KARATULA Isyu 7

Page 1














Hindi Siya Si Kristo Jericho Zafra

Sa ngalan ng Ama, nakalulugod kung magluluwalhati ka sa poong uupo’t mang-aalipusta, poot kung hindi waring sumamba. Rehas o karatula: kapalit ng ‘di pagtalima – magpapasiya ka. Pagod na si tatay, Wari mang manlaba’y tiyak mamamatay Ipagpasa- D iyos ang mensahe sa karatula, Maniwala ka… wala ‘kong bitbit na droga. Hihinga pans u mandali, Itu t uro ang daliri sa mga disipulo ng naghaharing uri; ipapaling ang hintuturo tungo kay Magdal e nang nagdu r ugo – siyang inaping makasalanan, yaong umako sa kahalayan, yaring inalipustang nagtitika sa kasalanan– salang gawi ng poong suot ay damit diyos-diyosan. Luwalhati sa Ama, magpasasalamat ‘pagka t ngayo’y humihinga pa, magluluwalhati ‘pagkat humihimbing ng walang pangamba magluwalhati ka sa Ama, kung waring mabuhay pa.

Luwalhati sa Anak, miminsang hahalakhak, kadalasa’y umiiyak sa buhay na ‘di tiyak— sa bukas na hinahamak. Luwalhati sa Espiritu Santo, Magluluwalhati laan sa mga e spiritung sumasanto— sa santong pumapatay sa sanlibutan. Magluluwalhating kinikilabutan sa espiritung pinatahimik ng santusantuhan— kaluluwang umalpas ng walang l aban. Purihin mo a ng Diyos kailanman, ‘pagkat kapiling Niya yaong aliping nagmamayabang. Purihin mo yaong Diyos mong darang ang tinig, ‘pagkat bingi na yaong nais marinig, nanginginig, ‘di nanaising tumindig. Purihin mo yaong Diyos na ‘di palalansag, ‘pagkat bulag na yaong nais mabanaag, kinulaba ng pagpipita, matang silaw sa bitag. Purihin mo yaong Diyos na malamlam ‘pagkat pipi na yaong may waring ipaalam, at may busal yaong kumakalam: sa pagbabago— sa pag-aalsa.


Papuri sa ’Yo, oh haring banal ‘pagkat ngayo’y nananalangi’t napapagal, nagluluwalhati’t naduduwal sa pagwawaring ‘di na magtagal a ng pagpapahipig at pambubusal. Kapara noong unang-una, ngayon, magpakailanman, at magpasawalang hanggan Siya nawang may sala, ang walang kaawa-awa, yaong puspos sa pagsugapa sa pagpapayapa – ng mga kaluluwang tinulusang nakadapa. Mag-antanda man ng krus kung nais makiramay mag-nobenaryo man ng kapit-kamay, kung yaong pagsamo’y hahantong sa pagtulos, ‘wag nang magtangka, magpinid upang matubos. Amin nawa ang paglilitis pagmulat sa kinabukasan, Siya nawa ang magtika sa kalapastanganan Siya nawa yaong lumuhod sa lipunan, hatulan sa pananabak ng Karapatan— sa pagpapakatuta sa dayuhang bansa, sa pagpapasuso ng pasistang pamamahala. Siya nawa’y maawa, S iya nawa. Putulin yaong rosaryong sandatang pigtas ‘pagkat ang pwersa’y waring pumiglas, himas sa krus kung wari’y maligtas, mag-aklas kung wari’y kumalas. Amen. +


Kinausap Ko Ang Buwan mailap ako sa dilim tuwing bibisita ang takipsilim, hindi na ako mapakali, alam ko, parating na rin sila silang sugo ng lagim silang mga kalaban silang mga sakim silang halimaw ng lipunan sabi sa akin ni nanay dapat daw ako mag-ingat sa paglubog ng araw at sa pagtago ng liwanag ang pagsilip ng buwan ay may hatid na babala, hudyat—pagbabadya ng kanilang pagdating magtago na raw ako, kami hindi namin kakayanin ang pagbabalat-anyo ng mga mapanlinlang babangon na silang mga hindi tao, silang mamamatay-tao— ang mga maligno takot kami sa aswang pangil, kuko, dila, dugo berdugo—katangian ng mga pumapapaslang mga pananda ng simula ng pagkubli at pagtakas panimulang wakasan mga buhay ng mga lumalaban


sabi sa akin ni tatay magtiwala ako sa kanya at sa mga kasamahan niya lalaban daw sila susuungin ang karimlan ng kanayunan at sakahan hindi na maduduwag sapagkat may liwanag ang tala, mga bituin magsisilbing kislap ningning ng pag-asa, lalaban ang mga magsasaka kapit sa patalim— asarol, kalaykay, itak, sa karit at maso— lalaban ang mga maralita sisikaping makamit ang hustisyang pinagkait ng sariling bansang kanilang pinagsisilbihan hindi na muling hahayaan na madiligan ang palayan ng naghalong dugo at pulbura gawa ng mga armadong aswang ang gabi ay hindi sa pagtago lalong hindi hudyat ng pagsuko nakalaan ito sa pahinga, sa paghinga ng mga Pilipino sa wakas, kaya ko nang harapin siyang paghinga ng sakahan siyang pahinga ng umaga kinausap ko ang buwan: alam mo na kung bakit naging mailap ako sa dilim luna, ito ang aking karit handa na ako sa takipsilim


May Labang sa Mait Norman A. Novio

“Mas mabuti pa sigurong maging labang lumalakaw* na kahit kampon ng kadiliman ay magagawa ko namang ipagtanggol ang Mait sa mga de-baril na taga-patag,” malungkot ngunit may tatag na wika noon ni Damay kay Bapa Bido. “Huwag ganyan, baka biruin ka ng mga karadwa*, magising ka na lang isang umaga na aswang ka na,” babala sa kanya ng punong-tribo. Pero papaano niya malilimutan ang kagimbal-gimbal na pagpatay sa kanyang Ate Olay at buong pamilya nito noong taong 2003? Kahit labing-pitong taon na ang nakalilipas, bumabalik-balik pa rin ang kasumpasumpang araw na iyon sa kanyang gunita. Ipinalagay niya na isa lamang iyong karaniwang umaga sa Mait na pamayanan ng mga Hanunuo Mangyan. Isang umagang kagaya ng dati. Sinasalubong ang pagputok ng araw ng matinis na tilaok ng labuyo mula sa gubat, unga ng kalabaw na nakasuga sa puno ng bignay sa may ‘di-kalayuan at bango ng binusang mais mula sa dapog.

paglalagyan ng baon noon ang ate ni Damay na si Olay habang naghahanda naman ng damit ang kanyang Kuya Eyo. Biglang binasag ang katahimikan ng sunodsunod na mga putok ng baril. Agad bumagsak mula sa kanyang kinatatayuan ang musmos si Isot, duguan at tadtad ng bala ang katawan. Matapos ang unang sigwa ng mga putok ay tinakbo ni Olay si Eyo na noo’y kalong-kalong ang anak na patay na. Kitang-kita ni Damay kung papaano humandusay na walang buhay ang buong pamilyang kumupkop sa kanya. Nang humupa ang lahat, umalis ang mga sundalo bitbit ang kanilang riple na ang kulata ay may nakapulupot na rosaryo. Bukang-liwayway na at sumikat na ang araw na tila inosente sa mga pangyayari na hindi nagpasintabi sa mga apat na namatay. Tandang-tanda niya ang mukha ng lider ng mga sundalo. Si Tinyente Jovencio Paliparan na tinaguriang berdugo ng mga Mangyan. Kabi-kabilang kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang kanyang mga nalusutan. Nagawaran pa nga ito ng medalya ng kagitingan noong siya ay aktibo pa.

Makikipanalukan sila sa bayan at pansamantalang mananatili rito hanggang hindi natatapos ang kanila tampa* sa pagtatanim ng palay sa lupa ng isang mayamang damuong* doon. Kinse anyos pa lang noon ang ulilang si Damay.

Ayon sa bali-balita, may kinasama itong mayamang negosyante. Naging protektor ng mga negosyo ng babae si Paliparan habang gamit naman ng tinyente ang salapi nito sa pagpapalakas sa mga opisyal ng sundalo para sa promosyon.

Tatlong taon lang si Isot at magdadalawa naman si Palyos. Makakatikim na naman kasi sila ng mga matatamis at makukulay na pagkaing wala sa bundok at makabibili ng laruang plastik.

Matapang ang testimonya si Damay pero pinanindigan ng opisyal ng sundalo na hindi nila sinasadya ang pamamaril. Naipit lang daw ang mga ito sa pakikipag-palitang putok nila noon sa mga NPA. Gustong sumigaw ni Damay pero pinigilan siya ni Bapa Bido. Nanlilisik ang mga matang nilisan ni Damay ang bulwagan na akay-akay ng matanda.

Tatapusin ni Damay ang pag-i-impake ng mga dadalhin para hindi sila abutan ng sikat ng araw sa daan. Naghuhugas ng kalderong


Mula noon, hindi na nakita pa si Damay sa Mait. May umampon daw sa kanya na taga-gobyerno, nagsumikap at ngayon ay kumukuha ng abogasiya sa UP. May nagsabi naman na sumanib daw ito sa NPA na kamakailan lang ay nasaw sa enkwentro sa Brooke’s Point, Palawan. Pero mga kuwentong bayan lang ang mga iyon. Alam ni Bapa Bido ang totoo. Trenta’y dos anyos na si Damay nang kahit na kasulok-sulokan ng gubat ay gumapang ang lagim ng pandemya na kung tawagin sa patag ay COVID-19. Si Bapa Bido lang ang nakababatid na si Damay ay labing-pitong taong ikinulong ang sarili sa isang kuweba na pusod ng kagubatan ng Mait. Sa loob ng mga taong iyon, wala nang sinumang masamang tao ang nangahas na maghasik ng takot sa Mait. Ang pastor ng isang kulto na tumutok ng baril sa mga Hanunuo dahil sa ayaw siyang payagang magtayo ng kapilya doon ay natagpuan na lamang isang umaga na wakwak ang leeg at naliligo sa sariling dugo. Ang takas na bilanggo na lumapastangan sa isang dalagita ay durog ang bayag, tuyot sa dugo ang katawan at sabog ang bungo. Hubo’t hubad siyang narekober ng mga tumutugis sa kanyang tauhan ng Sablayan Penal Colony. Ngunit sa kabila nang pandemya, walang humpay ang pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglulunsad sa mga pamayanang katutubo ng tinatawag na End Local Communist Armed Conflict (RTF ELCAC) kabilang na ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). Ang dating si Tinyente Paliparan ay si Mayor Paliparan na ngayon ng Nicolas. Matapos magretiro, nanalo siya noong nakaraang eleksyon dahil na rin sa tulong ng mga dati niyang kasamahang opisyal

na may koneksyon daw sa Malakanyang. Dagdag pa rito ang mga mayayamang negosyante sa siyudad na amigo o amiga ng kanyang kinakasamang balo sa buhay na ubod ng yaman. Nagpamiting sa Mait isang araw si Mayor Paliparan bilang pinuno ng Municipal Task Force ELCAC ng Nicolas at kagaya sa ibang pamayanan, binalaan niya ang mga tao na huwag umanong makikipag-ugnayan sa mga mamamatay-taong NPA. Kapag wala na raw ang CPP-NPA-NDF sa bansa, tatahimik na daw ang Pilipinas. Tanghali na ay hindi pa lumalabas ng kuwarto si Mayor Paliparan. Hindi mapakali ang kanyang mga badigard dahil may miting ang Municipal Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa munisipyo noong araw na iyon. Pupunta rin sila para mamahagi ng PPEs, computer ink at coupon bond sa mga paaralan. Hectic ang schedule ni Mayor noong Lunes na iyon. Natagpuan nila si Mayor Paliparan sa loob ng kuwarto. Nakalaylay ang ulo sa gilid ng kama, nakadipa at nakatihaya, laslas ang lalamunan na parang kinagat ng halimaw, umaagos ang sariwang dugo mula sa leeg na sinasahod ng bao ng niyog na may nakababad na apat na panuhugin*. Sa masukal at maputik na daan paakyat sa Mait mula sa bayan, lumampas sa grupo ng mga pulis at barangay health worker ang misteryosong babaeng Hanunuo na nakayuko at may suot na facemask. *Labang lumalakaw: aswang na pagala-gala *Karadwa: espiritu ng mga ninuno *Tampa: kontrata *Damuong: taga-patag *Panuhugin: bracelet ng Hanunuo



Liham ng Kasunduan Kumusta ka, kaibigan? Tagal na natin hindi nagkakausap. Ang layo na rin ng narating mo. Naaalala mo pa ba ko? Sana, oo. Kumusta na ba riyan? Umabot na rito ‘yung tsimis, sikat na sikat ka raw? Laman ka kasi ng balita, ng dyaryo; pulutan ka rin ng mga Pilipino. Naku, hindi na kita maabot. Mataas na talaga pwesto mo. Balita ko rin tagumpay ka sa buhay, ah? Sumang-ayon sa ‘yo lahat ng plano mo? Mahusay ka talaga. Inggit na inggit ako sa ‘yo, kaibigan. Sana napapahiram mo galing mo, ‘no? Bale, ito na nga, kakapalan ko na mukha ko. Nais ko sanang makipagsunduan ulit sa ‘yo. Hindi ko na kasi alam gagawin ko. Gusto ko mabawi tiwala ng mga tao ko sa akin. Gusto ko maging sunud-sunuran sila ulit sa akin. Eh, kahit sila, kahit mga tauhan ko, kahit nasa teritoryo ko, ikaw ang tinatangkilik. Ikaw raw ang pinakamahusay. Ano bang laban ko sa ‘yo? Kahit kailan, hinding-hindi ko kakayaning makipagtuos sa ‘yo nang ngipin sa ngipin. Susuko ako. Takot ako sa ‘yo. Napapatanong na nga lang ako. Natutulala rin. Kulang na lang kausapin ko na sarili ko. Muntik na rin ako magkumpisal. Buti na lang tinibayan ko loob ko. Sabi ko, “Hindi p’wede. Magagalit kaibigan ko.” Kaya kita bigla naalala. Kaya ginusto ko rin sumulat sa ‘yo. Naku, napahaba na yata masyado. Ito na nga. Tutal hindi naman kita kailanman mahihigitan, makikiusap na lang ako. P’wede ko ba ibenta kaluluwa ko sa ‘yo? Kapalit sana ng kapangyarihan na hawak mo. Minsan naiinis na lang ako sa inggit.


Kung hindi p’wede, tumigil ka na. Hirap na hirap na akong mamuno. Nasa lupa ka pero parang sa ‘yo ang impyerno. Buhay pa ang mga Pilipino, sinusunog mo na sila sa nagdadagat-dagatang apoy ng pagiging pasista mo. Paalala ko na rin sa ‘yo: hindi mo pag-aari ang Pilipinas. Hindi ito sa ‘yo para gawin mong palaruan. Hindi mo alipin ang mga Pilipino. Itigil mo na ang pagpapanggap na may nananalaytay na kadakilaan sa dugo mo. Sila mismong tunay na dakila na araw-araw pinapanday ang kahirapan ng buhay ay mismong sinisigaw ang pagpapatalsik sa ‘yo. Hindi ka maka-tao. Takot ako sa ‘yo pero nakikiusap ako: Duterte, ibalik mo na sa akin ang trono ko. Hindi naman mahirap ‘yung hinihiling ko ‘di ba? Unang-una, trabaho ko ang pahirapan ang mga kaluluwa ng mga nagkasala. ‘Wag mo naman ako agawan pa ng katungkulan. Kahit mga inosente, patay o buhay, tinatapakan mo. ‘Di mahirap ang pakiusap ko, itigil mo na ang pagpapahirap mo sa kapwa mo Pilipino, lalo sa mga nagluklok sa ‘yo riyan sa palasyo. Milyon silang niloko mo. Alam ko, minsan ka ng sinamba ng mamamayan, pero hindi panghabambuhay mo silang malilinlang. Marami na ang namulat sa katotohanan; tandaan mo, hindi bulag ang hustisya. Ang organisadong masa, kasama ng mga nagpupumiglas na maralita, ang silang makakalasap ng tunay na tagumpay, hindi ikaw. Tulad ng pagmamarka mo ng kapangyarihan sa kanayunan tuwing gabi gamit ang dugo ng mga pesanteng pinaslang sa ilalim ng iyong pamumuno, markado na rin ang pagtuligsa sa ‘yo; markado na ang mga nalalabing araw mo. Parating na sila. Mapupuno muli ang lansangan, hindi ng bangkay kundi ng mga dakila kasama ang mga namulat—mga napagod ng lakbayin ang kasinungalingan na pinaparada ninyo ng mga alipores mo. Hindi ka nakinig sa kanila ni minsan. Habang may oras pa at habang buhay ka pa, ngayon na ang panahon upang pakinggan ang kanilang mga panawagan. Hindi mo kakayaning harapin ang poot ng mga naalipusta. Hindi mo gugustuhing mapintahan ka ng sarili mong dugo. ‘Di mo pa ba nararamdaman hinagpis at galit nila? Ako mismo, ramdam ko na. Alam ko, natatakot ka na rin, dahil ni minsan, hindi nanaig ang diktadura sa kolektibong pag-alpas ng masa. Kung hindi ka pa nababahala, kami ng kaibigan mo kinakabahan na; hinihintay ka na namin ni Marcos dito sa baba. Takot ako sa ‘yo pero mas takot ako sa lakas ng mga Pilipino. Lubos na nagmamakaawa, Satanas


Elehiya Ni Sulayman Sa epiko ako’y isinilang, bilang isang bayaning hirang. Bitbit ang mahiwagang kris, Tinapos ang naka-ugat na paghihinagpis. Ang wakas ng epiko ay simula ng kadiliman. Sa aking hantungan, nakagapos ang muling pagsilang ng mga halimaw na nananakot sa bayan. “Sino ang mga halimaw na walang-awang pumapatay sa mga taong walang kalabanlaban at nakahandusay?” Sa lupaing tuyo, muling nabuhay si Kuritang. Mga paang mababagsik at uhaw sa ganid. Dala dala ang mga armas na hindi kinakalawang, puno ng bala na nakamamanhid.

Sa kapatagan naghahasik si Tarabusaw. Nagbabalatkayong asul, sa dugo ay uhaw. “Mamamatay akong martir!” Sigaw ng Tarabusaw: sa ngalan ng pasismo, ay martir? Sa palasyo natutulog si Pah. Mga pakpak ay mantsado ng dugo ng mga maralita. Sa kabilugan ng buwan, dugo’y umaagos sa kabundukan. Mga matang umaapoy sa galit: nakatitig sa malamig na bangkay bitbit ang karit. Sino ang magliligtas, kung ang lahat ay nasa rehas? Sino ang papatay sa mga halimaw? Mga emosyon ay nabaon sa lupa. Mga bangkay na nangungulila — nakahugpong sa aking lapida. “Panahon na para gumising ka!”


MISTERYOSO ang pagkawala ni Bapa Ob-er. Isang Katutubong Mangyan-Buhid. Isang araw, bigla na lang daw di umanong hindi nakabalik mula sa kaingin si Bapa Ob-er. Marami ang nabuong haka-haka. May mga nagsabing nalunod siya sa ragasa ng ilog Busuanga dahil nakitang palutanglutang ang kapares ng kaniyang tsinelas na Duralite malapit sa pampang. Subalit bakit walang katawang lumutang? Ayaw rin paniwalaan ni Bayi Lot, kabiyak ni Bapa Ob-er na sa kaniya ang natagpuang tsinelas dahil may mga butas ito. Bago ang kay Bapa! Pagtitiyak ng kabiyak. Kaya ang sapantaha niya at ng iba’y pinagkatuwaan si Bapa Ob-er ng mga Labang (Diablo) sa masukal na parte ng kagubatan katulad nang nagyari sa kaniyang ina. May isang lugar kasi roon na hindi nila mapasok-pasok dahil sa kinakatukatan na dito nananahan ang mga Labang. Maririnig daw sa daan patungo sa santuwaryo ang animo’y walang humpay na nag-uumpugang bakal. Inisip nilang kulog ang mga ito. Ang mga Labang daw ang nagtataboy sa sinumang lumalapit sa santuwaryo dahil pinaniniwalaang narito ang mahiwagang tubig. Marami ang nagtangka na pasukin ang santuwaryo kabilang ang ina ni Bapa Ob-er, pero hindi na sila nakabalik ng buhay. Walang bakas, wala kahit bangkay. Binalaan na noon ni Bayi Lot ang katipan na si Bapa Ob-er na humanap na lang ng ibang lugar-kaingin para iwasan ang santuwaryo. Pero wala silang magawa dahil naroon ang kanilang ikinabubuhay, mga tanim na kaong, kape at kung anuano pa. Dahil tumama ang pandemya, lalong naging mahirap para sa mga katutubo ang pagkain. Hindi naman naaabot ng ayuda ang kanilang lugar. Balita pa nga’y labis ang kagutuman sa kapatagan, hindi mabilang ang nagkakasakit at namamatay. Kaya natatakot man para sa kanilang kaligtasa’y wala silang magawa. Lalo na si Bapa Ob-er.

SANTUWARYO Allan Paul F. Catena


Makulimlim noon ang langit nang magpaalam si Bapa Ob-er na pupunta sa kaingin. Nagpasiya siyang anihin na ang natitirang kaong at hinog na kape dahil papalapit na ang bagyo. Nagpaalam siya kay Bayi Lot. Hinatid siya nito nang tingin hanggang sa tuluyang maglaho sa burol pati ang kasunod na anino. Pagdating sa sangang-daan na naghahati papunta sa santuwaryo at kaniyang kaingin, ay nakarinig ng hikbi si Bapa Ob-er. Nagpalinga-linga siya. Lumingon sa likuran, siniyasat ang buong paligid subalit wala namang ibang taong nandoon. Likas na matapang si Bapa Ob-er pero gumapang ang hilakbot sa kaniya nang paulit-ulit na marinig ang boses ng isang babae. Pumapaimbulong sa akala mo’y naguumpugang bakal. Nagmamakaawa ang tinig. Humihingi ng tulong. Kinuha niya ang kaniyang matalim na gulok at hinawakan ito nang mahigpit. Pinakiramdaman niya ang pinanggagalingan ng boses. Itinuro siya ng tinig sa daan patungo sa santuwaryo. Pero makailang hakbang ay tumigil si Bapa Ob-er. Paano kung patibong lang ito ng mga Labang? Paano kung pinaglalaruan siya ng mga ito para tunguhin ang santuwaryo at di na muling makalabas? Ito ang mga nagliliparang katanungan sa isip niya. Ngunit patuloy ang paglakas ng hikbi hanggang sa naging palahaw. Isang sigaw na umalingawngaw sa masukal na kagubatan. Nagliparan ang mga ibon. Kasabay din na gumuhit ang matalas na kidlat sa madilim na kalangitan. Tuloy naman ang naguumpugang bakal. Nabuo ang pasiya ni Bapa Ob-er. Babalik na lamang siya sa daan patungo sa kaniyang kaingin. Mahirap nang magbakasakali. Hindi magandang makipaglaro sa mga Labang, kahit pa naroon ang kaniyang duda. Subalit tila kamay na humihila ang pamilyar na tinig ng babae. May kirot sa kaniyang puso. Tila may sariling pagpapasiya ang mga paa ni Bapa Ob-er at sinuong nga niya


ang daan patungo sa santuwaryo. Lakadyuko siya sa masukal na daan, hanggang sa marating niya ang sukdulan. Napaatras si Bapa Ob-er nang makita ang mataas na harang na yari sa alambre. Nakapalibot ito sa santuwaryo. Sa gitna ay makikita mo ang isang dambuhalang makina na walang tigil sa pag-atungal habang binubutas ang sahig ng daigdig. Nagmimina. Sinisipsip ang langis mula sa ilalim. Iginala ni Bapa Ob-er ang kaniyang paningin. Hinahanap pa rin ang boses ng babae. Nang matunton niya ito ay napakusot siya sa kaniyang mga mata na parang gustong magising sa isang bangungot. Ang kaniyang nawawalang ina! Naglaho ito nang minsang puntahan ang kaingin. Nakagapos. Kinakaladkad ng mga Labang kahit pa uugod-ugod na ito sa katandaan. Pero‌Pero bakit puro nakaberdeng uniporme ang mga nagbabantay. Iisipin mong para silang mga lupon ng dahon na naglalakad. Kumikilos. Naghalo ang pananabik, poot at paghihimagsik kay Bapa Ob-er. Hindi pala Labang ang naroroon. Mga sundalo! Yan na ba ang huling bihag na Mangyan? Nagtanong ang isang opisyal ng mga Labang. Walang anu-ano’y hinulog ang matanda sa isang ubod ng lalim na hukay. Napasigaw si Bapa Ob-er dahilan para maalarma ang mga Labang. Nakita siya ng mga ito, hinabol ng mga parang mababangis na hayop. Nanlilisik ang mga mata. Sinubukang magtago ni Bapa Ob-er sa kagubatan. Sa likod ng mga puno, sa ilalim ng kulumpon ng mga tuyong dahon. Pero patuloy ang pagtugis. May narinig siyang pagtahol. Katulad ng mga Labang ay galit na galit din ang dala nilang aso. Natuturuan din palang maging mabangis ang mabait na hayop. Naisip ni Bapa Ob-er.

Paano niya ngayon tatakasan ang matalas na pang-amoy ng aso? Nagpagulong-gulong siya sa lubluban ng kalabaw. Bahala na. Nagbabakasakali siyang maililigaw ang ilong ng galit na galit na aso. Subalit bigo siya. Palapit nang palapit ang mga yabag ng Labang at ang tahol ng mabangis aso. Nawalan siya ng pag-asa. Inihanda na niya ang kaniyang sarili sa kahihinatnan. Katulad din ng kaniyang ina, walang naghihintay na kapalaran kung di ang ihulog sa kamatayan. Tumingala siya sa langit. Pinagmasdan ang namumugtong mga ulap. Mabigat. Hindi nagtagal ay isaisang pumatak ang ulan. Sa kaniyang isip ay namaalam na siya sa kabiyak. Kasunod nito’y umalingawngaw ang magkakasunod na putok ng baril sa kaniyang direksiyon. Isa, dalawa, anim hanggang sa di na niya mabilang ang putok ng M16. Tumakbo siya patungo sa sapa para iwasan ang mga putok. Pero sa kaniyang pagtakbo ay nahagip siya ng bala sa binti at paa. Nabutas ang kaniyang tsinelas. Pero habang naglalaho ang kaniyang malay ay naramdaman niyang sinambot siya ng mga palad. Nakaramdam siya ng kaginhawan at pag-asa. Ganito niya inilarawan ang araw na iligtas siya ng mga kasamahang pulang mandirigma habang binabagtas nila ang daan papunta sa santuwaryo upang itaboy ang mga Labang.


Banayad ang Dampi ng Talim Elizabeth Ruth Deyro

Gagaspang din mga kamay na tanging alam ay mag-aruga. Balat na babad sa araw at lupa sa kabila ng hapdi mula sa paglapa ng baril, bibig nito tila ningas bago pa man iluwa ang bala. Tanda ng panibagong yugto ang mga kalyo sa palad ng isang pesante, permanenteng marka ng paglaan ng buhay —sa serbisyo o pagkaalipin? Tawagin ito sa tamang ngalan: kung paano ang mga kamay na lumilikha ay nakagapos pa rin, binubuhay ang bayan habang hinihintay ang putok ng baril na tinutok ng alibughang anak, siyang naniniwalang ang takot at respeto ay iisa, na ang pagluhod ng ina ay kanyang pag-alsa. Malayo man ang bagtasin ng gawangkamay, katawang pesante ay hindi sumasama sa daloy, tali sa lupang nililinang kahit hindi kailanman maaangkin. Marahil matututo ang pesanteng humawak ng baril, umasinta, mga kamay ay lalong gagaspang sa pag-abot sa payapa. Ngunit hindi iisa ang hulma ng kamay na bakal at kamay ng maralita. Sa talim ng pang-ukit magtatalo. Dumi sa ilalim ng mga kuko ay alaala ng lupa’t hindi dugo ng kapatid. Ang buhay bilang inalipin ay buhay bilang ina ng bayang ayaw masdan ang kanyang danas. Mga kalyo ang tanda ng kanyang hirap at hindi dahas, tanda ng kanyang lakas at hindi pagbubulag-bulagan. Banayad ang dampi ng talim ng damo kumpara sa halik ng anak na nakalimot. Ngunit hindi luluhod ang ina sa harap ng baril ng kalaban. Lagi’t laging taas-kamao ang pesanteng bumabaka—dasal ng militanteng masa. Hindi lilimot ang lupa, hindi tatahimik sa pagluksa ng nawala.


Kolektibo ng mga artista ang Panday Sining. Tumatayo ito bilang pangkulturang armas ng Anakbayan. Isa itong multi-disiplinaryong organisasyon. Naninindigan ito na ang sining at panitikan ay may nilalamang partikular na paninindigang pampulitika laban sa “sining para sa sining lamang.� Mulat nitong kinikilala na ang sining at panitikan ay mahahalagang armas para sa pagbabagong panlipunan.

AngPandaySining

@PandaySining

PandaySining

@PandaySiningPH

pandaysining1970@gmail.com


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.