Alpas Journal - Issue 5

Page 50

Taunang Pananampalataya JESSIEMI GARCIA

“Bawal ‘yung laman na hinahain sa kama, hindi ‘yung sa mesa,” mariin pero pabirong sabi ng pinsan ko nang makitang tilapia at munggo na naman ang nasa ibabaw ng mesa, na sunod-sunod na araw na ring hinahain sa amin. “Kahit saan, basta laman,” agad namang depensa ng tita ko. “Palibhasa, ‘di ka nagbabasa ng Bibliya,” pahabol niya habang isa-isa kaming pinanlalakihan ng mata. Wala nang kikibo, para hindi na rin lumayo ang usapan at mapunta hanggang sa maraming batang nagugutom, na susundan ng masamang tanggihan ang grasya. Bago pa man magtampo ang pagkain at higit lalo na ang bawiin ng tita ko ang hinain, sabay-sabay naming uupakan ang isang bandehado ng pritong tilapia, isang malaking mangkok ng sinigang na tilapia, isang palayok ng paksiw na tilapia, at isang kalderong munggong panghalili sa lahat ng uri ng nakahaing tilapia.

Huwebes Santo “Bagalan niyo lang pagpapatakbo... ‘Wag kayong makikipagkarera sa kalsada... Dahan-dahan kayo, mahal na araw pa naman,” paulit-ulit na sinasabi ng mga tita ko sa amin, lalo na sa mga pinsan kong may hawak ng manibela. Huwebes Santo ng gabi, bumibisita kami sa kung saan-saang simbahan, mula sa pinakamalapit, na ilang hakbang mula sa bahay

50

|

ALPAS Issue 5

namin, hanggang sa pinakamalayo, na ilang oras ang biyahe mula sa barangay namin. Kani-kaniyang angkas sa mga pinsang may motor at marunong magmotor. Mas presko. Mas mabilis. Mas delikado. Sapul na sapul ng hangin, pati ng mga insektong pumapasok sa mata, alikabok na dumidikit sa balat, maliliit na bato at nangingitim na usok na tumatama at humihilamos sa mukha. Nakakalampas sa mga nagkakarerang sasakyan, nakasusuot sa makikipot na shortcut sa mga eskinita, nakalulusot sa mga humahabol na asong nagkalat sa kalsada. Malimit na malalaking simbahan ang dinarayo namin, iyong parokya, iyong parang mansyon sa laki, na may limang kusina, limang banyo, limang sala, at magkakasya ang limampung kuwarto. Bumubungad sa amin ang higanteng pintuang hindi kakayaning itulak ng iisang tao. Sa loob, nakakahiyang itapak ang maalikabok at nagpuputik naming tsinelas sa nangingintab na sahig na marmol ng simbahan, tipong mapapahanap sa karatulang nagsasabing “hubarin ang tsinelas at sapatos bago pumasok”. Sa pag-akyat sa altar, agad na kaming napapadasal na huwag sanang matamaan ng isa man sa amin ang mga babasaging plorera at kandelarya, lalo na ang kulay gintong upuan at mesang nasa harap ng kulay ginto ring estante na pinaglalagyan ng iba’t ibang rebulto ng santo, mula sa anghel hanggang sa mga banal na tao, na sa dami’y


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.