Sinagtala 1 | August 2019

Page 1

Sinagtala EDITORYAL

Limot na krisis Halos dalawang taon ang nakalilipas matapos ang isa sa pinakamahabang armadong bakbakan sa lungsod sa kasaysayan ng Mindanao, daang libong indibidwal ang patuloy pa ring nagbabakwit. Nasasakop ng kontrobersiya ang mabagal na rehabilitasyon habang hindi pa rin nakauuwi sa kanilang mga tahanan ang mga apektadong residente ng Marawi. Ngunit, noong Hulyo 22, sa ikaapat na State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi binanggit ang mga kasalukuyang isyu at potensyal na solusyon para sa paghilom ng lungsod. Sa halip, ikinabit sa suliranin ng illegal na droga ang nangyaring sagupaan. Sa ganitong pagtingin, tayo’y mapapatanong, saan ang konsiderasyon sa pangkasaysayang konteksto ng marahas na ekstremismo? Bakit nga ba hindi natatapos ang mga engkwentro? Paano na ang mga napag-iwanan, ang mga taong nawalan ng mga mahal sa buhay at nawasak ang mga tahanan? Pagkatapos ng mga ingay, bomba at barilan, nakalimot na ba tayo na ang tunay na laban ay hindi natatapos sa bakbakan? Batay sa Hunyo 2019 na ulat ng United Nations High Commission for Refugees Philippines (UNHCR), tinatantiyang 26, 390 na pamilya parin ang nanatili sa mga evacuation centers, transitory shelters o sa kanilang mga kamaganak. Higit pa rito, ilan sa mga hamong pinakahinaharap ng mga bakwit ay ang pantawid sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan katulad ng pagkain,

tubig, at hanapbuhay. At ang isyung ito ay hindi lamang sa Marawi. Malawakang krisis ang displacement buhat ng armadong bakbakan sa iba’t ibang pook ng Mindanao -- ilang daang taon na ang nakalilipas. Mula sa parehong ulat ng UNHCR, 42, 435 na indibidwal ang nagbabakwit sa Maguindanao, kung saan laganap din ang mga engkwentro. Sa lungsod naman ng Zamboanga, 1, 080 katao o 216 na pamilya pa ang naninirahan sa mga transitory sites mahigit limang taon matapos ang Zamboanga Siege. N g a y o n , paano nga ba matutugunan ang krisis pangkapayapaan sa Marawi at sa buong Mindanao?

ISYU 1 AUGUST 2019

Maaaring magsimula sa pag-alala sa mga pinaka apektado ng mga giyera, sa pag-alam sa kanilang mga kalagayan, pakikinig sa kanilang mga hinaing at pag-alalay sa kanilang paghilom. Sa sitwasyon ng Marawi, nangangailangan ng malinaw na paliwanag at komunikasyon sa mga tao hingil sa mga isyu at planong rehabilitasyon. Responsibilidad ng pamahalaan at ng mga kasaping ahensya na lalong pangalagaan ang interes at kapakanan ng komunidad, lalo na’t may panibagong dagdag sa pondo. Mayroong P234 milyon galing Estados Unidos at P140 milyon mula Australia upang makatulong sa pagbangon ng lungsod. Sa usaping krisis at pangarap na kapayapaan sa rehiyon ay kailanman

hindi limot ang sagot. Mahabag at mabilisang tugon ang makapapawi sa hinanakit at poot. Ito ang kailangan para tunay na makauwi ang mga tao at masimulan ang paghilom.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.
Sinagtala 1 | August 2019 by IDEALS Inc. - Issuu