Maaaring lugar na patutunguhan ng bumabyaheng jeep. Maaaring contact details ng isang tubero. Maaaring “Wanted G.R.O” sa labas ng mga beerhaus. Maaring “Adik, ‘wag tularan,” na katabi ng bangkay ng isang maralitang-lungsod. Maaaring mga mapupulang linyang sumisigaw para sa “Tunay na reporma sa lupa,” bitbit ng mga magsasaka sa lansangan. Anuman ang nakasulat sa karatula, ang malinaw ay isa itong panawagan. Ngunit ang tanong: para saan ang panawagan? Para kanino ang panawagan?
Ang Karatula ay isang proyektong lunsad ng komite sa literatura at sining biswal ng Panday Sining. Ito ay isang zine na naglalaman ng mga lathalain sa porma ng mga prosa, tula, dibuho, iba pang likha, at, gaya ng naunang nabanggit, mga panawagan. Para saan? Para maging salamin ng tunay na kalagayan ng lipunan—makapagmulat, makapag-organisa, at makapagpakilos tungo sa pagbabago nito. Para kanino? Para sa masang inaapi, para sa masang lumalaban.