1 minute read
Ang mga Ganid at Uto-uto
LORIE ANN
Sa larangan ng politika may dalawang uri ng tao, ang tumatakbo at ang nagpapatakbo, ang dalawa’y konektado upang layuni’y di-madehado lahat ay gagawin makukumbinsi lamang ang mga taong nasasakupan nito animo’y nagbibigay sulsol na paniwalaan ng mga paniniwalain.
Advertisement
Mga pahayag na tila ningas ng apoy sumisigid sa utak ng sangkatauhan nang maparam ang kanilang katinuan at hindi magkaundagagang madala sa salitang malaasukal.
Paroo’t parito ang mga pangako kapag nakaupo’y mainam na lamang kung may isang tinototoo ni mga daing sa karimlan hindi napapakinggan buti pa ang inaheng manok kapag kuwa’y makarinig ng iyak ng sisiw lalapitan kaagad.
Ang ningas ay unti-unti nang lumamlam mamamaya’y puno ng ligalig at nanangis sa pagsisi sapagkat sila’y napaniwala sa panlilinlang walang kahulilip tila nalasahan ang tabsing sa dagat kahit di-abot ng tubig.
Umaaktong hindi mapagkamkam ang mga maliliit na diyus-diyusan upang matakpan ang maling palakaran nang mapili muli sa susunod na botohan.
Ang mga tao nama’y nagbingi-bingiha’t nagbubulagbulagan patuloy na sinusuportahan ang mga taong palalo kinabukasan ng nasyon ay naghihingalo sa kamay ng mga ganid at uto-uto na walang alam kundi magreklamo sa mga niluklok nila sa puwesto.