Hulagpos: Yugto

Page 1


The Mentors’ Journal A.Y. 2012-2013 Administrative Board

Jonard Calma, President | Paul Christian Cruz, Vice President for Publication and Circulation | Wilfredo Quiambao, Vice President for Finance | Lilet Anne Caparas,Vice President for Membership, Recruitment and Retention Editorial Board

Alexis Julie Nirza, Hulagpos Senior Editor Kim Cathleen Mercado – Santos, Editor-in-Chief | Mercy Morales, Managing Editor | Arriane de Villa, News Senior Editor | Israel Saguinsin, Opinion and Editorial Senior Editor | Jonico Sarcia, Features Senior Editor | Diana Rose Cabigao, Arts, Graphics and Photography Senior Editor | Mary Emmanuelle Miranda, Online and New Media Senior Editor Editorial Staff

Juim Abanag, Lorenzo Aguilar, Aison Agustin, Shaira Joyce Alarcon, Mohammad Isah Andal, Mayel Anne Araneta, Lornalyn Austria, Ana Bianca Cabarloc, Dyan Grace Crespo, Christine Mae Cruz, Gianna Patrcia Marvilla, Johann Pacayra, Diane Punongbayan, Elysa Camil Reyes, Rachelle Ricio, Queeny Valerio, Karl Vincent Villarico, Staff Writers |Jayvie Aboyme, Layout Artist | Kathleen Ambojot, Mark Jayson Bautista, Aileen Mendoza, Aurelio Moquiring, Marizhine Morallos, Graphic Artists | Merlyn Grace Lozano, Regina Grace Reyes, Photojournalists Mr. Ernesto S. de Guzman, Adviser

For comments and suggestions, join us at www.facebook.com/groups/ the.mentors.journal and like us on www.facebook.com/BulSUTheMentorsJournal



Hindi dapat mabanaag sa bilang ng salita o sa dami ng talata ang halaga ng isang kwento. Parang sa pagsasalita nang matagal ngunit ang totoo’y wala namang tinuran. Ang kwenta ay wala sa igsi o haba. Tulad ng buhay ng tao, may sandali at matagal, ngunit bawat yugto ay may makabuluhang kwento. Sa folio na ito inihahain ng publikasyon ang siyamnapu’t anim (96) na dagli na sumasalamin sa walong (8) yugto ng buhay. Nagsimula sa pagsilang at magtatapos sa paglisan. Bawat yugto (na inayon sa sikolohistang si Erik Erickson) ay mayroong labindalawang (12) dagli. Kada sulok at maliit na butas ng bawat yugto ay malikhaing ginalugad ng malilikot na isip. Ang mga hindi b[in]uhay ay binigyang buhay. Ang kahayukan ng mga murang isip ay isiniwalat. Ang masalimuot na buhay ay hinimay. Ang mga nalimutan ay inalala. At ang katapusan ay pilit hinadlangan.

Ipit at siksik man, ang dagli ay patunay na ang mundo ay umiinog, nagbabago. Ito ang malikot at maharot na modernisasyon ng panitikan na patuloy na maghahatid ng istorya.

Ang bawat dagli ay tila pising maigsi. Nararapat lang na hindi banatin o piliting pahabain. Dahil ito’y masisira lamang. Mapipigtas. Mawawasak. Mawawalan ng saysay. Ito ang natatanging kulang na sapat. Bitin na nakahahaling. Saktong nakabibitin.

Tulad ng mga kwento, mayroong buhay na maigsi at mahaba. Ngunit ang makabuluhang istorya, kailanma’y walang sukat.. o hangganan.







6 'Di Normal Ina ng Alab

Biglang napabalikwas si Tatay sa hiyaw ni Nanay. “Manganganak na ‘ko. ‘Yong bag!” Malamang agad kinuha ni Tatay ‘yong malaking bag na matagal nang naihanda para sa pagdating ng araw na ito. Dali-daling lumabas si Tatay para pumara ng tricycle saka tinawag si Nanay. “Sa Santos tayo, p’re,” sabi ni Tatay kay Manong. Ilang buwan na rin kaming bumabalik ni Nanay sa ospital na ‘yon. Sa tabi ni Nanay si Tatay na hawak ang perang sapat-sapat lang. Kompyansa s’yang normal delivery si Nanay dahil naglalakad ito tuwing umaga (pampababa raw ng baby sabi ng kapit-bahay), balakangin ito at kayangkaya din nitong umiri sa luwang ng bibig. Isa pa ayaw raw nitong magkaro’n ng peklat sa t’yan. “Misis, isabay mo ang iri sa paghilab ng t’yan. Okey? Hinga, hinga… isa, dalawa, tatlo… Push!” “Iri!” Umiri si Nanay. Matinding iri sabay sabing… “Dok, cesarian na!” At noon narinig ang una kong iyak.


Rurok ng langit Ache “Malapit na. Sige pa! Sige pa!” “Aahhhh..” “Sige pa, konti na lang. Malapit na malapit na ‘to,” “Ahhhh..ahhhh..aahhh,” “Elena, babae ang anak natin. Kamukha mo s’ya.” Utang Chico Panglimang anak ni Berto at Susan si baby Michelle. Kulang sa buwan itong ipinanganak. Pitong buwan pa lamang ay kailangang ilabas na. Pre-mature labor kaya mahina ang bata. Sa unang dalawang buwan ng pagbubuntis ni Susan ay tumatanggap siya ng santambak na labada dahil hindi pa niya alam na nagdadalang tao na siya. Aminado silang mag-asawa na walang sapat na nutrisyon ang bata. Ni hindi nga nila pinapa-check-up ito noong nasa sinapupunan pa dahil sa problemang pinansyal at maliit lang ang kita ni Berto sa paglalapida. Isa pa’y malayo ang ospital o kaya health center sa kanilang lugar. Ngayon ay inutang pa niya ang marmol na gagamitin sa Linggo. Hindi niya mabuo-buo ang pangalan. Bawat pukpok ay siyang pahid ng luha.

7


8 Kahon Chico Pagpasok ko ng pinto’y nakita ko si Kuya Tom na nililigpit ang crib ng baby at inilalagay sa kahon. Nakatalikod siya sa akin at wala pa ring kibo. Wala na rin ang mga stuff toy at feeding bottles na kulay pink na kanyang inilabas kahapon. Hindi ako makaimik. Hindi ko alam kung paano magsasalita. Humarap siya sa akin at sinabing, “Oh, ayan ka na pala saan natin ilalagay ‘yan?” “Kahit d’yan sa dating pwesto ng crib.” Libre lang ibinigay sakin ‘to. Swerte raw sa kanila ang magserbisyo sa sanggol.” Tahimik. Basag ang boses. Lumalabo ang paningin ko. Kapit eLi “Ate, kumpleto ba?” mahinahong tanong ni Morine na halos hindi pa nakakagulapay mula sa hirap nang pag-le-labor at panganganak sa kanyang unang supling. Disisyete anyos lamang siya noong mabuo ang hindi planadong pagbubuntis. “May kulang…walang ngipin!” pabirong tugon ng kanyang ate. Walang paglagyan ang galak sa puso ni Morine nang malamang walang diperensiya ang sanggol. Ang anak niya na halos limang buwan rin niyang ipinapalaglag.


Palo Luna Sabi ni ate, ‘di raw ako dapat lumabas. Sabi ni ate, mapapagalitan daw s’ya ni nanay ‘pag lumabas ako. Natatakot ako dahil umiiyak na si ate sa sobrang galit sa ‘kin. “Kasalanan ‘to ni Tatay! Kasalanan n’ya!” Garapon Pagkit ‘Nay, malapit mo na akong masilayan. Malapit ko na ring makita ang ganda ng mundo. Subalit, teka, lalabas na ba ako? Ano ito? ‘Nay, hinihila nila ang paa ko, pa’no na ako tatakbo? ‘Nay, ang mga kamay ko, pa’no na lang kita yayakapin? ‘Nay? Tulungan mo ko! Bakit po pilit ninyo akong nilalabas? Bakit po hati na ang katawan ko? ‘Nay, atat na po ba kayong makita ako? Pero, bakit po dito ako nilagay? Mas protektado po ba ako dito sa garapon? Panaginip ni Baby Ache Napanaginipan ko minsan no’ng baby pa ‘ko, pangko-pangko raw ako ng papa ko. Hinahagis daw ako sa hangin. Itsa dito, itsa do’n. Tapos no’n, pinupuntahan na raw ako nila mama lagi sa puting kwarto. Tapos ang dami raw naglalakad na mga nakaputi rin. Nagising ako. Magmula noon, nakikita ko sila, pero ako hindi nila nakikita.

9


10 Kalasag Joy Puro siya pasa. Masakit ang katawan. Naririnig ko siyang umiiyak. Lagi na lang ganito, lagi kaming sinasaktan ng lalaking ‘yon. Sana makalabas na ako sa tiyan ni Nanay. Sisiguraduhin kong proprotektahan ko siya mula kay Tatay. Masipag si baby Ache

“Thea! Si baby, pumupu! Linisin mo dali!” “E ma, nalinis na po n’ya. Aantayin ko nalang po na mailabas niya ulit.”

Breastfeed Aries Ano naman kung pinalaki ako sa am? Masustansya din naman yun, mura pa. Wala nga kasing gatas si Inay. Malunggay? E, ang pait kaya no’n! At tsaka, sabi ni Itay, para sa kanya lang daw yung gatas ni Inay.


Mateo Capitulo Ventesiete, Versiculo Cuarenta y Sais Talaturû Nakikita Mo ako. Naka-kulubot. Nakahiga. Naluluha. Ramdam Mo na napakahina ko at napakarupok, para akong sanggol. Sanggol na iniwan kung saan at hindi nabinyagan ng lakas ng loob na magkaroon ng tiwala. Pero ang tanong ko sa’Yo, bakit? Sino ba ang lumalang sa mga halimaw na nakapalibot sa paligid ko ngayon? Sino ang gumawa sa mga demonyong nagpaparusa sa akin? Sino siya? Noong nakikita Mo akong umiiyak, nadudurog at unti-unting pinapatay na ng nakapalibot na katotohanan, sino ang may pakana? Noong ako’y natagpuan Mo na naghihingalo at nag-aagaw buhay sa ibabaw ng muntik ko ng huling himlayan habang iniiyakan ng aking ina, sino ang nagpabaya? Hindi ba’t Ikaw? Ama? Nagawa Mo rin ito kay Kuya. Itay, bakit pinababayaan Mo kaming mga anak Mo na mahulog sa mga patibong ng mga balahurang nilalang na Ikaw mismo ang lumikha? Inuulit ko ang sinabi ni Kuya sa’Yo, “Eli, Eli, lama sabacthani”.

11




14 Pulbos Maui

Mas masarap pa nga ito sa usok ng damo na may ka-combo na pulang kabayo, e. Masarap pa sa mumunting puting baton na sinusunog sa kandila tapos kinukumpulan ng mga taong highlights ‘yong kulay ng buhok. Oo, alam kong mas masarap ito. Naikukumpara ko na kahit sa balita ko lang napapanood kung paano ‘yon gamitin at kung ano ang epekto. Pero itong akin swabe talaga, heavy! Pagkatapos mo hithitin, nakakadik ‘yong pag-ubo. Pwede mo istrohin. Pwede mo ring itaktak sa bibig mo. Mura lang naman siya e. Ito nga o, bibili uli ako. Kuya, mikmik pa nga po. Isang pack.

Yoya Ina ng Alab

Patakbo n’yang nilapitan ang anak na nakaupo sa damuhan sa ilalim ng punong mangga. Mula nang matuto itong maglakad ay madalas itong tumatakas palabas ng bahay. “Baby, ano ‘yang nasa bibig mo?” Kung anu-ano kasi ang hilig nitong kainin. Buwan-buwang nagpapadala ang asawa nya ng package na may maraming tsokolate kaya naman nahilig dito ang anak. Sinubuan s’ya ng anak ng kinakain. Nanlaki ang mata n’ya. At napalingon sya sa alagang nakatali. “Mee-e, mee-e.”


Takas Paul Keeno

“Pulis! Pulis! Eto o, hulihin mo na si Andrew,” sigaw ni Aling Ana. “ ‘Di na po ko labas nay,” sambit nang ngumangawang anak.

Gigil Hindi mapigilan ni Janice ang sariling pagapangin ang kamay sa hubad na katawan ni Aries. Tila kinakabisado ang bawat parte ng katawan nito. Hinagod din n’ya ang basa pang ulo nito dahil kagagaling lamang sa pagligo. Nang dumating ang kaniyang ina. “Janice, damitan mo na ‘yang anak mo baka magkasipon pa.”

Matatas Ina ng Alab

“Sino lab mo?” “Ma-ma.” “Si Papa mo, nasa’n?” “La-yas.” “Sino kasama?”

15


16

“Ni-nang.” “Ano si Ninang?” “Pok-pok.” “E, si Papa mo?” “Ta-do.”

Anghel Karl V.

Nagulantang si Elena sa kaniyang nadatnan. Ang kaniyang anak na kanina’y mahimbing na natutulog sa itaas ng kanilang bahay ay nasa paanan na ng hagdan, nakangiti at humahagikgik. “Bunso! Anong nangyari?” “Laglag ako Mama… Salo ako eyndyel…”

Buhat ng Saya Gianna

“Ba-ter-play” “Mama… Baterplay,” sigaw ni Baste sa kaniyang ina nang makita ang paruparong dumapo sa bulaklak. Buhat ng matinding saya ay hinabol ni Baste ang paru-paro na kay taas ng lipad. “BLAAAAAAAAAAAAG!”


Ang narinig ni Baste. “Wa-a-aw… Bater…” Huling sambit ni Baste nang makita ang paru-parong dumapo sa kaniyang mga daliri. “Tulong! Tulong! Ambulansiya!” Sigaw ng mga tao na nakapalibot sa kaniya. Nagkakagulo’t maingay ang kaniyang paligid bago pumikit ang kaniyang mga mata.

Masunurin Wolf Aldrei

Sabi ng mommy niya huwag siyang magpipigil ng tae kasi makakasama sa digestive system niya. “Opo,” parati niyang sagot. Kaya naman lagi siyang tumatakbo sa tuwing nararamdaman na niya ang paglabas. Kahapon nakita siya sa CR, duguan, nadulas yata.

Ang Nawawalang Kamay Gamana

Walang kapantay ang kaligayahan ko. Yehey! Kasama ko siya sa una kong paglalakbay. Hawak ng mainit niyang kamay ang paham kong mga kamay. Busog na busog ang mga mata ko. Ang gaganda, ang lalaki, ang pula-pula, may kulay araw, may kulay dahon. Wow! ‘Di ko nga lang alam ang tawag sa

17


18 kanila, perstaym ko kasi silang nakita. Kaso biglang nawala ‘yong mainit na kamay na kanina pa hawak ang kamay ko. Hala! Ba’t nila ako tinitingnan nang gano’n. Ang laki-laki ng mga mata nila. Marumi ba ang mukha ko? Nasaan na ba kasi ‘yong kamay na ‘yon? Nasaan na ba siya? Natakot na ako. Nasaan na? Iiyak na ako. Nanay nasaan ka na po? Natatakot na po ako.

Awit ni Ina

Pagkit Tatlong taong gulang ako, naririnig ko nang umaawit si Inay. Panigurado magkakaroon na naman ako ng kapatid. Lagi siyang umaawit sa kwarto. Ewan ko ba kung bakit doon? Ngayon sampung taon na ako, at umaawit na naman siya labing-isa na kami. Halos taon-taon kasi siya kung umawit. May sumpa ba ang awit ni Ina?


Saan kaya 'yon? Ache Nakakatakot naman. Maiihi ata ako sa palda ko. ‘Di ko ‘to unang araw sa harap ng madaming tao, pero unang araw ko kasi sa pakikisalamuha sa kagaya kong bata. Walang maghahatid sa akin. Papasok akong mag-isa. E paano naman kasi, palaging busy si mama sa biyahe nila ni manong Ramon. Si papa? Mas busy naman ‘yon kay mama. Hindi nila ako maasikaso pareho kasi naghahatiran sila sa…saan nga ba ‘yon? Ahh, 7th heaven daw sabi ni yaya kay papa.

