WALL NEWS FEBRUARY 2017
EDITORYAL
PAMANANG PANDARAHAS Sa bawat paglipas ng araw, palala ng palala ang pasismo ng estadong palaganap ng rehimeng Duterte. Nitong Pebrero lang ay inanunsyo ng pangulo ang papanumbalik ng Mandatory Reserved Officer Training Corps o ROTC. Sa kadahilanang magtuturo ito ng disiplina at nasyunalismo sa kabataan, tinatakan ito ng administrasyon na “urgent” at hindi na kinakailangang dumaan sa kongreso at senado. Ngunit kaiba sa ipinipalaganap, ang pagpapanumbalik ng ROTC ay pagpapalala ng pasismo ng estado at patuloy na pagtataguyod ng mga polisiyang para sa ganansya ng iilan. Sa direktang kumpas ng Armed Forces of the Philippines, ang pagbabalik ng Mandatory ROTC ay lilikha lang ng balon ng mersenaryong hukbong panlaban para protektahan ang mga dayuhang kapitalista sa bansa. Bilang ubod ng
programang ito, ang AFP ang nangunguna sa pagtatanggol sa mga panghihimasok ng mga dayuhan sa bansa, partikular na ang Estados Unidos. Sa ilalim pa ng mga polisiya sa militar, bukas-palad na tinatanggap ng estado ang pagpasok ng armadong pwersa ng US, pagbabase nito, at ang kanilang paglabag sa soberanya at teritoryal na integridad ng bansa. Ipamamana lamang nito ang kanyang mersenaryong tradisyon sa kabataan. Tanging ang pagpapakatuta lamang sa dayuhan ang kaya nitong ituro, at hindi patriyotismo. Walang kakayahan ang AFP na ibigay ang sinasabing pagmamahal sa bayan, bilang isa sa pinakamatapat na tuta ng Estados Unidos. Magmula ng iimplementa ito, naging madugo na ang kasaysayan ng ROTC. Hindi mabilang na kabataan na ang naging biktima ng nasabing programa,
bilang pangunahing tagapagpalaganap ng pasismo sa loob ng pamantasan. Patung-patong na kaso ng abusong pisikal, berbal, sekswal at sikolohikal na ang naitala magmula pa ng mabuo ito. Taong 2001 ng mamatay si Mark Welson Chua ng University of Santo Tomas sa kamay ng programang ito. Nariyan rin ang mga kaso ng pangaabuso ng mga opisyal ng ROTC sa mga kadete ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, De La Salle University, at University of Mindanao-Tagum. Sa pamamagitan din nito, malayang nakakapasok ang militar sa pamantasan, na siyang paglabag sa LFSDND Accord at Republic Act 7610 na nagbabawal sa militar sa pagpasok sa mga pamantasan. Daan din ito para palawakin ang Student Intelligence Network (SIN) na instrument ng AFP para maniktik at mang-harass ng mga progresibong organisasyon ng mga magaaral. Sa ilalim ng ROTC, gagawing bulag na sunudsunuran ang kabataan.
Kasabay ng pagbabago ng kurikulum ng batayang edukasyon, pilit nitong itinatatak sa isipan ng kabataan ang bulag na pagsunod.Pinapatay nito ang kritikal na pagiisip, para maging kimi at pakinabangan ng mga dayuhang kapitalista bilang murang lakas-paggawa. Inaapula lang ng ROTC ang apoy ng kabataan. Sa mukha ng disiplina, nagluluwal lang ito ng takot at patay na pagiisip sa kabataan. Mandatoryo man o hindi, matagal nang naitala ng ROTC ang madugo nitong kasaysayan. Pilit na isinasabit sa kanyang leeg ang medalya ng patriyotismo’t disiplina kahit pa lantad na ang pasista’t tutang oryentasyon nito. Pinapatay lang nito ang makabayang diwa ng kabataan, ang paglaban para wakasan ang pananamantala. Ngunit sa bawat pag-aapula ng pasistang estado ay patuloy na pag-aalab ng militanteng paglaban ng kabataan at mamamayang pinanday ng daan-taong pandarahas at pang-aalipin.
Mandatoryo man o hindi, matagal nang naitala ng ROTC ang madugo nitong kasaysayan. Pilit na isinasabit sa kanyang leeg ang medalya ng patriyotismo’t disiplina kahit pa lantad na ang pasista’t tutang oryentasyon nito.