27 minute read

Taunang Pananampalataya

JESSIEMI GARCIA

“Bawal ‘yung laman na hinahain sa kama, hindi ‘yung sa mesa,” mariin pero pabirong sabi ng pinsan ko nang makitang tilapia at munggo na naman ang nasa ibabaw ng mesa, na sunod-sunod na araw na ring hinahain sa amin. “Kahit saan, basta laman,” agad namang depensa ng tita ko. “Palibhasa, ‘di ka nagbabasa ng Bibliya,” pahabol niya habang isa-isa kaming pinanlalakihan ng mata. Wala nang kikibo, para hindi na rin lumayo ang usapan at mapunta hanggang sa maraming batang nagugutom, na susundan ng masamang tanggihan ang grasya. Bago pa man magtampo ang pagkain at higit lalo na ang bawiin ng tita ko ang hinain, sabay-sabay naming uupakan ang isang bandehado ng pritong tilapia, isang malaking mangkok ng sinigang na tilapia, isang palayok ng paksiw na tilapia, at isang kalderong munggong panghalili sa lahat ng uri ng nakahaing tilapia.

Advertisement

Huwebes Santo

“Bagalan niyo lang pagpapatakbo... ‘Wag kayong makikipagkarera sa kalsada... Dahan-dahan kayo, mahal na araw pa naman,” paulit-ulit na sinasabi ng mga tita ko sa amin, lalo na sa mga pinsan kong may hawak ng manibela. Huwebes Santo ng gabi, bumibisita kami sa kung saan-saang simbahan, mula sa pinakamalapit, na ilang hakbang mula sa bahay namin, hanggang sa pinakamalayo, na ilang oras ang biyahe mula sa barangay namin. Kani-kaniyang angkas sa mga pinsang may motor at marunong magmotor. Mas presko. Mas mabilis. Mas delikado. Sapul na sapul ng hangin, pati ng mga insektong pumapasok sa mata, alikabok na dumidikit sa balat, maliliit na bato at nangingitim na usok na tumatama at humihilamos sa mukha. Nakakalampas sa mga nagkakarerang sasakyan, nakasusuot sa makikipot na shortcut sa mga eskinita, nakalulusot sa mga humahabol na asong nagkalat sa kalsada.

Malimit na malalaking simbahan ang dinarayo namin, iyong parokya, iyong parang mansyon sa laki, na may limang kusina, limang banyo, limang sala, at magkakasya ang limampung kuwarto. Bumubungad sa amin ang higanteng pintuang hindi kakayaning itulak ng iisang tao. Sa loob, nakakahiyang itapak ang maalikabok at nagpuputik naming tsinelas sa nangingintab na sahig na marmol ng simbahan, tipong mapapahanap sa karatulang nagsasabing “hubarin ang tsinelas at sapatos bago pumasok”. Sa pag-akyat sa altar, agad na kaming napapadasal na huwag sanang matamaan ng isa man sa amin ang mga babasaging plorera at kandelarya, lalo na ang kulay gintong upuan at mesang nasa harap ng kulay ginto ring estante na pinaglalagyan ng iba’t ibang rebulto ng santo, mula sa anghel hanggang sa mga banal na tao, na sa dami’y

umaabot ang taas sa kisameng nakapinta ang ilan sa mga disipulo ni Kristo. Luhod. Dasal. Sibat. Ilang oras na biyahe, ilang minutong pagkamangha, ilang segundong pagdarasal kasama na ang pag-aantanda.

Bukod sa mga mala-palasyong simbahan, may mangila-ngilan din kaming dinadalaw na maliliit na simbahan, iyong parati naming pinupuntahan kahit pa hindi Mahal na Araw. Para lang itong isang bahay, iyong walang itaas, magkakatabi ang kusina, sala, banyo, at tatlong kuwartong kasya ang dalawang miyembro ng pamilya. Sa simbahan ng Mahal na Senyor, walang gintong mesa, gintong upuan, at gintong altar. Kahoy na may salamin ang pinaglalagyan ng tatlong pangunahing santo; ang lumuluhang Mahal na Birhen, ang nakahigang si Kristo, at ang Mahal na Senyor na para bang Nazareno. Walang mga poong kasinlaki o malaki pa sa tao maliban sa dalawa sa tatlong pangunahing mga santo. Karamiha’y maliliit lang, tipong panlagay lang sa mesita o altar ng bahay. Walang mataas na kisame, walang nakapintang langit o kung sinumang santo sa langit. Maliit ang espasyo hindi lang ng altar kundi ng buong simbahan. Lumugar man ako sa huling hilera ng upuan, malinaw ko pa ring nakikita ang mukha niya, hindi burado, hindi iyong tipong sa itsura ng damit na lang masasabing iyon ang Mahal na Senyor. Ramdam ang pagdarasal, taimtim, kahit pa maraming nagbubulungan at nagngingisngisan habang nakapila sa libreng hapunan. Magaan ang pakikipagusap ko, dire-diretso, wala nang paunang salitang “kahit ngayon ko lang po kayo nakita”. Kampante lalo na’t kilala ko ang kaharap kong mga santo. Hindi na mga bagong mukha, sila rin iyong palaging hinihilingan na sana may laman na ang ATM ko.

Noong hindi pa uso ang motor, at wala pa ring motor ang mga pinsan ko, hindi paglilibot sa kung saan-saang simbahan ang parati kong hinihintay sa gabi ng Huwebes Santo. Nasa elementarya ako nang magsimulang sumali sa senakulo ang kuya at ilan sa mga pinsan ko. Dahil choir sila sa simbahan, automatiko nang kasali sila sa anumang aktibidad ng simbahan. Karaniwang alas-otso ng gabi nagsisimula ang senakulo. Wala pang alas-cuatro, umaayaw na ko sa patintero, chinese garter o luksong baka. Kusa akong umuuwi sa bahay, hindi tulad tuwing ordinaryong araw na nagtatago pa ko, ‘wag lang makita ng tita kong isaisa nang kinakausap ang mga kalaro ko.

Para bang piyesta sa bayan: mula sa pagkain hanggang sa laruan, may makikitang nagtitinda, umaalingawngaw rin ang tugtugan at kantahan, hindi nga lang ng mga banda, kundi ng mga korong nag-e-ensayo ng mga kantang simbahan. Pinaliligiran ng mga tao ang nakatayong entablado sa harap ng simbahan, lahat naghihintay sa paglabas ng kani-kanilang kamag-anak, bida, kontrabida, o ekstra man ang papel. Sa oras na may tumunog na huni man ng ibon o yabag ng paa, agad nang mababaling ang mata ng mga nagdadaldalang manonood sa harap ng entablado, kabilang na ang mga tita ko, na siya namang pagkaripas ko ng takbo sa nakitang mga kaklase. Habang gigil na gigil ang mga tita ko kay Malco na walang tigil sa paghagupit ng latigo sa lupaypay nang si Kristo, tuwang-tuwa ako sa pakikipaghabulan, tayaan, taguan sa mga kaklase ko, at sa mga bagong kakilalang batang isinama rin ng kani-kanilang magulang sa panonood. Masiglang kakanta ang mga koro, na sasabyan ng paglitaw ni Krito sa harapan ni Maria. Magpapalakpakan ang mga tao at magpapakita ng kani-kanilang ngiti, na kukuha sa mga hagikhikan namin. Buhay na ulit si Kristo. Matitigil na ang paglalaro.

Ang pagbabago ng monsignor ng parokya’y sinabayan ng pagbabago ng pamamahala sa simbahan na makikita sa pagpapalit ng mga lektor na bumabasa ng mabubuting balita sa Bibliya, ng mga minister na parating nasa likuran ng pari at katulong sa pagbibigay ng ostiya, ng mga sakristang tagapagsindi ng kandila, tagapagdala ng Bibliya’t abito, at tagapagtutok ng electric fan sa naiinitang pari. Kabilang rin sa mga pagbabago ang pagkakatanggal ng koro na linggolinggo nang nagbibigay-buhay sa nakababagot na seremonya ng misa. Tayo. Upo. Luhod. Walang puwedeng kausapin kundi ang mga poon at sarili. Nawala ang koro, damay rin ang senakulo. Sino pang kakanta? Sino pang aarte? Sino ang magaayos ng buong produksiyon? Paniguradong hindi

ang bagong monsignor na nagsabing unahin ang makapagpapaunlad sa simbahan, at iisantabi ang kapritso lang ng katawan.

Ilang taon ko ring hinanap-hanap ang paglalaro sa parke na nasa harap ng simbahan kasama ang mga kaklase at mga bagong kaibigan; ang pagtakbo sa kani-kaniyang nanay, tatay, tito, o tita sa oras na kumalam ang mga tiyan; ang paghahati-hati sa biniling isang plastic ng popcorn, isang pirasong burger, isang pirasong siopao, at isang basong samalamig na umaapaw sa yelo at gulaman; higit lalo na ang pagbabatuhan ng mga tuksong “Ikaw mukang kuwago, laki ng mata mo... Ikaw monay, laki ng pisngi mo... Ikaw bawang, baho ng hininga mo... Ikaw bayabas, kaamoy ng kili-kili mo,” na parating nauuwi hindi sa sabunutan o suntukan kundi sa malakas na “ayiiiiee, sila na magkakatuluyan!”

Biyernes Santo

Nagkalat ang mga tao sa kalsada: babae, lalaki, tomboy, bakla, bata man o matanda. Duguan man o hindi, humaharang sa pag-usad ng mga sasakyang unti-unti nang bumubuo ng pila. “Hinto! Hinto!” sigaw ng mga taong nakapaligid sa mga duguang lalaking ngayo’y nakahanay na sa gitna ng kalsada. Susunod naman ang malakas na “dapa!” ng mga lalaking may tangan ng balaba ng saging, o ang pinatuyong tangkay ng mga dahon ng saging na pinagsasama-sama upang makabuo ng isang makapal na bungkos. Ilalapat ng mga nakahubad at duguang lalaki ang katawan sa umuusok na semento at aspalto ng kalsada. Matapos ang tatlong sunod-sunod na paglagapak ng balaba ng saging sa kanilang mga puwit, kusa silang tatayo at magpapatuloy sa paglakad habang maayos pa ring nakahanay, kahit pa ang mga mata’y nakapiring ng mga pulang panyo. Bawat paghakbang nila’y sumasabay sa ritmong gawa ng pagtama ng kumpol ng kawayang kahoy sa kanilang hiwa-hiwang likod. Pinaliligiran ang kanilang hanay ng mga taong may bitbit na payong, tubig, itlog, bata, at kamera. Nakatapak nilang binabaybay ang kalsada habang binibigkasan sila’t inaawitan ng mga pari at ibang taong simbahan ng Ama Namin, Ave Maria, at iba pang dasal na para bang hindi kasama sa mga dinarasal sa seremonya ng misa.

Bubuwagin ng mga duguang lalaki ang kani-kanilang hanay sa pagtuntong ng namamaltos at nangingitim nilang talampakan sa unang baitang ng simbahan. Ihihinto nila ang paghampas ng kahoy sa sariling likod; itataas ang mga pulang panyong nakapiring sa mata; ilalakad ang mga tuhod mula sa pintuan hanggang sa harap ng altar; ipipikit ang mata habang ibinubuka ang bibig; ipapatong ang daliri sa noo, sunod sa dibdib, sa kaliwang balikat, sa kanan, at sa huli’y sa baba na susundan ng paghalik ng labi sa sahig.

Karaniwang alas-diyes ng umaga nagsisimula ang tabaran sa bukid. Ito ang akto ng paghihiwa o pagsusugat sa gitnang bahagi ng likod gamit ang blade o kaya’y bubog. Bago tabaran, ilang ulit nilang hahampasin ang likod ng ng bungkos ng kinayas na kawayan upang tuluyan itong mamanhid at mawalan ng pandama. Samantalang may iba namang isang bote ng gin ang ipinangtatapat sa tatanggaping hapdi ng mga hiwa. Bubuksan ng isang dasal ang pagtatabad, na susundan ng paghahanay ng mga lalaking tuloy pa rin ang paghampas sa sari-sariling likod na hindi na lang namumula kundi nagdudugo na. Pasisimulan ng unang hanay ang paglalakad na agad namang susundan ng mga nasa likod. Nakahanay sila depende sa barangay na kanilang pinagmulan. Maaaring sa unang dalawa o tatlong hanay ang mga taga-Sucol, sunod ang mga taga-Caniogan, Sto. Nino at Pungo, na susundan ng iba pang barangay na kung minsa’y pati mga dayong mula pa sa ibang probinsiya, malimit na mga taga-Pampanga at taga-Nueva Ecija. Sa bawat hanay, parating nauuna ang mga baguhan, basal kung tawagin, samantalang nasa huli ang mga datihan o beterano, tipong lima o sampung taon nang kabilang sa mga penitensiya. Mula sa madamong bukid, babaybayin nila ang sementadong kalsada papunta sa simbahan ng barangay namin na may ilang kilometro din ang layo.

Taon-taon itong panata ng kalalakihang nagpapasalamat sa pagkakaligtas sa aksidente; sa pagginhawa o sa ikagiginhawa ng kabuhayan; sa

paggaling o sa ikagagaling ng anak, asawa, nanay, tatay, o kapatid. Maaaring lima, sampu, labinlimang taon o higit pa ang kanilang ipangako, na makikita sa bilang ng bungkos ng kawayang kung tawagin ay bulyos. Bawat isang kahoy sa bungkos, katumbas ng isang taon, at ang isa, dalawa, tatlo, o ilan mang malalagas dito habang ipinapalo sa sariling likod, ang siya ring bilang ng taong idaragdag sa panata.

Penitensiya ang bansag sa mga duguang lalaki tuwing Mahal na Araw. Sa barangay namin, marami ang nagbabagong anyong kapitbahay sa tuwing tutuntong ang Biyernes Santo. Mula sa shorts, sando at tsinelas, mapapalitan ito ng maong na pantalon at hubad na paa’t katawan na didisenyuhan ng dalawang pulang panyong nakatali sa magkabilang braso. Mula sa parating paghawak ng baraha, at pagtungga sa bote ng alak, saglit itong mapapalitan ng paghawak ng bulyos, paghampas sa sugatang likod, at pagluhod sa harap ng mga santo. Kabilang dito ang ilan sa mga pinsan ko, pati na ang tatay ko na nakagisnan ko nang nasa hulihan ng hanay. Nagdalaga na akong nakikita siyang duguan minsan sa isang taon. Sampung taong gulang ang kuya ko nang magsimula siya sa panata dahil na rin sa pagiging sakitin ng panganay, at para masiguradong magiging malusog ang susunod pang mga anak, taontaon siyang gumugusar, tawag sa akto ng pagsasagawa ng panata (mula sa pagpapahiwa ng likod hanggang sa pagdarasal sa simbahan). Natapos ng kolehiyo ang kuya ko, nakatuntong ako ng hayskul, ang tatay ko, taon-taon pa rin ang paggusar.

Ilang araw bago mag-Biyernes Santo, nakasabit na sa sampayan ang bulyos, tatlong pulang panyo, at maong na pantalon ni Tatay na higit na mas mahaba sa parati niyang isinusuot. Isang taon din itong nakakulong sa aparador, nakasiksik sa mga damit na minsan lang din kung magamit, maliban na lang sa pantalong taon-taon niyang hinahalungkat sa kung kani-kaninong aparador. Alas-nuwebe ng umaga, bagong ligong aalis si Tatay na suot ang puting sando at ang maong na pantalong nakatupi pa ang laylayan; samantalang nakabilot sa mga pulang panyo ang bulyos na nakasuksok sa bulsa niya sa puwitan. Kasama ang mga kaklase sa pinapasukang sugalan, pupunta si Tatay sa tabaran nang walang sinasabi sa amin, walang “alis na ko” o “pupunta ba kayo?” Palibhasa’y kinakabahan daw sabi ng tita ko. Nakikisabay pa sa kaba kong baka himatayin siya at saktong tumama ang ulo sa batong nakaharang sa kalsada o kaya’y mangisay pagkauwi sa bahay sa pagkakatetano sa blade na ipinanghiwa sa likod niya.

“Kadaya ni Amang Ato,” sabi ng pinsan ko sabay nguso sa laylayan ng pantalon ng tatay ko na sa haba’y sumasapin hanggang sa kalagitnaan ng talampakan niya. Sa ilang metrong lalakarin papunta sa simbahan, hindi makaliligtas sa paltos ang hubad na paa ng mga penitensiya na tumatapak sa umuusok-usok pang kalsada, na kung matsa-tsambahan pa ang nagkalat na maliliit at matutulis na bato, pati paa’y makikisabay sa pagdugo ng likod.

“Baka may karton na naman sa puwit,” banat naman ng tita ko habang tinitingnan ang tatay kong nakadapa sa kalsada’t pinapalo sa puwit ng balaba ng saging. “Hindi na kailangan, kabarkada niya ‘yung pumapalo,” hirit ng isa ko pang tita habang ngingitingiti. Makailang beses ding ilalapat ng mga penitensiya ang mukha’t katawan nila sa kalsada para hintayin ang sunod-sunod na pagpalo sa puwit nila habang ang nagdudugong likod ay direktang nakatapat sa sikat ng araw. Nakapako ang mata ng mga pinsan at tita ko sa tatay ko sa tuwing umaakma na siyang dumapa. Nakaabang sila sa pagtama ng balaba ng saging sa kartong nasa puwitan ng tatay ko, o sa paglapit ng bibig niya sa tainga ng papalong kabarkada para bulungang hinaan lang ang pagpalo. Pero kung sakaling walang karton o kabarkadang magpapagaan sa bigat ng panata niya, tatalasan niya ang paningin at aaninawin mula sa pulang panyong nakatakip sa mata, ang punong nagbibigay ng lilim na agad niyang tatapatan sa oras na may sumigaw ng hinto at dapa.

Lagi’t laging katambal ng penitensiya ang mga tagapalo. Bida at kontrabida. Kumbaga sa senakulo, si Kristo ang una, si Hudas ang ikalawa. Ang pagdaragdag ng bigat sa dala-dalang panata ng mga penitensiya ang sariling panata ng mga tagapalo. Sa buong paglalakad, mula sa unang pagdapa sa bungad ng tabaran, hanggang

sa kahuli-hulihan sa bungad ng simbahan, sila ang pumapalo. Ang ilampung penitensiya, tinutumbasan ng hindi bababa sa sampung tagapalo. Kapag dumapa ang mga penitensiya, kani-kaniyang palo, sunodsunod, hanggang sa maubos ang mga papaluin. Dahil nasa loob ng hanay, tadtad sila ng talsik ng dugo pati marka ng bulyos, at kung minsan, mayroon din silang mga hiwa sa likod. May ibang nagpapatabad, partikular na iyong mga dating penitensiya na hindi na nakagusar, na karaniwang dahil sa sumasakit na balakang, tuhod, likod at higit sa lahat sa tumataas na presyon.

Wala nang ligo-ligo sa tuwing pupunta kami sa tabaran, sapat na ang paghihilamos at pagsisipilyo. Sayang ang shampoo at sabong ikukuskos sa ulo’t katawan kung sa pag-uwi, nakahalo na ulit sa balat at buhok ang alikabok, pawis at madalas pati dugo. Pambahay lang ang karaniwang suot ko, pati ng mga pinsan at pamangkin ko, pero iyong pinakamaayos, walang butas o tastas, tipong puwedeng ipantambay sa labas habang hinihintay na dumaan ang gwapong kapitbahay.

Maikling shorts, maluwang na t-shirt at flat na tsinelas, para sa madaling pagsalubong ng katawan sa mainit-init na hangin. Jogging pants, long sleeves, at jacket para sa matagalang pagtakip sa balat sa tirik na tirik na sikat ng araw. Pero para sa iba, ang dapat na isuot, iyong tipong puwedeng ipang-rampa sa mga nakatambay na magaganda’t gwapong kapitbahay. Sleeveless, pantalon, at high heels para sa magandang dating sa kabila ng tumatagaktak na pawis. Polo, pantalon, at rubber shoes para sa malakas na hatak sa kabila ng nagbabatik na talsik ng dugo sa mukha’t katawan. Sa pag-iwas ng matataas na takong sa natuyong tae ng kalabaw sa kalsada at sa pagsipsip ng checkered na polo sa kumakatas na pawis sa leeg, likod at kilili, maririnig ang mga tanong na “Susko, sa’n ba ang party?!”

Hindi lahat ng pumupunta sa tabaran, gustong mamanata o mapanood ang mga namamanata, iyong iba gustong makita’t magpapansin sa mga gwapo’t magandang kapitbahay o dayo na minsan lang sa isang taon magpakita sa tao. Nagpupunta ko para manood ng kani-kaniyang panata, bonus na lang ang makita ang gusto kong lalaki. Pero kung minsan, kahit hindi sinasadya, nagpupunta ko para makita ang gusto kong lalaki, bonus na lang ang mapanood ang kani-kaniyang panata. Habang nakatutok ang mata ko sa mga lumalakad, humihinto, at dumadapang penitensiya, walang tigil sa pagbuka ang bibig ko, sinasabi sa pinsan ko na “Nasa kanan siya, sa likod nung huling pila. Nakared shirt at black shorts.” Kaya nga’t bago pa man dumating sa kinalalagyan namin ang mala-prusisyong hanay ng mga penistensiya, nakaplatada na ng baon kong pulbo ang mukha ko. Katulad din ng makinis na pagkakaplatada ng foundation ng mga katabi naming dalagita na habang panay ang pag-iwas sa nagtatalsikang dugo, malakas at sabik na ibinubulong ang “Yung crush mo ayun o! Katabi ng crush ko!”

Bukod sa mga talsik ng dugo, nakatatak din sa damit ng matatanda, lalo na ng mga bata, ang marka ng bulyos. Mayrooong sa kilikili, balikat, likod, dibdib, puwit, depende sa sumasakit na bahagi ng katawan. Nakagisnan ko nang namamalo ang mga penitensiya, sa hiling na rin ng mga taong lumalapit sa kanila. Nakatatanggal daw ito ng pananakit ng iba’t ibang bahagi ng katawan. Laging masakit ang dibdib, pak! Ang balakang, pak! Ang likod, pak! Kahit walang sumasakit, pak! Para lang maging malusog sa buong taon. Suki nito ang mga batang pumapalahaw na ng iyak sa oras na kargahin ng kani-kanilang nanay, tatay, ate, o kuya na humahakbang papalapit sa hanay ng mga penitensiya. Hindi malakas kung pumalo ang mga penitensiya, kung minsa’y parang tinatapik o idinidikit lang ang mga bulyos sa damit ng mga lumalapit. Hindi palo ang iniinda ng mga bata, kundi ang duguang itsurang bubungad sa pagharap nila sa mga ito. Kaya nga’t karamihan sa marka ng bulyos, nasa likuran o puwitang bahagi ng mga bata.

Wala akong natatandaang pinalo na ko ng penitensiya, kahit pa kasama sa mga ito ang pinsan at ang tatay ko. Palibhasa’y bigla na lang daw akong nagiging invisible sa pagtapat ng penitensiya sa amin, katulad daw ng pinsan kong nawawalang parang bula, at nakikita kundi man sa ilalim ng kama, sa loob ng

aparador. Hanggang ngayo’y kinukulit pa rin ako ng mga tita ko na magpapalo sa penitensiya, hindi na nga lang sa puwit o likod, kundi sa puson dahil sa pagsakit nito sa buwanang dalaw. Pero hanggang noong huling Mahal na Araw, nakauwi pa rin akong walang marka ng bulyos sa katawan. Mas lamang ang hiya kaysa sa takot. Hiya na baka kung saan ako tamaan. Sa sakit at pagod, madalas na para bang wala na sa sarili ang mga penitensiya sa tuwing pumapalo. Baka sa halip na puson, biglang sa ibaba nito humampas ang bulyos, na magbibigay ng dahilan para mag-ihit ng tawa ang mga nakakitang tao, katulad ng ginagawa namin sa tuwing may makikitang naglalakad na may bakat ng bulyos sa mata na para bang haba-habang black eye; sa pisngi na para bang tumpok ng blush-on; at sa labi na para bang lagpas-lagpas na lipstick.

Para sa mga hindi kayang magbabad ng ilang oras sa init habang tumatagas ang dugo sa hiwa-hiwang likod, sapat na ang mamigay ng itlog, maglakad ng nakatapak, at mamalo ng ilampung katao. Nang gumaling ang isang kakilala mula sa leukemia, taontaon na itong nagrasyon ng itlog sa tabaran. Mula sa Malolos, na mahigit isang oras din ang layo sa amin sa Calumpit, dumarayo siya para bigyan ng mga hilaw na itlog ang mga penitensiya na iniinom nila bago tabaran. Kasama ang mga kapatid, iniikot nila ang buong tabaran habang may dala-dalang tig-isang basket. Kung sinong unang madaanan, iyon rin ang unang aabutan. Sa lumiliit na bilang ng mga penitensiya taon-taon, madalas na mayroon pang sumosobra, pero isa man sa mga ito hindi naging omelet sa agahan nila, dahil sa kalsada pa lang, kundi man hinihingi, ipinamimigay na lang sa kung sinumang may gusto. Ang basket na may natitirang laman, hindi magandang tingnang iuwi hanggang sa bahay. Para bang ang pagkain ng manok sa restawran, na kapag naubos at nabusog, ibinabalot pati buto.

Sa dalawampu’t isang taong pag-a-abroad ng nanay ko, dalawang beses pa lang niyang naaabutan ang Mahal na Araw. Para ipakita ang suporta sa tatay ko, kasabay ng pamamanata niya, nakatapak siyang sumusunod sa hanay ng mga penitensiya. Kahit lumabas na ang tatay ko sa simbahan nang nakaangat ang pulang panyo sa ulo at nakasabit na ang bulyos sa balikat, nakatapak pa ring babaybayin ng nanay ko ang kalsada. Simula sa bukid na pinagtatabaran, hanggang sa harap ng bahay namin, na lagpas na sa simbahan, naglalakad siya kasama ang kuya ko, bitbit pa rin ang mga tsinelas. Pagkarating sa bahay, wala ni isang makapapansin sa namumulang paa nila, wala ni isang pupuri sa tatag nila sa pagtapak sa nag-iinit na semento, lahat ng atensyon, naagaw ng payong na ni minsan sa kanilang buong paglalakad at pakikisabay sa penitensiya, hindi nila isinara.

Siyam na taon na ring wala sa hanay ng penitensiya ang tatay ko, at wala rin sa hanay ng mga tagapalo. Labintatlong taong gulang ako nang tumigil siya. Kung hindi nagkasakit at tuluyang mamatay, pag-uulyanin at rayuma lang ang mag-aalis sa kanya sa hanay. Minana ng pamangkin ko ang bulyos na higit pa sa dekadang ginamit ng tatay ko. Nasa dalawampu’t isang taong gulang ang pamangkin ko nang magsimulang gumusar na kahit sa amin, hindi malinaw ang dahilan. Kasabay nang pagkamatay ng tatay ko ang pagkakasakit naman ng ilan din sa mga kasamahan niyang beterano. Marami ang mga nalagas, na pinalitan naman ng mga kabataang nasa labimpito, labing-walo, at labing-siyam na taong gulang. Higit na mas bata ito kaysa sa mga karaniwang gumugusar na nasa tatlumpung taong gulang pataas, may kani-kaniya nang pamilya, may mabibigat nang pasanin sa buhay, higit pa sa pagbagsak sa pagsusulit sa eskuwelahan o sa pambabalewala ng babaeng nililigawan. Ang mga humintong beterano, ipinasa ang mga bulyos sa mga kabataang basal na may pareparehong dahilan sa paggusar, nagkayayaan. Sinumang uurong, duwag, sinumang tutuloy, matapang.

Namatay man ang tatay ko, huminto man ang mga pinsan ko, nawala man ang mga beteranong kamag-anak namin sa hanay, taon-taon pa rin kaming sumusubaybay sa panata ng mga dayo at mga ka-barangay. Hindi na nga lang tulad ng dating dinarayo pa namin ang bukid na pinagtatabaran, at naabutan pa naming malinis ang katawan ng mga penitensiya. Ngayo’y parating duguang hanay na ang

sumasalubong sa amin sa kalsada. Hindi na rin namin kasama ang mga tita ko. Hindi na raw nila kaya ang matagalang paglalakad, mananakit daw ang balakang nila, manlalata daw sila sa dagsa ng mga tao, at mahihilo daw sila sa tindi ng init na sasabayan pa ng malansang amoy ng dugo. Kaming mga kabataan daw na wala pang iniindang kirot ng kalamnan at taas ng presyon ang dapat na makipagsiksikan sa initan. Sa mga nakararaang taon, maaga na kung simulan ang paglakad, mula sa bukid hanggang sa simbahan. Dahil sa lumalalang init, ang dating alas-diyes, naging alas-nuwebe o kaya’y mas maaga pa, para daw ‘wag nang abutan nang mas matindi pang sikat ng araw pagtungong ng alas-onse. Kaya’t ang ibang dumarayo, pagpasok na lang sa simbahan ng mga penitensiya ang naabutan. Nakabibitin na ang panonood, dahil na rin siguro sa mabilisang paglakad at pagdapa ng bawat hanay na para bang may mga hinahabol na lakad. Wala nang isang oras ang itinatagal namin sa kalsada kasama ang mga penitensiya. Para bang mga motorista lang kaming napadaan, na saglit na huminto para tingnan ang nagkukumpulang tao. Kumbaga sa concert, ito ang main event dati tuwing Mahal na Araw, na ngayo’y naging front act na lang.

Matapos ang ilang oras na pahinga mula sa initan, usok at alikabok naman ang humihilamos sa mga mukha namin sa gabi. Balik sa kalsada, para manood ng iba’t ibang prusisyon, mula sa pinakamaliliit hanggang sa pinakamalalaki. Hindi tulad sa bisita iglesia na kaliwa’t kanan ang direksyon namin, paroo’t parito sa magkabilang lugar, dito’y dirediretso lang. Parating sa Pulilan ang destinasyon namin, kung saan nagpapatalbugan ang mga poon, saka magdidire-diretso sa Baliuag na daan-daan ang kasali sa prusisyon. Mahigit tatlumpong minuto ang biyahe ng motor mula sa amin hanggang sa Pulilan, at kulang-kulang dalawang oras sa Baliuag. Pero isang barangay pa lang ang nalalagpasan namin, hinaharang na kami ng sunod-sunod na prusisyon ng mga poong inilabas sa iba’t ibang simbahan. Pagdating sa Pulilan, kalahati na lang ang inaabutan namin, na hindi naman nakapagsisising pinuntahan pa namin. Kasinlalaki at malalaki pa sa tao ang mga poong ipinaparada. Hindi tulad sa maliitang prusisyon, hindi lahat ng poon dito’y mula sa simbahan, karamiha’y pag-aari ng iba’t ibang pamilya na mula rin sa iba’t ibang lugar. May mga poong mag-isang nakasakay sa karosa, mayroon din namang inaakupa ng grupo na lagi’t laging nagpapakita ng mga pangyayaring naganap sa buhay ni Kristo, mula sa pagpapakita ng anghel sa ina niyang si Maria, hanggang sa pagtatagpo nila ng huli sa muli niyang pagkabuhay.

Para bang isang fashion show ang prusisyon. Ang buong bayan ang rampahan, at ang mga santo ang modelo. Nangingibabaw ang kulay Pula, Puti, Berde, Asul, Dilaw, at Itim. Para sa mga lalaking santo, agaw pansin ang makakapal na telang tulad ng sa karpet at kumot na siguro’y kung isang tao ang magsusuot, kahit pa malaki ang pangangatawan, paniguradong magkakandakuba. Para sa mga babaeng santo, takawnakaw ang makikinis at makikintab na telang tulad ng sa daanlibong pisong trahe de boda. Kumpara sa mga damit ng lalaki, mas detalyado ang sa babae, mas mabusisi, mas mapalamuti, mas mahal sa paningin. Ang purong Puti, Dilaw, at Itim, pinatingkad ng nagkikinangang kristal at swarovski na nakapalibot sa kabuuan ng damit. Tineternuhan ito kundi man ng ginto’y mga pilak na palamuti. Kalong man ni Maria ang patay na katawan ni Kristo at kalat man ang luha sa mukha ni Magdalena, nananatili silang elegante sa gintong hikaw, kwintas, purselas at koronang nakasuot sa kanila.

Mawawalan ng silbi ang bihis ng mga poon kundi sasabay sa porma ang mga karosa. Kaya’t ang kalansay ng sasakyang bakal na de-gulong, binibihisan ng iba’t ibang kulay ng telang babagay din sa damit ng poong nakasakay. Karamiha’y may mga nakaguhit na bulaklak, krus, anghel, ostiya, pati kopang ginagamit sa pagtataas ng kalis sa seremonya ng misa. Para bang ang mga ito’y ang telang ipinananakip sa altar ng simbahan o kaya’y ang abitong isinasabit sa balikat ng pari. Sagrado. Maaaring hawakan ng sinuman, pero hindi maaaring magasgasan at marumihan.

Pinalilibutan ng sariwang bulaklak ang buong karosa, malimit na kulay Dilaw, Puti at Pula. May

ilang pamilyang kusang nag-aabot ng mga bulaklak mula sa pag-aaring karosa. Mayroon din namang pilit na sinasaway ang mga humahablot at nagtatangkang kumuha ng piraso ng mga bulaklak habang paulit-ulit na sinasabing hintaying matapos ang pagparada. Kung anong laki ng karosa, siya ring dami at kapal ng mga bulaklak na nakapaligid, karamiha’y natatakpan na ang ibabang bahagi ng poon. Pero may ilan ding hindi na kinailangan pang tadtarin ng bulaklak ang karosa. Sapat na ang grupo ng mga santo para mapanganga ang mga tao. Nang matanaw ko ang karosang nagpapakita sa eksena ng huling hapunan, hindi ko na nagawang ngumanga. Habang dumaraan sa harap ko si Kristo at ang labindalawang disipulo, wala akong nasabi kundi “Shet ang ganda!”

Hindi nabibihisan ng kung anumang tela ang karosa. Nakapalibot sa bawat gilid nito ang binarnisang kahoy na may lilok nang hindi mabilang na ulo’t pakpak ng anghel. Tadtad ng ilaw ang ibabaw, nakatapat sa mukha’t katawan ni Kristo at ng mga disipulo. Ang maputi, maitim at kayumangging balat, parang totoong kulay ng iba’t ibang lahi, hindi mukhang pinatungan ng pintura. Ang mapupungay na mata, matutulis na ilong, at mamula-mulang labi at pisngi, parang totoong bahagi ng mukha, hindi mahahalatang nililok na kahoy. Mula sa hulma ng mukha’t kulay ng balat, para nang mga totoong tao, maliban na lang sa taas ng mga ito. Hindi kasinlaki ng tao, kundi ng mga estatwang karaniwang inilalagay sa gitna ng parke. Ang ilang talampakang laki ni Kristo at ng mga disipulo’y nababagay lang na nakasakay sa karosang kasintaas ng isang dyip at kasinghaba ng isang six-wheeler na trak.

Buhay na buhay ang eksena na para bang nasa isang totoong hapunan sila. May malaki at mahabang mesa sa gitna, kung saan sila nakahilera. May mga pagkain sa ibabaw nito, mga plastik na ubas, isda at tinapay pero sa itsura’y para bang kapipitas, kahuhuli, at kaluluto pa lang. May kani-kaniya silang upuan, pati gamit sa pagkain. Pilak na pinggan at kopa para sa mga disipulo, ginto para kay Kristo. Hindi nito sinusunod ang mga aksyong nakaguhit sa The Last Supper ni Leonardo da Vinci o sa mga litratong nakasabit sa dingding ng kung kani-kaninong hapag-kainan. May mga nakaupo na aktong nakikipag-usap sa katabi, may mga nakatayo na aktong inaabot ang pagkain, may papatayo na aktong papaalis sa hapag. Hindi tulad sa orihinal na nakaupo lang ang lahat at para bang may kani-kaniyang usapan. Gayumpaman nananatiling nakabatay sa orihinal ang ayos ng upuan ni Kristo at ng mga disipulo. Nasa sentro pa rin si Kristo, pinagigitnaan nina Juan at Tomas; magkatabi pa rin sina Felipe at Mateo; at nasa magkabilang dulo pa rin sina Bartolome at Simon. Kahit ang kulay ng mga damit ng bawat isa’y hindi nagbago. Asul at Pula pa rin ang kay Kristo; Berde at Dilaw pa rin ang kay Andres; Asul pa rin ang kay Mateo at Pedro; at Puti, Asul at Berde pa rin ang kay Hudas.

Sabado de Gloria

Patay na araw para sa amin. Walang lakad, sa umaga man o sa gabi.

Walang anumang panoorin sa lugar namin o sa iba pa. Sa kalsada, mangilan-ngilan lang ang dumaraang sasakyan, ganoon din ang mga naglalakad na tao.

Isang nakababagot na araw. Walang paggagalaan, sarado lahat ng pasyalan. Bawal rin namang lumabas, delikado lalo na’t patay si Kristo. Maghapon lang sa bahay, inuubos ang oras sa kuwentuhan at tulog. Pahinga na rin para sa mga namamanata, paghahanda para sa isang selebrasyon kinabukasan.

Linggo ng Pagkabuhay

Alas kuwatro ng madaling araw, dinarayo namin ang parokya sa katabing barangay para sumubaybay sa pagsasalubong ni Kristo at ni Maria. Nagkalat, bata man o matanda, namamanata man o nagtitinda. Nasa ikalawang taon ako ng hayskul nang una’t huling sumama ako rito. Hindi namin natapos ang seremonya, hindi na namin nahintay ang paglabas ng anghel, kinailangan naming umuwi para ihiga ang

katawan kong lupaypay na sa hilo. Hindi ko kinayang makipagsiksikan ng ilang oras sa mga taong kapag tinulak ang isa’y paniguradong bubuwal ang lahat na parang mga domino. Para ring isang prusisyon ang salubong pero hindi iyong ordinaryo na pila-pilang ipinaparada ang mga poon at nakahanay ang mga tao. Sa una’y nahahati sa dalawang grupo ang mga tao. Sa kanang bahagi magmumula ang mga babae kasama si Maria, samantalang sa kaliwa ang mga lalaki kasama si Kristo. Salubong ang tawag dito at literal ding magsasalubong ang dalawang poon kasabay ng mga taong nakasunod sa mga ito. Sa oras na magtagpo sila, may isang anghel na bababa, kunwari’y sa langit pero mula lang talaga sa itaas ng simbahan. Totoong bata ang gaganap sa anghel na maaaring pinili ng simbahan o kaya’y iprinisinta ng sariling pamilya. Sa pagpapakita ng anghel, magsisimulang kumalembang ang kampana’t pumalakpak ang mga tao. Buhay na si Kristo.

Buhay na ang bentahan ng baboy at manok sa palengke, pati ang alak sa estante ni Ka Lumeng na ilang araw ding hindi nabawasan. Nakangiti na kong makikipag-unahan sa mga pinsan at pamangkin ko sa harap ng mesa na sinigang na baboy at adobong manok na ang nakahain, pati ang tita ko, na dati’y sabaw at kangkong lang ang inaahon sa sinigang, nakikikurot na rin sa taba at laman. Sa gabi, may mga gumegewang na lalaki na ulit ang lumalakad sa kalsada, nakahubad pero hindi na tumutulo ang dugo sa hiwa-hiwang likod. Sumasabay ang kanilang paghakbang sa ritmo, hindi sa kinayas na mga kawayang hinahampas sa likod, kundi sa boses ng babaeng sinusundan nila habang walang patid ang pagmumura sa kalsada. Kinabukasan, nangingibabaw na ulit sa kapitbahay ang tunog ng mga barya na tinambalan ng paghahalakhakan at pagmumura. Nauubos ang lakas ng mga tagapalo hindi na sa buong tanghaling paghampas ng balaba ng saging sa puwit ng ilampung nakadapang duguang lalaki, kundi sa buong maghapong paghahalo ng mah-jongg, pagbabalasa ng baraha, at paghahagis ng dais, na kadalasa’y ang pinahirapang penitensiya rin ang mga kalaban. Sa altar ng simbahan, magaan na ang damit ni Jose, hindi na nakakakuba tulad ng sa karpet, nililipad-lipad na ito sa pagtapat ng electic fan. Kumikinang pa rin ang damit ng mahal na Birhen, pero hindi na dahil sa mga kristal at swarovski, kundi sa nakabudbod ditong kulay Pilak na sequence na tinatamaan ng sinag ng ilaw. Wala na ang mga gintong palamuti, Pilak na korona na lang ang natira, at ang pares ng plastik na hikaw na para bang katulad ng tigsampung pisong nakikita ko sa bangketa. Wala nang laman ang mga karosa, poon man o bulaklak.

Tao man o santo, maghihintay na ulit sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Kristo.

This article is from: