Jeepney Press May-June 2019 Issue

Page 22

By Jasmin Vasquez

Maglaan ng Oras para sa Pahinga Likas sa ating mga Pinoy ang kasipagan pagdating lalo sa pagha-hanapbuhay. Matyaga at matiisin. Lahat ay kakayanin lalo na kung para sa ating mga mahal sa buhay. Ganoon naman kadalasan. Kung tayo lamang, para sa ating sarili ay hindi natin kailangan pagurin ng labis ang ating katawan. Pero dahil sa marami ang umaasa sa atin, kahit tayo ay nahihirapan na, sige pa rin sa pagkayod, matustusan lamang ang mga pangangailangan nila. Ramdam ko lahat ng paghihirap na nararanasan ng ilan sa atin sapagkat katulad nila, isa din ako sa mga OFW na nagsusumikap para maitawid lahat ng pangangailangan ng aking mga mahal sa buhay na nasa Pinas. Kung hindi alam ng nakakarami sa inyo, sapat lamang ang aming kinikita para sa aming pang araw-araw na buhay at para maipadala sa Pinas. Kadalasan nga ay kinakapos pa kapag minalas malas ka. At huwag kang magkakasakit dahil hindi iyan sapat na dahilan para ikaw ay hindi mag trabaho. Dahil kapag nag absent ka, mas kukulangin ang budget mo para sa isang buwan na gastusin. Ikaw din ba ay mahilig mag overtime? Hanggat kaya ay sige lang ng sige sa overtime? Nanghihinayang sa perang kikitain? Naku ganyan na ganyan ako. Ang matindi pa doon, pagkatapos ng work, minsan kung saan saan pa ako napupunta dahil sa pakikisama sa mga kaibigan at kasamahan sa trabaho. Ilang taon din na ganyan umiikot ang mundo ko.

Photo by Marisol Kudo

22

Hanggang sa hindi ko namamalayan, unti-unti na din nanghihina ang resistensya ng aking katawan. Madali na akong mapagod, mahilo at palaging masakit ang buong katawan. Siguro dahil umeedad na rin kaya hindi na katulad ng dati na malakas at agresibo. Masyado ng naabuso ang aking katawan sa sobrang kakatrabaho at walang pahinga sa kakapunta kung saan.

MAY - JUNE 2019

Kamakailan lamang ilang tao ang nabalita sa social media at sa news na may Pinoy na binawian ng buhay dahil sa sobrang pagtatrabaho at kalabisan sa pag overtime. Oo nga at malaki ang kita ngunit ito rin pala ang kikitil sa ating buhay. Aanhin mo ang pera kung mamatay ka naman? Akala ng ilan sa mga tao sa Pilipinas ay napakasarap ng buhay namin dito sa Japan. Lingid sa kanilang kaalaman na sobrang hirap ang pinagdadaanan namin para lang kumita. At dahil sa balitang iyon nilimitahan ng gobyerno ng Japan ang pagtatrabaho ng overtime sa lahat ng kumpanya. Upang maiwasan at hindi na maulit ang pangyayaring iyon. At dahil din sa takot ko, sinisimulan ko na din na limitahan ang sarili ko para na rin sa aking kalusugan. Hindi ko na pinipilit pumasok sa trabaho kapag alam kong masama na ang pakiramdam ko. Nagsisimula na rin akong maglaan ng oras para makapahinga. Humanap tayo ng trabaho na hindi natin kailangan na masyadong mahirapan. Dahil sa bandang huli ay tayo ang magdudusa. Huwag natin masyadong abusuhin ang ating lakas dahil hindi ito pang habambuhay. Maglaan ng sapat na pahinga para sa ating sariling pangkalusugan. Habang bata mag ipon ng mag ipon para pagdating ng tamang panahon at maari ka ng magpahinga sa kakatrabaho at magbuhay relax sa bahay. Mag impok ng tama upang ma enjoy natin ang mga huling sandali na ilalagi natin sa mundong ibabaw. Huwag nating hayaang mamatay tayo sa kakatrabaho. Palagi tayong magpasalamat sa Diyos sa paggabay nya sa atin sa araw-araw. Huwag nating kakalimutan na mahalin din natin ang ating sarili. Sapagkat buhay natin ang nakataya sa lahat ng bagay na ating ginagawa.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.