Vol. XXVII No. 01 Special Issue Ang itim na laso ay sumisimbulo sa pagkundena ng The Catalyst sa apat na taon ng kawalang hustisya para sa mga biktima ng Maguindanao Massacre, kung saan 32 ay mula sa larangan ng pamamahayag.
EDITORYAL
UMIIGTING NA PAGLABAN Sa mga nakalipas na panahon, mahigpit na tinanganan ng The Catalyst ang kanyang tungkulin na labanan ang represyon. Paulit-ulit mang hadlangan ng iba’t-ibang porma ng represyon ang TC, mananatili itong magsisilbi sa interes ng mga estudyante at mamamayan. Ang panggigipit sa publikasyon ay pagkakait sa karapatan ng mga estudyanteng magkaroon ng kaalaman. Sa bawat isyu na hindi namin naipapabatid sa inyo, hindi ninyo nagagamit ang karapatang makialam at magbigay ng saloobin hinggil sa mga usapin na tayo ang pangunahing maaapektuhan. Sa halos dalawang taon na hindi makapaglabas ng dyaryo, sinikap ng TC na ipagpatuloy ang paggampan sa kanyang tungkuling pagsilbihan ang mga Iskolar ng Bayan at magtaguyod sa kalayaan sa pamamahayag. Laganap ang iba’t-ibang mga usapin ngayon sa ating unibersidad na direktang maaapektuhan ay ang mga estudyante. Katulad ng P.E. Uniform na biglang naging compulsory at hanggang ngayon ay hindi pa naibibigay sa mga freshmen. Ang pagrerebisa sa Student Handbook at re-alignment ng 10 milyong pondo para sa pag-aayos ng gymnasium tungo sa pagaayos ng lagoon para magamit bilang negosyo ng Unibersidad. Hindi natin nasusubaybayan kung saan ba napupunta ang mga binabayad natin tulad ng Sports Developmental fee na hanggang sa ngayon ay hindi ramdam ng ating mga atleta. Ang The Catalyst fee at Council fee na hindi rin nagagamit ng mga institusyon. Maraming beses nang napatunayan ng kasaysayan ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga Iskolar ng bayan para ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Matagumpay ang Defend our Catalyst campaign at muling nakapaglabas ng dyaryo. Nitong nakaraang Disyembre, matapos natin kalampagin ang administrasyon ng PUP, natuloy na ang pagbubukas ng bank account ng TC. Ngunit, hindi pa inililipat ang kabuuang pondo nito. Pinipigilan rin ang TC na gamitin ang natitirang pondong hawak ng administrasyon. Malinaw ang panawagan ng The Catalyst kasama ang iba pang publikasyon sa Alyansa ng Kabataang Mamamahayag ng PUP na ilipat ang kabuuang pondo ng bawat publikasyon. Ito ay binabayaran ng mga estudyante na marapat lang ay magamit para sa kanilang pahayagan. Sa kabila ng mga panggigipit, mahigpit ang pagtangan ng mga publikasyon sa diwang hindi magpapagapi. Sapagkat naniniwala ang TC na ang pananahimik ay nagbibigay-daan sa pagsasamantala. Dapat nating ipaglaban ang ating mga karapatan. Ang laban para sa paglilipat ng kabuuang pondo ng The Catalyst ay hindi lang laban ng patnugutan nito. Higit pa, ito ay laban ng mga Iskolar ng bayan. Ito ay pagbibigay hustisya sa karapatan ng bawat isa sa atin na makialam at magpahayag. Sa lahat ng kinakaharap ng ating pamantasan at ng bayan, hindi makatarungan ang pagiging kimi at walang pakialam. Ang bawat araw ay panahon ng paglaban.
“
Ang bawat araw ay panahon ng paglaban.
Pondo ilabas, manunulat mag-aklas! Transfer of Funds,Now!
”