin ang bawat miyembro ng komunidad para siyang maging sandalan ng bawat isa. Sa lakas na ito magmumula ang ating kakayahang ipagtanggol ang ating karapatan at kalayaan laban sa mga mapang-aping pwersa sa pamahalaan. Tutulong ang panahon sa paghilom, pero wala itong magagawa kung hindi tayo magsisimula. Marahil nakakatakot harapin ang patlang ng pagsisimulang muli, pero nakakapukaw rin ito kung pupunuan ito ng pananalig at pananampalataya. Kailangang maging tanglaw natin ang isa’t-isa para masimulan ang pagbuo sa bagong pag-asa. Hindi man kagyat, matutupad rin ang pangkalahatang paghilom tungo sa isang pagbangon.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.