2 minute read

Jeepney Press KAPATIRAN

BALANGAW ni Loleng Ramos

Hi, kapatid! Ano-ano ang mga bagay na kapag nakita mo, na-e-excite ka, sumasaya, nakakapagpa- hysterical sa iyo? Artista ba? Iyong hindi tao. Gorilla ba sa zoo? Huwag hayop. Shopping mall ba? Babaw naman. Pera ba? Pwede din pero iyong libre lang. Paborito mong sports? Iyong hindi makislot para pwede matitigan. Sige, kalikasan? Bundok, dagat, gubat? Iyong hindi mo na dadayuhin kase abot tingin lang. Lumalabas pagkatapos ng ulan, ng luha sa buhay, sa dulo, ay may palayok na ginto. Alam mo agad di ba? Rainbow! Sa atin sa Pilipinas, pinag-iisip ako bakit kaya ito tinatawag na bahaghari. Sabi daw kase katulad ito ng bahag ng isang hari o pinuno sa sinaunang Pilipinas. Parang mga katutubong Igorot na saplot ang makulay na tela na nangingibabaw ang kulay na pula, katulad din ng pinakamatingkad na kulay ng isang balangaw o bahaghari.

Advertisement

May epekto ba sa iyo kapag nakakita ka nito? Di ba ang unang reaksyon ay ang pagsigaw ng “Rainbow, ang ganda”! Kung may dating ito sa iyo, makakakanta ka pa ng “Somewhere over the Rainbow” o ng “Rainbow Connection”. Sa pagtitig mo rin nito, gusto mong himayin ang mga kulay na nagpangalan sa bahaghari ng Roy G. Biv, ang mga unang letra ng pitong kulay na nakikita natin dito: Red, Orange, Yellow, Green, Blue, Indigo at Violet.

Sa mga naiwang butil ng tubig (water droplets) sa himpapawid, katulad ng pagkatapos ng ulan, sa tabi ng waterfalls, fountain, water sprinklers sa hardin, sa tamang kundisyon, maaaring makakita ng colorful rainbow. Kung ang mababang posisyon ng araw ay nasa likod mo, sa pagtama ng sinag ng araw sa mga water droplets, ang kulay puting sinag na ito ay maghihiwa-hiwalay, at parang mirror na ibabalik ng mga water droplets sa iyo na nagmamasid. Nakaayos ang mga kulay na ito ayon sa paghagip ng ating mga mata. Isang bilog ang bahaghari dahil ito ang hugis ni haring araw pero ang kalahati ay hindi natin nakikita, katulad ng kapag nakatingin ka sa sunset, hanggang sa horizon o abot tanaw lang ang kita.

Isang optical illusion ang bahaghari, hindi nahahawakan, isa itong makulay na pangitain na ang eksaktong posisyon ng iyong pagkakakita ay iba sa nakikita ng isa pang tumitingin. Para bang ang nakikita nating rainbow ay sarili nating rainbow. Kaya nga sa marami, naniniwala sila na may dala itong magandang mensahe o balita, at dahil sa masaya nitong kulay, saya din ang dala.

Sabi din sa Bibliya, nilagay ng Diyos ang balangaw bilang tanda ng Kanyang pangako na hindi na Niya muling gugunawin ang mundo sa pamamagitan ng baha. Napakaraming paksa ang maaaring mapag-usapan: mula sa pagkakabuo nito, sa papel sa bawat kultura, sa kasaysayan ng mundo, sa napakadaming kanta at sining na siya ang inspirasyon. Meron akong paboritong tula, ang “Rainbow Bridge”, walang makapagsabi kung sino ang sumulat nito o saang bansa galing. Sa tulay daw na ito na isang lugar sa langit ay doon tayo hinihintay ng mga mahal nating pets na nauna na sa atin. Kapag dumating na tayo doon, bigla silang titigil sa paglalaro at magmamadali tayong sasalubungin.

Sa nangyayari sa mundo ngayon, sa sakit na kumakalat, sa maraming sularanin sa buhay, nandyan lang ang pag-asa. Ang isang bahaghari, maganda at makulay at dahil hindi pisikal, ang pagtawid dito ay nasa sa atin din, sa kabilang dulo kase ay ang palayok ng ginto na ikaw din ang nagtatago.

Art by Dennis Sun

This article is from: