4 minute read
Jeepney Press Isang Araw sa ating Buhay
Isang Araw sa Ating Buhay ni Jeff Plantilla
Dahil sa COVID-19 pandemic, hindi makapunta si Arnel Pineda sa Amerika para magrecord ng bagong album ng banda niyang Journey. Kaya, tulad ng maraming gawain ngayon, ginamit nila ang internet para makapagrecord ng bagong kanta kahit si Arnel ay nasa Filipinas at ang mga Amerikanong kasama niya sa banda ay nasa iba’t-ibang lugar sa Amerika. Nagpapasalamat si Arnel sa ganitong teknolohiya na nakakatulong sa paggawa ng mga bagay-bagay kahit may pandemya.
Advertisement
Don’t Stop Believin’
Isa sa ginawang kanta ng Journey gamit ang internet ay ang kantang “Don’t Stop Believin’” bilang suporta sa UNICEF tungkol sa COVID-19 pandemic.
Bagama’t hindi angkop ang lyrics ng kantang ito sa kalagayan natin ngayon sa pandemya, ang pamagat ng kanta ang mahalaga – “Don’t Stop Believin’.”
Sabi ni Arnel sa isang interview na napakahirap sa panahon ng pandemya dahil sa hindi mawala-walang pag-aalala. Kung ikaw ang lumalabas ng bahay para mamili ng iyong pangangailangan, iniisip mo kung dala mo pauwi sa bahay ang virus, dala sa mga mahal mo sa buhay ang kinatatakutang virus. Itong pag-aalalang ito ang isa sa pinakamahirap na problema sa pandemya. Ang ating isip ay maaaring maapektuhan – madepress o anumang psychological at emotional stress.
May mga balita na dumadami ang nagsu-suicide sa Japan at dumadami ang biktima ng domestic violence sa buong mundo dahil sa palaging nakakulong sa bahay dulot ng lockdowns at iba pang limitasyon dahil sa pandemya.
Kailangan nating mapanatili ang ating pag-asa na matatapos din ang pandemya - Don’t Stop Believin’!!!
Mga dapat matutunan
Isa sa mga bagay na magandang isipin ay yung matututunan natin sa pandemyang ito.
“Iwas, hugas, mask” ang isa sa mga pina-aalala sa mga tao sa Filipinas at ganun din sa ibang bansa.
Matagal nang ginagamit sa Filipinas ang alcohol sa paglilinis ng kamay dahil sa nangyaring health problems noon, baka simula nung dumating ang SARS. Nguni’t ngayon, mas lalo pa nating binibigyan ng pansin ang palaging paggamit ng alcohol o ang paglilinis ng kamay. Ito ay isang magandang gawi – laging maglinis ng sarili at laging linisin ang lugar at gamit.
Isa pang natutunan ng ilan sa ating mga kababayan ay ang online business. Gulay, prutas, lutong pagkain, damit, smartphone at napakarami pang bagay ay ninenegosyo gamit ang social media. Maraming nag-a-upload ng video sa Facebook para dito at mukhang maayos ang kita o patuloy pa rin ang negosyo. Ito ay halimbawa ng bagong paraan para sa hanapbuhay ng tao. Pandemya man o hindi, ang internet ay isang teknolohiyang dapat gamitin sa hanapbuhay.
Ang kakambal ng negosyong gamit ang internet ay ang delivery service. Puwedeng maghanapbuhay ang isang tao na magdeliver ng anumang order
gamit ang internet. Dito sa Osaka, ang ilang nagde-deliver ay gumagamit lang ng bisikleta. Malaking tulong itong delivery service sa mga taong hindi makalabas ng bahay sa anumang dahilan (pandemya o hindi).
Bagama’t may mga nanloloko sa pag-order gamit ang smartphone – ayaw magbayad ng inorder halimbawa – may magandang bagay sa online communication. May record ang transaction – may impormasyon kung sino ang umorder, saan nakatira o lugar ng pagdadalhan at ang bagay na inorder. Hindi ito tulad ng pag-order na gamit ay landline phone na walang record ng taong umo-order. Baka hindi na rin ngayon tinatanggap ang order gamit lang ang telepono ng PLDT.
Isa pang bagay na online ay ang edukasyon. Dahil sa pandemya, online learning na ang gamit. Pero maraming problema tulad ng kawalan ng equipment (computer o IPad), kahinaan ng wifi signal, at ang kulang sa kasanayan ng mga teachers sa bagong teknolohiyang ito at materyales sa pagtuturo para dito. Kaya ang natututunan natin ay ang kahalagahan na ang sistema ng komunikasyon (tulad ng internet o wifi) ay kailangang Boy Scout – laging handa sa anumang aberya o pagbabago ng sitwasyon. At dahil sa limitasyon sa ngayon ng internet sa Filipinas (at ganun din sa ibang bansa), dapat ding gamitin sa pag-aaral ng mga bata ang radio at TV na mas siguradong darating sa mga tao kahit nung nasa bundok.
Mahalaga ang sistema ng pagre-record sa mga naninirahan sa ating komunidad. Nagkaroon ng maraming problema sa pamimigay ng ayuda mula sa gobyerno dahil walang official record ng mga naninirahan sa mga barangay. Kailangang matukoy kung nasaan ang isang tao na kailangang ma-check tungkol sa virus – ito ay ang contact tracing. Kung may record na maayos, mabilis malalaman kung nasaan ang isang taong maaaring infected ng COVID-19 at nang mabigyan ng tulong.
Pananaw sa buhay
May kasabihan na “when you’re down, there is no other way to go but up.” Mahalaga itong paningin na ito lalo sa panahong naghihirap tayo dahil sa pandemya. Lalong sasama ang ating kalagayan kung magdidilim ang ating isipan.
Sabi sa kantang “Rainbow” ng South Border: Life's full of challenges Not all the time we get what we want But don't despair my dear coz I know now You'll take each trial and you'll make it through the storm.
Sabi naman sa kantang “Tuloy Pa Rin” ng Neocolors: Muntik na Nasanay ako sa ‘king pag-iisa Kaya nang iwanan ang Bakas ng kahapon ko.
Tuloy pa rin ang awit ng buhay ko Nagbago man ang hugis ng puso mo Handa na ‘kong hamunin ang aking mundo ‘Pagkat tuloy pa rin
Mahirap ang nasa pandemya, pero mahalaga na manatili tayong buhay at may pag-asa. Don’t stop believin’.