
11 minute read
Tungo sa Muling Pagkabuo
JULES YUAN B. ROLDAN
Sa buhay, may mga pagkakataon na pilit nating sinisira ang ating katauhan. Ika nga, nagse-selfdestruct. Parang isang bagay na magagamit lamang sa isang partikular na oras at panahon, pagkatapos nito’y wawasakin na nito ang kanyang sarili. Hindi na magagamit muli. Ganito rin tayo sa iba’t ibang yugto ng buhay natin. Winawasak din natin ang iba’t ibang parte ng pagiging tao natin. Parang available lang tayo kapag masaya at may magandang nangyayari. Pero kapag kaguluhan na ang bumabalot sa paligid, hindi na tayo maasahan. Hindi na magamit. Hindi na gumagana katulad ng dati. Ayun nga lang, mahirap nga namang ikumpara ang “bagay” at “tao”. Masama kapag itinuring na bagay na ginagamit ang isang tao. Pero parehong minamahal ang “bagay” at “tao”. Halimbawa, mahal na mahal natin ang ating cellphone at hindi natin ito maiwan kahit saan tayo magpunta. May function at nagagamit sa iba’t ibang sitwasyon ang bagay at tao. Pareho rin itong nawawasak, kundi man siya/ito mismo ang nagwasak sa sarili nito.
Advertisement
Sa yugto ng self-destruction, binubugbog at lalo pang sinusugatan ang mga parte ng sarili na matagal nang bugbog sa mga pasa, sa mga sugat. Pinalilitaw ng yugtong ito ang pagiging kritiko ng ating sarili. Na kesyo hindi tayo magaling, matalino, maganda’t gwapo. Madalas na kinukumpara ang sarili sa iba. Humagahilap pa ng atensyon at pagmamahal ng mga taong hindi kailanman naging interesado sa ating pagiral. Lalo pa tuloy nalunod sa kumunoy ng kawalan ng pag-asa at ang malala, self-pity. Kung ‘di naman ganito, pilit naman tayong lalayo o itutulak natin palayo ang mga taong malapit sa ‘tin. Yugto ito na punong-puno ng kaguluhan at pagtataka.
Normal na lang sa akin ang pagse-self-destruct sa iba’t ibang yugto ng aking buhay. Pero ‘pag sinabing normal, ‘di ba dapat “sanay” ka na. Normalisado na nga, e. Parte na ng sarili at pag-iral mo ‘yun. Pero hindi ganoon ang kaso sa’kin. Para kasi ‘tong bisitang hindi mo aakalaing darating. Paulit-ulit na darating nang walang pahintulot. Wawasakin nito ang mga pinto at harang na binuo mo sa mahabang panahon ng pakikipagtunggali sa kanya. Pero hindi. Hindi ka naman talaga nasanay. Hindi naman talaga ako nasanay. Minanhid na lang ako ng ilang beses na pakikipagtunggali rito. Kumapal na lang ang balat sa bagyong dala nito. Isang uri ng pagtanggap, pag-surrender, sa isang kalaban na mahirap kalabanin.
Lahat naman ng tao ay may problema. Ang sabi nga nila, kapag wala kang problema, hindi ka tao. Pero minsan, tila ba nawawalan tayo ng kontrol sa mga bagay. Imbis na mag-isip ng solusyon sa problema, mas lalo pa nating idinudukdok ang ating sarili rito. Hindi na maka-usad, kasi hindi mo na alam kung paano pa
lumabas sa lusak na kinahulugan mo. Minsan nga, hindi naman talaga natin alam kung paano tayo napunta roon. Basta bigla na lang tayong nawalan ng passion, na-burnout, at nawalan ng gana sa pangkabuuan. Parang laro na escape room. May mga circumstances na naglalagay sa atin sa isang sitwasyon. Tapos, kailangan nating makalabas at makaalis dito dahil hindi na ito nakabubuti para sa atin. Nakakasakal. Wala nang hangin. There’s no escape, my friend. Walang susi (hindi tinapon), walang clue, bahala ka d’yan. Ang mangyayari, sasandig ka ngayon sa inaakalang mong sasagip sa’yo. Support system, ika nga nila. Pero mapagtatanto mo na sila rin ay nalulunod sa sarili nilang karagatan. Talagang nakakalunod ‘yung mga ganitong tagpo, ‘no. Ang pinakamahirap sa lahat kapag nasa serye ka ng self-destruction at nagkukumahog para hindi sumabog ang sarili, ay lumalabas ang lahat ng kasamaan mo. Lahat ng baho sasaluhin mo. Lahat ba ng tao, may bad side? Ito ba ‘yung parte ng sarili natin na hindi nakikita ng iba? O, hindi lang natin nais ipakita sa kanila, kasi nga bad! Baka lahat ng kabutihan mo sa paningin nila, ay biglang maglaho. Mawala na parang bula. Parang isang click lang, deleted lahat. Ang dami ko tuloy naalalang linya sa mga pelikula. “Lumabas din ang tunay mong ugali. Ang tunay na ikaw”. Lupet! Parang ahas lang na nagpapalit ng balat. Pero ‘yun nga ang mahirap, punong-puno ng kontradiksyon ang pagdaan ng ganitong yugto sa buhay natin. Na kahit pilitin mong intindihin at subukang solusyunan ay tila ba napakahirap. Mala-against all odds. Me against the world. 1 vs 100.
Kung meron man totoong konsepto ng malalim at mababaw na tao, mababaw lang akong tao. Napansin ko na sa pagdaan ng panahon, pag-ibig ang lagi’t laging sumisira sa’kin. Pero may nakita akong quote dati na hindi raw love ang may kasalanan kapag nabibigo o nasasaktan tayo. Huwag daw natin isisi sa pag-ibig ang lahat ng bagay. Kayo talaga o! Hindi raw totoo ‘yun. ‘Wag daw nating ipagkamalan na kakabit ng pag-ibig ang masaktan, pagdurusa, at kalungkutan. Kasi raw, ang pag-ibig ang siyang tanging gumagamot kapag tayo’y nasasaktan o nabibigo. Ang pag-ibig lang daw ang tanging konsepto na hindi mapanakit. Ouch. Oo nga naman. Minsan ang inilalagay natin na expectation sa mga bagay ang siyang nagiging dahilan kung kaya tayo laging nabibigo. Ang resulta, nawawala na ‘yung tunay na esensiya ng mga bagay, iyong tunay nitong kalikasan. Pero kapag umibig ka ‘di ba ang pinakaunang ipinaalala sayo ng sangkatauhan, ay kailangang handa kang masaktan. Ang gulo naman nu’n. Parang hindi nag-usap ‘yung awtor nu’ng quote at saka ‘yung sangkatauhan. Hindi yata nagkasundo sa sasabihin. Hehe. Pero tama naman, ‘di ba. Ang pagibig ay laging may kaakibat na sakit. May conflict at marami pang kontradiksyon. Lagi’t lagi may kulang na pinupunan. Pero ang mahalaga rito ay kung worthy bang mahalin ang mga bagay at kapwa, sa kabila ng mga pagkukulang, pagkabigo, pagkakaiba, at kung ano-ano pang bagay na maiisip mo. Pero siyempre, iba na ‘yung niloko ka talaga nang harap-harapan. ‘Wag kang martir! Tulad ng ginawa ng first girlfriend ko sa ’kin. Well, technically, hindi naman niya ko niloko. Hindi lang niya ko pinansin ng mga ilang buwan, ginawa niya akong tanga sa maraming tao, tapos nakipagbreak siya. Kasi raw may nagugustuhan na siyang iba. Iyong bestfriend ko daw. Mga ganyang bagay ba.
Kakaiba talaga ang dalang krisis nitong pandemya sa mundo at sa ating mga sarili. Halo-halong emosyon ang naramdaman ko simula pa lang noong unang mag-announce na magkakaroon ng kabi-kabilang lockdown sa iba’t ibang parte ng bansa, pati na rin sa buong mundo. Noong mga unang buwan ng lockdown, sinusubukan kong kalkulahin kung kailan matatapos ‘tong pandemya. Pinagdadasal na sana matapos na rin ‘to sa lalong madaling panahon. Pero sa pagdaan ng mga araw at buwan, bigla ko na lang napagtanto na sa panahong ito, wala nang katiyakan ang mga bagay. Wala nang mapanghahawakang posibilidad. Noong una, ganadong-ganado pa ako makisangkot sa galaw ng mundo. May inisyatiba pang magsulat, magbasa, kumanta, at matuto ng iba pang bagay. Pero mabilis lang din nawala ang lahat nang iyon. Mabilis lamang ding binawi ang lahat ng motibasyon ko na magpatuloy. Totoong nakakapagod maghintay lalo na kung hindi mo naman talaga alam kung ano pang hinihintay mo. Nawalan nanaman ng direksyon ang mga bagay. Balik
nanaman sa dati. Lalong ‘di nakatulong ang social media rito. Sa arena kasi ng social media, lahat ng bagay ay maaring mangyari. Kabaliktaran ng kawalang katiyakan sa totoong buhay, sa social media laging may bagong impormasyon. Anything is possible, even the impossible. Every hour, every minute, every second. Napakabilis ng mga impormasyon at interaksyon sa pagitan ng mga tao. Kaya nga nakakalunod lalo. Akala ko dati, ang pag-surf lang ang ginagawa sa internet. Akala ko sasakay ka lang sa alon, kokontrolin ang iyong balanse, at hindi ka lalamunin ng dagat. Pero para ako nitong tinanggalan ng surfing board, pinutol ang tali na nag-uugnay sa isang paa at sa board, at nilamon ako ng dambuhalang alon. Hindi na tuloy ako ang may kontrol sa aking sarili. Bangkay ko na lang ang dinadala ng mga dambuhalang alon na ito. Habang buhay na akong parte ng buong karagatan. Wala nanamang kontrol sa sarili. Lagi na lang naiinis, naiirita, nagagalit. Sa gabi, yayakapin ka naman ng lungkot. Papanatilihin kang gising ng mga what ifs. Kinabukasan, ganoon lang ulit. Paulit-ulit talaga. Paikot-ikot. Parang hindi na natapos ang giyera sa sarili. Lagi na lang sinisira, binabaklas, at sinasabotahe ang katauhan. Hanggang sa isang araw, magigising ka na lang, at tatanungin, “Bakit ko ba ‘to ginagawa sa sarili ko?” “Bakit ba ko humantong dito?”
Pero alam kong may karamay ako. Alam kong hindi lang ako ang taong nagse-self-destruct sa iba’t ibang yugto ng kanilang buhay. Nakakita na rin ako ng iba’t ibang serye ng self-destruction ng ibang tao. Mga taong malapit pa sa ‘kin.
Naalala ko dati ‘yung yugtong iyon ng Kuya ko. Pinagaral siya ni Tito Ajo ko sa isang pribadong unibersidad sa Maynila dahil faculty member si Tito doon. Tinamasa ni Kuya ang scholarship grant mula sa pagiging faculty member ni Tito Ajo sa unibersidad. Sa pagkakatandan ko, libre na ang lahat. May mga iba na lang bayarin na hindi naman ganoon kalaki. Isang ‘di matatawarang oportunidad talaga. Itong Kuya ko naman, hayskul pa lang talagang bulakbol na. Dalawang paaralan ang pinag-aralan niya noong hayskul siya dahil na-kick out ito sa nauna niyang paaralan. Aba’y nahuli ba naman silang nagbebenta ng teksbuk sa Recto, e. Natatawa na nga lang kami kapag pinag-uusapan namin ‘yun ngayon.
Nang makatuntong sa college, naging dalawa rin ang kinuha niyang kurso. Hindi niya natapos ang kursong I.T., na una niyang kinuha sa kanyang unang taon dito. Nagbulakbol pa rin ito kahit na may scholarship siya mula sa trabaho ni Tito sa unibersidad. Pero nabigyan pa rin siya ng pagkakataon na bumalik sa kursong talagang gusto na raw niya. Ang kurso ng Sikolohiya. ‘Yun nga lang, hindi pa rin siya nakapagtapos. Napakamot na lang tuloy ng ulo sila Mama. Isang taon na lang, nagloko pa ito. Hindi ko na inusisa kung anong klaseng pagloloko pa ang ginawa niya.
Bata pa ko nu’n pero marami na talagang drama sa pamilya na lagi’t lagi ko namang baon. Naalala ko pa nu’ng may kumatok dito sa bahay namin dis-oras ng gabi. Magulang at kapatid pala ng (dating) girlfriend ni Kuya noong panahon na iyon. Nasa sala kami ni Kuya bago mangyari ‘yun, naglalaro ng NBA sa desktop. Na-anticipate siguro ni Kuya na ang mga iyon ang kumakatok, kaya dali-dali siyang pumunta sa CR. Hindi para umihi o tumae, o maligo. Kundi para magkulong doon sa CR. Ang naalala ko na lang na pinag-usapan nu’n nila Mama at iyong magulang ng girlfriend ni Kuya, pinalalayo na siya nu’ng magulang ng girlfriend dahil may ‘di yata sila pagkakaintindihan. Nasaktan yata (pisikal at mental) ni Kuya ang kanyang girlfriend noon. Kapag hindi pa raw lumayo si Kuya, ipapapulis na raw siya ng magulang nito. Naku! Napakamot nanaman ng ulo si Mama. Ma, parang napapabilis ang pagtanda mo ah. Biro lang. Pero buti naman at lumayo na si Kuya doon. Talagang itong si Kuya noon, walang direksyon ang buhay. Sinisira rin ang kanyang sarili. Kaya kapag nag-uusap kami ngayon, nakita ko na nang tumanda (at nagtanda) at may responsibilidad na siya, duon niya lang napagtanto na mahalaga pala talaga ang mga oportunidad na sinayang niya. Ang mga pagkakataong sinayang niya noong sinisira niya ang sarili niya. Buti ngayon, may maayos naman na siyang trabaho kahit hindi nakapagtapos. Matagal-tagal din siyang naging propesyonal na tambay dito sa bahay e.
Pagkatapos niyang mag-withdraw/drop sa kolehiyo, sinubukan niyang magtrabaho pero pawala-wala rin. Pasulpot-sulpot.
Nasa genes ba ang tendensiya na mag-self-destruct? Parang oo eh. Parang namamana at naipapasa. ‘Wag naman sana, ‘no.
Si Papa naman, dakilang sakit ng ulo, puso, at atay din e. Bata pa man kami, hindi na talaga mapigilan ang kanyang alkoholismo. Almusal, tanghalian, at hapunan niya, ang panulak ay alak. Ka-ulayaw niyang tunay ‘yan, si Gin Kapitan tsaka si Ginebra San Miguel. Kung ‘yung mga tatay niyo ay may manok na panabong, si Papa may Gin Kapitan. Ang tindi! Tinatago-tago niya pa kay Mama kung saan nakalagay ‘yung alak niya. E, lahat kami ay alam na kung saan niya itinatago ‘yung mga alak niya. Sa cabinet, duon sa ilalim ng mga damit niya lang naman. Nakakatawa nga ‘yun e, gagawin talaga ang lahat maka-inom lang.
Kapag sobrang lango na nu’n sa alak, ‘yung tipong ‘di na makagulapay, magbe-break dance na lang ‘yun sa lapag. Magdadabog ‘yun nang magdadabog ng paa. Tapos magsasalita ng kung ano-ano. Madalas ‘tong nagmumura. Putangina mo! Gago ka ba?! Kahit wala namang kinakausap.
Dati nu’n sama-sama pa kami sa iisang kwarto, tabitabi sa lapag. Ngayon, sa papag sa probinsiya na siya humihiga tuwing gabi. Ang pinakabadtrip du’n, kapag maaga siyang gumigising tuwing Sabado’t Linggo kasi walang pasok sa trabaho. Maaga pa lang gising na ‘yun, lango agad sa alak habang nililinis ‘yung buong kabahayan. Mahilig maglinis ‘yun e. Ayaw din sa dumi. Tapos habang naglilinis siya, ‘yung stereo system niya na may dalawang malalaking speaker ay nagsisigawan din. Pahirapan talaga makatulog kapag weekends sa bahay noon. ‘Yun na lang tanging pahinga mo, ayaw ka pang pagbigyan. Sabado’t Linggo ganoon ang scenario sa bahay.
Maraming pagkakataon na rin na muntik nang magkapatayan sina Lola (nanay ni Mama) at si Papa. Sila ang dalawang mortal na magka-away sa pamamahay na ‘to. Normal ba ‘yung ganoon? ‘Yung pinakahuling beses na nangyari ‘yun, nagresulta ng habangbuhay na pagkakabartolina ni Papa sa probinsiya.
Sa totoo lang, napagtanto ko na mayroon naman talaga tayong kontrol sa ating sarili. Kaya ko naman talagang hindi sirain ang sarili ko. Kaya din nilang hindi sirain ang sarili nila. Kayang magbago. Alam ko naman talaga kung anong gagawin. Pero ‘di ko magawa. Kahit pinangako na sa sarili na hindi na muli mangyayari, nangyayari’t nangyayari pa rin. Para talaga itong uninvited guest. Bigla-bigla na lang bibisita nang walang pahintulot. Hanggang ito na ang magmaniobra sa katauhan mo. Mawawalan ka na lang bigla ng kontrol. May umuusbong na pagkatao sa sarili mo na hindi mo alam kung saan nagmula. Minsan naman iyan din ‘yung nagiging bunga kapag punong-puno ka na ng ego. Hindi mo na lang namamalayan, marami ka nang nasaktang tao, sinayang na oportunidad, at sinira mo na ang sarili mo.
Hanggang ngayon, nagtataka pa rin ako kung bakit patuloy pa rin akong humahantong sa isang yugto ng buhay ko na kung saan hinahayaan kong sirain ko ang sarili ko. Choice na ‘yun ‘pag ganun ‘di ba. Ah, ang gulo! Basta, sabi nila kapag may nawasak, may muling mabubuo. Muli pa nga bang mabubuo?