3 minute read

Jeepney Press / Jasmin Vasquez

MOVING ON ni Jasmin Vasquez

Ang pagbabago at pag unlad ng iyong buhay ay magmumula sa iyong sarili.

Advertisement

Ang takbo ng ating buhay ay paulit ulit lamang. Tulad ng isang halamang nagsimula sa isang punla, uusbong at mamumunga. Ngunit darating din ang panahon ng katapusan at ito’y malalanta, matutuyo at mamamatay. Ang buto ng bungang galing dito ay syang susunod na ipupunla para muli ito ay mamunga. Kung marami kang tinanim, ay marami kang maaani. Para sa susunod na mga taon na darating makikita mo kung gaano kalago ang iyong pinaghirapan. Ngunit kung ikaw ay hindi kikilos sa iyong buhay ay imposibleng umani ka ng marami. Sa halip, makikiamot ka na lamang sa ani ng iba at magpapaawa na bahagian ka ng kanila.

Hindi natin pwedeng iasa sa padasa-dasal lamang ang ating kapalaran. Totoong nasa Diyos ang awa, ngunit dapat nasa tao ang gawa. Kailangan nating magsikap. Kaya nga pinahiram ng Diyos ang ating buhay upang tayo ay kumilos at magsumikap. Marami sa atin ay wala ng ginawa kundi magreklamo ng magreklamo sa buhay. Kung iisipin mo mas mapalad ka kumpara sa maraming taong naghihirap. Hindi ba’t mas maayos ang iyong buhay kaysa mga taong andoon nakikipagsapalarang mailigtas ang kanilang buhay dahil sa gyera, sa gutom. Hindi bat mapalad ka ikaw ay malaya, at malayo sa kapahamakan. Mas makakakilos ka para magsikap sa iyong buhay ng sa gayon maging maganda kang halimbawa para sa iyong magiging pamilya.

Gawin nating malago ang ating buhay. Upang pamarisan tayo ng nakararami. Huwag nating isisi lahat sa gobyerno kung ikaw ay naghihirap. Tandaan natin na magsisimula sa ating sarili ang ikauunlad ng ating buhay. Kahit sino pang tao ang mailuklok na Presidente ng ating bansa, may masasabi at masasabi kayong reklamo. Bakit hindi natin ibahin naman ang takbo ng ating pamumuhay. Subukan natin simulang baguhin ang ating sarili. Huwag na tayong tatamad tamad sa maraming bagay. Huwag nyong iasa lahat sa gobyerno kung kaya mo naman sa sarili mo magsikap. Nakakahiya pang malaman at makita kang nakikipag away sa social media dahil sa pinaglalaban mong kandidato na gusto mong maihalal. Balewala yan lahat kung ikaw mismo tamad ka at di ka marunong magsikap sa iyong sarili.

Lagi nating tatandaan na bilang isang mabuting mamamayan na gustong mabago ang lipunang iyong ginagalawan, ito ay sisimulan mo sa iyong sarili. Sapagkat kung hindi ay nangangahulugan lamang na wala kang silbi sa iyong bansang ginagalawan.

Sa buhay natin maaring mabago ang lahat. Kung dati ay madilim ang iyong pinagdadaanan, maaring bukas may magsisimulang liwanag mula sa bukang liwayway ng langit sa iyong buhay.

Bigyan nating pagkakataong ibangon ang ating bansa. Baka sa pagkakataong ito ay gumanda na ang mundong ating ginagalawan. At syempre magsisimula iyon sa iyo, sa akin, sa ating lahat. Suportahan natin yung mga sa palagay natin ay maganda naman ang hangarin at kakahinatnan ng ating bansa.

Tigilan na natin ang awayan sa pulitika, dahil tayo pa rin naman ang magsasama sama sa bandang huli. Maraming magkakaibigan at relasyon ang nasira dahil sa mga kani-kaniyang kandidato. Spread love not war. Simulan natin ngayon na. Magmahalan tayo at maging masipag upang tayo ay may marating na magandang buhay.

Jasmin Vasquez

Jeepney Press

This article is from: