1 minute read
Homo modernus
agahan POLARIS
ikubli ang mga pahinang nag-iimbita sa iyong mga mata, umaapaw ang mga letrang nakatahi—nang-aakit na lasapin kung ano ang inihain. hindi ba’t iyan ang dapat mo lang lunukin? dahil kung ang mga talukap mo’y nakasara sa gabi, wala kang karapatang kwestiyunin ang pumapalahaw sa pagsapit ng dilim. wala kang karapatang siyasatin kung sino ang nagtatahi ng iyong babasahin dahil may mga lihim na kailanma’y ‘di makakatakas sa bawat dampi ng bibig sa tenga; ang mga panis na pahinang nagtatalak ng mga kuwentong barbero na animo’y gantimpala sa kumakalam na sikmura.
Advertisement
kung sa tingin mo’y bastos ang pagrereklamo sa harap ng hapag, ‘di mo ba alam? ika’y nagdududa na rin, pinaglalaruan ang pagkain, pinipilit ang kayang langhapin. kaya ikaw, tiklupin mo na ang mga pahinang nag-iimbita sa iyong mga mata, umaapaw ang mga letrang nakatahi— siguradong mabubusog ka sa unang tikim. kumain ka na.
Balik-Tanaw IMMALIE ROSE CAFIFGE
Sa malambing na haplos ng kasalukuyan, sa katahimikang nilagdaan ng balat kong kupas, muling pagmasdan ang pinalayang bihag mula sa nanlilimahid na seldang bakal at mga nanlalatang tagumpay ng isang talunan.
Walang gabing payapa sa inutil na ginapos ng tanikala sa parusang hindi kayang tugunan ng anumang ginto o pilak.
Ilang patak ng dugo mula sa pitik ng mga pakpak kapalit ng dagliang pagluwag ng rehas habang bugbog ang katawan sa paglatak ng mga salitang nangangakong ililigtas ako sa dahas ng sansinukob.
Ngunit kahit ang bulag ma’y hindi mangmang sa pagbabadya ng kasalanang binaon ng panahon. At sa paghiyaw ng mga durog kong bahagi sa bawat sulok ng hawlang kalawangin, muling napagtanto:
Ang ‘yong haplos— pugad ng pinantasyang uyaying isang hamak na bilangguan. Hindi ako ang kabayaran sa ‘yong hapak na hinaharap.