5 minute read
Jeepney Press : Jeff Plantilla
Isang Araw sa ating Buhay ni Jeff Plantilla
Dahil sa bagong teknolohiya, bago din ang mga gawain at mga salita. Isa na doon ang salitang “vlogger.” Sa napakaraming uri ng videos sa YouTube, isa sa naging paborito ko ay yung videos ng mga vloggers. Marami ding uri ang vlogging – depende sa kakayanan ng vlogger. Halos nakaka-addict na yang YouTube dahil sa hindi maubos-ubos na videos ng mga vloggers na mapapanood mo nang libre. At dahil online, puwede mo ring panoorin ang paboritong videos nang paulit-ulit.
Advertisement
Mga Payo at Opinyon
May napanood akong mga videos ng 2 vloggers na ang topic ay tungkol sa kanilang profession. Isa ay pharmacist na tinalakay ang issue ng sinasabing “Fabunan vaccine.” Ang tinutukoy ko ay ang vlogger na si Modern Mulan, isang batang pharmacist. Sa malinaw na paliwanag, lumabas ang maaaring dahilan kung bakit hindi pa rin na-a-aprubahan ang “Fabunan vaccine” laban sa COVID-19. Sinabi niya ang pangangailangan ng maayos na testing ng anumang vaccine bago ito payagang gamitin ng Food and Drug Administration. Pagkatapos ng research sa vaccine, kailangang matesting ito sa maraming tao. Sabi nga niya, yung mabuting epekto ng vaccine sa isang tao ay maaaring masama sa iba, dahil iba-iba ang katawan ng tao. Kailangang alamin kung may side effects, at kung bakit may side effects. Sabi niya na baka ang side effects na ito ay maka-apekto sa puso, atay, bato at iba pang organs sa katawan, o magdulot ng diabetes, hypertension at iba pang sakit. Nagpayo din siya, bilang pharmacist, na huwag magself-medicate dahil baka hindi tama ang gamot sa sakit. Naisip ko rin ang halaga ng mga pharmacists dahil alam nila ang chemical ingredients ng mga gamot at effects nito sa katawan, na hindi maaaring alam ng mga doctor. Yan kasi ang linya ng pharmacists, ang kaalaman sa chemical ingredients ng gamot. Tulad din ni Modern Mulan, may isa pang vlogger na profession din ang topic ng usapan. Ito naman ay isang architect. Napaka-informative ng kanyang mga sinasabi dahil ipinakikilala niya ang iba’t-ibang modernong materyales, kagamitan, at technology na ginamit sa mga bagong gawang bahay. Simple at humorous ang kanyang paliwanag – kasama ang mga simpleng drawing at photos at magaling na editing ng video. Dahil sa magaling siyang magpaliwanag, may nagcomment na dahil sa mga sinasabi ng vlogger, gusto na rin niyang maging architect. Ganyan naging attractive ang pagiging architect dahil lumalabas ang kahalagahan ng arkitektura sa vlog na ito. Ang vlogger na ito ay si Pinoy Architect. Tulad ni Modern Mulan, may mga payo siya sa mga tao, sa mga may planong magpagawa ng bahay.
Video bilang portrait
May isang vlogger na ang videos ay tungkol sa mga lugar. Naipapakita ng mga videos niya ang magagandang lugar sa Metro Manila. Kahit ang isang karaniwang kalye ay nagiging maganda sa mata ng kanyang video camera. Ang sikreto? Ang mga videos niya ay parang portraits – malinaw, mabagal ang galaw ng camera (hindi ka mahihilo), matingkad ang kulay at magaling ang angles (yung puwesto ng pagbi-video – mula sa baba, mula sa isang sulok, etc.). Dahil sa mga ito, mararamdaman talaga ang lugar. Throw-back sa aking kabataan sa isang maliit na bayan ang video ng isang lugar na tahimik na tahimik tulad ng oras ng siesta ng mga tao. Kung nasa park, para kang naroon na relaxed na relaxed – nararamdaman mo ang hangin at ang lilim ng mga puno. Nakaka-kalma ang videos niya. Ang pangalan ng vlogger na ito ay “he bok.”
Drone shots
Maliban sa mga magagandang digital cameras ng mga vloggers, may drone din sila na may camera at pinalilipad.
Dalawang vloggers ang hinahangaan ko na gumagamit ng drone. Una ay isang vlogger na nagpupunta sa iba’t-ibang sulok ng Filipinas gamit ang motorsiklo. Pinupuntahan niya ang mga lugar na may bagong public works project. Pumunta siya sa Mindanao at nai-feature niya ang bagong flyover sa Davao. Nagmotor siya sa Pangasinan para ipakita ang bagong gawang mountain road sa itaas ng mga nakalbong bundok. Ginawa ng mga logging companies ang makipot na daan at iniwan nang maubos na ang mga puno. Naging two-lane concrete road na ngayon ang daan at lumabas ang ganda ng tanawin. Dating hindi alam ng mga tao, ngayon ay biglang popular tourist spot. Ito ang Daang Kalikasan mula sa Mangatarem, Pangasinan papuntang Sta Cruz, Zambales at Daang Katutubo na mula sa Aguilar, Pangasinan. Napakagandang tingnan ang mga tanawin sa dalawang mountain roads na ito kahit walang puno. Ang vlogger na tinutukoy ko ay si SEFTV. Hindi lamang sa nabi-video niya ang maraming lugar sakay sa kanyang motorsiklo, kundi maayos ang kanyang information – well-researched ang mga sinasabi niya. Dahil sa drone shots niya, nakikita natin ang mga bagay na hindi makikita kung nasa kalsada lang tayo. At magaling ang kanyang drone shots, well-edited.
Ang pangalawa ay isang vlogger na nagmomonitor ng mga malalaking public works projects. Kasama sa projects ang Skyway 3, MRT 7, NLEX Harbor Link, Laguna-Cavite expressway at iba pang ginagawang highways. Wala siyang sinasabi, ang breath-taking drone shots niya ang nag-i-istorya. Sinasabayan lang niya ang videos ng magandang music background ng mga Japanese composers – na parang operatic ang tunog o pang pelikula. Paborito ko ang kanyang drone shot ng paggawa ng Skyway 3 na hindi lang nakikita ang ginagawa sa elevated highway kundi ang mga lugar na dinadaanan (mga bahay at buildings), at ang view ng Metro Manila na hindi dating nakikita. Ang vlogger na ito ay si DmitriValencia.
Kahalagahan ng mga Vloggers
Ang mga vloggers tulad ng mga binanggit ko dito ay mahalaga dahil may mga information silang ibinibigay sa tao. Very articulate sila sa kanilang pagpapaliwanag at sa kanilang videos. Nagpapakita ang mga vloggers ng ibang perspective sa mga issues, at sa mga lugar. Nagrerecord sila ng mga bagay na makahulugan.
Sa aking tingin, ang halaga ng videos nila ay yung recording ng mga pagbabago sa lipunan – bagong pag-iisip, bagong pananaw (perspective), bagong facilities, at bagong sistema o pamamaraan. Sila ang mga vloggers na kinagigiliwan ng mga netizens.