Sinagtala 5 | December 2019

Page 1

Sinagtala

ISYU 5 DECEMBER 2019

Nasa atin ang pagpapasya Nais nating lahat na magkaroon ng lipunan na masagana at mapayapa. Ang pangarap na ito ay dahan-dahan nating binubuo, ngunit kailangan nating patingkarin ang usapin na ang kapayapaan ay hindi hiwalay sa usapin ng karapatan. Isa sa mga maiinit na isyu ngayon ay ang karapatang pantao. Sa Maynila at iba pang siyudad, nandito ang isyu ukol sa karahasan at patayan sa ilalim ng kampanya kontra droga. Sa Mindanao, talamak ang kakulangan sa mga batayang serbisyo gaya ng edukasyon, kalusugan, at marami pang iba na nagreresulta sa pagaklas ng maraming grupo. Sa ating mga kapatid na Lumad at iba pang indigenous people, nandito ang pagagaw sa lupa at kawalan ng suporta mula sa gobyerno. Nakikita na ang usapin ng karapatang pantao ay usapin ng buhay natin sa araw-araw. Ngunit napapahalagahan lamang natin ito kapag tayo na mismo ang naaapektuhan ng pang-aabuso. Madalas pa ay ikinukulong natin ang karapatan sa usapin ng mga krimen gaya ng patayan, nakawan, at kawalan ng hustisya. Ang karapatan ay higit pa sa ganitong konsepto.

Ito ay usapin kung paano kakain ang pamilya, kung paano magaaral ang mga bata, at kung paano magagampanan ng gobyerno ang tungkulin nilang pagsilbihan ang mga mamamayan. Ito ay ang pagsiguro na ang ating lipunan, kapitbahay, at pamilya ay namumuhay ng maayos at masagana, ligtas, at walang takot.

Ang karapatan ay usapin ng sapat na pagkain, maayos na edukasyon, murang pabahay at tubig, at malayang pagpapahayag ng opinion. Sabi nga, “huwag mong gagawin ang mga bagay na ayaw mong gawin sa iyo.� Sa parehong linya, ito ang pagbibigay sa ating kapwa ng mga bagay na nais nating magkaroon - kabilang dito ay ang respeto at hustisya.

Dapat tandaan na bago tayo maging manunulat, doktor, estudyante, o magulang, tayo muna ay mga tao. Nasa ating mga kamay kung paano natin pabubutihin ang pamumuhay natin at ng marami pa nating kapwa. Hindi ito pagiging makasarili, ngunit ito ay pagkilala na bawat tao ay may karapatan. Naiintindihan natin na iisa lamang ang ating boses at aksyon kumpara sa bilyong tao sa mundo. Ngunit hindi tayo dapat panghinaan ng loob dahil ang munting tinig na ito ay maaaring dumagundong kapag tayong lahat ay nagkaisa. Alam natin na ang kapayapaan ay higit sa kawalan ng gulo at giyera. Kung kaya’t ang konsepto na ito ay dapat nating ipalaganap sa marami pang hanay ng tao. Tayo ay may kakayahan at tungkulin na lumikha ng bagong kuwento. Bawat tao ay may kakayahan na baguhin ang pag-iisip ng marami tungkol sa kapayapaan. Tandaan na bawat isa ay maaaring magtanim ng punla at magpasya na itaguyod ang kapayapaan at karapatang pantao. Nasa atin ang kapangyarihan at pagpapasya para sa pagbabago.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.