Sub

Criss Cross T’wing madilim na ang paligid, dadating ang babaeng maputi. Sabi niya, “Mami, ma-mi.” Paulit-ulit. T’wing gabi, dadating siya at kukunin ako sa nanay ko. Bubuhatin niya ako at titingin naman ako sa nanay ko. Pero sa t’wing titingin ako sa nanay ko, nakatalikod na siya. At sasabihin ng babaeng maputi, “Inday, matulog ka na.”

19




22 Kung Nakinig Lang Sana Kara

Ang ingay sa labas. Gusto kong sumali sa kanila. Kahit maraming matatandang naiinis sa kanila. Masaya sila at walang anuman na dinaramdam sa katawan. Nakakatuwa. Gusto kong makipaglaro, makipaghabulan at makipagtaguan. Gusto-gusto ko na maranasan ulit kung paano makipag-away sa mga kalaro. Kaso nga lang, hindi na pwede. Marami na kong bagay na hindi na magagawa: ang maglakad, tumakbo at tumalon. Bakit ba kasi hindi ako nakinig? Bakit hinabol ko pa sila? Bakit tumuloy pa ako sa pagtawid? Sayang. Kung nakinig lang ako, sana may mga susunod pa kong laro, sana nakakatayo at may mga paa pa ako.

Anak

Aries Pasensya ka na Boyet kung napalo na naman kita. Matalino kang bata, masipag, at matulungin. ‘Wag ka sanang magagalit sa’kin. Naalala ko lang kasi kung pa’no ko tinarantado ng ina mo.


A-BA-KAL-SA-DA Aries

A- Ale, kuya, palimos naman po. Pang-kain lang. maawa na po kayo sa paslit. Ba- Barya lang po, pambiling tinapay. Ka- kalabit dito, kalabit doon. Da- Dagok mula kay itay ‘pag kulang ang naiuwi. E- E tay, gaano po ba kadami ang bente? Ga- Gago! Bente lang hindi mo pa alam?

Prinsesa mo!”

“Look Daddy I’m a Princess!” “Tangina mo Antonio! ‘Wag kang magpapakita sa akin na ganyan ang ayos

Linggo

Chico “Hoy, Ate, gising! Gising! Kundi kukunin ko ‘yang pera mo sa kamay,” sabi ni Biboy na limang taong gulang pa lang. Tumingin siya sa may karga sa kanya at tinanong, “Nanay, magsisimba ba tayo? Bakit nakapansimba si Ate?” Mugtong mata at agos ng luha ang isinagot ng ina.

23


24 Alinlangan

Ana Bianca

“Baby,” tawag nya sa akin sa malalalim nyang boses. Pag nagsasalita s’ya, tumataas-baba ‘yong naka-ulbok sa lalamunan n’ya. Bakas sa mukha ng aking magulang ang labis na kagalakan tuwing mapagmamasdan niya ang una kong paglakad, unang pagtubo ng aking mga ngipin at ang pinakagigiliwan niya, ang una kong pagsasalita. “Ma,” sambit ko sabay ng tawanan at hagikgikan ng mga taong nakarining sa akin.

Poot ni Unica Gianna

Ako ang prinsesa ng pamilya. Lahat ng kailangan ko ay ibinibigay sa akin, materyal na bagay man o atensyon, sa akin lamang ang lahat. Wala na akong mahihiling pa dahil ako ay nag-iisa lamang. Ang mundo nila ay umiikot sa akin, ang kanilang ngiti, luha, pagmamahal at pag-aaruga ay sa akin. Hanggang isang araw, may maliit na bola na unti-unting lumalaki sa loob ng aking ina. Ayaw ko! Ayaw! Ayaw!


Bagong henerasyon Chico

“Mommy, pwede bang palitan ‘yong apelyido ko? Kasi sila Ate Denz, Kuya Ryan at Mia pare-parehong Pabilo ang apelyido. E ako kasi Cruz. Pag nagsusulat kami sa papel, akin lang ang naiiba tapos tinutukso pa ako,” reklamo ni Justin sa kanyang mommy. “Baka magalit si daddy mo,” sagot ni Elaine sa kanyang anak. “E, wala naman dito si daddy. Hindi naman tayo pinupuntahan ni daddy. Okay lang ‘yon! Sige na mommy! Pleeaaaaase?”

Mary Jane

Summer Pagkalat ng dilim, doon ko daw dalhin sa susunod na kanto sabi ni ama. Si Kapitan daw ang kukuha. ‘Pag ‘di daw ako sumunod, mas makapal na kahoy ang panghahagupit niya. Hindi man malunok ng limang taon kong isipan, tikom ang bibig ay dali-daling hinablot ang tsinelas at tumakbo papunta kay Kapitan. Biglang umalingawngaw ang malakas na tunog ng wangwang at naiwan akong hindi gumagalaw habang nagtatakbuhan ang lahat. Sa bilis ng pangyayari’y nabunggo ako at sumabulat ang dala ko sa lupa. Puting-puti ito na parang pinong buhangin. Mula sa malayo, nakita ko ang nanlilisik niyang mata.

25


26

Napakagat na lang ang ako sa aking labi sabay lasap ng maalat na likidong tumulo mula sa aking malamlam na mata.

Proud Mommy Ache

Ayan, bagay na bagay sa ‘yo Jun-jun. Kamukhang kamukha mo na si Mama.

Regalo Wolf Aldrei Ang gusto lang naman niya ay mapasaya ang nanay niya sa kaarawan nito kaya gamit ang mga pintura ng tatay niyang pintor, ipininta niya ito. Nang ipakita, ilang malalakas na palo ang natanggap niya sa nanay niya. “Ang hirap maglaba, Ariel!”

Bird

Aries “Ma’am! Si Jenjen po hinawakan ako sa bird!” Mabilis pinuntahan ng bagong titser si Jenjen. Dahil na rin siguro sa magkahalong kakulangan sa karanasan at pagkabigla ay ang paghablot at pagkurot sa braso ni Jenjen ang nagawa niya. “Jenjen, ‘di ba sinasabi sa inyo na masama ‘yang ginawa mo?” “M-ma’am?” mangiyak-ngiyak ang bata. “K-kasi po sabi ni kuya ko okay lang.”



28 Shifter Serenity

“Nay, ‘di ko na kaya. Lilipat na po ako ng course.” “Bakit naman, anak? Masyado pang maaga.” “Mahirap, nay e. Mag e-engineer na lang din po ako gaya ni kuya.” “E, anak tapusin mo muna ang elementarya.”

Guilty “Wow ha. Sinong latest victim?” “Si Joey, ‘yong transferee na katabi ni Lovely,” Sinulyapan ni Nina ang kaklaseng hindi naman nalalayo ang kinauupuan sa kanila. “Namumutla si Lovely a. Pansin mo?” “Naku. Kanina pa ‘yan. Lalo na nong kinausap ni Mrs. Rivera.” “Baka guilty. ‘Di ba siya rin ‘yong katabi nong may nawalan dati?” “Hoy, ang ingay n’yo. Kung pagtsismisan n’yo naman parang hindi kayo naririnig ni Lovely,” sabad ni Sally. “Hamu nga, e bakit s’ya ganyan kung hindi s’ya guilty?” sagot ni Nina. Hindi na nakatiis pa si Lovely, tumayo at patakbong umalis sa klasrum.


“Habulin natin! Baka umamin! Dali!” aya ni Marifer. Sinundan ng magkakaklase si Lovely na dali-daling pumasok sa Girl’s Restroom. Nang makapasok, nakarinig sila ng impit na ungol. “Ay, shit! Kaya pala namumutla!” bulong ni Sally habang nagmamadaling lumabas upang takasan ang hindi kaaya-ayang halimuyak. Heksayted Michi

Porma, de-kwelyong polo, pantalon at balat na sapatos. Check Pabango? Hmmm, amoy beybi cologne! Check. Buhok, biyakis, Keempee ang peg. Pogi. Check. Bulaklak, santan. Bagong pitas, may katas pa. Check na check! Tsokoleyt, goya. Peyborit n’ya. Check. Lab letter na may drawing na puso. Check. Ngipin? Haaaaaay, ang tagal namang tumubo.

Grade 1 Pagkit

“Iho ipakilala mo ang iyong sarili.” “Ahh, ehh, Ma’am? Nahihiya po ako e.” “Hindi kaya mo yan, ikaw pa?”

29


30

“Ma’am, baka po kasi tawanan nila ako.” “Hindi, hindi ka nila tatawanan. Mga bata ang mga yan, saka di ba, dapat sanay kana? Pang anim na taon mo na ’to e.”

Mana-mana din Michi “Ay mars, ‘yan na ba yo’ng anak ni Meyor?” “Oo, mars! Napaka-cute at bibong bata. Mabait at marespeto. Hanga nga ako kay misis, mahusay magdisiplina.” “Mainam at may magtutuloy ng magagandang sinimulan ni Meyor.” “Tama ka d’yan mars.” “Akin na lang ‘yang trumpo mo. nahulog yo’ng sa’kin sa kanal e. Papalitan ko na lang ng mas malaking robot. Yo’ng ‘mported.” “Ha? Ayoko. May utang ka pa nga sa’king Zest-O no’ng reses kahapon e saka chichirya no’ng ‘sang linggo.” “Ayaw. Niloloko mo lang ako.” “Ba’t naman kita lolokohin? Sige na, akin na lang ‘yan. Lilibre kitang miryenda bukas.” “Ayoko nga.” “‘Pag ‘di mo binigay sa’kin ‘yan sasabihin ko kay Dadi ‘wag pautangin tatay mo.”


Ketchup Story Summer “Ayaw ko na ng Chinese garter! Ibang laro naman. Naakakasawa na e!” sabi ni Annie. “O sige, dugu-duguan na lang! ‘Yong tulad ng laro nila nanay,” sabi ni Ada. Kunwari magsisigawan kayo ni Miggy tapos dapat mayroon kang kampit. Pagkatapos, lalagyan kita ng ketchup,” dagdag pa niya. “Game!” Sumapit ang dapit-hapon at naghiwahiwalay na ang mga pagod at amoy pawis na mga bata. Bumungad kay Ada ang inana tila kinanlong ng lupa nilang sahig. “Nanay, naglalaro na naman kayo ni Tatay. Tama na po. Kain na tayo, saka ‘yung ketchup niyo po, linisin niyo na.” Ilang saglit pa ay hindi pa rin kumikibo ang ina. Tahimik ang paligid nang kumalat sa hangin ang tinig ng paghikbi. Mula sa gilid ay nakita niya ang ama na may hawak na kampit. Tahimik na rin ang paligid.

31


32 Bully Aries “Wala akong paki! Akin na ‘yang baon mo o sasapakin kita?” hinablot ni Julius ang asul na lunchbox ng kaklase. Sasagot pa sana ang kawawang bata ngunit maluha-luha man ay umalis na lang ito. Ano nga ba ang magagawa niya laban sa isang batang pinatapang ng iskwater na katulad ni Julius? Mayamaya pa’y binuksan ni Julius ang lunchbox. “Ayos! Dalawang sandwich. ‘Di na namin kailangang maghati ni Junjun sa hapunan.” Baril-barilan Paul Keeno “Aaron at Brenan, laro tayo ng baril-barilan,” anyaya ni Leo. “Sige ‘yon na lang laruin natin at ako ang terorista. Sino ang pulis?” tanong ni Aaron. “Ako na lang, pangarap ko din naman maging pulis,” sagot ni Leo. “Ikaw Brenan, anong gusto mo?” tanong ni Aaron. “Gusto kong maging asawa ng pulis,” sagot ni Brenan.


Awkward Aries Naalala pa rin ni Dennis ang aksyon sa napanuod niyang porn kagabi. Nangingisi siya habang inaalala ang bawat maiinit na eksena. Uulit uli siya mamayang gabi kapag tulog na ang Mommy at Daddy niya. Gaano lang naman ba kasi makapasok sa isang pornsite kahit ang isang grade 4 na katulad niya? “Huy, Dennis,” siniko siya ng kapatid. “Tapos na ang homily, tayo na.” Larong Bata Ina ng Alab Sabi ni Tita laro daw kami. Sili, sili maanghang Tubig, tubig malamig… Kaso ‘di pwedeng uminom ng tubig. Nalagyan din ‘yong isa kong mata. Mahapdi. Langit, lupa, impyerno Im-im-impyerno… Napupunta raw sa langit ang mababait kaya ‘di makakarating dun si Tita. Si Nene ay dalaga na Kaya ang sabi nya ay Um ah um ah ah… Mabuti pa si Tito mabait sa akin. Maganda raw ako. Pero biglang dumating si Tita. Saksak puso, tulo ang dugo…

33


34 Bata Bata Chico

“Ididikit ko lang, promise..”

Batang Sinungaling Wolf Andrei

“Sabi mo ididikit mo lang?”



36 Sa Pananaw ng Isang Langaw Jayson Kadalasan ay binubugaw niya ako palayo. Maka-ilang beses niya na rin akong sinubukang patayin. Pero ngayong araw na ito, nakatingin lang sakin si Arman. Balita ko ay may malubhang karamdaman ang nanay niya, kaya pala buong araw lang itong nakahiga sa kama. Nakuha ni Arman ang mga mata ng nanay niya, nagniningning ito sa ganda. Pero hindi na ito magtatagal dahil ang mga matang iyon ay pumikit na. Kontribusyon Ina ng Alab “’Nay! Kailangan ko na ‘yong tatlong daan. No’ng isang linggo pa ‘yong deadline no’n. Hiyang-hiya na ko sa mga ka-group ko. Ako na lang hindi bayad.” “Pasensya ka na, anak. Hindi pa nagre-reply si Tatay mo. Kulang na naman ‘yong padala nya.” “Lagi naman e! Ilabas n’yo na nga lang po ‘yong kurtina, maglilinis ako ng bahay.” “Bakit, ‘nak?” “Maraming darating bukas.” Kinabukasan, malungkot na nakatunghay sa kanya ang mga magulang at kaibigan habang nakaipit ang limang daang piso sa malamig n’yang kamay.


'Wag lang 'di makapasok Unang gantimpala sa TMJ Dagli Writing Contest Benedict C. De Jesus BSEd 3H Nanginginig ang mga kamay ng Valedictorian na si Paeng habang pasimpleng kinuha ang singkwenta pesos na iniaabot ng mayamang si Robert. May baon na sya para bukas. Marahan niyang inilapit ang test paper sa nakangiting katabi na mabilis na kinopya ang sagot sa Test 1. “Singkwenta ulit sa Test 2, deal?” “Sige.” Ilang sandali pa, iniabot ni Robert sa kanya ang malutong na ube. “Pati Test 3 na rin.” Malungkot na tinanggap ni Paeng ang suhol. Kailangan niyang kumapit sa patalim para sa baon. Tumunog na ang bell. Hindi maipinta ang mukha ng mandarayang si Robert nang tumayo ang guro at sinabing, “Okay class, time’s up. Set A, pass your papers to the front, Set B to the back.”

37


38 Love at First Sight Ikalawang gantimpala sa TMJ Dagli Writing Contest Roxanne A. Garcia BSEd 3J Sa unang tingin pa lang, hindi na niya maitatanggi na maganda ang babaeng kaharap niya sa dyip. Halos minu-minuto ay sumusulyap at tinitignan niya bawat kilos nito. Nalaman niya na pareho ang eskwelahan na pinapasukan nila dahil sa unipormeng suot ng dalaga. Pagbaba ng dyip ay hinanap niya agad ang schedules pero nawala ang dalaga dahil sa nagkakagulong mga estudyante. Pagdating n’ya sa room ay wala pa ang prof nila pero palihim siyang nangiti dahil meron siyang nakitang pamilyar na mukha. “Hi, Alex nga pala! Ba’t ka nag-iisa?” “Wala pa kasi akong kakilala dito. Call me Niks, short for Nikki,” sabay abot ng kamay niya at ngumiti. Sa pagdaan ng mga araw, lalo pang nakilala ni Alex si Nikki at sapat na iyon upang masabi niya ang tunay niyang nararamdaman kay Nikki. Dapat na niyang malaman, wala naman sigurong masama kung sabihin ko na mahal ko siya higit pa sa kaibigan. Sana matanggap niya ako. Ti-next niya si Nikki at sinabi ang nararamdaman niya pero nalungkot siya dahil sa reply nito: “Ano b yang cnasabi m?! Nababaliw k n b? mahal kita bilang kaibigan period at khit boyish k, babae p rn ang tingin ko sau, Alessandra. Ur my BFF.”


Chick Boy Paul Keeno “Kuya Alvin, bakit ba tayong dalawa lang ang nagpunta ng mall. Bakit hindi sumama si Mama? “Masama raw ang pakiramdam niya kaya nagpaiwan na lang.” “Kuya bagay ba sa akin ‘tong t-shirt at sombrero na ‘to?” “Hindi ko alam e.” “Kuya, ‘di nga? Bagay ba to sa’kin?” “Hindi. Bakit ba ganyan ang gusto mong isuot?” “Para makaakit ng chicks.” “Naku, ito ang bagay sa’yo Karen, blouse.” Kalaro Jayson Hindi kami nagtatagal ni itay sa isang lugar, palipat-lipat kasi siya ng trabaho. Labing-dal’wang taong gulang pa lang ako, wala akong mga kaibigan dahil sa sitwasyon namin. Dito ko nakilala si Carlo, mas matanda siya sakin ng limang taon. Sabi niya maganda raw ako. Lagi kami naglalaro sa kwarto niya. Kaya ba kami iniwan ni nanay dahil masakit makipaglaro ang mga lalake?

39


40 Pagod Kong Katawan Marky “Gising ka muna diyan. Pasayahin mo muna ako. Buhayin mo muna katawan ko.” Pero ayaw pa niyang tumayo. Nagulat ako nang magsalita ate ko. “Tay, maaga pa po.” Perstaym Wolf Aldrei Nakita niyang nanonood ng bold ang tatay niya at naramdaman niyang may tumayo sa pagitan ng kaniyang mga binti. Narinig niya sa kwentuhan ng mga kaklase niya ang tungkol sa gagawin, parang first aid. “Anak, kakain na,” gulat ang ama sa nakita sa loob ng kwarto. Hindi alam ang gagawin. “O-opo. La-lalabas na po.” Tuwing hating gabi Chico “Maghubad ka na ng panty,” utos ni John. “Teka lang, mainit dito sa kwarto. Bubuksan ko lang ‘yong electric fan.” Dali-daling binuksan ni Kamille. “O eto, game na?” patukso’t nakangiting tanong ni Kamille. “Bilisan natin hangga’t walang tao.” Nagsimula ang dapat magsimula. Pumasok ang dapat pumasok. Hinawakan ang


dapat hawakan. Pawisan. Maingay. Maungol. “Kamz, wag ka maingay masyado.” Pabulong na sabi ni John. “Okay, bilis John. I feel it. Malapit na ko.” Tooooooot-toooooooot- toooooooooot “Tang-ina na-lowbat pa!” Requirement Jonico “Edgar, tawag ka ni ma’am, pumunta kang faculty.” Sa loob ng faculty, mag-isa lang si ma’am. Lagot na! “Edgar, tara rito.” Hinawakan niya ang kamay ko. “Ganito kasi ‘yon. Didilaan muna para pumasok sa butas, pero p’wede ring hindi na.” “Tapos, hahawakan mong maigi, pataas at baba. Over and under. Dapat mahigpit para hindi lumuwang at umayos.” “Ayan! Natutunan mo na ba? Tuloy-tuloy lang ‘yan. Gawin mo lagi para masamay ka at maging expert!” Hay! Bakit ba required ang garments?

41


42 Si Sir kasi, e! Wolf Aldrei *Communication Arts, 2.75 “Mahina talaga ako sa English, e.” *Political Science, 3.0 “Buti nga naipasa ko pa.” *P.E., Dropped “Ano ba naman ‘yon, Chess!” *Integral Calculus, 5.0 “Ikaw din naman, ah! Singko! *Anatomy, 1.0 “Pa’no kasi si Honey—este si Sir kasi, e. Hindi pumapalya sa pag-check ng anatomy ko gabi-gabi. Panloob Aries Unti-unting dumausdos ang kamay niya sa balikat at kasabay ng pagsingap niya ay matagumpay niyang nahubad ang cup B na bra. Nangiti si Patrick. Eto na ang hinihintay niya. Buong araw din siyang nagtiis. Dahan-dahan namang bumaba ang mga kamay niya patungo sa bewang. “Aray!” napasigaw siya ng malakas sa biglang pagpitik ng garter ng panty sa bewang niya.



44 Lapis Kara Naiinis ako. Bakit kailangan ko pang gawin? Wala naman akong mapapala. Napilitan akong pumunta sa lugar na iyon dahil kailangan. Tinatamad ako at ayokong mapaos. Ngumiti akong pilit sa mga batang aming tuturuan. “Ate, kayo po ba ang titser ko?” Bahagya akong naasar dahil sa tanong n’ya at nandiri dahil sa mabahong amoy pati na rin sa kanyang pangit na hitsura. Pinabasa ko s’ya. “a, e, i, o, u.” Sambit n’ya. Pinasulat ko s’ya ng pangalan. Ngunit nakatingin lang ito sa akin. “Ano ba hindi ka ba nakakaintindi? Nag-aaral ka ba talaga?” Umiyak ang bata at nilabas ang kanyang lapis na sobrang liit at halos ‘di mo na magagamit at mahahawakan. Nakaramdam ako ng awa. Awa na dapat kanina ko pa naramdaman. Sinulat ko ang kanyang pangalan at pinakita sa kanya. At ang sambit n’ya,“turuan mo naman ako magsulat ng ganyan kaganda. Gusto ko matuto.” Nanliit ako sa mga narinig ko dahil muntik na kong makalimot. Magiging guro nga pala ako.


Pagtatapos “Ruiz, Joane L.” Dahan-dahan siyang lumakad patungo sa stage na hindi maikubli ang saya habang akay-akay si June na ipinaglihi n’ya sa mais. False Alarm Michi “Edward?” “Bernadeth.” “E, kung Junior na lang kaya?” “Pa’no kung babae?” “E, kung lalaki?” “‘De Baby Girl Junior.” “Puro ka naman kalokohan e. Dali! I-check mo na!” “One line ulit.”

45


46 Karimlan Ikatlong gantimpala sa TMJ Dagli Writing Contest Jenel M. Bentulan BSEd 2F Kumukulog, kumikidlat at malakas ang buhos ng ulan, patakbong sinugod ni Andrea ang madilim na daan. Hindi niya alintana ang panginginig ng katawan dahil sa takot, ang nasa isipan niya ang makatakas sa taong humahabol sa kaniya. Sa ‘di kalayuan, natanaw niya ang isang kubo na hindi makikita. Isang malakas na pwersa ang humatak sa kaniya na labis niyang ikinabigla, parang mapupugto ang kaniyang hininga dahil sa kabang nararamdaman. Nagpupumiglas siya ngunit walang epekto sa lalaki ang kaniyang paglaban. Goons na goons ang dating nito, matalim ang mga mata, parang bakal ang kamay, ni hindi man lang natitinag sa mga tadyak at suntok na ginagawa niya. “Tulungan ninyo ako!” Ubod lakas siyang sumigaw. Isang malakas na suntok sa sikmura ang kaniyang naramdaman, namalipit siya sa sakit, gusto niyang sumigaw ngunit walang tunog ang lumabas kundi dugo, napakaraming dugo na bumulwak sa kniyang bibig. Wari niya umiikot ang mundo at unti-unting nagdidilim ang kaniyang paningin at nawalan siya ng ulirat. “Kawawa naman si Andrea,” sabi ng matabang babae. “Anong kawawa? Alam naman natin na gumagamit ‘yun ng bawal na gamot, siguro’y nag-hallucinate kaya nagpakamatay,” sabad ng matanda. Natahimik sila nang idaan ang bangkay.


Sa Huli Nahihilo ako sa pagpatay-bukas ng ilaw sa kwarto ko. Normal lang, sa isipisip ko. Rinig na rinig ko ang kakaibang tunog ng puso ko at ramdam ko ang luhang dumampi sa aking pisngi. Hanggang sa huli ay ramdam ko ang kalamigan ng paligid. Ang kalamigan ng turing mo sa akin; ang pagiging mailap mo sa akin sa loob ng isang taon. Ang kalamigan ng tingin ng mga tao sa akin na parang isa akong marungis at makasalanang tao. Sa huli ay ramdam ko ang kalamigan ng lapag na kung saan ako nakahandusay at iniintay na tuluyang matapos ang lahat ng paghihirap na ito, kasabay ang humuhinang tibok ng puso ko. Sagot Paul Keeno Gaano pa ba ako kalayo sa bahay? Napapagod na ako. Kanina pa siya nakasunod. Diyos ko naman! Kung kelan nagpaalam si Charlo na may gagawin saka pa nagkaganito. Shit, sa wakas nakita ko na rin ang gate namin. Nagulat ako sa ayos ng bahay. Anong meron? May humawak sa braso ko mula sa likod sabay sabing, “Karen I love you, will you marry me?” Naiyak na lang ako at yumakap sa kanya sabay sagot ng, “oo”.

47


48 Pagkahimbing Paul Keeno “Pare ‘wag ka nang magalit. Mapag-uusapan naman ‘yan. Babawi na lang kami sa susunod.” Bumunot ng baril ang isang lalaki at itinutok sa kanya. “Pare ‘wag. Paano na lang ang pamilya ko?” sambit niya habang nanginginig sa takot. Isang tunog ng baril ang umalingawngaw. Maaga akong nagising. “‘Nay bakit ka umiiyak?” tanong niya sa kanyang ina ngunit hindi man lang ito umimik. “Ang liwanag naman, masyadong madaming ilaw. Ang dami namang tao, nandito rin pala ng mga kaibigan ko.” May isang nagsalita at sinabing, “Kawawa naman si mare. Sino kaya ang pumatay sa kaisa-isa niyang anak?” Oedipus Complex Ai Libing na ni itay. ‘Di ko alam kung bakit wala akong maramdaman, ni hinagpis o lungkot. Nakakapagtaka, parang pamilyar ang pakiramdam na ito nang namatayan ako ng aso. Bwisit naman kasi ‘yong asong iyon, ang ingay-ingay at kinagat pa ako. Hinambalos ‘ko sa ulo, ayon patay. Dumaan ang ilang minuto ng pagunam-gunam ko tungkol sa namatay kong aso nang makita ko si Inay na dumaan sa harapan ko. May dala siyang kape at mga biskwit


para sa mga nakikipaglamay. Nakasuot siya ng itim, kasing kulay ng mga pasang tinatakpan nito. Tumingin ako sa kanya pilit niyang iniwasan ako. namumugto ang mga mata niya. ‘Di ko alam kung bakit siya umiiyak. Wala namang dahilan para tumulo ang kanyang luha. Nandito naman ako, mamahalin at pro-protektahan siya habambuhay. Dilig Paul Keeno “Ang tagal na din,” sabi ng lalaki sa kanyang sarili habang nakaupo sa may hardin. “Hay, kamusta na kaya siya? Matagal na kaming hindi nagkikita,” dugtong pa niya. “Mukhang malalim ang iniisip mo, a?” pagbati ng bagong dating sabay hila ng isang upuan. “Nami-miss ko na s’ya. Sana magkabati na kami.” “Puntahan mo na siya at baka lumala pa yan,” payo ng kaibigan. “Sige na nga,” sabay tayo sa kinauupuan. Pagdating sa bahay ng babae ay kumatok siya pero walang nagbukas ng pinto kaya’t pumasok na siya sa loob. Pagpasok sa loob ay nakita niyang natutulog at walang suot na damit ang kanyang kasintahan. May nakayakap na ibang lalaki. “May iba na pa lang dumilig sa kanya,” sabi niya sa sarili habang tumutulo ang luha.

49


50 Kuya ko Ache “Eto, kunin mo. Pang-dalawang araw n’yo na iyan. Tipirin ninyo ng kuya mo. Tutal, tatlo lang naman kayo sa bahay.” “Salamat po nay. Pasensya na po sa abala.” “Umuuwi pa ba ang kuya mo? Ang kapal talaga ng mukha ng batang yon! Kamusta naman ang anak mo?” “Umuuwi po ang kuya para lang saktan ang anak ko nay.” “Ang kapal ng mukha ng kuya mo! Pagkatapos niyang gawin sa ’yo ang kasalanang ‘yon, sasaktan niya ang bata?” Late Aries tawag!”

“Lintik naman! Bakit. Ngayon. Ka lang. Sumagot? Kanina pa ko tawag nang Walang kibo sa kabilang linya. “’Asan ka ba? Kanina pa ‘ko dito. Ang linaw-linaw ng usapan natin!” “Teka,” halos pabulong na sagot nito. “Sorry, hon. Gising pa kasi siya.”


Atup Paul Keeno “Sir mamili na po kayo. Kung gusto n’yo po meron kaming bago dun sa loob pero may kamahalan lang,” turan ng isang bakla. “Sige ‘yun na lang,” sagot ng costumer. “Girl sumakay ka na sa kotse, behave ha? Malaki bayad sayo. “ “Opo, sagot ng babae.” “Malapit na tayo sa motel, by the way I’m Jake and you’re?” “Brenda po” Kinabukasan “Uy Brenda, Brenda,” sabay hila ni Jake ang kamay ng tinatawag. “Aray, sino ka ba? “Si Jake, ‘yung kasama mo kagabi sa motel. ‘Di mo ba natatandaan?” “Bastos,” sabay sampal sa lalaki. Pag-uwi ng babae sa bahay “Hay kambal, ang dami na talagang nagkalat na manyak ngayon. Kaya ikaw, mag-ingat ka.”

51




54 Click Ikatlong gantimpala sa patimpalak sa Pagsulat ng Dagli sa Kolehiyo ng Artes at Letras (KAL) sa nakaraang buwan ng wika. Israel Saguinsin “This is your last chance or else kailangan ka na naming palitan,” sabi ni Mrs. Sayas. “Opo, ma’am. Salamat po. I’ll try my best’” sagot ni Ash. “And late ka na naman,” medyo mataas na ang boses ni Mrs. Sayas. “Sorry po, ma’am. Mahirap po kasi sumakay, ang lakas ng ulan,” nakayuko si Ash. Alam niyang sablay na naman siya. Pagkalabas niya ng opisina ng Editor-in-Chief nila, sinalubong kaagad siya ni Erika na may dalang mainit na kape para sa kanya at ibinalitang binabaha na ang ilang lugar ng Marikina. May tatlong oras pa lang umuulan lubog ay na ang ground floor. Pero natural lang sa kanila na binabaha ang floor na iyon ‘pag medyo lumalakas ang ulan. Nagpalabas din ng tubig sa dam sabi sa balita. Marami nang stranded sa daan at pati sila mukhang mahihirapang umuwi. “Wala na nga akong magawa. Natapos ko na ‘yong article ko. Tumawag na rin ako sa bahay namin, malakas din ang ulan,” sabi ni Erika. Pasagot na sana si Ash pero narinig nila ang gulo ng ibaba. Pumapanik ang mga nasa ibabang floor. Hanggang tuhod na pala ang tubig doon. Nagkakagulo na sila. Alam na nila na hindi normal ang buhos ng ulan at ang mabilis na pagtaas ng baha. Sumilip din si Ash sa bintana at kita na ang mga lumulubog na sasakyan. Wala na ang mga sasakyan


sa daan. Hindi na kulay green, dark green o black ang kulay ng tubig-baha. Walang kulog o kidlat na karaniwang senyales ng delubyo. Tahimik at mabilis na pinasok ng kulay putik na tubig ang lungsod. Nagmistulang salbabida ang mga SUV, Vios, Mazda, taxi, jeep at tricycle sa parking lot at kalsada sa harap nila. May mga tao na rin sa bubungan ng ilang bahay sa paligid nila. Iisa lang ang dasal na inuusal ng lahat. Kanya-kanya na silang tawag at text sa telepono para kamustahin ang kanikanilang pamilya. Habang si Ash ay dali-daling kinuha ang kanyang kamera. Pinokus sa labas ng bintana. Click! Click! Click! At marami pa, sunud-sunod. Pokus dito, pokus doon. Sasakyang tinatangay ng rumaragasang putik. Zoom in. Click! Mga pamilyang nasa itaas ng bubong. Click! Giniginaw na bata. Click! Babaeng tinatangay ng putik. Click! May sinasabi sa kanya ito ngunit hindi niya marinig; nababasa niya ang buka ng bibig nitong humihingi ng tulong pati ang mga matang nangungusap. Click! Hinintay niyang lumutang muli ‘yong babaeng humihingi ng tulong sa kanya. Lumipas ang ilang minuto, walang babaeng lumutang. Rumagasa lalo ang tubig. Lumakas ang ulan. Tumaas ang tubig-baha. Lumipas ang isang linggo. Hindi napalitan si Ash bilang photojournalist. Nagkaroon pa siya ng salary increase. Dalawangdaan at apatnapu ang naitalang kumpirmadong namatay. Madami pang nawawala. Sa litrato na lang ni Ash, muling natatagpuang buhay ang babae.

55


56 Joyride Jayson Napakabilis ng takbo ng sasakyan, at ‘yong totoo, ‘di ko pa rin alam kung saan talaga kami pupunta. Maliban sa masungit na lalaking katabi ko, napakaganda ng araw na ito. Para pa nga akong nanonood ng pelikula mula sa loob ng sasakyan habang nakatingin sa bintana. Ang ganda n’ong sikat ng araw at ‘yong mga bulaklak at mga damo ay parang sumasayaw sa bawat pag-ihip ng hangin. Gusto ko rin maramdaman yung pag-ihip ng hangin. “Pwede mo bang ibukas yung bintana?” Habang bumubukas ang bintana ay mas naramdaman ko ang pagtawag sa akin ng malakas na hangin. Gusto kong ilabas ang mga kamay ko sa bintana pero pinipigilan ako ng mga posas na ito. Pasabit sa Fiesta Aries Ang dami na namang tao kina Aling Juana. Fiesta na naman kasi. Sikat na sikat sa lugar namin ‘yong bahay nila tuwing gan’tong mga panahon. Paano ba naman, kung anu-ano kasi nakasabit na burloloy at dekorasyon. Balita ko pinapangutang pa talaga sa five-six para lang may maipambili taun-taon. Katwiran niya, para naman daw sa fiesta. Last year, puro silver at gold ang mga nakasabit. No’ng nakaraan naman, pula at berde. Taun-taon, bago yan. Tulad ngayon, natagpuang nakasabit si Aling Juana sa banyo nila.


Hobby Chico Noong bata pa ako, ang mga nahuhuli kong bulate sa likod bahay ay binubudburan ko ng asin o kaya’y hinuhulog ko sa lungga ng mga tagasaw. Pinapanood kong mangisay hanggang mamatay. Minsan nakakita ako ng kuting na natutulog. Pinukpok ko ng martilyo ang paa at sinunod ko ang tuhod at buntot. Pinanood kong umiyak. Pati ‘yong mga ibong nabibili sa labas ng simbahan tuwing Linggo ay binabanat ko naman ang pakpak hanggang mabali. ‘Yong mga isdang nahuhuli ko ay pinapakuluan ko ng buhay. Noong binata na ako pine-pellet gun ko naman ang mga aso ng mga kapitbahay. Inaasinta ko ang mata o kaya ‘yong butas ng tenga. Sakto ‘yon, malaki pa naman butas ng tenga no’n! Ngayong General na ako dito sa Cagayan ay mga NPA naman ang madalas kong nahuhuli. Mabuwaya ka Haring Buwaya Maui Isang araw ay napaisip si haring Buwaya, gusto niya magka-anak kaya nagtalik sila ni Reyna Buwaya. Nagkaanak sila ni Reyna Buwaya ng maraming buwaya, tinuruan nila ang mga anak nila kung paano maging buwaya at ngayon ay meron na silang dinastiya ng mga buwaya.

57


58

Maling akala Luna “Pangilan na ba yan?” tanong ng kumadrona. “Pangalawa.” “Panganay.” Sabay na tugon ng mag-asawa. Magnanakaw Paul Keeno “Hoy! Umalis ka d’yan! Balak mo pang nakawin ang mga kalabaw ko.” Hindi natinag ang lalaki. “Wala ka talagang balak umalis ha?” Pumulot siya ng kahoy. Humanda ka sa’kin!” Dahan-dahang lumayo ang magnanakaw ngunit hindi man lang gumagalaw ang mga paa nito. Lambing Aries

Masuyo niyang niyeluhan ang pasa sa mata ng asawa. “Ang hilig mo kasing makipag-away, dear.” Hindi ito umimik. “Ayan tuloy, next time ‘di lang yan ang aabutin mo sa’kin, Aida.”


Panalangin Araw ng Linggo. Gaya ng nakagawian, ako ay nakaluhod. Impit ang damdaming umuusal ng panalangin. “D’yos ko, gaano pa ba katagal?” Tiyaga, pasensya at panalangin—ito ang puhunan ko para mabuhay. Talaga nga lang naman kung minsan ay kulang ang mga ito para sa lipunang ginagalawan ko. Isang lipunang paulit-ulit na ginagahasa ng gutom, kurapsyon, pulitika at paghihirap. Sa lipunang mapera at makapangyarihan lamang ang may kakayahan at pagkakataong makatakas. Ngunit hindi ito sapat na dahilan upang sumuko. Hindi dahilan upang tuluyan magpatangay sa rumaragasang agos ng buhay. Kaya nga nanalangin, nakaluhod. Nakaluhod, hindi nga lang sa nilalang na tinatawag nilang D’yos. Nagpapaalipin, hindi para sa kaligtasang pinapangako N’ya. Nakaluhod dahil ako’y may pangangailangan. Nagpapaalipin upang tugunan ang pangangailangan n’ya. “Ahhhh.. tangina.. sige pa…”

59


60 Banal na Aso Karl V.

Aba ginoong Maria… (Naku mare! ‘Yong anak daw ni Choleng e, nakuwan!) Napupuno ka ng grasya… (May kabit daw na prosti si Goryo!) Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo… (Mare, kumupit ka na lang do’n sa donation box!) Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat … (May padasal kina Ubeng! May pakain do’n!) At pinagpala naman ang Anak mong si Hesus…

Huwad Alas-sais ng gabi. Tinawag ni Aling Martha ang mga anak at sinabing, “Halina kayo. Isara n’yo na ‘yang tindahan. Magdarasal na tayo.” Nang mapahinto ang matanda, “Julius, natakpan mo ba ng bagong label ‘yong mga delatang expired na?” “Opo, mama,” sagot ni Julius. “Mabuti kung gano’n. Tara na. Magrosaryo na tayo. “


Huwad v.2.o Tapos na ang misa. Naglalakad na pauwi si Fr. Rey. Binabati ang sinumang makasalubong. Nakangiti at kitang-kita sa mga mata ang kapayapaang natagpuan sa pagpapari. Dala ang kanyang anak, nilapitan ng gusgusing si Helen, ang pari at nagmakaawa, “Pader, maawa po kayo. Tulungan n’yo kami ng anak ko. Kahit kaunting barya lang, pambili lamang ng gatas. Parang awa mo na, Pader.” Nahabag ang puso ng Pari, inabutan si Helen ng isandaang piso. “Sumaiyo nawa ang biyaya ng Maykapal.” “Salamat Pader, salamat po”, turan ni Helen. Nang makalayo ang Pari, lumapit si Helen sa mga nag-iinuman, umupo. At nag-abot ng isandaan, “sagot ko ang next round.”

61




64 Salamin, Salamin Jonico Nagising ako sa ingay na ginagawa ni lola. Kinalikot na n’ya lahat ng aparador hanggang sa kwarto namin. Hindi ko alam kung bakit siya nagkakaganoon at gulonggulo sa kahahanap ng bagay na hindi ko alam. “Lola, ano po bang hinahanap n’yo?” “Nakita mo ba’ng salamin ko?” “Hindi po ba ‘yang suot n’yo?” Dementia “Julia, lalabas kami ni Badong. Magde-deyt kami, ikaw na ang bahala dito sa bahay ha?” turan ng posturang postura na si Doray. “Lola Isadora naman, matagal nang wala si Lolo Badong.” Tumba tumba Pagkit

“Mario! Huwag mong itulak yung duyan, nahihilo ako.” “Ano?! Selya! Kumapit ka! Lumilindol!”


Kalimot eLi “Michelle! Sabi ko sa ’yo lagyan mo na ng diaper kapatid mo. Ayon, umihi na d’on sa may pintuan.” “Ma, hindi ‘yon kay bunso. Nakita kong huminto d’on si lola kanina.” Iluminada Pagkit Nobenta na ako at hanggang sa ngayon sariwa pa sa ’king alaala ang mga panahon ng aking kabataan. Nasa ikalawang taon na ng hayskul no’ng una ko siyang masilayan. Kilala siya ng lahat. Malamang, dahil siya ba naman ay matalino, mabait at maganda. Nang gabing ‘yon, nakita ko siyang naglalakad sa may eskinita. May kasama siya, at parang kilala naman niya ‘yon. Ilang minuto na ang lumipas nang napagtanto kong walang labasan ang lugar na kanilang tinatahak. Nagsimula na akong magduda at sinundan sila. Laking gulat ko nang makita ko siyang nakahandusay. Hubo’t hubad. Walang anu-ano pa’y binuhat ko na siya at dinala sa hospital. Subalit parang pinagsakluban ako ng langit ng ako ang kanyang itinurong salarin. Ako ang idiniin niya. Ako ang nagdusa. Pitumpu’t anim na taon na ang lumipas. Hanggang ngayon ay nakapiit pa rin ako.

65


66 Mahal kong Iluminada, kailan mo ba matatanggap na ang ‘yong ama ang sumira sa’yo at hindi ako? Nene Kahit mag-isang naglalaro ng manika ay masayang masaya naman si Nene. Hindi alintana ang kalat sa paligid. “Paliguan mo muna ‘yang lola mo at ang panghi na o,” “Lola, tara na po. Maligo na po kayo.” “Eeeeeeeh ayaw ko pa! Naglalaro pa kami ni Barbie doll o! Ayaaaaaaaaaaw!” sagot ni Nene. Nakalimutang Pag-ibig Chico Limampung taon ang nakalipas noong umalis ako sa bayang ito. Iniwan ko ang pamilya, kaibigan at alaala namin ni Dely para sa trabaho at pag-aaral ko sa Maynila. Maraming nagbago ngayong bumalik ako. May pag-unlad na sa bayan ko. Malayung-malayo sa huli kong alaala rito. Nakasabay ko ang isang matandang babaeng nakaitim sa tricycle papuntang baranggay namin. Nahalata yata niyang mukha akong dayo. Nakipagkwentuhan, ngumiti, tumawa habang binabagtas ang daan papuntang baryo. Ganito pa rin ang ugali ng tao sa amin, makwento.


Pumara siya sa harap ng isang lumang tindahan. Hindi ko man lang naitanong ang pangalan ng ginang at nakapagpasalamat sa munting kwentuhan. Papalayo nang papalayo ay bumabalik sa’’kin ang alaala ng lumang tindahan. Doon ko sinusundo si Dely. Caroling Chico

“maligaya maligaya maligayang pasko kami sana kami san—“ “PUNYETAAAA MALUNGKOT ANG PASKO! MALUNGKOT!” Nagtakbuhan ang mga bata. Tuloy ang tagay.

Liham Maui Tatlong beses na akong nagahasa, ‘Yong una at pangalawa ay halos isuka ko ang ginagawa nilang kababuyan sa katawan ko, pero ‘yong pangatlo ang masarap. Ibang ligaya ang naidulot niya. Marami siyang regalo at tulong, walang kapantay na sarap. Sandali lang, kumakatok na naman siya. Kailangan ko nang magsilbi. Hanggang sa muli. Nagmamahal, Pilipinas

67


68 Id Crisis Ai Nakita ko ang mga sarili ko , isang gabi ng kadiliman. Nag-uusap. Ako ay ikaw? Ikaw ay ako. Isa sa atin ang di totoo. Ewan ko pero tinatanggi ko‌Na may katauhan kang katulad ko? Magkaiba tayo, magkahiwalay ng mundo! Ang sa iyo ay madilim na katotohanan, isang lugar ng katangahan! Naiinis ako sa iyong kalandian! Di ka ba nahihiyang ikaw ay ganyan?! Ang sa iyo ay kahipokrituhan at duwag na pag-aalinlangan. Hanggang kailan mo pa ba ako pahihirapan?! Nag-hari ang katahimikan sa madilim na kwarto na aking pinaglalagakan. Nagkalat ang mga bubog at basag na parte ng salamin na aking tinago at pinagkakaingatan. Dumanak ang dugo ng aking katauhan. Sa Pamamaalam Mo Gamana “Pangako ko na sa pamamaalam ng mata mo sa mundong ibabaw, ako huling makikita nito.â€? Marami ng pinto ang nabuksan ko, pero ibang-iba ang ngayon. Bakit ganito, nanginginig at nangangamba ako? Hindi ako mapakali. May kung anong gumugulo sa kaisipan ko. Maging ang tuhod ko’y ninakawan na ng katigasan. Nanlalambot ako.


Nangangatal. “Kumusta na po siya? Ano na pong nangyari sa kanya?” “Sir, I’m so sorry. We did everything we can do. But she hasn’t survived the operation. I’m so sorry, my condolences.” Walang imik. Nalilito ako. “Sino bang madaya, ikaw na hindi ako nagawang hintayin, o ako na hindi tumupad sa pangako ko, na sa pamamaalam ng mata mo sa mundong ibabaw, ako huling makikita nito.” Unit-unti kong isinara ang pintong iyon. Beterano Wolf Aldrei Malaki ang significance ng numerong bente uno kay Bartolome. Bente uno ang numero ng kanilang address. Bente uno siya noong makilala niya ang naging asawa. Bente uno ang bilang ng mga sasakyan niyang naipundar. Bente unong bansa ang kaniyang napuntahan. Bente uno ang kaniyang mga apo. Bente unong taon siya nanilbihan para sa bayan bilang heneral. At ngayong libing niya, mayroong bente unong putok ng baril ang maririnig sa kapaligiran.

69



Pasasalamat Ang bawat kasapi ng The Mentors’ Journal ay taos-pusong nagpapasalamat sa mga sumusunod: •Dean Luzviminda F. Tantoco, ina ng Kolehiyo ng Edukasyon, sa walang sawang pagsuporta sa publikasyon; •Mr. Ernesto S. de Guzman, ang aming tagapayo, na aming kaakibat sa lahat; •PTA Officers, Dr. Bonifacio T. Cunanan at sa lahat ng nagbukas ng kanilang pinto na nag-abot ng tulong upang mabuo ang buhay ng folio na ito; •sa lahat ng mga estudyanteng manunulat na nakisimpatya sa adhikain ng The Mentors’ JournaL na magkaroon ng scholarship ang bawat punong patnugot ng bawat publikasyon sa Bulacan State University; •sa lahat ng matatapang na estudyanteng KoEd na lumahok sa Dagli Writing Contest; •kasapi ng Mentors sa mga nakalipas na taon, na aming iginagalang at tinitingala; •sa mga maiiwan sa Mentors opis, na bukas palad na tinanggap ang hamon na alagaan, mahalin at ipagpatuloy ang buhay ng mahal nating publikasyon; •sa buong KoEd, na siyang dahilan kung bakit walang tigil ang pagdikta ng aming isip sa aming kamay; •mga mambabasa, na patuloy na yumayakap sa iba’t ibang uri ng panitikan. Higit sa lahat sa aming mga insipirasyon.. at sa buhay na maigsi at mundong masikip, kung saan ang bawat katha ay may halaga at nagpupumilit kumawala.



Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.