18 minute read

Isda

Next Article
Limbo

Limbo

NATHANIEL T. DELA CRUZ

Mabuti pa ang mga isda sa karagatan, walang COVID-19.

Advertisement

Wala din silang lockdown o curfew. Walang online classes ang “schools of fishes”. Kahit sila ay dikit-dikit na parang nasa lata ng sardinas, ok lang. Hindi naman required ang social distancing. Ayon sa isinulat ni James E. Morrow at Alexander Mauro na pinamagatang Body Temperatures of Some Marine Fishes na inilathala sa Copeia, ang journal ng American Society of Ichthyologists and Herpetologists, ang mga isda ay karaniwang itinuturing na “poikilothermous animals” na ang ibig sabihin ay magkapareho ang temperatura ng kanilang katawan at ng tubig kung saan sila naroroon. Kung mataas ang temperatura ng katawan ng isda, ito ay dahil mainit ang tubig, at kung mainit ang tubig, pare-parehong maiinit ang mga katawan nila. Walang dahilan para may maka-quarantine at mapaghinalaang may COVID-19. Walang isdang magtatago sa mga baranggay health workers. Walang isdang ichi-chismis ng kapitbahay.

Sa ilalim ng dagat, walang GCQ, ECQ, EECQ, MGCQ, o MECQ. Madali sa kanila ang pagparoo’t-parito sa mga probinsyang para sa mga tao na nakatira sa NCR Plus ay tawid-dagat, gaya halimbawa ng Mindoro. Hindi kailangan maging Authorized Persons Outside Residence (APOR), first responders, o frontliners para makalabas at makapaglibot. Hindi kailangan ng negative test result sa reverse transcriptionpolymerase chain reaction (RT-PCR). Hindi kailangan mag-register sa kahit anong online registration. Hindi kailangan ng health and exposure assessment at issuance of QR Code. Hindi kailangang sungalngalin ang ilong para sa swab test. Normal ang buhay ng mga isda sa ilalim ng dagat, habang ang mga tao sa lupa ay sinasanay ang sarili sa “new normal”.

Noong panahon na ipinagbawal ang pagpapalaot ng mga mangingisda, ang pagsu-swimming sa dagat, at ang pag-byahe ng mga sasakyang pandagat dahil sa lockdown, marahil nagtataka ang mga isda bakit tahimik ang dagat at wala ang mga kadalasang nambubulabog sa katahimikan ng dagat. Ilang araw din ang dumaan na hindi sila kakaba-kaba na masilo ng lambat o masagi ng barko o masabugan ng dinamita. Habang nagdudusa ang mga tao sa hirap na dala ng COVID-19, patuloy lang sa paglangoy ang mga isda sa dagat.

Kung pwede lang sanang maging isda. Kahit panandalian lamang. At languyin ang dagat ng kalayaan.

Magba-bike ako simula dito sa bahay sa Malabon hanggang Navotas, lulusong sa Manila Bay, at lalangoy palabas ng Maynila kasama ang Sardinella pacifica, na unang natuklasan dito noong 2019. Babaybayin namin ang baybayin ng Tanza, Naic, at Maragondon sa Cavite, hanggang marating ang Nasugbu Bay sa Batangas. Lalangoy pa kami palayo, hanggang malampasan ang Lian at Calatagan at marating ang Verde Island Passage at tunguhin ang direksyong timog-silangan hanggang madaanan ang isla ng Tingloy at matawid ang Batangas-Sabang Western Nautical Highway at mapagitnaan ng Verde Island at baybayin ng Puerto Galera. Patuloy kaming lalangoy hanggang

malampasan ang Baco Chico Island at marating ang baybayin ng Calapan. Babagtasin namin ito hanggang malampasan ang mga isla ng Horca Piloto at Silonay at marating ang bunganga ng Bucayao Silonay River. Patuloy ang paglangoy pa-silangan, at huwag lilihis pakanan lalo sa entrada na nagdudugsong sa dagat at Naujan Lake; imbis ay patuloy na bagtasin ang baybayin ng Naujan at Pola hanggang makarating sa Pinamalayan.

Maaari akong umahon sa may Paraiso Beach kasabay ng pag-didiskarga ng mga mangingisda ng kanilang mga huling isda. Hindi ko kailangan maglakad ng malayo upang maisakay ng tricycle at maihatid sa Sitio Milagrosa sa Barangay Palayan may sampung minuto mula sa Paraiso Beach.

Kung ako ay dumating bago mag-tanghalian, maaaring may abutan akong sinaing na tulingan - isa ito sa mga nagpapatakam sa akin tuwing naiisip ang bayang sinilangan ng aking ina, kaya’t hindi lang sabik bagkus gutom din sa lutong bahay kung ako ay paluwas para sa aking taunang pagdalaw sa Mindoro upang dalawin ang mga mahal sa buhay na nilisan ang Malabon at piniling dito sa isla na ito manirahan: ang aking nakatatandang kapatid na babae, ang kapatid kong lalaki na bunso sa aming magkakapatid, at higit sa lahat, si Mama at si Papa.

Parehong mahilig sa isda si Mama at si Papa.

Si Mama, mahilig sa Ligo sardines – yung green, hindi yung pula, dahil hindi mahilig si Mama sa pagkain na maanghang. Minsan ay ginigisa niya ito sa kamatis, sibuyas, at itlog, o isasahog sa miswa. Madalas, straight from the can, ika nga. Toyo at calamansi ang sawsawan. Kung nakapag-grocery, may Knorr seasoning na pwedeng ipatak. Mayroong peklat si Mama na nagkeloid na, sa likod malapit sa batok. Gawa raw ito ng lata ng sardinas. Matalas ang nakangangang takip na kanyang nahigaan nang siya ay aksidenteng bumagsak patihaya.

Tapos sumikat yung Century Tuna. May lumabas na TV ad noong taong 2000 kung saan ine-endorse ni Sharon Cuneta ang produkto na ito, at maaaring ang pagiging Sharonian ni Mama ang isa sa mga dahilan ng kanyang pagtangkilik sa Century Tuna flakes in vegetable oil, hindi yung hot and spicy ha, hindi nga kasi kumakain si Mama ng maanghang. In fairness, masarap din naman, at sigurado ako na may mga Vilmanian at Noranian din na nahilig sa Century Tuna. Ang pagkahilig dito – sa Century Tuna-kalamansiKnorr seasoning combo - ang isa sa mga minana kay Mama ng kanyang mga apo na madalas niyang kasabay kumain.

Hindi dahil mahilig mag-ulam ng de-lata si Mama eh tamad na siyang magluto. Ang totoo ay mahilig siyang magluto kung may oras para dito, at yan ay kadalasan tuwing walang pasok sa eskwela - weekends, tuwing summer break at Christmas break, undas, at holidays na idineklara ng DepEd na No Classes o walang pasok. English teacher si Mama sa St. Gabriel Academy, isang private school sa Caloocan City kung saan kami nagaral magkakapatid. Aalis kami sa bahay ng alas-sais ng umaga at uuwi bago mag alas-singko ng hapon. Kung pagod na si Mama para magluto ng hapunan ay magbubukas na lang kami ng de-lata o mag-iinit ng ulam na nasa ref.

Buti na lang at mahilig siyang mag-paksiw tuwing linggo. Madalas ay galunggong. Minsan ay bangus, bisugo, dalagang bukid, o sapsap, na malasa pero manipis ang laman at malalaki ang tinik.

Naging laman ng biruan naming magkakapatid ang “walang kamatayang paksiw na galunggong” ni Mama, lalo’t kung may isa sa amin ang magtatanong kung ano ang ulam, marahil sa pag-asa na kahit walang nakita o naamoy na niluluto bago ang oras ng pagkain ay may bagong lutong ulam. Siguro ay dahil sa edad ng katakawan at pagkatakam sa iba’t-ibang putahe kaya gusto ko na iba-iba ang ulam, at hindi ko nakita at napahalagahan ang pagiging praktiko ng pag-papaksiw ng dalawang kilong galunggong para may uulamin sa mga araw na wala ng oras at lakas para magluto pa, na higit sa lahat, ang mahalaga ay may mailalahok na ulam sa kanin pagdating ng hapunan.

Hindi sa hindi masarap yung paksiw ni Mama. Isabay sa bahaw at munggo kapag Biyernes at samahan ng patis at calamansi na sawsawan, siguradong walang mapapanis na kanin bukas at walang bahog para sa mga aso sa labas ng bahay. Dahil sa paksiw na galunggong ni Mama na ilang araw na labas-masok sa ref ay napagtanto ko na may mga ulam na mas nagiging masarap habang tumatagal. Hindi ko na inalam kung paano at bakit. Busog ako sa masarap na pagkain at iyon lang ang mahalaga. Dalawang kilo nung niluto at walang bumawas bago nilagay sa ref. Nung apat na piraso na lang ang natira ilang araw ang nakalipas, pinag-aagawan pa, kahit may bagong lutong ulam sa hapag.

Hindi kami maselan o mapili sa pagkain. Nag-uulam kami ng tinapang galunggong, na ang madalas kapares ay pritong talong. Nag-uulam din kami ng dilis at tuyo, na masarap kung tanghali at umuulan sa labas. Isasawsaw namin ito sa suka na may bawang at sibuyas, at ang kapares ay sunny side up na itlog. Tapos isabaw mo sa kanin yung kape – Nescafe at asukal lang, wala pang creamer noon, at mukhang hindi masarap isabaw sa kanin ang kape na may creamer. Baka magmukhang tsamporadong puti, kung may ganoon man.

Hindi lang naman ang mga ito ang isdang putahe na niluluto ni Mama. Masarap ang kanyang sinigang na bangus.

Hindi pa ako sigurado sa maraming mga bagay noong bata pa ako, pero sigurado na ako na sinigang na bangus ang paborito kong ulam – sinigang na bangus na luto ni Mama. Naganap ang deklarasyon isang araw kung kailan ako ay may sakit at ito ang ulam para sa hapunan. Naalala ko kung gaano kasarap humigop ng malasa at maasim na sabaw. Napuno ako ng takam matapos ang ilang araw na diyeta ng lugaw at matamlay na pag-kain. Sa pagitan ng sunod-sunod na pagsalok ng sabaw mula sa mangkok at maingat na pag-ihip sa mainit na sabaw (para hindi matapon ang nasalok ng kutsara) bago higupin, napatingin ako kay Mama at aking nabulalas: “Ma, ito ang paborito kong ulam!” At ito ay totoo hanggang ngayon, kahit marami na akong iba’t ibang pagkain na natikman, sa restaurant o lutong bahay man. Sino ba naman ang aayaw sa maasim na sabaw at tiyan ng bangus na may taba, lalo kung may patis, calamansi, at sili?

Masarap din magluto si Mama ng sarciado - galunggong, bangus, tilapia alumahan, hasa-hasa, tambakol, o dalagang bukid. Masarap din ang kanyang escabecheng galunggong. Kung kapos sa oras, pinirito na lang; mabuti na lang at ang mga isdang madalas naming bilhin sa palengke ay masarap kung pinirito. Matinik nga lang ang dalagang bukid at ulo ng bangus kaya dapat ay maingat sa pagkain at masinsin ang paghimay ng isda sa plato. At kung matinik ang isdang kinakain, pagkakataon ito para ma-ensayo ang paghiwalay ng laman at tinik gamit ang pag-nguya kung nasa bibig at naisubo na ang isda. Ilang beses ding natusok sa gilagid ng tinik. Minsan pa, kumakalso sa ngala-ngala. Kapag minalas ka natinik sa lalamunan, lumunok ng isang tipak na kanin o isang malaking kagat ng saging ng walang nguya-nguya, sa pag-asa na tatangayin nito yung bumarang tinik habang dumadaan sa lalamunan. Kung ayaw pa rin ay ngumanga sa harap ng salamin at dukutin ang tinik gamit ang tweezer. Ganyan ang aking ginawa noong ako ay matinik sa nilutong pinangat na tursilyo. O maghanap ng suhi – yung pinanganak na una ang paa - at ipahimas ang lalamunan.

Isa ito sa mga dahilan bakit maraming ayaw kumain ng isda. Pero worth the risk, ika nga, dahil masarap ang luto ni Mama.

Mahilig din magluto si Papa, at meron siyang sariling repertoire ng mga putaheng isda na paboritong lutuin. Magluluto siya ng sweet and sour o steamed lapulapu kapag birthday niya o may okasyon sa bahay at siya ay may bisita. Kung may mag-iinuman ay tiyak ito ay pupulutanin. Sa kanya ko rin nakilala ang kinilaw na isda, na hindi ko kayang kainin noong ako ay bata pa, baka dahil hindi ako sanay kumain ng malamig na isda na niluto sa suka at hindi dumaan sa apoy. Pero ngayon ay nagbabayad ako ng P250 hanggang P350 para sa isang maliit na plato ng kinilaw kung ako ay

umiinom ng beer sa restaurant at ito ay nasa menu. Mahilig din si Papa sa inihaw na tamban. Masarap ito pero matinik, at minsan makati sa lalamunan yung tustadong kaliskis.

Tuwing Linggo ay mahilig mag-ihaw si Papa ng bangus para ulamin sa tanghalian. Kalaunan ay inatang na sa akin ang trabahong ito. Isa ito sa mga ayaw na ayaw kong gawin - kung bakit ako yamot na yamot sa pag-iihaw ng bangus, hindi ko alam. O baka hindi ko na maalala ang tunay na dahilan. Marahil ito ay dahil mabusisi mag-ihaw. Kailangan ilabas at i-set up ang ihawan sa labas. Kailangan mag-pagbaga ang uling. Nakakangawit sa braso magpaypay, at masakit sa mata kapag nausukan ang mukha. O marahil ang aking pagkayamot ay gawa ng hindi ako makapanood ng TV o maka-tambay kasama ang mga pinsan at kaibigan na siyang dapat na aking ginagawa sa mga oras na ito, lalo pa at hindi na pwedeng lumabas pagkatapos mananghalian dahil kailangang matulog ng tanghali. Masaya silang naglalaro habang ako ay nakabantay sa iniihaw na bangus, na kung malingatan kahit saglit man lang ay maaaring dagitin ng mga pusang nakaabang at naghihintay ng pagkakataon na manakaw ang aming tanghalian.

Kinainisan ko man ay may natutunan din ako. Isara nang maigi ang foil na bumabalot sa iihawin na isda dahil kung may butas o singaw ay matutuyo ang isda, tatagas ang katas, at hindi ito maluluto ng maayos. Huwag masyadong mahigpit ang pagkakabalot, dapat may espasyo para sa steam sa loob na siyang luluto sa isda. Kapag ang foil ay lumobo na, ibig sabihin ay luto na ang bangus.

Hindi ako tamad na bata, lalo pa at masakit ang latay sa puwit ng sinturon kung kami ay hindi susunod sa iniuutos na gawaing bahay. May mga bagay lang na mas gusto kong gawin kaysa mag-ihaw ng bangus.

Mas gusto ko halimbawa ang magpunta sa palengke. Malapit lang ito, mga sampung minuto kung lalakarin mula sa bahay namin, at limang minuto naman kung sakay ng tricycle. Maaga dapat pumunta sa palengke - mga alas-otso o alas-nwebe.

Elementary pa lang ako eh namamalengke na ako mag-isa. Bata pa lang ako eh sanay na ako sa amoy ng palengke, kung saan nangingibabaw ang malansang amoy ng sariwang isda. Malagkit ang sahig na laging basa at minsan ay kumikinang – hindi ito dyamente o mamahaling mga bato bagkus ito ay mga tumalsik na kaliskis ng isda na hindi na nawalis, at dahil naapakan ng paulit ulit ay dumikit na sa sementado sahig. Sa gilid nito ay mga maliliit, makikipot, at mabababaw na dugsong-dugsong na kanal kung saan tumatapon ang malansang tubig na kumakatas mula sa mga tumpok ng isda na maya’t-maya ay binubuhusan ng tubig para magmukhang sariwa. Sa isang bahagi ng palengke ay may mahaba, sementado, at naka-tiles na patungan kung saan nakahilata ang mga panindang isda. Dalawang hilera ng mga balikatan at magkakatalikuran na mga tindero’t-tindera ang nag-aasikaso ng mga panindang isda na magkakatumpok ayon sa uri. May mga malalaking isda na nakabitin mula sa buntot patiwarik. Ang iba naman ay nagayat na at binebenta per kilo. Mamili ka kung anong bahagi ng isda ang gusto mo – ulo, gitna, o buntot.

Madalas akong namamalengke noong bata pa ako, at marami akong natutunan sa pamamalengke ng isda, mga bagay na hindi itinuturo sa paaralan. Practical life lessons – yan ang tawag nila dito. Sa paaralan, itinuturo sa mga estudyante ano ang mammals, amphibians, at reptiles; ano at alin ang mga herbivores at carnivores at omnivores. Pero hindi tinuturo kung ano ang pangalan ng mga isda na nakikita sa palengke at kinakain sa hapag.

Sa pamamalengke ay nalaman ko ang pangalan ng iba’t-ibang isda na madalas initinda. Paulit-ulit mo itong maririnig na sinasabi ng mga tindero at tindera tuwing may dumadaan na mamimili. At kapag alam mo na ang mga pangalan ay dapat alam mo na rin kung anong luto ang magandang gawin sa isda na ito. Minsan sasabihin ni Mama “bumili ka ng isda” pero hindi niya ii-specify anong klaseng isda ang gusto niya. At sa mga pagkakataon na ito, importante na alam mo ang mga isda na niluluto ng iyong magulang at mga isdang hindi bibilhin ng Mama o Papa mo kung sila

ang namalengke. Tandaan na iba ang isdang binibili bilang pang araw-araw na ulam, at iba ang isdang bibilhin kung may pagdiriwang sa bahay. Dapat alam mo kung anong luto ang pwede sa isda na bibilhin, at huwag kalimutang bumili ng isasahog dito. May gata na putahe? Masarap ang malalaking hiwa ng tambakol. Pero huwag kalimutang bumili ng mustasa at siling berde, at magpa-kayod ng niyog. Bangus o mayamaya kung mag-sisigang, at huwag kalimutang bumili ng kangkong at kamatis. Dalagang bukid, galunggong, o alumahan sa paksiw. Lahat ng ito, pwede rin i-prito, pati na rin bangus o tilapia, na pwede palang i-adobo. Ang piniritong isda, dapat kainin agad pagkahain sa hapag dahil hindi na masarap ito kung lipas at malamig na. Kung mangyari man ito, pwede mong gawing sarciado ang natirang pritong isda.

Dapat alam mo ang pinagkaiba ng alumahan (longjawed mackerel o Rastrelliger kanagurta) at hasahasa (short mackerel o Rastrelliger brachysoma). Ang alumahan ay mas mahaba at mas mapintog, at kadalasan mas matabang kumpara sa hasa-hasa, na mas masarap kung pinirito habang may sabaw naman ang mas bagay sa alumahan.

At kung nakapili ka na, ipahati sa mas maliliit na bahagi kung malaking isda ang binili. Huwag mahihiyang ipatanggal ang hasang para mas mabilis ang paglilinis ng isda pag-uwi sa bahay. Kahit maraming mamimili, lilinisin pa rin ng tindera ang biniling isda dahil isa ito sa paraan upang ikaw ay kanyang maging suki. At totoo nga – sa mga susunod na pagbalik mo sa palengke ay sa kanya ka na lagi bibili kahit ang mga isdang itinitinda niya ay itinitinda rin ng iba. At paano ba naman ako tatanggi, lalo kung tatawagin niya akong “pogi” tuwing ako ay mapaparaan?

Kung hindi mo na mahihintay ang paglinis na isda, dapat ay alam mo kung paano ito lilinisin sa bahay. Huwag mandiri sa hasang, bagkus, ipasok ang hintuturo at hinlalaki kung saan ang ulo at katawan ng isda ay nagdurugsong at hilahin ang lamang loob.

Huwag ding kalimutang pakaliskisan kung kailangang walang kaliskis ang isda sa putaheng lulutuin. Lumayo ka ng kaunti kung kinakaliskisan ang isda para hindi ka matalksikan ng kaliskis. Ngunit madalas ay hindi ko na nagawa ang umurong dahil nahi-hypnotize ako ng rhytmic motion ng pagkaliskis ng isda.

Hrrt, hrrt hrrt...

Hrrt, hrrt hrrt...

Tuwing napapanood ko ito ay napapaisip ako lagi: paanong hindi nababakbak ang laman ng bangus gamit ang pangkaliskis? Isa itong maliit na palo-palo, parang isang oversized na hair brush, pero sa halip na bristles eh pako.

At bago matapos ang pamamalengke, dapat may biniling tinapang galunggong, isang balot, mga 20 piraso siguro yun. Para may ulam na mabilis maluluto. Huling paalala: kapag bitbit ang plastic na may lamang isda, huwag ito ilalapit masyado sa binti dahil nakakasugat ang palikpik ng isda.

Ngunit simula noong umalis sila Mama at Papa para tumira sa Mindoro, at sumunod si Ate at ang kanyang pamilya habang ang bunso kong kapatid ay nanirahan sa ibang lugar kasama ang kanyang asawa at ako na lang ang naiwan sa bahay, walang nang nagluluto ng isda dito sa bahay namin sa Malabon. Hindi na rin ako namamalengke. Mas mabilis at mas mura kung bibili na lang sa karinderya. Mas convenient kung magpapadeliver na lang sa Jollibee.

Si Marina, yung naglalako ng isda dito sa amin, ay hindi na tumatawag sa harap ng bahay upang mag alok ng dalang panindang isda. Alam niya na wala na si Mama dito at ang naiwang tao ay hindi bumibili ng hilaw na isda upang lutuin. Nabuhay ako sa pagkaing karinderya o take-out sa fastfood kung may pera. Kung gipit ay de lata - Ligo na pula.

Nagsimula akong magluto ulit noong ako ay nagkaasawa at nagka-anak. Sa pagbabalik sa kusina, inalala at ina-apply ang mga natutunan. Kailan pwedeng baliktarin ang isdang piniprito? Kapag wala na ang maingay na tunog ng mantika. Baliktarin mo ng mas maaga at bakbak ang balat ng isda, dikit sa kawali

sigurado. Kapag maganda ang pagkaka-prito, kahit ulo malutong at makakain mo - walang sinabi ang crispy chicken skin ng mga sikat na fastfood chains. Pero kahit gaano kasarap man ang piniritong isda, huwag gamitin ang mantikang pinagprituhanng ng isda sa karne, liban na lang kung gusto mong maglasang isda yung porkchop mo.

Kumakain si Kalis ng pritong boneless bangus. Si Sue, nahilig sa tawilis at salinyasi. Mahilig pa rin akong kumain ng isda, kahit pa nalaman ko na isa ito sa mga dahilan bakit ako madalas sinusumpong ng gout.

Ok lang. Tumalas din naman ang aking memorya dahil sa pagkain ng isda.

Kailangan ko yun, dahil ayokong makalimutan ang mga alaala kong ito.

Malungkot ang lumangoy sa madilim na dagat ng kawalan kung inanod na ang mga alaala sa sulok ng pagkalimot.

Sapat na ang isang oras para mabili lahat ng dapat bilhin sa palengke, at tamang-tama rin ang oras ng uwi sa bahay dahil oras na ng pagsasaing bandang alasdyes o alas-dyes medya. Manananghalian ng alas dose. Itutuloy ang mga gawaing bahay at pagkatapos ay magmi-miryenda ng Coke at tinapay (o chichirya) na binili sa may kanto sa labas. Sa hapon kung tapos na lahat ng mga gusto niyang gawin na paglilinis ng bahay, paglalaba, pagpapalit ng kurtina ay magpa-paksiw na si Mama ng isda – galunggong kadalasan. Para may ulam sa ref sa mga araw na pagod na si Mama para magluto. Pag nakasalang na sa kalan ang paksiw ay pagtutuunan naman niya ang gawain bilang guro – magche-check ng mga test papers, mag re-record ng grades, magsusulat ng lesson plan.

“Kumukulo na ba?” Tatawagin niya ako o isa sa aking dalawang kapatid para silipin ang nilulutong isda, habang siya ay patuloy at abala sa kanyang ginagawa.

Kadalasan, kumukulo na nga ang paksiw kapag ako ay inutusan para silipin ito. Parang may built-in timer sa katawan si Mama. Siguro ay dahil matagal na niya itong ginagawa.

“Hinaan mo yung apoy”. Yan ang kasunod na utos. Kailangan ito para hindi mabilis matuyo ang sabaw at hindi masunog ang paksiw, kaya dahan-dahaw kong pipihitin ang pihitan upang humina ang apoy pero hindi ito mamatay.

“Babantayan ko po ba, ‘Ma?”

“Hindi na.” Gaya nga ng sabi ko, may built-in timer si Mama. Alam niya kung kailan tatayo para i-off ang kalan. Ipapatong ang mainit na kaldero sa makapal na pot holder para lumamig. Ipapasok ito sa ref bago matulog.

Sila Mama at Papa naman, mahilig pa rin sila sa isda. Lalo pa’t ngayon na malapit lang ang dagat at ang palengke ay madalas puno ng bagong huli at murang isda. Kung ako ay napadalaw at kami ay maliligo sa dagat, bibili si Papa ng yellowfin tuna. Yung ulo isisigang para may sabaw. Yung laman, iihawin kasama ng pusit.

tuna, salmon, maya-maya

This article is from: