5 minute read

Karen Sanchez / Jeepney Press

TARA NA!

Benkyou Ni Narimashita

Advertisement

Konnichiwa mga kababayan. Isang mapagpalang araw po sa lahat. Sa dami natin dito sa Japan sigurado marami-rami din tayong mga naranasan na makapagbibigay aral o impluwensya sa ating buhay kung saan karamihan dito ay hindi pa natin talaga alam at ni minsan ay hindi pa natin ito nakita, naramdaman o naranasan. Kaya sabay-sabay po nating gunitain ang mga bagay na masasabi natin sa ating mga sarili na "benkyou ni narimashita".

Bisa - alam nating lahat na isa sa pinakamahirap na mapasa-atin ay ang magkaroon ng bisa at kung ano-anong paraan ang ating ginawa para lang tumagal tayo dito. Kailangan din nating alagaan at ingatan ito dahil sa hindi natin inaasahan pwede itong mawala sa isang iglap lamang.

Pamumuhay - simple at hindi natin masyado nararamdaman ang agwat ng mayaman o mahirap. Ramdam natin ang pantay-pantay na trato o antas ng buhay.

Kapaligiran - kapansin-pansin paglapag na paglapag natin mula sa eroplano at paglabas ng paliparan ay ang malinis na kapaligiran. May organisadong pamamaraan at panuntunang makikita sa paligid maging sa mga mamamayan. At kahit saang sulok na kanayunan ay malinis, iniingatan, pinagyayaman at pinahahalagahan ang likas na yaman.

Kaugalian / Nakasanayan - isa sa mga kaugalian ng mga Hapon ang kilala at binigyang pugay ng buong mundo ay ang kanilang disiplina. Napapaloob na dito ang paggalang, kalinisan, kasipagan at dedikasyon sa trabaho o sa anu mang bagay na pinahahalagahan nila at marami pang iba.

Pagkain - alam natin na masarap talaga ang pagkain dito kaya nga kinikilala sa buong mundo maliban sa kalidad, lasa, serbisyo at dedikasyon ng taong gumagawa nito. Maraming kwento, pinagdaanan o naranasan bago nila ito maipasa sa merkado. Simple lang kung ating titingnan ngunit sa lingid sa ating kaalaman ay ang pinanggalingan nito.

Edukasyon - dito masasabi natin na "parang" hindi naman importante ang edukasyon dahil pag nag-aapply ay hindi naman masyado ito tinitingnan bilang isang dayuhan. Ngunit ang Japan ay isang bansa sa buong mundo na may kapitag-pitagang edukasyon. At marami sa mga kababayan natin lalo na ang may mga anak dito ang mas malawak ang karanasan at kaalaman ukol dito.

Kabataan - kung mapapansin natin ang mga kabataang Hapon ay isa sa pinakamaswerte sa buong mundo dahil talagang binibigyan halaga ang bawat yugto ng kanilang kabataan. Halimbawa ang Shichi San Go, ang Siejin no Hi at iba pa kung saan pinaghahandaan ng mga magulang o pamilya. Mapapansin din natin na lubos ang suporta ng mga magulang sa anumang gusto o kurso na tatahakin ng kanilang mga anak sa abot ng kanilang makakaya. At mismong mga kababayan nating may mga anak na din ang makapagsasabi nito.

Pamilya - ibang-iba o naiiba sa atin ang turingan dito sa bansang Japan. Sa Pilipinas, mas maraming pamilya mas masaya ngunit dito hindi man lahat ay karaniwan na mas pinipilit nilang lumiit ang mga mundo nila dahil "mendoksai" daw o abala din para sa kanila.

Libangan - kung mapapansin natin ang mga Hapon grabe kung makapaglibang kaya nga marami ang pachinko, bars o clubs (omise), karaokehan, kapehan (co ee shops), kainan (restaurants) pasyalan halimbawa ay FujiQ, Disneyland and Sea, Universal Studio, Teamlab o iba pang klase ng mga museleyo, Hotels, Hot Springs sa kung saan-saan, mga parke o koen at marami pang iba. At ang mga Hapon kahit matatanda na ay hindi mo makikitang nakaupo lang hanggat kaya pa nila kahit sa beranda ng bahay naggagarden, nag-aalaga ng aso, pusa o ano-ano pa.

Kamatayan o pagluluksa- ang mga Hapon ay handang mamatay. Isa sa dahilan kung bakit nag-iipon o pinaghahandaan ng mga Hapon maliban sa kanilang pagtanda kung saan may inilalaan silang pang "Rojin o Nursing home" dahil mas naging normal na sa kanila na hindi ang pamilya nila mismo ang mag-aalaga taliwas sa ating nakaugalian ay ang oras ng kanilang kamatayan "ososhiki at ohaka”. Dahil napag-usapan at ayon sa aking nabenkyo ni narimashita; magkaiba pala ang seremonya ng namatay kang Budista sa Kristyano dito sa Japan. Mula sa abo kapag ang namatay ay Budista ang paglalagay ng iyong buto ay dalawahang nag-alalayang dahan-dahan o ingat na ingat ang paglalagay nito at ang wari chopsticks ay hindi na pwede gamitin ng iba. Sa namatay namang Kristyano ay isa-isa at pasa-pasa ang chopsticks at pagdating sa ohaka o libingan, wala nang seremonya mula sa Monghe kaya makakatipid.

Kayo po mga kababayan, ano-ano po ang mga bagay na masasabi nyong "benkyou ni narimashita"? Lahat ng ito ay pwede po nating iwasan, tangkilikin, pagyamanin o isabuhay depende sa kung ano ang magiging magandang epekto nito sa ating buhay.

Hanggang sa muli po.

Salamat

ni Karen Sanchez

Kay Elohim na sa akin nagbigay buhay

Sa aking mga magulang na naging tulay

Upang sa mundong ito ay gumabay

At sa akin ay walang sawang nagmahal, bumuhay

Sa aking mga kapatid na naging inspirasyon

Kung paano ang lumaban at bumangon

Sa araw-araw na ang buhay ay may hamon

Sinisikap na sa bawat pagsubok ay makaahon

Sa minamahal ko na palaging nandiyan

Walang-wala na o may mayroon man

Nagmamahal, nagpaparamdam

Malapit o malayo man

Sa mga taong nagtiwala at tumanggap

Sa oras ng ligaya at paghihirap

Kaibigang hindi nagpapanggap

Salamat sa pag pakikinig at pagyakap

Para sa mga taong may galit diyan

Dahil sa inyo ay marami akong napatunayan

Marami akong aral na natutunan

Na hindi lahat ay dapat pagkatiwalaan

Kaya salamat sa lahat, salamat

This article is from: