19 minute read

Whopper

VITTENA ELOISA VIBAR

Pawis, pagod at abala ang lahat. Hindi mabilang sa kamay ang dami ng pasyente. Patung-patong ang mga papeles, iba’t iba ang amoy at tila mga langgam kung titignan mula sa itaas ang bilang ng tao sa Manila Public Hospital.

Advertisement

Si Bobi, isa sa mga nars ng MPH, ay pumasok sa cloak room upang maghilamos at sulitin ang ilang minutong pahinga. Kumatok ang kanyang katrabaho at sumilip mula sa pintuan. “Bobi, emergency on-call ka ngayon sa Paramedics Team. Kunin mo’to.” Kinuha ni Bobi ang papel na inabot sa kanya. “May one hour ka pa para maghanda,” at isinara ng kanyang katrabaho ang pinto. Binasa niya ang laman. Para sa isang kilalang pamilya ang search operation.

Nilabas ni Bobi ang kanyang cellphone at isang Twitter notification ang lumitaw sa screen. Binuksan niya ito.

“Oh no, I’m really worried! Mrs. Rodriguez and the whole family is missing! :’( most importantly nasa isip ko ang son niya na si Matoy. The family’s in Tacloban to celebrate the kid’s 8th birthday #HelpTheRodriguezFamily #Yolanda2013”

Nakaramdam ng matinding pag-aalala si Bobi sa bata. Nag-uumapaw ang kagustuhang mahanap at mailigtas ang kilalang anak ng mga Rodriguez.

Sumisiklab sa galit ang araw pagkatapos ng delubyo. Umaalingasaw sa hangin ang amoy ng daan-daang naaagnas na mga katawan sa dalampasigan. Walang humihingang kaluluwa kundi durog at lumolobong mga bangkay. Ngunit sa karagatan ng naaagnas na mga piraso ng laman-tao, isang walong taong gulang na katawan ni Matoy ang nagpupumilit na umahon mula sa bangungot...

Umulan nang napakalakas sa kumakagat na dilim. Ang katahimika’y nabasag ng mga iyak at hiyaw, ungol ng hangin at nakakabinging kulog. Naging malagim, masakit na trahedya ang isang gradiyosong bakasyon para sa pamilya ng tatlo. Nabitawan si Matoy sa pagkakahawak ng kanyang inay at itay nang sila’y nabagsakan at inanod ng steel scaffolding habang umaangat ang tubig-ulan sa loob ng hall ng isang hotel sa Tacloban. Umagos ang mas maraming lumulutang na patay at siya’y itinangay papalayo sa kanyang mga magulang. Umiiyak at sumisikap na umahon sa rumaragasang tubig hanggang siya’y nawalan ng malay.

Napabangon si Matoy sa bangungot, humihingal. Isang higanteng nilalang ang bumungad sa kanya. Sa nakakapanindig-balahibong itsura nito’y napasigaw at napaatras sa takot ang bata. Sa kabila ng maladambuhala at malahalimaw na itsura nito at walong mga galamay, ang dalawang mata naman nito ay napakaamo.

Dahan-dahang inangat ng higanteng pugita ang isa sa mga galamay nito para makipagkamay kay Matoy ngunit napatakbo ang bata papalayo at ibinaon ang kanyang munting katawan sa nakatambak na mga bangkay sapagkat mas kinatatakutan niya ang dambuhalang halimaw ng karagatan kaysa sa mga patay na pumapalibot sa kanya. Napansin ito ng pugita kaya siya’y lumangoy pabalik sa kabilang dapit ng baybayin. Nang maramdaman ni Matoy na ligtas ang

distansya sa halimaw, umahon siya mula sa ilalim ng patung-patong na bangkay.

Pasapit na ang dapit-hapon. Kumakalam ang sikmura at tuyung-tuyo ang mga labi ni Matoy. Kailangan na niyang kumain. Sa kabila ng kanyang takot sa patay at sa halimaw sa di-kalayuan, kailangan niyang “mamasura” ng pagkain ngunit ang paligid ay napupuno lamang ng karne ng tao. Tinutusuk-tusok at binaliktad ang lahat ng uri ng bagay sa baybayin - plastic tupperwares, car doors, bangkay ng tao at ni Bantay pati na ang kalabaw, refrigerators at binokular. Nakakita siya ng naanod na limang magkakakumpol na buko’t kanyang hinila kasama ang napulot na sirang binokular.

Tila isang naliligaw na bundok sa dalampasigan kung titignan sa malayo ang halimaw dahil sa hugis bilog nitong ulo kumpara kay Matoy na tila tuldok sa liit mula sa kabilang dako. Kahit malaki ang agwat ng distansya, tanaw na tanaw pa rin nila ang isa’t isa. Binabantayan ng pugita ang bata habang pinagmamasdan naman ng bata ang higante kung sakaling gumalaw o lumapit ito sa kanya at ipinagdarasal niyang hindi sana.

Napahiga sa pagod at gutom si Matoy dahil maghapon niyang sinikap na basagin ang mga buko at idikdik ito sa malalaking bato pero ni isa‘y walang nabiyak hanggang sa siya’y napapikit sa ilalim ng nagngangalit na araw.

Napabangon sa gulat si Matoy nang siya’y nabuhusan ng sangkaterbang malalaking isda. Nagtaka siya nang mapansing lumangoy pabalik sa kabilang dapit ang pugita.

Nagamit ni Matoy ang kanyang natutunan sa Science class, ang gumawa ng apoy gamit ang kahoy. Nakapagluto siya ng tatlong pirasong malalaking isda at sa wakas ay nasidlan ang kanyang tiyan. Bumaluktot siya sa tabi ng apoy para magpahinga dahil sa kabusugan hanggang sa siya’y nakatulog nang mahimbing buong gabi.

Isang gabi na ang lumipas.

Nagising si Matoy sa masangsang na singaw ng naaagnas na mga laman-loob. Bumungad sa kanya ulit ang halimaw. Ang mga malalaking mata nito’y nakatitig sa kanya. Napansin ni Matoy na inilipat papalayo sa kanya ang mga patay at may tatlo o apat pang hinahakot ang pugita at inilapag ang mga ito sa isang sulok ng maliit na isla. Napahinto sa paggalaw ang walong galamay ng pugita para hindi ulit mapatakbo sa takot si Matoy, ngunit kahit anong gawin niya’y nanginginig sa matinding balisa ang bata.

Hindi naman siguro nananakit ng bata ang pugita, napaisip si Matoy. Hindi siguro masamang ideya ang kaibiganin ang nilalang mula sa karagatan. Hindi naman ito nakakatakot kaya naman kanyang tinignan pabalik ang pugita. Nasosobrahan lang ito sa laki, isip ni Matoy, at iyon lamang ang nakakawindang sa kakaibang nilalang.

Tumayo si Matoy nang nanginginig ang mga tuhod at dahan-dahang humakbang papalapit sa halimaw. Unti-unti siyang napapalapit sa higanteng pugita at nilagay ang kanyang kanang kamay sa maliit na batik sa pagitan ng mga mata nito. Kumalma ang kanyang puso’t isipan nang hindi gumalaw ang halimaw sa pagkalipas ng ilang segundo.

“Bata!”

Tumalas ang pandinig ni Matoy. Umikot siya at hinanap ang pinagmulan ng boses. Wala ni isang tao o bangkay ang gumalaw sa paligid.

“Bata! Wala ako diyan. Nasa likod mo ako.”

Biglang napalingon ang bata sa pugita. Bakas ulit sa mukha ang takot. Nanigas si Matoy sa kanyang kinatatayuan.

“Ako ang nagsasalita. Naririnig mo ako sa iyong isipan.”

Inangat ng pugita ang isa sa mga galamay nito. “Huwag kang matakot, bata,” sabi ng pugita. Inangat ang tulalang si Matoy papalapit ulit sa kanya at hindi nagtagal ay nahimatay si Matoy sa sobrang takot. Nalungkot ang pugita.

Lumulubog na ang araw.

Nagising si Matoy sa malapad na styrofoam na nilatag ng pugita para sa kanya at sinalubong ng apat na tighating buko na inabot ng halimaw sa kanyang tabi. Nangibabaw ang katahimikan at tanging ingay ng alon at mga ibong nagsisiliparan para pagpiyestahin ang mga natitirang naaagnas na piraso ng karneng nakakalat sa paligid lamang ang maririnig. Nabigla ang bata at ginawang talukbong ang styrofoam para iligtas ang kanyang sarili sa halimaw kahit lingid sa kanyang murang kaalaman na wala itong silbi. Ganoon na rin ang iniisip ng pugita. Sumisid ang halimaw patungo sa pusod ng karagatan.

Kumakalam ang sikmura ni Matoy. Nang mahawi na ang anino ng halimaw, binaba niya ang styrofoam at sinimulang kainin ang laman ng mga buko. Kinuha niya ang binokular - ang kabilang salamin nito’y basag - at pinanonood ang pugita sa gitna ng karagatan, sumisisid at lumilitaw mula sa ilalim.

Lumangoy sa kanya ang pugita at hindi na natinag si Matoy. Pinaulanan siya nito ng mga malalaki at sariwang isda. Kumuha ng dalawang matatabang lapulapu si Matoy at niluto ito sa apoy habang paisa-isang sinubo ng pugita ang nakolektang hilaw na isda.

Siguradong ngumingiti ang pugita sa kanya, isip ni Matoy. Sa pagitan ng malaki at maliit na nilalang ng mundo ay isang isdang niluluto sa apoy. Ningitian din ni Matoy ang dambuhala.

“May pangalan ka ba, bata?”

Nabigla si Matoy, nagdadalawang-isip na sumagot. “M-Matoy. Mark Anthony M. Rodriguez ang buong pangalan ko po at anak ako ng mama ko.” Pinakilala niya ang kanyang sarili. “Eh kayo ba po, anong pangalan niyo?”

Hindi sumagot ang pugita. Tiyak si Matoy na wala itong pangalan. Sa kanyang kanan ay may nakaipong basura galing sa karagatan. Sinasauli ng kalikasan sa tao ang basurang nagmula rin sa tao. May isang sirang kahon ng burger na dinuduyan ng tubig sa kanyang tabi. Hindi pa kupas ang tatak ng kahon: Burger King Whopper Burger. Para kay Matoy, ito ang pinakamalaking burger na hindi niya kayang kainin.

“Whopper. Whopper ang itatawag ko po sa iyo.”

“Bata,” itinuro ni Whopper ang kanyang isang galamay kay Matoy, “saan ka ba nagmula?”

Tumahimik ang paligid. Nagsimulang magkwento si Matoy. Ika-walong taong kaarawan niya at sa isang magarbong hotel sa Tacloban ginanap ang pagdiriwang. Lahat ng luho at pagkain ay naroon. Isang business tycoon ang kanyang itay na si Mr. Rodriguez. Nagmamanupaktura at nagsusuplay ng kagamitang plastic ang kumpanya nila. Si Mrs. Rodriguez naman ay isang TV celebrity - isang sikat na binibini na kinahuhumalingan at kinaiinggit ng madla. Sa pamilya niya, kaliwa’t kanan, sila ay may mga kaibigan at kalaban.

At ngayon, siya’y isa nang ulila dahil sa trahedya.

Natamaan ng mga huling sinag ng araw ang lambat na nakapalibot sa pugita. Ang lambat na ito’y kapareho sa nakikita niya sa pagawaan ng kanyang itay noong minsang dinala siya roon. Ang mga maninipis na nylon ay bumabaon sa laman ng pugita at bumubuo ng mga malalalim at mahahabang sugat na tila sa sobrang tagal na hindi nahihilom ay nilulumot at naging masangsang. Dalawa sa mga galamay ni Whopper ay halos mapipigtas na sa katawan.

Inaya ni Whopper na magkwento pa si Matoy. Natanong ni Whopper kung paano maging isang taong bata. Mas lalong bumabakas sa mukha ng bata ang lungkot. Walang ibang alaalang nananaig sa isip ni Matoy kundi ang mga susunod pang ikukwento.

Lingid sa kaalaman ni Matoy ang estado ng kanyang kalagayan. Minsan may charity programs o feeding programs sa mga below-poverty-line areas. Ang media ay nagmamasid at naroroon siya sa tabi ng kanyang itay, nag-aabot ng lugaw habang nakangiti sa mga batang halos nakadikit ang balat sa buto at ang mga mata’y tila pinagkaitan ng liwanag. Minsan din, may nakakasalamuha siyang mga kaedad niyang napupuno

ang katawan ng pasa at bukol. Ano kaya ang kwento nila? Napapausisa ang murang kaisipan ni Matoy minsan.

Pero sa mga oras na wala ang media, tila nagbabagonganyo ang itay. Nagiging malamig at magaspang ang pakikitungo niya sa mga mahihirap. Malamig at magaspang din ang pakikitungo ni Mr. Rodriguez kay Matoy at asawa na kahit minsa’y walang pinaparamdam na tunay na pagmamahal.

Lights, camera, action! Pinakita ni Matoy sa pugita ang kahusayaan niya sa pag-arte bilang kanyang itay sa tuwing nagpapakitang-tao sa media.

Ang ina naman ni Matoy, si Mrs. Rodriguez ay lulong sa kasikatan at alak. Naaalala pa ni Matoy noong sinabi sa kanya ng kanyang ina na hindi siya nais isilang nito sa mundo dahil mas mahalaga sa kanya ang kabataan at kasikatan kaya naman ni minsa’y hindi siya nakaramdam ng pagkalinga mula sa ina. Sinubukang hindi dibdibin ni Matoy ang mga salitang binitiwan ng kanyang ina ngunit hindi niya mapigilang umapaw ang kalungkutan sa dibdib at tila gumuho ang matiwasay na tahanan.

Habang tumatagal, napapalalim ang kanyang lumbay, napapalayo ang loob sa mga taong nagsilang sa kanya sa mundo.

Sa tingin ni Matoy, kahit mataas ang estado ng kanyang kalagayan, wala siyang pinagkaiba sa mga batang napupuno sa hindi kaaya-ayang marka sa katawan mula sa squatters. Hindi man makikita sa kanyang balat ang mga pasa’t bukol, ang mga ito naman ay nakatatak sa pinakaloob-looban ng kanyang kamusmusan, ng kanyang murang puso’t isipan.

Lumalalim ang gabi. Bumubuhos ang luha sa mga mata ni Matoy. Sa katahimikan, sinalo ni Whopper ang mga luha ng bata sa kanyang galamay at pinawi ang lungkot habang dinuduyan ito hanggang makatulog sa ilalim ng mga bituin.

“Sana’y mapatawad mo sila,” bulong ni Whopper sa isip ng natutulog na si Matoy. “Sa iyong pagtulog, bata, nawa’y tandaan mo ito. Nagsisimula sa butil ang pagpapahalaga sa kabutihan. Nagsisimula sa butil ang mundiyal na kapayapaan. Gayundin ang pagkamuhi sa kapwa at mga pandaigdigang sakuna. At nasa iyong kamay ang susi ng kinabukasan.” At tila’y dininig ng mga bituin ang dasal ng pugita.

Bumubungad sa paggising ni Matoy ang maliit na kubong pinagtagpi-tagpi ni Whopper mula sa basurang ilang araw nang nakakalat sa dalampasigan - mga plastic at tuyong kahoy. Bumalik ang kislap sa mga mata ni Matoy ngunit mas nangibabaw ang takot nang matanaw pa rin ang mga naaagnas na mga parte ng katawan sa paligid.

Pinagtutulungan nilang ilibing ang mga patay mula sa isang sulok at nilagyan ng palatandaan ang bawat libingan - mga munting pagmamay-ari ng bawat kaluluwang pumanaw sa trahedya.

Gamit ang binokular, tinatanaw ang dalawang malaking barko sa malayo. Binaling niya ang binokular sa pugita at nang pinagmasdan niya ito, napansin niyang tadtad ng malalaking batik ang balat ng pugita. Sa kanang bahagi ng ulo naman nito’y may nakatirik na nangangalawang na pana.

“Whopper,” kinuha ni Matoy ang atensyon ng pugita nang bumalik ito mula sa karagatan hatid ang ikinolektang isda, “Saan ka po pala galing? May bahay po ba kayo? May pamilya po ba?”

Itinuro ang isa sa mga galamay nito sa ‘di matarok na karagatan.

“Sa pinakamalayong dapit na wala ni isang tao ang nakakaalam. Pero iyon ay noong mga nagdaang panahon na, bata.

“Pinagmasdan ko sa malayo ang pag-usbong ng inyong uri dahil sa inyong mga mapangahas na mga manlalakbay. ” Napaisip si Whopper, “Mula sa maliliit na bangka ay nakabuo kayo ng nagsisilakihang nakademakinarya na. Maya’t maya’y mga metal na ibong lumilipad sa langit na kayang kargahin ang isang barangay.

“Mga sasakyang tulad nito ang nagbigay kapangyarihan sa inyo at mula noon, may iilan sa inyo ang nakaapak sa aming tahanan, pero bata, hindi maganda ang intensyon nila. Sinakop nila ang tahanan namin at wala kaming magawa kundi lumikas at maghanap ng ibang masisilungan pero bawat isa’y nasasakop at naging teritoryo ninyo.

“Isang araw, may binagsak ang mga sasakyang ito na naging sanhi ng pagsabog at pagyanig ng lupa at langit. Napakarami sa mga uri ninyo at pamilya namin ang namatay sa trahedya, habang ang kabila sa uri ninyo ay nagdiriwang.”

Napailing si Matoy. Isinalat ng pugita ang isa sa mga galamay nito sa noo ng bata at ipinakita sa pamamagitan ng telepathy ang pagsabog ng atomic bomb ng Nagasaki at Hiroshima at iba pang senaryo ng pandaigdigang digmaan. Napahiyaw at napabaluktot sa takot ang bata.

“Nakabuo rin kayo ng tulad nito,” pinulot ni Whopper ang isang asul na plastic cellophane na lumulutang sa tabi niya, “ako kain nito, ako patay.”

Pinunasan ni Matoy ang kanyang sipon at luha. Nalungkot siya. “Kasalanan po ba namin ang nangyari sa inyo at ang pamilya mo?”

“Hindi naman, bata. May sariling paraan ang kalikasan para mapanatili ang balanse ng lahat ng may buhay. Siguro sa ganoong paraan dinadaan.

Pero may gusto akong sabihin sa’yo. Mga nakikita ko tungkol sa inyo na sobrang ikinalungkot ko.”

Nakatindig sa kinauupuan si Matoy at naaliw ang pugita sa pinapakitang interes. Sana nga ay maunawaan niya ang kasarinlan ng mundo sa murang pag-iisip ni Matoy, isip ni Whopper, pero ang hiwaga sa puso ay higit pa sa kapasidad ng utak. Gumagamit ng talino at memorya ang utak. Ang puso naman ay nakakaramdam at nakakaalala, tumatatak ng kaalaman sa ispiritwal na antas.

Bago magsimula si Whopper, itinuro ang isang galamay sa dibdib ng bata.

“Likas niyo bilang tao ang tulungan ang isa’t isa. Ang mundo’y kayang buhayin ang bawat nilalang at may puwang para sa lahat.” Pinakita ng pugita ang kasalukuyang pangyayayari sa isip ng bata, “ngunit naging sakim at mapagmuhi hindi lang sa mga sarili ninyo kundi sa lahat ng may buhay.

“Hmm, ito po ba ang nangyayari sa amin ngayon?” malungkot na usisa ni Matoy.

“Oo, bata,” tumango ang pugita. “Nagpatuloy kayo sa maling direksyon at naniniwala sa ilusyon na walang sapat para sa lahat. Pinapasa ito mula sa inyong ninuno hanggang sa inyong mga magulang at malamang ay sa inyong henerasyon din, bata. At ang papel na tinatawag niyong pera ang naging batayan ng respeto. Natuto kayong lumuhod sa mga mayayaman at imaltrato ang dehado. Sa halip na gamitin ito para may makain, matirhan, at maisaplot ang lahat, nagtataka ako, bata, kung bakit may namamatay sa gutom? Bakit may natutulog pa rin sa lamig?”

Nakapulot ng punit na dalawampung piso ang bata sa kanyang tabi. “Pera.” Sa palibot ay mga salaping naaagnas kasama ang mga nalulusaw na mga bangkay.

Hindi lubusang maintindihan ni Matoy ang bawat hiwatig ng pugita sapagkat hindi pa niya ito nararanasan ngunit dama niya ang dalamhati ng nilalang. Pinapanood niya ang mga imaheng tinatanim ng pugita sa kanya sa pamamagitan ng telepathy.

“Sapilitan kayong nagtatrabaho sa paniniwala na balang araw ay mapapalaya kayo rito. Hindi niyo alam na minamadali ang inyong buhay dahil sa tuwing nakakaramdam ng galit at kaba sa araw-araw na paghahabol sa trabaho, nilalanghap niyo ang maruming hangin matapos lagyan ang katawan ng mga pagkaing tadtad ng lason. Di kalaunan, kayo’y nagkakasakit. Kailangan niyong magpagamot pero ito’y nagdudulot pa ng pinsala kaysa kabutihan.”

Naalala ng bata ang mga trabahanteng nag-aagawan para makasakay ng bus na dati’y tanaw niya mula sa

bintana ng kanilang sasakyan. Alala pa ng bata ang isang matandang lalaking halos na nahihimatay sa siksikan. Minsan ay naisugod sa ospital ang kayang itay nang maatake sa puso sa opisina.

“Naging bahagi ng inyong araw-araw ang pagsisinungaling at panlilinlang sa kapwa at wala kayong kamalay-malay rito. Ang mga taong pinagkakatiwalaan niyong maghahatid ng pang-araw-araw na katotohanan ay harap-harapan kayong binibilog. Nilalason kayo ng takot at pag-aalinlangan sa isa’t isa.”

Tumatatak sa kanya ang itay tuwing pinapaligid sila ng media.

“Ginawa niyong katwiran ang pagkakaiba ng kulay ng inyong balat, relihiyon, at kultura para manghamak ng kauri niyo. Kung tutuusin, iisa lamang kayo.”

Patuloy na tumatakbo ang mga imahe sa isip ni Matoy, ang kadalasan sa mga ito’y ‘di pa danas at batid ng bata.

Tumayo si Matoy. Pinulot niya ang isang mahabang kahoy at tumingkayad ng ilang hakbang, iniiwasang apakan ang nakahimlay na mga bangkay. Dinuduro niya at winawalis ang suot ng ilan sa mga ito. Marami sa kanila ang hindi na mamumukhaan pero may iilan na malalaman kung anong estado nila bago nabawian ng hininga. Lumupasay siya sa gilid ng bangkay ng isang lalaki batay sa suot dahil wala na siyang ulo. Katabi nito’y aso at isang batang babae, nilalangaw at nakalatag na parang mga baraha sa kanyang harap.

“May mga pinuno at iilang taong binigyan niyo ng karapatan na gumamit ng dahas sa kapwa. Pinapaniwala sa inyo na lumalaban sila para sa ikabubuti ng lahat. Hindi iyon totoo, bata. Sana ay makikita mo ito. May mga iilan ang kumikita sa ilusyong pinapaniwala sa inyo.

“Ito’y mga ganid - mga taong hangad na hamakin, alipinin, manduhin kayo, tinuturuan kayo kung paano mag-isip at magdama. Hindi naman kayo mga hangal; may sariling puso’t isip kayo na ang likas na gabay ay pagmamahal at kabutihan. Bata, tulad mo at ang iyong henerasyon, mag pagasang tumuwid ang pamamalakad ng sangkatauhan at ng mundo nang magawa niyong gisingin ang lahat mula sa ilusyon.”

Ang mga imahe’y parang sumasayaw na mga senaryong kayang tangayin ng laro’t panahon.

Bahid sa mga mata ni Whopper ang matinding lungkot. “Ang mga magulang mo ay biktima lamang ng ilusyon, bata. Hindi nila alam ang mga taling kumukontrol sa kanila mula sa mga anino.

“Gawin mong magpatawad sa mga magulang mo at sa sinumang gumawa ng hindi nakabubuti sa iyo dahil walang katuturan ang paglalakbay sa mundo nang may galit sa puso. At gayundin, mapapawalang-kwenta ang iyong munting misyon, mahal kong Matoy.”

Napatunganga’t napatango lamang si Matoy. Batid niyang unti-unti siyang umaahon mula sa kamusmusan ng kabataan at unti-unting hinahagkan ang karimlan ng realidad ng kasalukuyan kahit hindi pa niya lubusang nauunawaan pa.

“Bata, hindi mo man ito maiintindihan sa ngayon pero sa pagdating ng panahon at maging kasinlaki ka ng tatay mo ay maliliwanagan ka. Ang pagtatagpong ito ay maaaring mabaon sa limot pero hindi makakalimot ang puso.”

“Whopper, paano niyo po nalalaman lahat ng ito?”

Ngumiti ang mga malalaking mata ni Whopper. “Bata, ikaw at ako ay iisa lamang. At ito rin, sa pagdaan ng panahon, ay iyong mauunawaan.”

Nangingibabaw ulit ang ingay ng alon. Yumango si Matoy at bumaling sa malayo ang pag-iisip.

Sa katahimikan, tumabi si Whopper kay Matoy at pinanonood ang mga hugis ng mga sasakyang himpapawid at pandagat na pumaparoo’t parito mula sa malayo. Lingid sa kaalaman ni Matoy ang kalubhaan ng sitwasyon.

“Sa tingin mo, bata, ang mga taong nakaligtas sa

delubyo ba ay nakakahanap ng lunas sa inyong mga pinuno at kapwa tao?”

Sinilip ulit ni Matoy sa binokular ang mga barko, eroplano, at helicopter na parehong tumutungo sa iisang direksyon sa silangan. Mga watawat na nagpapahiwatig ng iba’t ibang nasyon ang bumati kay Matoy. Ang mundo’y nakikibahagi sa paghilom sa sugat na dulot ng delubyo.

Gusto ni Matoy na pagmasdan nang mas malapitan ang pangyayari. Pinagbigyan ni Whopper ang bata at pinagtulungan nilang bumuo ng bangka na hugis eroplano galing sa naiiwang basura sa paligid. Sa paghahanap ng materyales sa bakuran para buuin ang bangka, ang bawat libingang dinadaanan ay may sumisibol na halaman.

Maya’t maya’y inanod ang bangka habang nakasakay si Matoy. Ginuguyod ni Whopper ang bangka papunta sa gitna ng karagatan kung saan marami ang isda at mas matanaw ni Matoy ang sitwasyon nang mas malapitan habang sumisisid si Whopper upang mangisda para sa hapunan.

Tapos na ang hapunan. Sa gabi, pinapalipad nila ang mga ibong mula sa basura gamit ang imahinasyon at nilagyan ng pakpak ang mga barkong gawa sa bakal at plastik sa mabituing gabi at maliwanag na buwan. Batid ni Matoy ang pagsalanta ng kanyang kamusmusan. Naging malinaw sa kanya ang kasakiman at ang ilusyon ng kapayapaan at kalayaan sa mundo ng tao at nakikitang mukha ng sakuna pero sumisikap bumuo, makita, at mag-isip ng kabutihan sa kabila ng trahedya. Mas pinili niyang mamuhay kapiling ang kalikasan. Sa pagdaan ng maraming araw at gabi, buo ang loob ni Matoy na tumira sa islang iyon hanggang sa huling hininga kasama ang pugita, ang natuturing niyang kaibigan at kapamilya.

“Whopper,” bulong ni Matoy sa pugita habang dinuduyan siya sa kanyang pagtulog, “dito na po ako sa inyo.”

Ngumiti ang mga mata ng pugita at ang gabi’y nababalutan ng huni ng kuliglig at lagutok ng siga. Kinabukasan, ang umaga’y niyayanig ng pamilyar na ingay na maririnig lamang sa siyudad. Nagising si Matoy sa ingay ng helicopter. Agad tumakbo sa baybayin ang bata at hinanap ang pugita ngunit ito’y hindi matanaw sa baybayin man o sa katubigan. Tumindi ang pagkabalisa ni Matoy para sa kanyang dambuhala ngunit maselang kaibigan. Napalingon siya sa kakahuyan. Sa ilalim ng makakapal na puno, pinipilit na itago ni Whopper ang kanyang walong galamay mula sa pinanggagalingan ng ingay. Tumakbo si Matoy sa dambuhala at yinakap ang isa sa mga galamay nito.

“Ayoko pong umuwi!” Iyak ni Matoy. “Alam kong sila iyon. Kukunin na po nila ako.”

Pinalibutan ni Whopper ang bata ng kanyang galamay para yakapin siya.

“Bata,” tumingin sa langit ang pugita at hinarap si Matoy, “panahon na. Ikwento mo ang pagkakaibigan natin nang ako’y hindi mo malimutan.”

“Walang maniniwala po sa akin kung ikukwento ko sa kanila tungkol sa iyo.” Humahagulhol si Matoy.

“Kung gayunman, itago mo ako sa iyong puso at tandaan mo,” tinuro ni Whopper ang dibdib ng bata, “na ang pagtatagpong ito ay naaayon sa tadhana. May dahilan ang lahat at ang pagkikilala natin ay hindi para sa wala lamang.

Magsimula muli ang iyong panibagong paglalakbay.”

Nagbitiw ng pangako ang bata: una, gawing madalas ang kanyang pagbisita sa dambuhalang kaibigan; ikalawa, gawing ligtas sa kahit anong kapahamakan ang pugita; ikatlo, tumira kasama ang pugita sa isla sa mga huling taon ni Matoy sa mundo ng tao.

Bumalik nang mag-isa sa baybayin si Matoy at nagpakita sa helicopter. Binabaan ng mga sumasakay ang helicopter matapos nilang mamukhaan ang anak ng mga Rodriguez, buo at buhay. Humahagupit ang buhangin na pansamantalang nabulag si Matoy. Nang humupa na ay daglian siyang inakay at pinaakyat ni Bobi at ng Paramedic Team sa helicopter.

This article is from: