2 minute read
Pag-aralang mabuti
Panahon na upang bumalik tayo sa dati at magkaroon na ng face-to-face classes, nang manumbalik ang totoong kalidad ng edukasyon na nabawasan sa loob ng dalawang taong lockdown, subalit kailangang ihanda ang paaralan sa muling pagbubukas nito.
Ayon kay Vice-President at DepEd Secretary Sarah Duterte, tuloy na tuloy na ang pagbubukas ng klase sa Agosto 22 taong kasalukuyan at ang sa Nobyembre naman ang full face-to-face classes
Advertisement
Subalit umani ito ng kaliwa’t kanang panawagan ng ilang grupo na iurong ang pagbubukas ng klase sapagkat anila, kailangan munang ihanda ang paaralan. Napakaikli 'di umano ng panahon na ibinigay sa mga guro para makapagpahinga pansamantala, at maiksi din ang panahon ng paghahanda.
Isa ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang humiling sa Department of Education (DepEd) na maging bukas sa pakikipagdayalogo sa mismong mga frontliner ng edukasyon, ang mga classroom teacher, upang alamin muna anila ang kanilang saloobin at kuhanin ang kanilang mga opinyon hinggil sa pagbubukas ng klase, ayon kay Benjo Basas, National Chairman.
Alam naming uhaw na ang marami sa mga mag-aaral na marinig ang kanilang guro na nagbabahagi ng kaalaman sa personal, subalit marami ang kailangang ihanda tulad ng mga pagsasanay sa mga guro, mga kagamitan sa pagtuturo, pagsasa-ayos ng mga pasilidad, kailangang suriin ang mga gusali ng paaralan na hindi nagamit sa loob ng mahigit dalawang taon at mga karagdagang silid-aralan.
Kapag nag-face-to-face na, ang dating laman ng klasrum na 50, hahatiin na ito sa dalawa upang masunod ang minimum na 25-30 na mag-aaral lamang upang masunod ang health protocol dahil na rin sa banta ng COVID-19 lalo’t hindi pa lahat ng mga mag-aaral sa bansa ay bakunado na o may 2nd booster na.
Maganda ang layunin ng bawat isa, ito ang makapagbigay ng de kalidad na edukasyon sa lahat ng mga kabataan, parehong may punto, parehong may malasakit subalit kailangang masusing pag-aralan ang bawat hakbang, dapat walang magsasakripisyo, dapat walang agrabyado, dapat makikinabang ang lahat, higit sa lahat ang guro at mga kabataan.
Liham sa Patnugot
Mahal kong Punong Patnugot, Nais naming iparating ang aming taos-pusong pasasalamat sa: Mahal na punong patnugot, maraming salamat po dahil hindi ninyo kami binibigo bagkus pinahahanga nyo pa kami taon-taon dahil lalong gumagandang disenyo ng publikasyon.
Nagpapasalamat din po kami kay Sir Pompio B. Floro Jr. ang ating butihing punungguro dahil sa patuloy niyang pagsuporta sa inyong mga programa ng ating publikasyon dahil naibalita ninyo sa amin ang kanyang pagbibigay ng budget bilang pahintulot na makapagpundar kayo ng mga kagamitan para sa Radio at TV Brodcasting tulad ng speaker, mamahaling microphone, spot ligth, Smart TV at syempre ang paglalaan niya ng pondo para mai-print ang ating dyaryo.
Maraming salamat po Sir Pom na kahit sa loob lamang ng 19 na buwan ay nakadaupang palad namin kayo, maiksi lamang ang mga panahong iyon subalit marami na kayong nagawa para sa aming paaralan lalo na sa Tanglaw.
Nawa'y patuloy kayong pagkalooban ng Diyos ng kalakasan upang maipagpatuloy pa ang paglilingkod sa susunod na paaralan inyong paglilipatan
James Carlos Philip - Grade 12 - CSS B
Sa Aming Minamahal na Mambabasa, Isang mapagpalang araw sa iyo!
Maraming salamat sa iyong liham, salamat sa patuloy na pagsubaybay sa ating publikasyon. Ramdam at kitang-kita na natin ang mga pagbabago sa ating School Publication Office dahil sa mga karagdagang kagamitan sa pagaaral ng journalism at sa mga pagbabago sa ating paaralan, nawa’y maging isa tayo sa pagpapabuti, pagpapaganda at pagsasaayos nito dahil batid nating lahat na may mga pagsubok pa tayong pinagdaraan, ito ang COVID 19.
Lubos kaming nagpapasalamat sa oras na iyong inilaan upang makapagpasalamat at makapagbigay ng suhestiyon.
Umasa ka na patuloy kaming kakalap ng mga impormasyon at patuloy na maglilingkod sa paaralan bilang mamamahayag.
Ricky Caballero - Punong Patnugot