1 minute read

Mirasol

MIRASOL

Irenzayne

Advertisement

Sa isang hindi inaasahang pagkakataon, dalawang tao ang nagtagpo sa hindi pangkaraniwang pangyayari at lugar. Pawang walang ideya na habang nakatingin sa isa’t isa, sila nang dalawa ang nakatadhana. Ang isa, may kadiliman ang kahulugan ng buhay habang ang isa, siya ang tanging liwanag na gumagabay. Sa bawat dapo ng mata sa isa’t isa, naroon ang hindi maipaliwanag na pakiramdam na animo’y walang balak na magsalita o kumausap man lang. “Kay ganda ng iyong kulay tsokolateng mga mata. Nakakabighani. Para akong nalulunod sa kagandahan ng isang paraisong hindi ko maabot,” saad ng lalaking nagngangalang Keiko. Unti-unti itong lumapit, kumukuha ng pagkakataong tuluyang lamunin ng kulay tsokolateng mga matang kanyang iniibig. Nanlalamig, nauupos sa kinatatayuan sa hindi malamang dahilan. “Maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?” Hindi sumagot ang babae. Tanging ang pagtitig lamang sa kanya ang ginawa nito, parang nabibighani na rin sa kanilang pagtatagpo. Isang maliit na ngiti lamang ang iginawad nito saka hinawi ang may kahabaang buhok. Ganoon pa rin ang reaksyon ni Keiko. Natutulala na sa kagandahang taglay ng babaeng kaharap. Sa sandaling iyon, hindi nila inasahan ang kung anong nangyayari sa paligid. Nasa iisang malawak na hardin ng bulaklak sila nakatayo at hindi inaalintana ang kung anumang mangyari. Umihip ang hangin, dahilan kung bakit tila sumayaw ang mga bulaklak na nakapaligid sa kanila, sumasabay sa galaw ng buhok ng babaeng ngayon ay matamis na ang ngiti sa kanya. “Ngunit, kung ayaw mong malaman ko ay walang problema sa akin. Sadyang nagandahan lamang ako sa iyo at nagbabakasakaling magkalapit tayo—” “Mirasol. Mirasol ang aking pangalan,” pagputol nito sa kanyang sasabihin. Natigil sandali si Keiko sa narinig, naging malakas ang pagtibok ng puso, parang manginginig na ang katawan. Tila nadinig ng kalangitan ang kanyang naging taimtim na panalangin at balak na magbunyi. Mirasol. Hindi alam ni Mirasol na sa sandaling iyon, katulad ng kahulugan ng kanyang pangalan, ito’y nagbigay liwanag sa madilim na mundo ng lalaking hinangad lamang na siya ay makilala at nagnais na magmahal. Pangalan na tuluyang nagbago sa masalimuot na karanasan, mga sakit na dinanas ay tuluyang lumisan sapagkat sa pagkakataong iyon, sa bawat magandang pangyayaring nagdaan ay siya na ang naging dahilan. Siya na ang naging liwanag. Siya na ang tuluyang sumakop sa kadiliman ng buhay ng lalaking hindi niya inaasahang magmamahal sa kanya.

This article is from: