13 minute read

Sampaguita

Next Article
Old Normal

Old Normal

JOHN REY DAVE AQUINO

Nanginginig ang kamay ni Joshua habang ipinapasok ang susi sa doorknob. Tahimik ang buong apartment complex bukod sa pagkalansing ng mga susi habang hinahanap niya ang butas. Tulog na ang mga kapitbahay. Masyadong mabilis ang ritmo ng kanyang pulso at para bang lumulundag ang kanyang puso. Madilim ang terasa ng apartment kaya matagal bago niya napagtantong mali ang susing ipinasok niya.

Advertisement

“Apartment mo ba talaga ‘to?” tanong ng lalaking kasama niya.

Narinig niya ang ngisi sa tanong. Tumawa siya nang bahagya. Nabuksan niya ang pinto gamit ang tamang susi, at hinarap si Karl. “Welcome,” turan niya habang umaatras papasok. Binuksan niya ang ilaw, at sumunod sa kanya ang kaibigan.

Sinuyod ni Joshua ng tingin ang kanyang sala. Mabuti na lang at naglinis siya ng kaunti nitong umaga kaya walang masyadong kalat, bagaman mayroon siyang gamit na pantalong nakasabit sa sandalan ng sofa. Nakaupo na roon si Karl at nakadipa sa ibabaw ng sandalan. Isinara ni Joshua ang pinto.

“Bakit nakatayo ka lang d’yan?” tanong ni Karl. Tinapik niya ang puwang sa tabi niya, tinatawag si Joshua para umupo.

Sumunod si Joshua sa sofa, subalit nag-iwan siya ng maliit na puwang sa pagitan nila. Hindi pa rin siya sigurado sa mga susunod na mangyayari, pero may bahagi niyang sabik sa malamang na mangyari.

“O, ba’t ang layo mo naman?” tanong muli ng kaibigan. Iniunat ni Karl ang kanyang braso at hinawakan si Joshua paikot sa baywang saka hinila papalapit. “Nasaan na nga tayo?”

Pumikit si Joshua habang inilalapit ni Karl ang kanyang mukha. Nabawasan ang kanyang alinlangan nang magtagpo ang kanilang mga labi sa ikalawang pagkakataon ngayong gabi. Ilang taon na nga ba mula ang huling halik niya?

Napakatagal na. Hindi niya alam kung anong gagawin sa mga kamay kaya nanatiling nasa tagiliran niya ang mga ito. Limang taong na mula nang mamatay ang kanyang asawa. Inilaan niya ang sarili sa kanyang trabaho at sa pag-aalaga ng anak na si Oliver. Wala siyang panahong maghanap ng romansa, ni hindi niya inisip ito, hanggang sa manghiram ng bente pesos si Karl sa kanya upang bumili ng turon sa kantina ng kumpanyang pinagtatrabahuhan nila. Naiwan daw nito ang wallet sa kanyang mesa. Hindi sila magkapareho ng palapag, at hindi rin naman madalas magtagpo ang kanilang mga department kaya hindi niya inaakalang hahantong sila sa gabing ito.

Nang minsan silang magkita sa grocery, hindi niya maiwasang tingnan ang kabuuan ng katrabahong nakasuot ng V-neck at maong sa halip na unipormeng polo’t slacks ng kumpanya. Tuwing pumupunta siya ng kantina, nakaugalian niyang hanapin ang lalaking minsang nanghiram ng bente pesos kahit hindi sila magkakilala. Paminsan-minsan silang nakapag-usap mula noon. Saka lamang niya namalayang gusto na niya si Karl nang magkasabay silang magsimba. Pasmado’t nanginginig ang kamay niya habang kumakanta ng Ama

Namin.

Hindi! Hindi pwede ‘yon!

Lumayo si Joshua kay Karl. Umaalingawngaw ang pamilyar na boses sa kanyang isipan.

Hindi tumigil si Karl at ibinaon ang mukha sa leeg ni Joshua habang hinahalikan ito, pataas sa panga, hanggang sa tainga. “Josh,” bulong niya, nagpapahiwatig, tila nagmamadali.

Tumayo ang balahibo sa likod ng leeg ni Joshua. Nagtagpo muli ang kanilang mga labi, subalit lumayo muli sa Joshua nang maramdaman ang bahagyang paglamig ng paligid. Nakapatong na ang kamay niya sa balikat at leeg ni Karl.

“May problema ba?” tanong ni Karl.

Umiling si Joshua. “Tara sa kwarto?”

Nakangiting tumango si Karl. “After you.”

Hinawakan ni Joshua ang kamay ng kaibigan at hinila papunta sa kanyang kwarto. Pagliko nila sa pasilyo, bahagya siyang natigilan nang makita ang altar sa dulo ng pasilyo. Nakatitig sa kanila ang rebulto ng Sto. Niño. Sunod niyang naamoy ang samyo ng mga kwintas ng sampaguitang nakasabit sa leeg ng batang Hesus. Mukhang sariwa ang mga bulaklak, bagaman hindi niya maaalalang bumili siya ng sampaguita noong nakaraang Linggo.

Matagal na mula nang mag-alay siya ng sampaguita sa altar. Mula nang mamatay si Sam, na siyang may gawing bumili ng sampaguita sa suking batang babae sa simbahan. Paborito niya kasi ang sampaguita. Doon siya ipinangalan ng mga magulang niya dahil ‘yon ang pinaglihian sa kanya. Gustong-gusto raw ng kanyang ina ang amoy ng bulaklak paglabas nila ng simbahan kaya bumibili siya’t isinasabit sa leeg ng Birheng Maria sa altar nila. Dinala niya ang gawing ito hanggang sa pagtanda.

Tumingin si Joshua kay Karl, saglit na nagdalawangisip. “Bakit ganyan ang tingin mo sa ‘kin?”

Ipinagpalagay ni Joshua na si Manang Olivia na siyang naglilinis ng kanyang apartment ang bumili ng mga ito. “Wala, wala.”

Pagpasok nila sa kwarto, nawala ang amoy ng sampaguita. Pinako siya ni Karl sa dingding, parehong kamay sa kanyang baywang. Malambot ang mga labi ni Karl. Pinababa ng pribasidad ng kanyang kwarto ang reserbasyon ni Joshua at gumalaw nang kusa ang kanyang mga kamay upang maglakbay sa katawan ni Karl.

Hindi pa siya nagkaroon ng boyfriend. Bukod sa sariling katawan, hindi pa siya nakahawak ng katawan ng ibang lalaki kaya isang bagong karanasan ang kabuuan ni Karl. Ipinasok ni Joshua ang kamay sa ilalim ng T-shirt ni Karl at ipinatong ito sa kapatagan ng kanyang tiyan. Mainit ang balat ng kaibigan.

Si Karl ang humila sa kanya. Sabay silang naghubad at umupo sa gilid ng kama. Kapapalit lang din ni Joshua ng kubrekama noong umaga kaya naaamoy pa niya ang fabric conditioner na gamit niya. Dahan-dahan siyang ihiniga ni Karl sa malambot na kutson at saka bumaba sa pagitan ng kanyang mga binti.

Sinundan ni Joshua ang galaw ng kaibigan. Matagal na niyang pinangarap ang sandaling ito. Sa parehong kama, nakapikit niyang pinagbigyan ang pagnanasa. Siniyasat niya ang sariling katawan gamit ang mga kamay habang tinatanong kung ano kayang pakiramdam ng kamay at labi ni Karl. Laging kaakibat ng kanyang pagpapalabas ang pangalan ni Karl na umaalingawngaw sa katahimikan ng kanyang kwarto, na susundan ng panandaliang hiya sa sarili at sa kaibigan.

Naririnig mo ba ang sarili mo? Walang ganyan!

Itinuon ni Joshua ang tingin sa kisame. Hindi niya alam ang mararamdaman sa alaala ng mga katagang iyon.

Mag-isa siya noon sa bahay. Bumisita si Sam sa

kanyang mga magulang, at isinama niya si Oliver para makipaglaro sa mga pinsan niya roon. Hindi sumama si Joshua dahil may kailangang tapusing trabaho sa harap ng computer. Halos buong araw siyang nagtitipa sa keyboard, at paminsan-minsang tumitingin sa labas ng bintana upang ipahinga ang matang nakababad sa liwanag ng screen. Dahil sa inis sa tinatrabahong report, nagpasya siyang magpahinga sandali at humiga sa kama. Nakatitig lang siya noon sa kisame, gaya ng posisyon niya ngayon, nang maalala niyang mag-isa lang siya sa bahay.

Humarap siya muli sa computer pero hindi para balikan ang trabaho. Binuksan niya ang internet browser at pumunta sa isang website. Mula sa sangkatutak na thumbnail, pumili siya ng isang video na panonoorin. Nagsimula ang video sa pares ng lalaking naghahalikan sa likod ng pinto, at doon pa lamang ay napukaw na ang atensyon ni Joshua. Naririnig niya ang mga tunog ng romansa sa paghalik at pagdila, mga tunog na nag-udyok sa kanyang maghubad ng sariling damit. Hinawakan niya ang kanyang titi, saka ipinatong ang isa pang kamay sa likod ng kanyang leeg.

“Joshua?”

Lumingon siya. Nakatayo si Sam sa pintuan ng kanilang kwarto. Sandali silang nagtitigan habang umuungol ang mga lalaki sa screen. Naramdaman ni Joshua ang kahubdan habang tinitingnan siya ng kanyang asawa.

“Bakla ka.” May katiyakan sa pahayag ni Sam. Hindi ito tanong.

Saka lang natauhan si Joshua at itinaas ang kanyang shorts, bagaman naroon pa rin ang bakas ng kanyang libog, “Magpapaliwanag ako.”

Tumayo siya pero wala na si Sam sa pintuan. Lumabas siya sa sala kung saan nagsusuot ng sapatos si Sam.

“Sam.”

Hindi siya pinansin ni Sam kaya lumapit siya. Hinablot ng kanyang asawa ang pinakamalapit na bagay—ang remote ng TV—at ibinato sa mukha niya. Bahagyang nagdilim ang paningin ni Joshua dahil sa sakit. Sunod niyang naramdaman ang malakas na sampal at hampas sa dibdib.

Niloko mo ‘ko!

“Joshua?”

Nagising si Joshua sa kanyang alaala. Tiningnan niya si Karl. Nakatingin ang kaibigan sa kanya, at nagtanong, “Okay ka lang ba?”

Tumango siya. “Pero, a, pwede bang sa susunod na lang tayo…”

“’Di ka ba kumportable?”

“Ano…”

“Nakakunot noo mo.”

“First time ko kasi ‘to.”

“Ah.”

“Gusto ko sana mas handa ako kapag.” Umiwas siya ng tingin. “Sorry.”

Ngumiti si Karl. “Hindi. Okay lang.” Humiga ang kaibigan sa tabi niya, saka inilapat ang ulo sa kanyang balikat. “Hindi naman tayo nagmamadali, ‘di ba?”

“Salamat,” bulong ni Joshua.

Nagising si Joshua na wala si Karl sa tabi niya. Hindi pa sumisikat ang araw, madilim pa ang langit sa labas ng bintana. Bumangon si Joshua at naupo sa gilid ng kama, bahagyang nanginig sa lamig ng gabi. Tiningnan niya ang orasan sa bedside table. Alas tres pa lang, ibig sabihi’y wala pang tatlong oras siyang natulog.

May narinig siyang yapak sa labas ng kwarto. Hinintay niyang bumukas ang pinto at iluwa si Karl, pero hindi dumating ang kaibigan. Alam niyang hindi pa ito umaalis dahil nakasabit sa gilid ng kama ang jacket

ni Karl. Tumungo si Joshua sa aparador at nagpalit ng damit, saka lumabas ng kwarto.

Sinalubong siya ng malalakas na amoy ng sampaguita at kandila sa altar, na para bang nasa sementeryo siya sa Araw ng mga Patay. Kumunot ang noo niya dahil walang apoy ang mga kandila kanina, at hindi niya ito kailanman sinisindihan. Si Sam ang mas relihiyoso sa kanilang dalawa, at siya ang nagpapanatili ng kanilang altar noon.

Tinawag niya si Karl, pero katahimikan ang sumagot sa kanya.

Joshua.

Lumingon siya. Mayroon anino sa isang sulok ng pasilyo, papunta sa sala.

“Karl?”

Gumalaw ang anino palayo. Sumunod si Joshua. Napalunok siya habang naglalakad papunta sa sala. Wala si Karl doon.

Napalundag si Joshua nang may maramdamang humawak sa likod ng leeg niya. Walang tao nang lumingon siya. Lalong lumakas ang amoy ng sampaguita at kandila sa paligid. Nagawi ang tingin niya sa isang maliit na picture frame na nakapatong sa TV stand. Nakita niya ang mas batang bersiyon ng sarili, si Sam, at ang anak nilang si Oliver. Lumapit siya dito. Malalaki ang ngiti nila sa litrato, at napakaganda ni Sam.

Niyakap ni Joshua ang asawa noong araw na nahuli siya ni Sam. Umiiyak si Sam habang bumubulong si Joshua na mahal niya si Sam. Sinusubukan siyang itulak ni Sam palayo pero hindi niya pinakawalan ang asawa. Mahal niya si Sam.

Ilang linggo rin ang lilipas na hindi sila nag-uusap bago magpahayag si Sam ng kagustuhang hiwalayan si Joshua. “Hindi ko kayang makipagrelasyon sa bakla.”

“Hindi ako bakla, Sam.”

“Ano ka? Straight?” Huminga si Joshua. “Bisexual ako, Sam. Silahis.”

Inirapan lang siya ng asawa. “Umamin ka na, Joshua. Bakla ka. Ang tagal mo ‘kong niloko.”

“Sam, alam kong hindi ka maniniwala, pero please, makinig ka.” Ipinaliwanag ni Joshua ang kanyang sekswalidad, na may atraksyong sekswal siya para sa kapareho’t kaibang kasarian. Sinabi niyang bata pa lamang siya’y gano’n na ang nararamdaman niya, pero ‘di siya kailanman nagkalakas ng loob na siyasatin ang atraksyon niya sa mga lalaki dahil takot siya. Pero bagaman mayroong bahagi niya na hindi mapupunan ni Sam, hindi niya kailanman naisip na magtaksil sa asawa.

Pinakinggan naman siya ni Sam, umiirap. Hindi siya nagsalita ng matagal. “Kung talagang mahal mo ‘ko, kailangang patunayan mo.”

Hindi sila naghiwalay, at hindi alam ni Joshua kung paano ba niya patutunayang mahal niya ang asawa. Subalit naging mapagmatyag si Sam, palaging nakatingin sa kanya. Binabantayan siya.

Dumalo sila sa handaan noon para sa binyag ng malayong pinsan ni Joshua. Nakita niya ang mga dating kaklase sa hayskul, mga kabarkadang kasama sa cutting, bulakbol, at kopyahan. Nakipagkuwentuhan siya dahil matagal na ring hindi nagkita. Nakaupo sila sa harap ng isang mesa, at hindi niya namalayang matagal na rin siya roon hanggang sa lumapit si Sam. Ipinakilala niya ang mga kaibigan sa asawa, subalit ngumiti lang si Sam at pasimpleng hinila siya palayo.

Pagdating sa bahay, hindi pa naisasara ang pinto nang harapin siya ni Sam. “Sino ‘yung James? Bakit sobrang lapit ng mukha niyong dalawa kanina? Ang close niyo naman. Ex mo?”

“Sam, kaibigan ko ‘yung mga ‘yon.”

“Kaibigan? Baka kaibigan? Akala ko ba patutunayan mong mahal mo ‘ko.”

“Paano ko pa ba patutunayan, Sam? Ano bang kailangan kong gawin?”

“Kung ayaw mong malaman ng lahat na bakla ka, Joshua, ititigil mo ang pakikipaglandian sa harap ko.”

Noon napagtanto ni Joshua na takot ang asawa sa kanyang sekswalidad. Natatakot si Sam sa kanyang atraksyon sa ibang lalaki.

Sinisi ni Joshua ang sarili sa loob nang maraming taon. Kung umamin lang siya nang mas maaga, siguro’y mas naipaliwanag niya ang sarili sa pinakamamahal. Hindi niya kailanman sinisi si Sam, kahit na ipinahayag niya ang pandidiri sa mga advocate ng same-sex marriage na ininterbyu sa telebisyon, o nang marinig niyang nagpalit ng kasarian ang isang sikat na mangaawit, o nang may lumipat na magkasintahang lesbiana sa katabi nilang apartment unit. Namantsahan ng paghihinala at pagkamuhi ang kanilang pagsasama.

Alam niyang mali, pero malay si Joshua na bahagyang gumaan ang pakiramdam niya nang may tumawag mula sa ospital. Nasagasaan daw si Sam ng malaking trak.

Biglang may malakas na ihip ng hangin mula sa kung saan. Lumingon si Joshua. Nakasara pa ang pinto at mga bintana. Lumakas lalo ang amoy ng sampaguita at kandila, at habang naghahanap ang kanyang mga mata sa paligid, napalitan ito ng baho ng nabubulok na karne at itlog. May gumalaw na anino sa sulok ng sala, subalit nawala ring bigla.

“Karl?”

Joshua.

Lumingon siya at sinalubong ng nanlilisik na mga mata ng isang babae, namumula at halos pumutok na ang ugat ng maputlang-patay niyang balat. Naramdaman ni Joshua ang malalamig na kamay sa kanyang leeg, sinasakal siya. Hindi siya makahinga habang nakatitig sa mga mata ng babaeng parehong pamilyar at estranghero.

Niloko mo ‘ko!

Sinubukan niyang humingi ng tulong pero walang boses na lumalabas sa bibig ni Joshua. Naisip niya si Oliver na iniwan niya sa kanyang nanay para makalaro ang mga pamangkin niyang naroon din. Kung hindi ang martir na pagmamahal niya kay Sam o ang takot niyang mabunyag sa lahat ang sikreto niya, si Oliver ang naging dahilan niya para subuking ayusin ang relasyon nila ng asawa noon. Ipinangako niya sa sarili na magiging matapat siya kay Oliver, na hindi niya itatago ang katotohanan sa sariling anak. Nagpumiglas siya sa ‘di mahawakang entidad na nasa harap niya.

Bumukas ang pinto. Amoy yosi ang hanging umihip mula sa labas.

Dumilat si Joshua. Wala na si Sam. Wala na rin ang mga kamay sa leeg niya.

“Joshua?” Suminghot si Karl. “Ano ‘yung mabaho?”

“Karl,” halos tumakbo si Joshua palapit sa kaibigan. “Sa’n ka galing?”

“D’yan lang, nagyosi. Ano’ng nangyari? Bakit pawis na pawis ka?” Lumapit si Karl sa kanya, bakas ang pag-aalala sa mukha.

“Wala. Okay lang ako.”

“Sigurado ka?”

Tumango si Joshua.

“‘Di ka ba inaantok? Hinanap mo ba ‘ko pagkagising mo? Tara, tulog na ulit tayo.”

“Mauna ka na. Iinom lang ako ng tubig.” Tumango si Karl at pupunta na sana sa kwarto pero pinigilan siya ni Joshua. “A, pwede bang pahiram ng lighter?” Halatang nagtataka si Karl habang iniaabot ang lighter kay Joshua, pero hindi ito nagtanong kung bakit.

Hinintay ni Joshua ang tunog ng isinarang pinto bago sumunod, pero hindi siya dumiretso sa kusina. Pumunta muna siya sa altar sa dulo ng pasilyo.

Patay na ang mga kandila, madilim ang mukha ng batang Hesus, subalit sa kaunting liwanag ng buwan mula sa bintana, nakita ni Joshua ang mga bulaklak. Wala na ang puti’t sariwang kuwintas ng sampaguita—

nabubulok at nangingitim na ang mga ito. Dito nanggagaling ang bulok na amoy na kanina pang sumusulasok sa kanya. Kinuha niya ang mga bulaklak mula sa leeg ng rebulto at hinawakan sa kanyang palad, pinisil-pisil. Nadurog ang mga bulaklak na inipit niya sa pagitan ng mga daliri.

Sa kusina, sinilaban niya ang itim na bulaklak gamit ang lighter ni Joshua sa ibabaw ng lababo. Unti-unting nawala ang amoy ng pagkabulok sa kanyang apartment, kasabay ng pagkain ng apoy sa mga bulaklak na hindi na maaaring tawaging sampaguita.

This article is from: