5 minute read

Isang Supot ng Semento sa Limang Sakong Buhangin

Next Article
Dibuhista

Dibuhista

PALETA II

22

Advertisement

“...Sabi ni inay dati, milyonmilyon na raw ang perang gagastusin sa pagpapatayo ng tawiran... Napakaraming pera! Napakaraming tirahan sana ang maipagagawa...”

Pumreno ang dyip nang bahagya ngunit nanatiling nasa gitna ng kalsadang binabagtas! Umalingawngaw ang nakabibinging busina! “Bilis!” narinig kong pagalit na bigkas ng drayber. Kasama ko ang nanay kong ‘di magkandaugaga sa pagbalagwit ng mga panindang isda na pinaraka pa n’ya kanina sa tabing aplayang mahigit tatlumpung minutong lakarin mula sa lubak-lubak na kalsada. Maya-maya’y bumaba na ang aburidong konduktor at pahiklas na inagaw ang ilan sa mga paninda ni Inay. Bukod kasi sa mga isda, naglalako rin si Inay ng mga kakanin habang binabaybay ang daan patungo sa aplaya tuwing umaga.

ni ALJIN CHRIS C. MAGSINO

Sumalta na ang konduktor matapos makapuwesto si Inay sa pinakabukana ng dyip na agad namang humarurot sa pagtuktok ng konduktor sa bubungan nito gamit ang baryang iniabot ni Inay. Maluwag ang dyip subalit sa kandungan ako ni Inay naupo kagaya kahapon at no’ng mga nakaraang araw. Nilingon ko ang iba pang pasahero. May mamang nakabarong na nasa kaduluhan, katabi ng isa pang mamang magara rin ang kasuotan. Sa katapat nila ay isang nakapusturang babaeng katabi naman ng isang kasing-edad kong bata na nahuli kong nakatingin sa akin; nakatakip sa ilong ang panyong hawak ng babae. Napalingon ako nang magsalita ang aleng katapat ni inay. “Si Mayor!” sabay nguso sa mamang nakabarong habang tinatapik ang katabing ‘di magkaintindihan sa pagtatakip ng ilong. Narinig ata no’ng mama at agad nagsalita “Aaa…nasiraan kasi ‘yong dal’wa naming sasakyan, e! He-he! ‘Yong service naman ng munisipyo; e, ginamit ni Vice; may dadaluhan kasing binyagan” sabay kumpas ng kamay nito na parang hindi mapakali. Agad namang sumegunda ang katapat nitong babae, “Okay naman palang sumakay sa dyip, ano? Presko ang hangin at―” Naputol ang pagsasalita nito nang mapatingin sa may gawi namin.

Napasulyap ako sa mukha ni Inay nang ilipat n’ya ako sa kabila n’yang hita. Kinuyom n’ya ang kaliwang kamay at bahagyang ibinaon sa nanakit na hita. ‘Di na rin kasi maiunat ni Inay ang kanyang mga paa dahil sa mga banyera ng isdang nasa harapan n’ya na kinapapatungan ng bilao ng mga natirang kakanin kaninang umaga.

“Mommy, paglaki ko, gusto kong maging katulad ni Daddy,” narinig kong tinuran ng bata bilang sagot sa tanong ng nakapusturang babae. Isang malakas na halakhak ang binitiwan no’ng dal’wang mama. Naramdaman kong hinimas ni Inay ang aking munting braso, sabay ang paglapat ng kanyang baba sa aking balikat. Naalala ko na minsan ay tinanong din ako n’ya ‘ko kung ano’ng pangarap ko paglaki. At ang isinagot ko ay maging engineer. Narinig ko kasi sa aking mga kalaro na engineer ang gumagawa ng bahay. “Gagawan ko po ng bahay ang lahat ng walang tirahan tulad natin.”

“Civil engineer ata ang tawag do’n, Anak,” sabi ni Inay habang ginugusot ang buhok ko.

Kumapal ang usok ng dyip, hudyat na papaahon na kami sa bagong kalsadang proyekto ni Mayor. Natatanaw ko na rin ang malaki n’yang larawan. Nakita kong nag-antanda ng krus ang katapat naming babae, pikit ang mga mata. Humigpit naman ang pagkakahawak sa ‘kin ni Inay. Sa kalagitnaan ng matarik na kalsada ay may isang kurbadang nasasanggaan ng mayaya-

23

PALETA II

24

bong na puno ng ipil-ipil. At dahil sa biglaang pag-arangkada ng dyip, tumilapon ang mga paninda ni Inay kasabay ng pagagos ng katas ng isdang aming inangkat. Kinalampag ng konduktor ang bubungan ng dyip kasunod ang isang tadyak sa gilid at mahinang pagmumura. Huminto ang dyip. Akmang tatayo si Inay upang bumaba at damputin ang nangalat n’yang paninda sa kalsada nang magsalita ang mamang nakabarong, “Manang, baka po pwedeng bayaran ko na lang ‘yong mga paninda? May naghihintay lang pong napakagandang kontratang dapat kong mapirmahan para sa proyekto sa ating bayan.” Sabay dukot sa bulsa: tatlong kulay ube, isang ginto, dalawang pula, at apat na kahel. Iniabot n’ya kay Inay lahat maliban do’n sa ginto na hiningi no’ng batang ngayon ay kalong na no’ng nakapusturang babae na nakatingin sa sahig at nakataas ang kilay.

Isang matipid na ngiti ang isinukli ni Inay. Muli akong kinalong ni Inay at matamang tinitigan ang kanyang mga paninda nang umandar na ulit ang dyip.

Nakatulog ako sa kandungan ni Inay.

Isang nakabibinging tunog ang gumising sa akin. Tunog ng nayuping lata. Nagmulat ang aking mata. ‘Di na ako lulan ng dyip. Ang kalawakan ang aking nakikita na tila nagbabadya ng paparating na ulan. Maya-maya’y naramdaman ko ang pag-agos ng malapot likido sa ‘king likod. Naramdaman ko rin na wala na ang higpit ng yakap ng aking ina at sa sulok ng aking mata ay natanaw ko ang isang motorsiklong nakasadsad sa napakalaking litrato ni Mayor. Muli akong tumanaw sa langit at nawangis ko ang mukha ng aking ina. Lumuluha. At tuluyan itong nilamon ng makapal na ulap.

At bumuhos ang malakas na ulan.

Makailang araw ang lumipas, sa aking paglalakad pauwi, matapos kong dalawin ang puntod ni Inay, naulinigan ko ang huntahan ng dalawang mama habang abalang naghahalo ng semento para sa proyekto ni Mayor: “Isang supot ng semento sa dalawa’t kalahating sakong buhangin dapat!” giit no’ng isa. Nanggagalaiting sumagot ang isa pa, “Ang sabi nga ni Engineer, isa sa kada apat ang gawin; aprubado raw ‘yon sa taas!” sabay baling sa gawi ng munisipyo. Iyon ang una kong natutunan sa pangarap kong maging isang civil engineer.

Natanaw ko na naman ang malaking piktyur ni Mayor, sa tapat ng dalawang mama, katabi ng napakaraming numero. Sabi ni Inay dati, milyon-milyon na raw ‘yon, ang perang gagastusin sa pagpapatayo ng tawiran sa ibabaw ng kalsada. Napakaraming pera! Napakaraming tirahan sana ang maipagagawa. Minsan naguguluhan tuloy ako kung maging mayor o maging engineer ang gusto ko kasi mas madami

ang pondo ni Mayor, mas sikat, at mas mataas kaysa sa inhinyerong kanya lamang tagasunod.

S’ya nga pala, si Mayor din ang sumagot at nagpagawa sa libingan ni Inay. ‘Di ko alam kung nakialam din do’n si Engineer. ‘Pag nagkataon, baka isang supot na lang ng semento sa limang sakong buhangin gawa ang naging silid ng kaawaawa kong ina. Teka, napansin ko lang na ‘di naglagay ng malaking larawan ni Mayor sa gilid ng ipinagawa niyang puntod para kay Inay. Bakit kaya?

TALABABA:

pinaraka – [Mindoro], inangkat

25

PALETA II

26

This article is from: