1 minute read
Nalalapit na’ng “B-day” ni Lolo
PALETA II
68
Advertisement
Sinamahan ko sa sementeryo si lolo. Dinalaw namin ang puntod ni lola, ang pinakamaganda kong lola, ang pinakamamahal ni lolo. Ikin’wento ni lolo kung paano sila pinagtagpo ng tinatawag na tadhana. Kung paano na love at first sight si lolo kay lola, kung paano nilambayog ng hangin ang buhok ni lola, no’ng una nilang pagkikita. Magbi-birthday si lolo no’ng una silang pinagtagpo. Magki-kinse anyos siya no’n, mga bandang 1930’s daw ‘yon, no’ng kasagsagan ng pananakop ng mga Hapon sa noo’y mamirhen-mirhen pang Pilipinas.
Nakikipagbarilan no’n sina lolo sa mga Hapones. Habang nasa kasagsagan ng pagpapalitang-putukan ay may isang magandang dalagitang biglang bumulwag sa gitna! Kitang-kita ni lolo ang lubos nitong pagkatakot. Kaya kagyat s’yang nagtungo sa kinatatayuan nito. Walang kaabug-abog na dinakma n’ya ang kamay at agad n’yang inilayo ito sa lugar ng kaguluhan.
Hinding-hindi ni lolo makalimutan ang kasinglambot ng bulak at kasing lamig ng niyebeng kamay ng binibini, ang mala-mais na kulay ng kanyang buhok at porselana nitong kutis, mga matang pinagnakawan ang tala upang doon ilagay. Ngunit biglang natigilan ang pag-iistorya ng aking lolo. Bahagyang sumungaw ang luha sa malalabo n’yang mga mata. Kanina pa n’ya pinagmamasdan ang mga lapida, mga parihabang marmol na inukitan ng pangalan, kaarawan at kamatayan, mga yumaong nakaligtaan na yata ng mga mahal nila sa buhay, mga katawang pinagpipiyestahan ng mga uod sa ilalim ng lupa at bigla si lolo ay ma u tal - u tal na umusal: “Malapit na pala kitang samahan, aking mahal…”