TAON 91
Litanya ng Kabalintunaan TULUYAN NANG NABASAG ANG ilusyon ng pagbabagong ipinangako ni Benigno Aquino III. Hindi na sapat ang anumang panlilinlang at kasinungalingang pinabubulaanan ng tunay na kalagayan ng taumbayan. Hindi na maikakaila na ang tuwid na daan na bukambibig ni Aquino ay para lamang sa iilan. At dahil higit na mas nakararami ang hindi nakararanas ng kaunlarang ibinibandera ng pangulo, naging kawangis lamang ng kasalukuyang administrasyon ang sinundang rehimen upang sindakin ang taumbayan. Sa tala ng grupong Karapatan, 107 sa kasalukuyang 385 bilanggong pulitikal ang naaresto sa ilalim ng administrasyong Aquino. Taliwas sa ipinangangalandakan nitong pangalagaan ang kaligtasan ng mga mamamayan, panganib at kapahamakan pa ang bitbit ng programang Oplan Bayanihan na halaw lamang sa programang Oplan Bantay Laya ni Arroyo.
Kaugnay ng hindi mabilang na kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang kawalan ng tunay na repormang agraryo. Mula nang maupo sa puwesto, hindi na kinakitaan ng sinseridad ang pangulo sa pagsusulong ng kagyat at makabuluhang reporma sa lupa. Bunga ng kawalan ng sariling lupa sa kanayunan, napipilitan ang maraming Pilipino na tumungo sa kalunsuran upang maghanap ng trabaho. Dahil sa kakulangan naman ng sapat na sahod, napipilitan ang marami na manirahan na lamang sa mga informal settlements kahit na may panganib sa kalusugan at kaligtasan. Nitong mga nakaraang linggo, sunud-sunod ang mga demolisyon sa Kamaynilaan upang walisin ang mga komunidad na ito na sanhi umano ng polusyon at baha. Ipinagmamalaki ng administrasyon ang mga proyektong relocation site na salat naman sa mga pangunahing pangangailangan katulad ng kuryente, tubig, at akses sa mga batayang serbisyo. Sa ganitong lagay, patunay lamang na hindi ang paglutas sa kahirapan ang pangunahing layunin ni Aquino. Sa halip nagkakasya na lamang siya sa pagbibigay ng limos sa pamamagitan ng
conditional cash transfer at sa pagpapalago ng ekonomiyang ang pinakamayayaman lamang ang nakikinabang. Sa pagtaas ng 7.8 bahagdan ng Gross Domestic Product (GDP), inaaasahang ipagmamalaki ito ng administrasyon sa kanyang SONA. Katulad ng mga nakaraan niyang mga talumpati, hindi na katakataka kung isasantabi niya ang mga usaping magsisiwalat ng kanyang mga kabalintunaan. Sa panunungkulan ni Aquino bilang pangulo, lalong umigting ang public-private partnership na siyang nakita ng administrasyon bilang sagot sa kakulangan sa mga subsidiyo ng gobyerno sa batayang serbisyong pangmasa—edukasyon at kalusugan. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang komersiyalisasyon ng mga state universities and colleges (SUCs). Maging ang Unibersidad ng Pilipinas, ang pamantasang una dapat sa paninilbihan sa interes ng mga mahihirap na estudyante, ay biktima ng ganitong iskema. Patuloy pa rin ang pagkapit ng UP sa Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP) upang matugunan nito nang tama ang
lahat ng pangangailangang pang-edukasyon ng mga Iskolar ng Bayan. Hindi rin nakaligtas sa PPP kahit ang mga ospital. Bunga nito lalong naging eksklusibo sa mga may kakayahang magbayad ang mga serbisyong pangkalusugan. Pilit na isinusulong ng adminstrasyon ang modernisasyon ng mga pasilidad, samantalang pilit na tinatago ang kawalan ng pantustos sa mga pangunahing serbisyong kailangan ng mamamayang Pilipino. Kasabay ng laksa-laksang pribatisasyon ng mga batayang serbisyo, patuloy din ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin, petrolyo, at serbisyo sa tubig at kuryente. Sa nakaraang buwan lalong ipinakita ni Aquino ang pagpapakatuta ng kanyang administrasyon sa US sa pagbibigay pahintulot nitong manatili ang mga sundalong Amerikano sa mga base ng bansa. Tila pilit na idinadawit ni Aquino ang mga mamamayan sa mapanganib na tunguhin ng Amerika sa rehiyon. Sa muling pag-akyat ni Aquino sa entablado upang ibandera ang mga nagawa ng kanyang administrasyon, kailangang alalahanin na ang tunay na estado ng bansa ay hindi isisiwalat sa loob ng Batasang Pambansa. Ang tunay na kalagayan ng bayan ay isisigaw sa mga lansangan sa iba’t ibang panig ng bansa. ∞
Illustration: Ysa Calinawan
BILANG 6
LUNES, HULYO 22, 2013
PHILIPPINE COLLEGIAN ESPESYAL NA ISYU Opisyal na lingguhang pahayagan ng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas, Diliman